“Tenshi No Kami- New Year's Pillow Talk”

Isang malambing at matamis na boses ang narinig ni Tadaki, "Tadaki-chan... gising na, kakain na tayo." napagtanto niyang ito ay ang kanyang ina.

Hindi kumibo si Tadaki at nanatiling nakahiga sa kanyang kama. Lumapit naman si Devons at umupo sa kanyang tabi.

Malambing niyang hinimas ang braso ng nagtutulog-tulugan niyang anak, "Anak... gising na, alam mo naman sigurong December 31 ngayon. Nag hihintay si Daddy sa lamesa, kaya tumayo ka na." anito.

Ang December 31 ay mahalaga para sa pamilya Kubo, sa kadahilanang, ito lamang ang tanging araw sa taon na nakakasama nila ang ama ng tahanan sa mahabang oras.

"Do you feel bad because of what Ei said to you last night, Anak?" tanong nito.

Mariin na iginalaw ni Tadaki ang kanyang balikat, dahilan para maalis ang kamay ng ina sa kanyang braso, at muli ay nag patuloy siya sa pagtutulog-tulugan.

Huminga ng malalim ang ina at sinabing, "Huwag mong masamain ang sinabi ni Ei, Tadaki. Naging hysterical lamang ang iyong kapatid dahil sa sakit na nararamdaman niya, kaya't intindihin mo nalang." sambit nito.

Sa wakas ay itinayo na ni Tadaki ang kanyang katawan mula sa higaan.

"Mommy, kumain na tayo." matamlay nitong sabi.

Sabay na bumaba ang mag-ina papunta sa hapag-kainan, kung saan nag hihintay ang ama ng tahanan na si Eisuke.

"Devons, kanina pa akong nag hihintay... Ba't kayo nagtagal?" tanong ni Eisuke.

"Honey, sorry, napuyat kasi si Tadaki kagabi kaya nahirapan akong gisingin siya." tugon ni Devons.

Umupo sa lamesa ang mag-ina, puno ng masasarap at malilinamnam na putahe ang mahaba at magargong lamesa. Tahimik silang kumain na tanging pagkalansing lamang ng kutsara't tinidor sa plato ang maririnig, habang napapaligiran ng apat na kasambahay na handang tugunan at pagsilbihan ang pamilya.

Lumipas ang ilang minuto ay 'di na natiis ni Devons ang katahimikan at nagsimula itong magsalita, "Uhm... Tadaki, napansin ko lang, halos anim na buwan ka nang hindi lumalabas ng bahay para makipag laro sa mga kaibigan mo." aniya.

"What's wrong?" tanong nito.

Umiling lamang si Tadaki at hindi na umimik.

Sunod namang nagsalita ang ama, "Tadaki, ikaw lamang ang natitirang lalaki sa angkan ng Kubo." wika nito.

"Ikaw ang magdadala ng pangalang Kubo para sa susunod at madami pang henerasyon ng ating angkan, tungkulin mong maging malakas at mahusay." sambit nito.

Nagbigay ito ng payo kay Tadaki, "Maari mong sanayin ang sarili mo sa pamamagitan ng paglalaro upang maarawan at mapawisan ka, tutulungan ka rin nitong makipag kuminikasyon sa iba pang tao." anito.

"Ayaw ko." sagot nito habang ngumunguya.

Tumingin ng masama si Eisuke kay Tadaki.

Agad namang namagitan si Devons, "Honey, can we just talk about this later?" sambit nito habang hawak ang kamay ni Eisuke.

"Baka gutom lang si Tadaki ngayon, kaya't nasabi niya iyon." dugtong nito.

"Ayaw ko lumabas at makipag laro." sambit ni Tadaki.

"Isa 'yong katangahan." dagdag pa niya.

Malakas na nagsalita si Eisuke, "Tadaki! Isa kang bastos!" galit na sigaw nito.

"Tanging kahihiyan at pangiinsulto na lamang ba ang ibibigay mo sa angkan ng Kubo, sa pangalan ko?" anito.

"Mas pipiliin mong sayangin at magtago na lamang sa bulok na bahay na ito, imbis na linangin mo ang iyong pisikal at mental na kalakasan sa pamamagitan ng simpleng paglabas ng bahay at paglalaro?" dagdag nito.

Mabilis namang tumugon si Tadaki habang ngumunguya, "Ayaw ko po, Dad." aniya.

"Hindi ko po makakayang sikmurain iyon." aniya sabay lunok sa kanyang nginunguyang pagkain.

"Si Ei... si Ei... araw-araw siyang nilalamig at nasasaktan sa loob ng freezer na 'yon. Kaya't wala akong karapatan bilang kuya na magsaya sa labas habang nahihirapan at nagdudusa ang bunso kong kapatid." sambit nito habang nakatitig sa kanyang plato.

Muling naging tahimik ang lamesa, nagpatuloy sa pagkain si Tadaki, matagal namang nagtitigan ang dalawang mag-asawa bago muling tumuloy sa pagkain.

Ang tahimik na pagkain ng pamilya Kubo ay natapos na sa wakas, sinimulan namang ihanda ng mga katulong ang matatamis na panghimagas.

"Ang sabi ng mga doktor at mga siyentipiko, nalalapit nang matuklasan ang gamot para sa yphosferosis." sambit ni Eisuke.

"Kaunting tiis na lang... magagamot at makakasama niyo na si Ei." dagdag nito.

"Dad... tama na..." pagkontra ni Tadaki.

"Niloloko niyo lang ang sarili niyo. Hindi na gagaling si Ei." sambit nito.

"Pilit niyo lang pinipigil ang tadhanag ibinigay sa kanya ng Diyos, at 'yun ang dahilan kung bakit nasasaktan at nahihirapan siya ngayon!" dagdag pa niya.

Biglang nanlaki at nandilim ang mga mata ni Eisuke, mabilis at nanginginig nitong dinampot ang tinidor gamit ang kaniyang kaliwang kamay at buong pwersa itong binato kay Tadaki. Ngunit, dahil sa likas na pakiramdam ng ina ay mabilis itong nasalo ni Devons gamit ang kaniyang bisig. Ang tinidor ay bumaon sa buto nito, kaya't mabilis na kumilos ang mga katulong upang tulungan ang kanilang amo.

"Aaah! Ang sakit!" sigaw nito habang namumulupot sa sakit.

"Mommy!" nag-aalalang sambit ni Tadaki.

Agad namang nagsalita si Devons habang nilulunasan ang kanyang sugat, "Kayong dalawa... tumigil na kayo!" anito.

"Tadaki, Eisuke... Ngayon lamang ulit tayo nagkasama-sama sa isang hapag-kainan. Hindi niyo ba kayang gawin ito ng mapayapa." aniya.

Tumayo si Eisuke mula sa kanyang kinauupuan at nag wika habang sinusuot ang kanyang uniporme, "Ginagawa ko ang lahat upang manatiling buo ang ating pamilya." wikaw nito.

Nanlisik ang mga mata niya at sinabing, "Kung sa tingin mo ay mali ang pagpigil sa tadhanang ibinigay sa kanya ng Diyos... puwes handa akong maging demonyo." sambit nito bago tuluyang lumisan sa tahanan.

Dumating ang dapit-hapon, ngunit nanatili sa pagkukubli si Tadaki sa kanyang silid. Tahimik at malalim itong nag-iisip habang nakatulala sa kisame at nakikinig sa musika gamit ang kanyang earphones.

Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata at sinabing, "Hintayin mo ako, Ei..." pumatak ang isang pirasong luha mula sa kaliwang mata nito.

Pinunasan niya ang tumulong luha gamit ang kanyang kanang kamay, "Ililigtas ka ni Kuya, promise." wika nito.

December 31, 11:30 ng gabi, ang lahat ay abala para sa darating na bagong taon. Sinubukang kausapin ni Devons ang batang Tadaki upang sumama sa kasiyahan ng mga Royals na ginaganap sa Kyoto prefecture. Ngunit ang bata ay walang pinakikitang sensyales na pagnanais lumabas mula sa kanyang kwarto, kaya't inisip ng ina na ito'y parte lamang ng pagmamaktol nito.

Lumisan si Devons upang dumalo sa kasiyahan dahil parte ito ng kanyang resposibilidad bilang asawa ng isang Royals. Naiwan ang tatlong katulong upang umalalay at magbantay sa dalawang bata.

11:58 pm, nagsimulang umiging ang ingay ng mga paputok at masayang sigawan ng mga tao sa labas ng mansyon. Bumangon si Tadaki mula kanyang higaan habang bitbit ang kanyang unan. Nakayuko at pasuray-suray siyang lumakad na tila ba'y lasing papalabas sa kanyang kwarto, mabigat ang kanyang paghinga, at mabusisi nitong inobserbahan ang kanyang paligid.

Sa pag-oobserba nito'y nakita niya ang mga naatasang katulong na masayang nagdiriwang sa kanilang sala. Sinamantala niya ang sandali, mabilis itong lumakad papunta sa silid na kinalalagyan ni Ei.

Matinding kadiliman ang natatanaw ni Ei, walang kahit anong tunog o liwanag ang pumapasok sa kanyang kinaroroonan. Ngunit, ang hawakan ng pinto ay biglang pumihit at tumunog, dahan-dahan itong bumukas at ang liwanag ay kanyang nang natanaw, ang ingay ng mga paputok ay kanyang ding narinig, siya'y napangiti.

"Kuya..." sambit nito na may mabusilak na ngiti sa kabila ng maputla at kulubot na mukha.

"Kuya... sasamahan... m-mo akong matulog? Tama ba... ako, kuya Tadaki?" wika niya.

"Haha... Finally, makakatabi... k-ko na si kuya." nanginginig ngunit masayang wika nito.

Tumango si Tadaki, "Mhm..." tugon nito.

Inangat ni Tadaki ang hawak nitong unan at sinabing, "Makakatabi na kita, Ei." sambit nito sabay dahan-dahang itinaklob ang unan sa mukha ni Ei.

Unti-unti niyang diniin ang unan hanggang sa ang kanyang kamay at braso ay manginig. Nanlalaban ang ulo ni Ei ngunit ang kanyang kamay mahigpit na naka hawak sa kutsyon ng kanyang kama.

Walang tigil ang pag-agos ng mga luha ni Tadaki habang kinakausap ang kanyang kapatid na nasasakal sa ilalim ng unan, "Happy... birthday and happy new year, Ei." anito.

"I'm sorry, kase... hinayaan ka naming magdusa sa kwartong 'to... sa loob ng dalawang taon." dagdag nito.

"G-gusto ko... gusto naming... makasama at makalaro ka ulit, marinig ang tawa mo, at mayakap ka sa pagtulog mo." pagtatangis ni Tadaki.

"Kaso nga lang... dahil sa kagustuhan naming iyon, ikaw ang nagdusa!" aniya.

"A-a-alam kong mali ang ginagawa ko... kaya pakiusap, Ei." nauutal na wika nito.

"H-hawakan mo ang mukha ko... Para maranasan din ni kuya ang pagdurusang naranasan mo..." ani nito sabay hinga nang malalim.

Sa paghingang malalim ni Tadaki ay siya ring pagsibol ng mga paputok sa kalangitan, siya'y buong lakas nahumiyaw, "Pakiusap!!" sigaw nito.

Ibinataw ni Ei ang kanyang kanang kamay sa kutsyon, napalingon naman dito si Tadaki. Tila ba'y alam at tanggap na ni Tadaki kung ano ang gagawing aksyon ng kanyang kapatid.

Nanginginig na itinaas ni Ei ang kanyang kanang kamao. Inangat niya ang kanyang hinliliit na daliri, ilang sandali ang lumipas ay muli niya itong isinara. Sunod ay sabay niyang inangat ang kanyang hinlalaki at hintuturo, muli ay sinara niya rin ito. At ang panghuli, inangat niya ang kanyang hinliliit at hinlalaki, at muli ay sinara niya ito.

Natulala si Tadaki sa kamay ng kanyang kapatid, hanggang sa unti-unti itong bumagsak sa kama at mamatay. Biglang nanghina ang kanyang katawan at ang kanyang ulo ay lumapag sa unan.

Tumatangis at pahinto-hintong nag wika si Tadaki habang nakahiga sa bangkay ni Ei, "Ei-..."

 

"I-...

Love you-...

Too."

 

(Ang sakit ni Ei na yphosferosis ay nakahahawa lamang kung ang taong nahawahan ay magkakaroon ng pisikal na pakikipag-ugnayan sa ibang tao.)

U-ka Creator