Mabilis ang mga pangyayari matapos ang pagkamatay ni Ei, agad na sinunog ng mga doktor ang kwarto kasama ang bangkay upang mapuksa at mawala ang mga virus o 'di kaya'y parasitikong maari pang kumalat. Hindi manlang nasulyapan ni Devons ang bangkay ng kanyang anak.
Lumipas ang magdamag, nabalitaan ni Eisuke ang pagkamatay ni Ei. Naglugmok ito sa kanyang opisina, walang sinuman ang pinayagang makapasok. Sa loob ng madilim na opisina ay hawak niya ang kanyang maliit na revolver, dahan-dahan niya itong itinutok sa kanyang sintido, at walang anumang takot o pagdadalawang isip, ito'y kanyang pinutok. Kumalat sa pader at bumaha sa sahig ang dugo, siya'y pumanaw nang dilat ang dalawang mata.
Matapos ang lahat ng pangyayari ay nawalan ng kakayahang magsalita si Tadaki at naging madalas ang pagkakaroon nito ng bangungot tuwing oras ng gabi. Kumunsulta sila sa maraming doktor ngunit iisa lamang ang nakikitang dahilan ng mga ito, ang trauma sa pagkamatay ng minamahal niyang kapatid.
Isang taon ang lumipas.
"Tadaki, tulog ka na ba?" tanong Devons habang nakadungaw sa pinto ng kwarto.
Dahan-dahan itong lumapit sa kama, dinampot niya ang kumot at ibinalot ito sa katawan ni Tadaki. Habang inaayos nang ina ang kumot ay may napansin ito.
"Tadaki... bakit ka umiiyak?" tanong nito.
Bumangon si Tadaki sa pagkakahiga at mabilis na niyakap ang ina. Naramdaman niya ang init at kapayapaan sa gitna ng mga braso nito, dahilan upang kumalma at tumigil siya sa pag-iyak.
Malumanay na pinunasan ni Devons ang mga luha sa mata ni Tadaki at tinanong ang dahilan ng pag-iyak nito, "Binangungot ka nanaman ba?" tanong niya.
Umiling si Tadaki habang pinipilit magsalita, "H-h-hindi po, Mommy..." anito.
Nagulat at naging emosyonal si Devons, sa kadahilanang ito ang unang beses na nakapagsalitang muli ng matino si Tadaki sa loob ng mahigit isang taon.
Itinabi ni Tadaki ang buhok na nakalugay sa mukha ni Devons at inilagay ito sa gilid ng tainga nito, "Mo-mommy, umiiyak ka rin..." sambit nito.
Lalong hinigpitan ni Devons ang yakap nito sa kanyang anak, "A-ayos na ang lahat, Tadaki..." sambit niya.
"Hindi kita iiwan... kaya 'wag mo rin akong iiwanan ha." nanlulumong wika nito.
Habang yakap-yakap ang ina ay tumatangis na nagwika si Tadaki, "Mommy..." anito.
"Yes, Tadaki?" tanong ni Devons.
Ibinitaw ni Tadaki ang kanyang mga kamay na nakayakap sa ina at sinabing, "I killed Ei." sambit nito.
Balik sa kasalukuyan.
Ang lahat ay nawala na parang bula sa kanyang pagmulat mula sa mahimbing na pagkatulog. Bumungad sa kanyang harapan si Rigaku, ito'y naka upo sa sahig at siryosong nagkakape habang hawak ang karpetang puno ng mga papel.
(Ang karpeta ay tinatawag din bilang "folder")
Mabusising binibasa ni Rigaku ang mga nakasulat sa papel, "Umm... Ohh!...." anito.
Lumingon siya sa direksyon ni Tadaki upang kausapin ito, "Kaya ka pala lumaking palamya-lamya." aniya.
Dahan-dahan niyang tiniklop ang karpeta, "One year after mamatay ang kapatid at ama mo, nabaliw naman ang iyong ina." anito.
"At simula noon trinato ka niya bilang ang kapatid mo... Bilang isang babae... Bilang si Ei." dugtong nito.
Kahit puno pa ng muta ang mga mata ay mabilis at galit na hinablot ni Tadaki ang mga papel at karpetang hawak ni Rigaku.
Mabigat ang paghinga ni Tadaki at nanlilisik ang mga mata dahil sa inis, "Kahit ikaw ang boss ko, wala kang karapatang halikwatin ang mga pribadong impormasyon tungkol sa akin." sambit nito.
Marahang hinimas ni Rigaku ang pasa sa kanyang leeg habang nagsasalita, "At bilang boss mo, wala kang karapatang sakalin at gahasain ako!" sigaw nito.
Nagulat naman si Tadaki sa binanggit ni Rigaku, "Ehhh?! “Gahasain”?"
"Hahaha! Biro lang, kaibigan, biro lang." humahalakhak na wika ni Rigaku.
"Pero... kailangan mo paring ipaliwanag ang pasa ko sa leeg." dugtong nito.
Nagpaliwanag si Tadaki habang nakayuko, "Pasensya na... pagod ako kahapon kaya't medyo nagkamental breakdown ako. May mga alalang bumalik na matagal ko nang tinatakbuhan." paliwanag nito.
Tumingin si Rigaku kay Tadaki habang nakataas ang mga kilay na tila ba nagsasabing "Tapos?".
"Nakita ko ang mukha ni Ei at ni Daddy sa'yo... natakot ako." dagdag ni Tadaki.
"Kaya mo ako sinakal?" tanong ni Rigaku.
Marahang tumayo si Rigaku mula sa pagkakaupo, "Seems like you have a dark past huh..." sambit nito.
"And I have to respect na hindi mo pwedeng isalaysay ang lahat sa akin." dugtong nito.
Naglakad papalabas ng kwarto Rigaku at nagwika, "Gusto mo ba ng tips para malabanan ang madilim mong nakaraan?" anito.
"Ano?" tanong ni Tadaki.
"Just vibe with it!" tugon ni Rigaku habang masiglang sumasayaw.
Nagwika naman sa isip si Tadaki, "Wala na nga siyang ginagawang tama, wala parin siyang sasabihing tama." aniya.
Muling sumilip si Rigaku sa kwarto, "Oi! Pahiram pala ako ng turtle neck mo." sambit nito.
Sa kabilang banda, sa kulungan kung saan nagpapagaling ang mga nakaligtas sa phase 1 ng Suicide Parade.
Gising na ang malay ni Taro ngunit tila ayaw pa nitong imulat ang kanyang mga mata, pakiramdam niya'y nakahiga siya sa isang napakalambot at komportableng unan. Unti-unting iminulat ni Taro ang talukap ng kanyang mga mata at agad niyang nasilayan ang mukha ni Asami, napagtanto niyang ang kanyang ulo ay nakalapat sa malambot na binti ni Asami.
Ngumiti si Asami, "Good morning..." pagbati niya.
Natataranta sumagot si Taro, "Oh! G-good morning po! B-bakit ka?..." sambit nito.
Agad na sumagot si Asami, "Pinalitan ko lang ang benda mo sa kanang mata." tugon nito.
"Nagising kase ako kaninang madaling araw... Nakita kong puno ng dugo ang kanang mata mo at sobrang lamig din ng temperatura mo kaya nanatili na muna ako sa tabi mo." paliwanag nito.
Tumayo si Asami at lumakad papalapit sa rehas, isinandal niya ang kanyang ulo. Ang kanilang selda ay nanatiling tahimik, ngunit paglipas ng ilang minuto ay bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw na sinundan pa ng madaming sigawan.
"Nagsimula na... nararamdaman na nila ang side effects." sambit ni Asami.
Tinanong ni Taro si Asami, "Uhm... Pwede ko po bang malaman kung anong mga side effects na mararansan ko?" anito.
"Ang mga karaniwang side effects ay twisted muscle tissues, intense pain, hallucinations, mataas na lagnat, pagsusuka ng dugo, at marami pang iba." tugon nito.
Isang nagmamadaling militar ang napadaan sa kanilang selda.
Agad itong tinawag ni Asami, "Uhm... Pwedeng mag tanong" sambit nito.
Hinihingal na lumapit ang militar sa kanilang selda.
"Pwede bang malaman kung ilan lahat ang mga namatay kahapon sa transfusion?" tanong ni Asami.
Agad na sumagot ang militar, "Mahigit anim na libo ang nakilahok sa transfusion dito sa buong Japan. Sa tansya namin ay hindi bababa sa dalawang libo ang namatay." anito.
Si Asami ay nagulat sa sinabi ng militar kaya't ito'y napakapit ng mahigpit sa bakal na rehas.
Inayos ng militar ang kanyang sumbrero at sinabing, "May iba pa ba kayong katanungan? Kung wala na ay ipinapayo kong manatili ka na lamang sa iyong higaan." sambit nito.
Nakahigang tumugon si Taro, "May tanong din po ako!" sigaw nito.
Lumingon ang militar sa direksyon ni Taro.
"Buhay parin po ba si Number 692?" tanong nito
"Hindi ko alam." mabilis na tugon ng militar at nagpatuloy sa kanyang pagtakbo.
Lumakad pabalik sa kanyang higaan si Asami upang umupo at kausapin si Taro, "Kaibigan mo ba si Number 692?" tanong nito.
"Hahaha... Hindi, nakilala ko lang siya kahapon." sagot ni Taro.
"Siya lang kasi ang naka-usap ko sa pila kaya medyo nagaalala ako sa kanya." paliwanag nito.
"Lalo na kapag naalala ko yung nangyari sakin kahapon." dagdag niya.
"Ikaw, ba't mo po tinanong kung ilan ang namatay sa transfusion?" tanong nito.
"Wala lang..." tugon ni Asami.
"Naisip ko lang kung ilan pa kaya ang mamamatay ngayong araw... at sa susunod pang mga araw." dagdag nito.
Lumipas ang ilang sandali, padami ng padami ang mga sumisigaw ng "tulong", "masakit", at "ayaw ko na". Kada segundo at minuto ay walang tigil itong lumalakas na tila ba'y lumalakad papalapit sa kanilang selda.
Mabilis at malakas ang tibok ng puso ni Taro, "A-ano 'to? Bakit pabigat ng pabigat ang pakiramdam ko?!" sambit nito.
Nanginginig siyang nagwika, "Ang sigawan nila... mas nakakatakot kaysa kahapon!" anito.
Biglaang humina ang pandinig ni Taro, ang sigawan ng mga tao ay napalitan sumisitsit na ingay sa kanyang ulo.
Siya'y napatingin kay Asami, "Asami-san! A-anong nangyayari sa iyo?!" sigaw nito.
Nangingisay si Asami sa kanyang higaan, tila ba'y sinasapian ito ng multo. Pilit na itinayo ni Taro ang kanyang katawan mula sa kama upang tulungan si Asami, ngunit, sa kanyang pagtayo ay bigla siyang nahilo, tila ba'y humiwalay ang kanyang ulo sa kanyang katawan at ito'y mabilis na umiikot na para bang gulong hanggang siya'y mahilo.
Pakiramdam niya'y pinipiga ang kanyang katawan hanggang sa ito ay maubusan ng pawis. Ang bawat buto at kasukasuan niya ay binabanat hanggang sa pinaka limitasyon nito.
Ang kanyang mga kalamnan ay nanginginig, wala siyang makita, madinig, maamoy, at magawa. Ang lahat ng iyan ay kanyang tiniis sa loob ng tatlong oras.
Tulala si Taro sa kisame habang ang kaliwang mata niya ay lumuluha ng dugo, "Ito pala ang side effects ng serum, Asami-san." sambit ni Taro.
Ipinikit niya ang kaliwang mata at ang pag-agos ng dugo ay tumigil, "One down... six more." sambit niya.