Ang kaguluhang kinasasangkutan ni Chiruzo at mga sanggano ay patuloy paring nagaganap. Nananatili parin ang kanang kamay ni Chiruzo sa loob ng dibdib ng isang sanggano.
Habang nagaganap ang kaguluhan ay pahirapang nakikipagsiksikan si Enyo at Taro sa gitna ng mga natatarantang tao. Lahat sila ay nasa sulok na bahagi ng malawak na pasilidad upang makalayo sa nag-aamok na si Chiruzo at sa kaawa-awang sanggano. Ang iba sa kanila ay pilit pa ring inaangat ang bakal na pintuan ngunit wala pa rin silang napala. Ang karamihan naman ay tahimik lamang na nakatitig at nakikinig sa mga sinasambit ni Chiruzo.
Taimtim na nag-usap si Taro at Enyo habang nakikipagsiksikan sa gilid ng gusali.
"Grabe... hindi ako makapaniwalang isa Daitenshi ang pulubing 'yan!" sambit ni Enyo.
"Bakit niya ginagawa 'to? Isa siyang daitenshi ngunit walang habas niyang inatake ang isang sibilyan." wika ni Taro.
Bumulong si Enyo sa tainga ni Taro habang nakatitig sa mga nakatayong daitenshi at sundalo sa entablado, "Tsk... higit pa doon ay walang kahit isang sundalo o opisyales ang nais mamagitan." anito.
"Mukhang isa itong pahiwatig..." dugtong ni Enyo.
"Pahiwatig?" tanong ng walang kaide-ideyang binata.
Nanlalaki ang mga mata ni Enyo habang binibigyang liwanag ang binatilyo, "Isang pahiwatig na ang mamang nag-aamok sa gitna ng gusaling ito ay isang miyembro ng organisasyon, isang opisyales, isang heneral." tugon nito.
Malakas na sumigaw si Taro ngunit halos walang nakadinig nito dahil sa mas nangingibabaw ang ingay ng mga natatarantang tao, "Siya yung tinutukoy mo habang nag-usap tayo sa Death Parade?!" sigaw nito.
"I'm not sure, kaunting impormasyon lang ang nakalap ko mula sa aking trusted source. Pero base sa impormasyon, isang brutal at walang awang tao ang heneral na iyon." sambit ni Enyo.
"Wala siyang sinasanto... maging tao man o tenshi, tiyak na katatakutan siya. Isang taong baliw sa karahasan!" dagdag nito.
Patuksong nag wika ni Taro, "Ehhh! Paano mo nasabing takot sa kanya ang mga tenshi? Ibig sabihin siya ang natatanging alas ng sangkatauhan para matapos na ang lahat ng katarantaduhan sa storyang 'to?" anito.
Naiinis na tumugon si Enyo, "Gunggong! Obviously isang hyperbole ang sinabi ko!" sambit nito.
Napahalakhak ang binata at lubos na natuwa dahil sa naging reaksyon ni Enyo, "Hahaha niloloko lang kita, chill..." aniya.
Maya-maya ay nag wika muli si Taro upang tuksuin ang mainiting ulo ni Enyo, "By the way, mukhang legit ka ngang journalist, ang dami mong alam e'." sambit nito.
"Anong sabi mo? Ibig sabihin, all this time hindi ka naniniwala na isa akong journalist?!!" asar na sigaw ni Enyo.
Balik muli sa maluwag na sentro ng gusali.
"HAAAAA?!!!" isterikong sigaw ni Chiruzo sa harap ng mukha ng sanggano.
Nahihirapan at napupuno na ng dugo ang bunganga ng lalaki, ang kanyang paningin ay nagsisimula nang lumabo, at ang kanyang paghinga ay nag-uumpisa nang umimpis. Kanyang napagtanto sa mga oras na iyon, ang lahat ng sinabi ng lalaking kulay pink ang buhok ay tama. Nagsimulang pumasok sa kanyang isipan na ang lahat ng ito ay hindi magaganap kung hindi sinulatan ng kanyang mga kasamahan ang mukha ng natutulog na lalaki, kung hindi siya nagpabida sa harap ng nag-iinit na ulo ni Chiruzo, kung hindi siya nakipagkaibigan sa mga walang kwentang sanggano.
"Eh di sana hindi ako mamamatay." sambit nito sa sarili habang bakas ang bugso ng damdamin at determinasyon sa kanyang mga mata.
Hirap ngunit buong lakas niyang binigkas sa harap ni Chiruzo ang mga numero ng kanyang mga kasamahan.
"T-two... el-e-eleven... at..."
"Mhmm!" sambit ni Chiruzo.
"Ei-eight... f-f-five five... at"
"Eight... f-five... SIX!"
"Silang tatlo ang... nghh! Agh! Sila ang nag sulat sa mukha mo!" hiyaw ng munting sanggano.
Agad namang isinigaw ni Chiruzo ang mga numero, "211, 855, 856!!!" aniya.
"Ibigay n'yo sa'kin ang tatlong ungas na'yon! NGAYON DIIIIN!" sigaw ni Chiruzo.
Samantala, sa likod ng entablado, naubusan na ng pasensya si Lt. Takagi sa mga asal na ipinakikita ng kanilang heneral, "Squad 2 Cpt. Gimbo, wala na tayong sapat na oras para sa ganitong uri ng katarantaduhan, kailangan na niyang tigilan ito upang masimulan na natin ang pagpupulong." wika nito.
"Isa siyang oso, ang Chiruzo na iyong natatanaw ngayon ay isang dambuhalang oso. Tingin mo ba ay magiging madali at matagumapy ang pagpigil sa nagwawalang oso?" wika ni Gimbo.
"Lalong masasayang ang oras at mga tauhan natin kung pipigilan natin siya." dugtong pa nito.
Sa puntong iyon ay lalong tumindi ang takot na nararamdaman ng bawat tao sa loob ng headquarters. Alam nila, alam nilang tanging kamatayan lamang ang maghihintay sa kanila kung hindi nila susundin ang kagustuhan ng galit na si Chiruzo.
Ang mga daitenshi ay nahahati sa dalawang klase; ang una ay ang "Class A". Ito ay maituturing bilang karaniwang klase ng mga daitenshi mula sa heneral hanggang sa pinaka mababang ranggo. Ang lakas ng isang class A ay nakadepende parin sa pisikal o normal na kalakasan ng isang indibidwal. May kakayahan silang kontrolin ang kapiranggot o maliit na parte ng kanilang tenshi skin (halimbawa nito ay ang ginawang pag-angat ng tenshi skin ni Hosoo sa kanyang bunganga upang malaya niyang makagat ang tali mula sa helicopter habang nakikipaglaban sa mga tenshi). Ang panghuli, kinakailangan nilang maturukan ng tinatawag na catalyst sa parehong bahagi kung saan unang itinurok ang serum sa kanilang katawan upang lumabas at magamit nila ang kanilang tenshi skin.
Ang pangalawang klase ay ang "Class Z", isang bukod tanging klase ng daitenshi sa kadahilanang kakaunti lamang ang nabibilang dito. Ang lakas ng mga class Z ay nakadepende kung hanggang saan ang limitasyon ng kanilang pagkatao. Sila ay may kakayahang kontrolin ang bawat piraso ng kanilang tenshi skin sa kahit anong oras kaya't kaya nila itong gamitin ayon sa kanilang kagustuhan nang walang tulong ng catalyst.
Gaya ng nasabi, ang kanilang lakas ay nakadepende sa kung hanggang saan ang kaya o ang limitasyon ng kanilang pagkatao, ngunit paano kaya kung ang isang tao ay malagpasan ang kanyang pagkatao? Maituturing parin ba siyang miyembro ng sangkatauhan?
Balik sa kasalukuyan.
Alam na nang mga tao ang kanilang dapat gawin, wala silang kakayahang labanan ang isang taong kayang maging halimaw sa kahit anong oras na kanyang naisin."Isang class Z! Kahit saang anggulo tignan, wala tayong ibang pagpipilian kundi sundin ang kautusan ng isang halimaw upang manatili tayong buhay." ito ang nasa isip ng bawat tao sa loob ng gusali, kasama na rito si Taro at Enyo.
Hanapin! Hulihin! At ialay ang kanilang katawan, ang lahat ay nagkaisa sa paghahanap. Tahimik at organisado nilang tinignan ang numero ng bawat isa, kung sino man ang kahina-hinala o ang umangal ay walang pagdadalawang isip na bibitbitin sa harap ng halimaw. Isang saglit lamang ay matagumpay nilang nahanap ang tatlo. Ang bawat isa ay umiiyak, sumisigaw, nagdadahilan at nagmamakaawa kay Chiruzo habang nakasubsob ang kanilang pisngi sa maduming sahig.
"Pakiusap... PATAYIN MO SILAAAA!!!" malakas na hiyaw ng sanggano para sa kanyang huling salita.
Mabilis na hinugot ni Chiruzo ang kanyang kamay mula sa dibdib ng sanggano habang daladala ang tumitibok pang puso nito. Sa wakas, ang mga dugo ay malaya nang sumirit at umagos papunta sa sahig upang matuyo sa paglipas ng panahon. Wisik, wisik, ang mga dugo ay tumitilansik sabay sa paglakad ni Chiruzo papunta sa direksyon ng tatlong umiiyak at nagmamakaawang lalaki. Sa paglakad ni Chiruzo ay tuluyan niya ibinalot ang tenshi skin sa dalawa niyang braso.
"WRAAAAGHHH!" ang nakabibinging sigaw ni Chiruzo na maririnig lamang sa digmaan tuwing siya'y nawawala sa katinuan ay binulabog ang buong pasilidad.
Nag-unat ng ulo si Gimbo at unti-unting lumakad papunta sa harap ng entablado, "Hay nako... mas maigi sigurong simulan na natin ang meeting ngayon. Ang mga tenshi ay hindi mag hihintay para sa ating paghahanda, kailangan na nating kumilos kung ayaw nating malintikan." wika nito.
Agad na nagsalubong ang dalawang kilay ni Takeo, "Iyan ang nais kong ipaintindi sa'yo simula pa kanina." sambit nito.
Dinakot ni Chiruzo ang likudang bahagi ng ulo ni number 855 at inangat ito mula sa pagkakaluhod.
Ipinakita ni Chiruzo ang pusong bitbit niya sa kanang kamay, "Kainin mo 'to kung nais mo pang mabuhay." sambit nito.
Patuloy na nagmakaawa ang lalaki habang umaagos ang mga luha sa kanyang mga mata para sa kanyang buhay, "Patawad, patawad, patawad! Pakiusap, ayaw ko pang mamatay. Ha-handa akong pagsilbihan ka sa buong buhay ko, pakiusap huwa-" biglang napuno ang kanyang bibig.
Isinubo ni Chiruzo ang buong pusong hawak niya sa kanyang kanang kamay papunta sa bibig ni number 855. Hindi pa siya nakuntento o nasiyahan, isinagad niya ito hanggang sa lalamunan, ang lalamunan ay lumawak. Sumipa nang sumipa ang lalaki, pilit itong nagpupumiglas mula sa nakasusukang sitwasyon.
"Huhhh? Hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko kainin ang pusong bitbit ko, wala akong sinabing magmakaawa ka." bulong ni Chiruzo sa lalaki.
Ngunit hindi pa rin siya nakuntento o nasiyahan, pilit niyang itinulak ang puso gamit ang kanyang hinggigitna. Muli niya itong tinulak papunta sa kaloob-looban ng tiyan hanggang sa ang bibig ng lalaki ay mapuno ng kanyang bisig. Unti-unting namatay ang lalaki dahil sa kawalan ng kakayahang makahinga.
Nanlaki ang kaliwang mata ni Taro at bigla niyang naramdaman ang pagbaliktad ng kanyang sikmura. Walang laman ang kanyang tiyan na kahit anong pagkain, kaya't walang tigil siyang sumuka ng laway dahil sa kanyang nasaksihan. Gano'n din naman ang naging reaksyon ng karamihan.
Dahan-dahang hinugot ni Chiruzo ang kanyang kamay mula sa bibig ng wala nang buhay na lalaki.
"Too bad... namatay ka para sa iyong buhay." sambit ni Chiruzo.
Muli siyang lumakad papalapit sa dalawa pang natitira. Si number 211 at 856 ay tulala at wala naring kakayahang lumakad o manglaban man lang dahil sa lubos na takot, tanging pag-iyak lamang ang kanilang nagagawa.
Mariing hinawakan ni Chiruzo ang ulo ng dalawang lalaki, hinimas-himas niya ito at siya'y nagwika, "Ako ay isang karespe-respetong tao, lahat silay ay may takot at magalang sa akin." anito.
"Nagkamali kayo ng tinarantadong tao, bata." dugtong pa niya.
Matapos magsalita ni Chiruzo ay agad niyang pinagsalpok ang ulo ng dalawang lalaki. Walang tigil, pauli-ulit niya pinag-uuntog ang kanilang ulo sa isa't-isa. Sa bawat pag salpok ay pira-pirasong nababasag ang kanilang bungo, tumatalsik ang mga dugo at nadudurog ang kanilang utak. Walang imik at brutal silang namatay habang nasasaksihan ng lahat kung ano ang kayang gawin ng baliw na si Chiruzo.