Hindi pa man sumisikat ang haring araw ngunit ang kulungan na nagsilbing observation facility ay ginising ng nakabibinging sigawan, ang lahat ng doktor at nurse ay nagmamadali at natataranta sa pag-aasikaso sa bawat pasyente. Mabilis silang nagtatakbuhan papunta sa bawat selda upang bigyan ang mga ito ng anesthesia at gamutin ang mga sugat o 'di kaya'y fracture na natatamo ng bawat pasyente.
"Doc! Hindi na humihinga si No. 185!" hinihingal na wika ng isang nurse.
"Anong gagawin ko, Doc?" tanong nito.
Agad na sumagot ang pagod na doktor, "Hayaan mo na! Wala na tayong magagawa! Priority natin ang mga taong mas malaking ang porsyentong makaligtas." tugon nito.
"Kaya kumilos ka na at tulungan mo ang iba pang pasyente!" dugtong pa nito.
"Masusunod po!" sambit ng nurse.
Ang paningin ni Taro ay malabo at ang tanging na-aaninag lamang nito ay ang ilaw mula sa kisame. Sa kabila ng malakas na sigawan ay nadinig ni Taro ang pagsuka at pag-ungol ni Asami dahil sa matinding sakit ng katawan. Pilit na inililingon ni Taro ang kanyang ulo ngunit hindi niya makontrol ito. Siya'y hindi makagalaw at makahinga ng maayos, pakiramdam niya'y nakalibing siya sa isang masikip na kabaong.
Mabigat at malalim ang paghinga ni Taro ngunit pilit itong sumigaw, "Asami-san... anong nangyayari sa'yo?!" tanong nito.
Hindi tumugon si Asami at nagpatuloy ito sa pag-inda ng kanyang nararamdaman.
"Doc! Doc! Tulong!" sigaw ni Taro.
Unti-unting tumulo ang dugo mula sa benda ng kanang mata ni Taro at siya'y nagwika, "Si Number 689..."
"... paki-usap, tulungan n'yo siya." dugtong nito.
Sa Yokohama kung saan nakatayo ang Headquarters 1.
Si Rigaku ay kalmadong nakasandal sa bakod ng balkonahe habang nag-uunat ng katawan at naririnig ang matinding sigaw ng mga nagdudusa niyang kababayan sa ospital, "Wow... ito ang tinatawag kong good morning!" sambit nito.
"President, this is not the right time to spit that kind of a joke!" wika ni Tadaki.
"Lahat sila ay nakakaramdam ng matinding sakit dahil nagsisimula nang mag adjust ang kanilang katawan sa cell na inilagay sa kanila" pagpapaliwanag ni Tadaki.
"Alam na alam mo naman 'yon, 'di ba?" dugtong nito.
Humagikhik lamang si Rigaku at hindi na umimik pang muli.
Lumapit ang isang misteryosong lalaki sa kinatatayuan nila Rigaku at Tadaki, "Good morning, Tengoku President Rigaku Iekami." pagbati nito na may makapal at nakasisindak na boses.
"Huh... Good morning, sino ka?" nagtatakang sambit ni Rigaku.
Napangalumbaba si Rigaku sa pag-iisip, "Ikaw ba yung usap-usapang bagong heneral sa Hokaido na nag mula pa raw sa Tanzania?" paghihinuha nito.
"Tama po ang inyong palagay, Tengoku President." tugon ng heneral.
Mabusising tinitigan ni Rigaku ang misteryosong heneral mula sa ulo hanggang paa, "Hindi ka naman mukhang Tanzanian, mas mukha kang Japanese." sambit nito.
"Iyon ay dahil isa akong Japanese, Sir." tugon ng heneral.
"11 years ago, ipinadala ako ng dating Tengoku President Touma Morimoto upang pamunuan ang Tengoku Organization sa Tanzania." pagpapaliwanag ng heneral.
"Ohhh, I see... Ano naman ang pakay mo at naglakbay ka pa mula sa Hokaido papunta dito sa Yokohama?" tanong ni Rigaku.
Agad itong tumugon, "Nais ko lamang pong i-anunsyo sa inyo ang aking pagriritiro." anito.
Dahan-dahang lumapit si Rigaku sa mukha ng heneral, "Ayaw ko, hindi ko tinatanggap ang iyong pagriritiro." anito.
"C'mon man! Halos hindi mo pa nasisimulang pamunuan ang HQ 6 ng Hokaido." sambit Rigaku.
Bakas sa mukha ng heneral ang pagkadismaya sa sinabi ni Rigaku, "Ngunit President Iekami-".
Muling lumakad si Rigaku pabalik sa bakod ng balkonahe, "Alam ko, alam ko... Sobrang tagal mo nang nag seserbisyo para sa Tengoku Organization sa bansang Tanzania." aniya.
Tinanaw ni Rigaku ang paangat na araw, "Handa naman akong tanggapin ang iyong pagriritiro, ngunit nag-iba na ang sitwasyon." wika nito.
Dinukot ni Rigaku ang tabako mula sa kanyang bulsa at lumapit si Tadaki upang ito'y sindihan, "Nabalitaan mo naman siguro ang mga nangyari nitong nakaraang lingo lang." anito.
"Hindi biro ang mga ginawa mo para sa Tanzania. Base sa mga report na natanggap ko, isa ang bansang Tanzania kung saan pinaka agresibong sumugod ang mga Tenshi." wika nito habang hinihigop ang usok ng tabako.
"Ngunit gayun pa man, nagawa mo itong protektahan sa loob ng labing-isang-taon." dagdag pa nito
Ibinuga ni Rigaku ang makapal na usok sa kanyang bibig, "Kinakailangan namin ang heneral na gaya mo upang mabawi ang Northern Japan." sambit nito.
"Hay nako... Bwiset na organisasyon 'to oh, ayaw n'yo talaga akong tigilan." bugtong hininga ng heneral.
Napahalakhak si Rigaku sa naging reaksyon ng misteryosong heneral, "Pasensya ka na, natatakot kasi ang ating Prime Minister kapag nabalitaan ito ng mga Royals." anito.
"Mahalaga ang mga Royals para sa Royal Government of Japan at Tengoku Organization." dagdag pa nito.
Lumapit din at sumandal ang heneral sa bakod ng balkonahe at nagwika na tila ba'y pilosopo, "Royals, Royals, Royals, ang mga pinaka duwag na nilalang sa mundo."
"Sila ay takot masaktan, takot mamatay, takot sa realidad na totoo ang katapusan kaya naman sinuportahan nila ang organisasyong kaya silang ikubli sa hindi maiiwasang pagkalipol." sambit nito.
Lumakas ang simoy ng hangin at ang kanilang buhok ay namayagpag na para bang watawat, "Ganun din ang Tengoku Organization at iba pang organisasyon at alyansa gaya nalang ng EDEN." dugtong ng heneral.
"You all clung to your fear and introduced it to the people as a “light of hope”. But in the end, everything will end... in a most brutal way." wika nito.
Natutuwang tumugon si Rigaku, "Anong nangyari sa'yo, Heneral? Sinapian ka ba ng multiverse version ni Aristotle?" pabirong tanong nito.
"Simple lang naman ang gusto kong sabihin sa'yo, Tengoku President." sambit ng heneral.
Ang heneral ay nagsimulang lumakad paalis habang sinasalubong ang malakas na hangin, "Hofu iliokoa wanadamu kutoka kwa kutoweka... kutoka ya saba kutoweka, sasa tutalishughulikia tena kama la nane." dugtong nito.
Hindi naintindihan ni Rigaku ang sinambit ng heneral kaya't agad itong lumingon kay Tadaki, "A-ano raw? Naintihan mo ba yung sinabi niya, Tadaki?" tanong nito.
"Hindi po, President." tugon ni Tadaki.
(Ang sinabi ng heneral ay mula sa lengwaheng Swahili sa Tanzania na nangangahulugan sa lengwaheng Ingles na “Fear saved humanity from extinction... from the seventh extinction, now we will face it again as the eighth.”)
Walong oras ang lumipas sa kulungan ng Hokaido.
Ang kapaligiran ay nagsimulang tumahimik at ang sigawan ng mga tao ay napalitan nang yapak ng mga doktor. Pagod man ang mga ito ay pilit parin nilang inilibing ang mga yumaong pasyente dahil kung hahayaan nilang mabulok ang mga bangkay ay maaaring magsanhi ito ng pagkalat ng yphosferosis sa pasilidad.
Bumuti na ang pakiramdam ni Taro at nagsimula nang bumalik ang kanyang paningin at kontrol sa sarili. Agad niyang sinilip ang kalagayan ni Asami.
"Asami-san, ayos ka lang ba?" tanong nito.
Hindi ito umimik ngunit kapansin-pansin ang matinding panginginig ng katawan nito. Mahina parin ang mga kasukasuan ni Taro kaya't hindi siya makatayo upang matulungan si Asami.
Ang tanging pag-asa lamang nila ay ang tulong ng mga doktor... ngunit walang dumating, lumipas ang isang buong araw ngunit walang kahit isang dumating. Sa kabila noon ay tinibayan ni Keitaro ang kanyang mentalidad at kanyang inisip na lilipas din ang lahat at mararanasan niyang mabuhay ng mapayapa.
"Matatapos din ang lahat ng ito... Tibayan mo lamang ang iyong sarili, para narin sa pamilya mong naghihintay sayo, Asami-san." sambit ni Taro.
Biglang napaisip si Taro at kinuha ang isang kwintas sa kanyang bulsa, ang kwintas ay may magargong disenyo at makintab ngunit may basag na kulay itim na hiyas sa gitna. Matagal niya itong tinitigan habang may matamis na ngiti sa labi.
"Damn... I miss you 'nay." bulong nito.