“Tenshi No Kami- Urusai, Ei”
Binubulabog ng nakaraan ang utak ni Tadaki. Walang humpay ang kanyang pag-iyak habang nakaupo sa kadiliman na handog ng kanyang isipan.
"Pa-patawad... patawarin n'yo ako... patawarin mo'ko..." humihikbing bulong ni Tadaki.
Natatanaw niya ang imahe ng isang batang babae sa madilim na paligid. Ito'y tila punding ilaw na lumilitaw papalapit sa kanyang harapan.
"Patawad, patawad, patawad... patawarin mo ako..." walang tigil nitong paghingi ng kapatawaran.
Ang imahe ng batang babae ay tuluyang lumapit sa kanyang harapan, "Bakit, kuya?" tanong nito.
Dahan-dahan namang inangat ni Tadaki ang kanyang ulo, siya'y matagal tumitig sa imahe at sinabing, "Ei?...".
Hindi napigil ni Tadaki ang kanyang emosyon at siya'y humagulgol nang parang bata.
Lumipas ang pitong oras, alas kuwatro ng madaling araw.
Ang nalasing na si Rigaku ay nagising na mula pagkakahimbing. Agad niyang nakita si Tadaki na paupong nakatulog sa gilid ng kwarto kaya't binalutan niya ito ng kumot.
Dumiretsyo siya sa C.R. upang maghilamos, ngunit agad niyang napansin ang pasa sa kanyang leeg. Matagal niyang tinitigan at hinimas ang pasa upang masiguradong totoo ang kanyang nakikita.
"Ano bang nangyari kahapon... 'wag mong sabihing ni rape ako ni Tadaki." pabirong sabi nito.
Sa kabilang banda, patuloy ang pagtulog ni Tadaki, tila ba'y dinalaw siya kanyang nakaraan sa pamamagitan ng panaginip.
Ang pamilya Kubo, isa sa mga pinaka tanyag at marangal na Royal Family, dahil sa malugod nilang paglilingkod sa bansang Japan sa loob ng sampung dekada. Ito ang pamilyang kinagisnan ni Tadaki, isang buhay na puno ng karangyaan at kaginhawaan kasama ang pinaka mamahal niyang sampung taong kapatid na nagngangalang Ei.
Maingat at maayos silang pinalaki ng kanilang maalagaing inang si Devons. Si Devons ay nagmula sa bansang Ireland ngunit lumaki sa Japan. Si Eisuke, ang ama ni Tadaki, ay isang natural na miyembro ng Royals dahil sa kanyang pinagmulan na angkan. Sa edad lamang na disiotso ay nagsimula na siyang mag lingkod bilang sundalo ng Japan.
Hindi naglaon ay naging isang abalang ama si Eisuke dahil siya'y naging heneral ng isang headquarters. Sa kadahilanang iyon ay naging malapit sa ina at babaeng kapatid si Tadaki, naging mahinhin na lalaki ito, bukod pa doon ay nahiligan o napusuan niya ang pagdidisenyo o pagtatahi ng mga damit.
Habang unti-unting lumalawak ang mundo ni Tadaki sa loob ng labing dalawang taon na pamumuhay sa daigdig ay kabaligtaran nito ang kay Ei. Ang kanyang kapatid ay nagkaroon ng isang pambihirang parasitic disease na tinatawag bilang "yphosferosis" sa edad lamang na walong taon. Ang sakit na ito ay nagmula sa patay at nabubulok na katawan ng mga Tenshi, ito'y kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng mga insektong lumilipad gaya ng lamok.
(Ang "yphosferosis" ay nagmula sa griyegong salitang "yposfero" na nangangahulugang "suffer" sa wikang ingles.)
Sa oras na madapuan ang tao ng insektong may dalang yphosferosis ay mabilis nitong sasakupin ang buong katawan ng biktima. Sa kabila ng mabilis na pagsakop ay dahan-dahan at unti-unti naman nilang kakainin ang lamang loob ng tao.
Hindi nila wawakasan ang buhay ng biktima sa lalong mabilis na panahon. Ipaparamdam nito ang matinding kirot at hapdi sa loob ng mahabang panahon, hanggang sa dumating sa punto na piliin ng biktima ang wakasan ang sarili niyang buhay.
Ang sakit na ito ay nakakahawa at walang kahit anong lunas, ngunit kung ang biktima ay ilalagay sa isang malamig na lugar ay mapapabagal ang pagkilos ng mga parasitiko. Isang araw ay nagpresenta si Tadaki upang linisin ang silid na kinalalagyan ni Ei.
Ang silid na iyon ay may napakalamig na temperatura kaya't balot na balot ang katawan ni Tadaki habang naka mask at guwantes. Magalak na naglinis ang batang Tadaki, nag punas ng sahig, nag punas ng pigurin, at nag pulot ng mga basura. Matapos maglinis ay umupo siya sa tabi ng kama.
"Kuya... ayos ka lang ba? Mukang... napagod ka." pilit at nahihirapang sambit ni Ei.
Malambing namang tumugon si Tadaki, "Ayos lang ako, ayos lang..." aniya.
"Mabuti... naman kung gano'n..." sambit ni Ei.
"Ei, eleventh birthday mo sa susunod na araw, hindi ba?" tanong ni Tadaki.
Tumango naman si Ei, dahilan para mapangiti si Tadaki.
"Bakit, Kuya?" nagtaka si Ei sa pagngiti ng kanyang kapatid.
"Ano ba ang ginagawa kapag may birthday? Syempre dapat may regalo!" buong siglang wika ni Tadaki.
"Ohhh! May... regalo ka sa'kin, Kuya?" nakangiting sambit ni Ei.
Magalak na tumango si Tadaki at mabilis na kinuha ang bag. Dinukot niya sa bag ang isang damit na gawa sa pinagdugtong-dugtong na papel at tela.
"Advance happy birthday, Ei!" pagbati niya.
Biglang naging malamya ang tono ng pagsasalita ni Ei, "Wow... gawa sa papel... ang galing mo talaga, Kuya." anito.
Napansin ni Tadaki sa mata ni Ei na tila nadismaya ang kapatid sa kanyang regalo.
Napayuko at nanlumo ang tingin sa mga mata ni Tadaki, "Uhm... patawad, Ei." aniya.
"Ayaw kasi akong payagan ni mommy na magtahi ng totoong tela dahil baka masugatan ako." katwiran nito.
"Susubukan ko ulit pilitin si mommy, baka payagan na niya ako ngayon." dagdag nito.
"Hindi sa gano'n, Kuya. Nagustuhan at natuwa ako sa regalo mo, pero iba ang gusto ko." ani ni Ei.
Muli namang nagbalik ang ngiti sa mukha ni Tadaki, "Ano ang gusto mo?" tanong nito.
"I feel lonely, Kuya, lalo na sa gabi..." tugon ni Ei.
"Na-miss ko lang yung panahon na magkatabi tayong natutulog kapag birthday ko." dagdag pa nito.
"Sabay tayong kumakain ng popcorn sa higaan, pagkatapos kumain ay mag hahampasan naman tayo ng unan, at ang huli ay yayakapin mo ako habang natutulog." nakangiting pagsasalaysay nito.
Matapos marinig ang mga sinambit ng kapatid ay nagbalik muli ang panglulumo na mababakas sa kanyang mata, "Ahhh, gano'n ba... Hayaan mo, iyon na lang ang ipapaalam ko kay mommy... naintindihan mo ba, Ei?" sambit ni Tadaki.
Malungkot na lumabas si Tadaki sa kwarto, nakaramdam siya ng kapanglawan dahil alam niya na malabong maibalik ang nakaraan at matupad ang gusto ng kanyang kapatid.
Kalagitnaan ng gabi, ngunit hindi siya makatulog. Magdamag na humagulgol at nagsisigaw si Ei, bagaman hindi na bago ang ganitong kaganapan ay nataranta parin ang pamilya, mga katulong, at mga doktor.
"Masama ito, halos kalahati na ng katawan ni Ei ang nakakain ng yphosferosis, at lalo pa itong lumalawak ngayon." ani ng doktor
"Dagdagan niyo ang lamig ng temperatura, ngayon din!" sambit ng ina ni Tadaki.
"Pero, Mrs. Devons, baka mamatay po ang anak ninyo dahil sa hypothermia!" wika ng doktor.
"Kaya niya 'yan... 'di ba, Ei, mahal ko." sambit ni Devons habang malungkot na hinihimas ang kulubot na mukha ng anak.
"Hindi ka pwedeng mamatay... hindi ako papayag, hindi kami papayag. Para sa amin, Ei, mabuhay ka." dagdag nito.
Patuloy ang pagsigaw ni Ei na tila ba nawawala na sa katinuan. Dahil sa pag-aalala ay hindi napigilan ni Tadaki na silipin ang kapatid.
Marahan siyang dumungaw sa pintuan at nakita niya ang pagdudusa ni Ei. Nakatali sa kama ang dalawang kamay at paa nito, nangingitim ang balat, nag susuka, nagwawala, at tumatangis dahil sa sakit na nararamdaman, dahilan para maging emosyonal ang batang Tadaki. Habang nagwawala ay napalingon si Ei sa pintuan at natanaw niya ang umiiyak na kapatid.
Nanginginig na tumitig si Ei sa mata ng nakatatandang kapatid, at sinabing, "Ku-kuya..." anito.
Lalong nag-panic si Ei at mas naging bayolente ang pagwawala nito, "Kuya! Kuya! Kuya!..." walang tigil nitong sigaw.
Halos mabali ang buto nito dahil sa pagpupumilit na umalis sa higaan habang pasigaw na tinatanong ang kanyan kuya, "Bakit ka umiiyak?! Nasasaktan ka rin ba?!" tanong niya habang umaagos ang kanyang mga luha.
"Ako rin... araw at gabi, dahan-dahan nila akong kinakain, Kuya!" dagdag pa nito.
Buong pwersa niyang iniling ang kanyang ulo at sinabing, "Hindi ko na kaya! Hindi ko na kaya! Pwede bang ikaw naman? Pwede ba?!" ang mga salitang iyon ay tumatak sa utak ni Tadaki.
Agad na isinara ng mga doktor ang pinto upang hindi ito masaksihan ni Tadaki. Bagaman naisara na ang pinto ay naririnig parin niya ang sigaw ng kapatid.
"Patayin mo nalang ako kung ayaw mo akong palitan! Pakiusap... Kuya!!!" nakapangingilabot na sigaw nito.
Tila ba sumuko na ang kaawa-awang bata sa loob ng dalawang taon ng pagdudusa sa sakit at pagkakakulong sa malamig na kwarto. Madiin na ipinikit ni Tadaki ang kanyang mga mata habang naririndi at nasasaktan sa sigaw ni Ei.
Umiging na tila tunog ng pito ang mga sinambit ni Ei sa tainga ni Tadaki, kaya naman mariin niyang tinakpan ang mga ito gamit ang dalawang kamay, "Shhh... Ei, tama na..." nanlulumong sambit nito.
Nanlalaki at nanginginig ang mga munting mata ng batang Tadaki, hindi niya mapigilan ang kanyang pagluha. Nakaramdam siya ng kirot sa puso at isipan habang umuugong ang mga sinambit ng kanyang kapatid. Walang tigil siyang bumulong habang nakatitig at nakaupo sa malamig na sahig.
"Tahimik, tahimik, tahimik, tahimik..." taimtim na bulong nito.
"Tumahimik ka!!!" malakas na sigaw nito, dahilan upang tumigil ang mala-pitong ingay sa kanyang tainga.
Ang istorya sa likod ng bangungot na pilit kinakalimutan ni Tadaki sa loob ng 15 years ay bibigyan na nang linaw.