Crossover Chapter

IRIS: The Girl From The Flower Shop X Dungeon Zero X Lord Korumples and His Angels

Cameo ng ibang character mula sa ibang series ng mga kasama ko sa Owl Tribe.

***

MABILIS na tumatakbo si Iris sa masukal na kagubatan na tila may tinatakasang panganib. Makulimlim at napapalibutan ng hamog ang buong paligid. Nakakita siya ng maliit na kubo ‘di kalayuan, kanya itong pinasok nang walang pag-aalinlangan.

Hinihingal siyang napahawak sa kanyang dibdib. “Hindi ko akalaing ma-e-encounter ko talaga ang mga nilalang na iyon.” Biglang gumuhit ang nakakalokong ngiti sa kanyang labi. “Pero in fairness, I really—really like it,” mahina at walang buhay niyang sabi sa sarili. Nagkubli siya sa dingding ng kubo habang nakasilip ang mga mata sa bukas na bintana sa gilid.

Umihip ang malakas na hangin, rinig na rinig ito sa pagkaluskos ng mga sanga ng punong kahoy. Lumalamig ang buong paligid kasabay ang lalong pagkapal ng maitim na ulap sa kalangitan. Tuluyan na ngang bumagsak ang malakas na ulan mula sa mabigat at itim na ulap. Dahil gawa sa pinagtagpi-tagping kawayan at dahon ng niyog ang bubong nito, kaagad tumulo ang tubig sa loob.

“Kailangan ko nang makaalis dito, pero paano?” tanong ni Iris sa kanyang isipan.

Maya-maya nang makarinig nang malakas na putok si Iris, sunod-sunod na pagratrat ng Armalite gun malapit sa pinagtataguan niyang kubo. Maingat na lumabas si Iris, nagtago siya sa likod ng malaking puno saka sinipat ang paligid.

“Tatadtarin ko kayo mga zombie!!!”

Rinig ni Iris ang pagsigaw ng babae na sa tingin niya ay nagpapaputok ng Armalite. Dahil sa ingay na iyon nakaagaw ito ng atensyon sa marami pang mga zombie. Dumagsa na parang a-attend ng rock ‘n roll concert ang mga zombie sa direksyon ng babaeng may hawak ng Armalite. Kaagad narinig ni Iris ang mabilis na yabag ng pagtakbo papalapit sa kinaroroonan niya.

Grrrggghhh!

Hayok na hayok ang mga zombie, trip na trip na talaga nilang kumagat ng tao. Mabaho ang amoy nila’t agnas ang iba’t ibang parte ng katawan. Katulad sa mga pelikula para maging zombie, kailangan mo munang ma-zombie bite para ma-infect ka at maka-join sa grupo nila.

“Awat na, Maine!” Hawak ng babaeng may itim at mahabang buhok ang mukhang batang babae sa kanyang red scarf. Parang kinakaladkad niya ito habang nakahawak ang babaeng may pulang buhok at nakasalamin sa kanyang Armalite.

“Akong bahala sa kanila, hindi sila sasantuhin nitong baby Armalite AR-15 ko!”

“Hay naku! Tingnan mo nga ang ginawa mo!” Tumatakbong nakalingon ang babaeng may long and purple hair sa mga humahabol sa kanila. “Dahil sa ingay niyang baby mo—muntik na tayong maging zombie angels!”

“Hayun! May kubo roon!” Kaagad namang nakita ng babaeng may itim na buhok ang kubo.

Nang mapansin ni Iris na malapit na ang tatlong babaeng pare-parehong may mahabang buhok, sexy outfit at mukhang galing sa ibang series ng Webkom ay kaagad niya itong sinitsitan.

“Psst! Psst! Psst!”

Nakuha naman ni Iris ang atensyong ng tatlo.

“May naririnig ba kayong sumisitsit?” takang tanong ng babaeng may purple hair na mukhang leader ng grupo.

“Oo may narinig ako!” sagot naman ng babaeng may itim na buhok na mukhang assassin sa nakasukbit na kutsilyo sa magkabilang hita niya.

“Sa bandang puno!” Turo naman ng babaeng may pulang buhok na mukhang nene pero adik pala sa pamamaril.

“Hey! Dito!” Sumilip si Iris mula sa likod ng puno. “Lapit mga kaibigan at makinig kayo,” bulong niya habang pumapatak ang malakas na ulan.

Biglang kumulog at kumidlat. Dahil sa ingay na ginawa nito, nahinto sa paghabol ang mga zombie. Naloko sila ng kulog kaya tumigil sila sa pagtakbo at nagpalakad-lakad na lamang para humanap ng bagong tunog.

Bago pa man nila tuluyang mapuntahan ang malaking puno kung nasaan si Iris, lumingon muna ang tatlong babae saka dahan-dahang naglakad paatras.

“Mukhang nasagip tayo ng ku—”

Hindi pa man natatapos ng babaeng may pulang buhok ang sasabihin niya nang bigla siyang…

“Kyaaahhh!” sigaw niya sa takot.

Kaagad namang tinakpan ng babaeng may itim na buhok ang bibig ng kasama niya. “Huwag ka nang maingay, Maine.”

Tumango si Maine, kasabay ng pagtanggal ng kasama niya sa kanyang bibig.

“Sino ka? Bakit ka nagtatago sa likod ng puno?” seryosong tanong ng leader nilang may purple hair.

Dun—dun—dun—dun!

Dumagundong ang nakakakilabot na background music kasabay ang pagtila ng ulan at paghawi ng makapal na ulap sa kalangitan. Lumitaw ang bilog na buwan, nagliparan ang mga paniking nakikisilong kanina sa sanga ng mga punong kahoy.

“Ako si Iris, kayo sino kayo at bakit ganyan ang outfit n’yo?” mahina at walang buhay na tanong ni Iris sa tatlo.

“Ako si MegumiJ, siya si Zaika at itong may hawak ng baril ay si Maine. Mga secret agent kami na inatasan sa isang misyon pero bigla kaming napunta sa kakaibang lugar na ito matapos ang isang malakas na pagsabog.”

“Pagsabog?” Parang kalansay na nabali ang leeg ni Iris sa pagtataka.

“Oo! Sa gitna ng labanan, isang nakakasilaw na pagsabog ang nagdala sa amin sa lugar na ‘to. Tapos hayun, napapalibutan na kami ng mga zombie.”

Sumingit si Maine sa pahayag ni Zaika. “Kaya pinaulanan ko sila ng armalite ko kanina.”

“Tapos hinabol na kayo ng mga zombie?”

Tumango ang tatlo bilang pagsang-ayon kay Iris. Pumasok sila sa loob ng kubo at doon ipinagpatuloy ang kuwentuhan. Napag-alaman ni Iris na taga ibang series ang tatlo at hindi kasama sa pinagbibidahan niyang story.

“Ah! Lord Korumples ang His Angels pala ang title ng series n’yo.”

Tumango si MegumiJ. “Oo! shout out nga pala sa author namin, he-he-he!”

Sa gitna ng getting to know each other nila, isang malakas na kulog at kidlat ang muling gumulat sa tatlo. Pero sa pagkakataong ito may sumabog na liwanag mula sa kalangitan at nahulog ang isa pang karakter na mula sa ibang series…

“Tingnan n’yo!” Turo ni Zaika na sumilip sa bukas na binatana.

“Tara puntahan natin!” Tumayo si MegumiJ para lumabas. “Bilis! Baka kailangan niya ng tulong natin!”

Tumakbo sila palabas ng kubo at pinuntahan ang taong iniluwa ng nagliliwanag na langit.

“Wow! Ang puti ng buhok niya,” manghang sabi ni Maine.

“Teka, tingnan n’yo…” Tinusok-tusok ni Iris ang tagiliran ng binatang may puting buhok. “May buhay pa kaya siya?”

“Mukha namang hindi pa siya patay,” pabirong sabat ni Zaika.

“Kayo talaga!” Lumapit si MegumiJ, hinawakan ang binata sa bandang leeg para i-check ang pulso nito. “Humihinga pa siya.”

Nang magkamalay ang binata…

“Argh!” Dahan-dahan niyang inangat ang ulo at katawan. “N-Nasaan ako?” mahinahon niyang tanong.

Binatang may mapulang mga mata, puti’t maiksing buhok, katamtaman ang taas, payat at kakaiba ang hitsura ng damit.

 “Saang series ka galing?” kaagad na tanong ni Iris.

“Series?”

“A-Ang ibig niyang sabihin, saang lugar ka galing?” sabat ni MegumiJ. “Hindi rin kasi kami taga-rito, tulad mo napadpad lang kami dahil sa malakas na pagsabog ng liwanag,” paliwanag niya sa binata.

“Ah! Iyong liwanag!” Tumayo siya’t humarap sa mga babae. “Nagkaroon kasi kami ng laban sa loob ng dungeon tapos iyon nga, isang liwanag ang sumabog tapos nilamon ako at heto… dinala ako rito.” Itinapat niya ang palad niya sa kanyang dibdib. “Ako nga pala si Ziro,” pakilala ng binata.

“Ziro? Ako naman si MegumiJ.”

“Ako si Maine.”

“Zaika.”

Pagkatapos magpakilala ng tatlong angels sumunod naman si…

“Hi!” Nanlalaki ang mga mata ni Iris, litaw ang creepy smile niya dahil sa sandatang nakasukbit sa tagiliran ni Ziro. “Ang cool naman niyang sword mo,” namamahang wika ni Iris.

“A-Alin bang sword ang tinutukoy mo?”

“Ibang sword yata ‘yang tinitingnan mo, Iris.” Natatawang napatakip ng bibig si Zaika. “Sa harap ka kasi nakatingin hindi sa tagiliran.” Inayos niya ang ulo ni Iris para iharap sa tunay na espada.

Napangiwi tuloy si Ziro. “I-Iyan ang ‘cursed sword’ ko.” Sabay ngiti at kamot sa batok. “I-Ikaw, taga-rito ka ba?”

Umiling si Iris. “Sa totoo lang napadpad lang din ako rito pero hindi dahil sa liwanag kundi… sa kadiliman.” Kumislap ang mga mata niya na parang sa pusa. “Kaibigan ko ang kadiliman, ako si Iris.”

Napalunok-laway si Ziro. “H-Hindi naman siguro Horror ‘tong napuntahan ko noh?”

“Actually…” Super saiyan Horror mode ang pag-angat ng buhok ni Iris, sinamahan pa ng creepy looks niyang mala-Sadako ang peg. “Napadpad tayo sa lugar na maraming zombie,” nakakatakot niyang sabi kay Ziro na mukhang namumutla na sa takot. “Sa tingin ko kailangan nating maka-survive sa zombie apocalypse para makabalik tayo sa sarili nating…”

“Mundo?” hula ni Maine.

“Uhm… lugar?” hula naman ni MegumiJ.

“Ano ba kayo? Syempre sa sarili nating series!” Nag-crossed arm si Iris na akala mo’y seryoso pero pilosopo naman.

“Ang mabuti pa magpahina na lang muna tayo sa loob ng kubo. Bukas pagkagat ng liwanag saka natin pagplanuhan ang gagawin sa mga zombie na ‘yan,” matinong suhestyon ni MegumiJ.

At iyon nga ang ginawa nila, bumalik sila sa loob at nagpahinga. But wait, there’s more! Ay wala na pala…

“Hindi kaya pinaglalaruan lang tayo ng author mo, Iris?” Nakasandal si MegumiJ sa dingding habang nakasandal naman sa magkabilang balikat niya ang dalawang babae.

“Ewan ko, special chapter daw at pumayag naman ang mga author n’yo,” sagot ni Iris.

Napapakamot na naman si Ziro sa pinag-uusapan ng mga babae. “Ako na ang hindi maka-gets sa pinag-uusapan n’yo.”

“Wala ‘yon, sabihin mo na lang salamat Showfee!”

“S-Salamat Showfee?” Uto-utong sumunod naman si Ziro sa kalokohan ni Iris.

“I-shout out mo na rin ang author mong si ZaiPenworld,” malokong joke pa ni Iris.

“S-Shout out po!” nahihiya’t nag-b-blush na shout out ni Ziro.

***

KINABUKASAN tumilaok ang manok ni Mang Ramon—ops! Wala nga pala si Mang Ramon dito. Shout out na lang kay Mang Ramon sa Marvin series. Nagising sina Iris at ang iba pa na may panis na laway at tambak na muta sa mga mata.

“Good morning angels!” bati ni MegumiJ.

“Good morning, Megs.” Sabay na bumangon mula sa pagkakahiga sina Maine at Zaika.

Pero si Ziro, nakatayo na sa bintana at tinatanaw ang mga zombie ‘di kalayuan. Hanggat hindi ko sinasabing sasalakayin sila ng mga zombie, syempre ligtas sila.

Nang mapansin ni Ziro ang kumikinang na bagay mula sa itaas ng puno. Mabilis na lumundag si Ziro para abutin ang nakarolyong papel mula sa sanga ng puno. Pagkakuha niya nito ay agad siyang lumundag pababa.

“Ano kaya ‘yan?” takang tanong ni MegumiJ.

Lumapit sila kay Ziro para tingnan nang husto ang papel. Binuklat naman ni Ziro ang nakarolyong papel para tingnan kung ano ang nilalaman nito.

“Parang isang mapa?” alanganing sagot ni Ziro. “Pero may nakasulat sa ilalim nito.”

Binasa nang malakas ni Maine ang nakasulat sa ilalim. “Sige sige lang hayaan mo na lang—”

“Huwag kang magpakahibang?” pagpapatuloy naman ni Zaika.

“Ano’ng ibig sabihin no’n?” taka ni Ziro.

“Tingin ko isang mahiwagang salita ‘yan na dapat nating i-decode.” Nag-isip na parang detective si Iris. “Baka nasa salitang ‘yan ang kasagutan para makabalik tayo sa sarili nating series.”

Nagkatinginan silang apat habang nakatingin sa papel. Maya-maya nang magliwanag ang papel saka lumitaw sa hangin ang kakaibang sulat na ngayon pa lang nila nakita sa talambuhay nila.

“Sulat alien!” sambit ni Iris. “See? Sabi ko sa inyo may hidden message sa sulat na ‘yan, e.”

“Ang kaso hindi naman natin mabasa?” Nakakunot ang noo ni Maine sa pagkadismaya.

Pero itong si Ziro…

“Magtungo kayo sa inaanay na mansyon at doon ninyo matatagpuan ang mga weapon na pupuksa sa mga zombie. Huwag kayong papakakagat sa kanila kundi, tapos ang kuwentong ito. Good luck and may the powers be with you!”

“Hindi ba, force ‘yon?” pagtatama ni MegumiJ.

“Tama na ‘yang kalokohan, kailangan nating mahanap ang inaanay na mansyon para matapos na ‘tong panaginip na ‘to!” Mabilis na itinuro ni Ziro ang lokasyon ng inaanay na mansyon sa papel. “X marks the spot!”

“Pero paano tayo makakalampas sa mga zombie?” Humalukipkip si Zaika.

Napaisip tuloy silang lima kung paano nga sila makakalampas sa naglipanang zombie sa paligid. Ang lokasyon pa naman ng inaanay na mansyon ay nasa tuktok ng bundok Mochi. Ito ang bundok na natatanaw nila sa kinaroroonan nila ngayon.

Maya-maya nang makarinig sila ng humaharurot na sasakyan papalapit sa dereksyon nila. Nang huminto ito sa gilid nila…

“Miss Iris, sakay na!” mabilis na sambit ni Clint. Tama sinama ko talaga siya rito kasi marami rin siyang fans.

“Clint? Teka, si Dandy?” tanong ni Iris kasabay ang pagpasok niya sa tabi ni Clint.

“Sorry pero ako lang ang sinama ni Miss Author para samahan ka, Miss Iris.”

Pagkasakay ng iba pa sa bukas na likod ng military vehicle kaagad pinaandar ni Clint ang sasakyan. Kitang-kita nila ang pagdagsa ng mga zombieng nakarinig ng ingay kaya sila pinaghahabol ng mga ito. May built in machine gun na kaagad ginamit ni Maine. Mababakas ang kakaibang sayang nadarama niya sa mukha dahil nakahawak na naman siya ng pangratrat sa mga zombie.

“Mamatay kayo mga zombie!!!” sigaw niya habang nakangiti nang malaki.

“Ano ka ba! Patay na ang mga ‘yan, noh!” singit ni MegumiJ.

Sumilip sa likod si Iris. “Tirahin mo sa ulo! Kahinaan nila ang ulo, deads ‘yang mga ‘yan kapag sumabog ang ulo nila.”

“Hindi mo sinabi kaagad.” Kung kanina’y parang bulateng nagwawala si Maine, ngayon ay kalmado siyang sinisipat ang mga zombie. “Head shot, baby!”

“Ew!” Pinunasan ni Zaika ang tumilapong dugo na may kasamang kapirasong laman nang tirahin ni Maine ang zombie na kumapit sa sasakyan nila. “Kadiri to death!”

Tuloy-tuloy sa pag-andar ang sasakyan, sinasagasaan ang ibang zombie na madaraanan. Expert na expert si Clint sa pagmamaneho kasi sinabi ko.

“Astig! Mabuti at dumating ka, Clint!”

“I need exposure too, yah know!” Sabay ngiti. “Siya nga pala sino sila?”

“Ah, galing sila sa ibang series ng Webkom.” Tinuro ni Iris ang tatlong babae. “Sina, MegumiJ, Zaika at Maine ay galing sa Lord Korumples and His Angels.” Kasunod na itinuro niya si Ziro. “Ang gwapong binatang ‘yon naman ay si Ziro ng Dungeon Zero.”

“Okay.”

“Kuya, ano’ng pangalan mo?” tanong ni Ziro.

“Ako si Clint, huwag mo akong tawaging kuya magkasing edad lang tayo.”

“Talaga? 15 years old ka lang din pala,” mangha ni Ziro kay Cling. “Ang galing sa edad mong ‘yan marunong ka nang magpaandar ng ganitong…”

“Military vehicle. Sanay na ako dahil sa trabaho ko, he-he-he.”

Makalipas ang mahabang pakikipagbanggaan at barilan sa mga zombie, sa wakas nakarating din sila sa paanan ng bundok Mochi. Pinaandar ni Clint ang sasakyan paakyat ng bundok hanggang makarating sila sa tuktok nito.

Bumaba sila ng military vehicle saka sabay-sabay na tiningala ang malaki, luma at inaanay na mansyon. Sa labas pa lang ng gate masasabi nang may pagka-hunted ang mansyon na ito. Kinakalawang ang itim at sirang gate, maraming ligaw na halamang tumutubo sa paligid ng mansyon, maging sa dingding nito ay may mga halaman ding kumakapit.

“Hindi kaya may malaking anay sa loob ng mansyon na ‘yan?” natatakot na tanong ni Maine. Balik na ulit siya sa sweet, adorable and innocent girl.

“Hindi natin malalaman kung hindi natin papasukin ang loob,” matapang namang pahayag ni MegumiJ.

Tuluyan nang sinira ni Ziro ang gate, pagkatapos ay pumasok sila hanggang marating nila ang tapat ng pinto. Sa tapat ng pinto ay may nakaukit na salita…

“Abangan ang susunod na kabanata ng 2 part special chapter,” basa ni Iris sa nakaukit sa pinto. “Ibig sabihin hindi pa natin malalaman kung ano ang nasa loob.”

“Sa part 2 pa pala?” sabay-sabay sambit ng tatlong angels.

“Teka, shout out nga pala sa buong Owl Tribe!” sabi ko, oo ako mismo ang author. Abangan n’yo ang mangyayari sa kanila, okay. Love you guys! Muwahh!

Mai Tsuki Creator