ISANG masiglang umaga ang bumati sa mga taong nakatira sa Floral Street. Buhay na buhay ang street na ito dahil dito dumaraan ang mga tao papunta sa super market. Dahil dito masigla at mabenta ang mga negosyo sa naturang lugar. Maliban sa nag-iisang tindahan ng mga bulaklak kung saan palaging may tumatakbong kostumer palabas.
Kasisimula pa lang magpainit ni haring araw nang umalingawngaw kaagad ang tinig ng isang kostumer.
“S-Sadako!!!” Kumaripas nang takbo palabas ng shop ang lalaking kabibili lang ng bulaklak.
“Sir! Sandali!“ pigil ng matandang may-ari ng shop.
“Lola hindi n’yo po ba hahabulin ‘yong kostumer?”
“Hindi na! Palagi na lang ganito ang nangyayari sa araw-araw.” Inilagay ni Lola Camellia ang sukli sa loob ng kaha. “Isipin na lang natin na isa itong tip.” Naiwan na naman ng kostumer ang sukli sa sobrang pagmamadali dahil sa takot kay Iris.
Kalalabas lang kasi ni Iris mula sa kusina kaya pagpunta niya sa casher area kaagad siyang napansin ng kostumer. Kamukha niya kasi ang sikat na Horror character na si Sadako. Sinamahan pa ng boses niyang mahina, malamig at walang buhay niyang pagsasalita. Wirdo, nakakatakot, panget, mukhang multo, babae sa dilim, ilan lang ‘yan sa mga binabansag sa kanya simula no’ng namatay ang kanyang ina.
Walang kaayos-ayos sa katawan si Iris, tanging ang mga bulaklak na itinitinda nila ang nagbibigay sigla sa puso niya. Isa-isa niyang inamoy ang mga ito habang dinidiligan. Inayos din niya ang mga naka-display sa estante, inilalabas din niya ang mga halamang kinakailangan maarawan sa labas.
“Hayan, dito na muna kayo para maging masigla kayo,” mahina niyang sabi sa mga rosas. Sunod niyang kinuha ang sunflower mula sa loob saka inilabas ito. “Magpaaraw ka naman, mister sunflower.” Inilapag niya ang bulaklak na nakatanim sa katamtamang paso.
“Good morning, Iris!” bati ni Nurse Jaica. Matalik siyang kaibigan ng nanay ni Iris at kapamilya na rin ang turingan nila.
“Good morning din po, Nurse Jaica,” bati pabalik ni Iris.
Hindi pala ngiti si Iris kahit gaano siya kasaya o natutuwa sa isang bagay sobrang plain lang ng mukha niya. Expressionless ang palaging ipinapakita niya sa lahat ng tao, maging kay Nurse Jaica na malapit sa kanila.
“Palagi kang magpaaraw para sumigla ang kutis mo, Iris.” Masiglang nakangiti si Nurse Jaica.
“Wala na pong pag-asa itong balat kong tuyot, Nurse Jaica.”
“I-Ikaw naman… huwag mo sana masamain ang sina—”
“Huwag po kayong mag-alala, wala po sa akin ‘yon. Totoo naman pong hindi ako maganda tulad ng iba…” Iniyuko ni Iris ang ulo niya, senyales na sobra siyang nahihiya. “Hindi para sa tulad ko ang masiglang sinag ng araw. Sapat na sa akin ang maging kaibigan ng kadiliman…”
“I-Iris!”
Bago pa magpaliwanag si Nurse Jaica, pumasok na sa loob ng shop si Iris. Naiwang guilty ang magandang nurse. Gusto lang naman niyang payuhan si Iris para magbago pero hindi iyon gano’n kadali.
“Sorry, Rosa. Gustuhin ko mang tuparin ang pangako ko sa ‘yo na aalagaan ko si Iris pero siya itong kusang lumalayo, hu-hu-hu…” Nakatingala sa langit si Nurse Jaica, kausap ang nanay ni Iris na nasa heaven.
***
NAGLALAKAD sa parke si Iris, kasama ang alaga niyang aso na may lahing corgi. Palagi niyang pinapasyal ang alagang aso tuwing hapon dahil bakasyon. Ito ang oras na gustong-gusto ni Iris, dahil pinagmamasdan niya nang tahimik ang kalangitan. Ito lang din kasi ang tanging sandali na kaya niyang lumabas ng flower shop na hindi nabababad sa sikat ng araw.
“Ang ganda ng pagtatagpo ng liwanag at dilim. Tila nilalamon ng dilim ang natitirang liwanag at sa ganitong sandali nagsisimula nang maghanda ang mga kampon ng kadiliman para umatake.”
Tumahol ang aso sabay tago sa likod ni Iris. “Huwag kang matakot, kakampi natin ang kadiliman. Hangga’t kasama mo ako, hindi nila tayo gagalawin.”
Awooohhh!
Umalulong ang aso ni Iris.
“Ganyan nga, maging matapang ka… Kulto.”
Kulto ang pangalan ng corgi dog ni Iris. Regalo ni Nurse Jaica si Kulto no’ng 15th birthday niya. Simula noon si Kulto na ang naging kasa-kasama niya hanggang ngayong 16 years old na siya.
“Hayan at tuluyan nang dumilim…” Nayuko si Iris saka hinimas sa ulo si Kulto. “Napakaganda ng gabi hindi ba, Kulto?”
Tumahol ang aso na tila sumasang-ayon kay Iris.
“Ang mabuti pa umuwi na tayo, Kulto. Tutulungan ko pa si Lola sa pagsasara ng shop.” Tumayo siya at sabay silang naglakad ni Kulto.
Biglang huminto ang aso, napahinto rin si Iris. Pinakiramdaman niya ang paligid maging ang pag-ihip ng malamig na hangin. May street light sa gilid at isang mahabang street bench, dito niya pinako ang paningin.
Nang kumurap ang ilaw, lalong lumakas ang hangin. Nagsimulang tumahol si Kulto sa dereksyong iyon. Imbis na kabahan o matakot humaba ang ngiti ni Iris, ngiting nakakatakot.
“Narito na ang mga masasamang nilalang,” nakakatakot na wika ni Iris.
Parang pang-Horror movies ang kilos niyang kumikislap pa ang mga mata. Patungo siya sa liblib na bahagi kung saan hindi naabot ng liwanag ng street light. Sa likod ng malaking puno may kung anong bagay ang gumagawa ng kaluskos. Dala ng kuyusidad at pagiging fan ng mga kababalaghan gusto niyang malaman kung ano ang nasa dako paroon.
Hindi pa man siya nakakalampas sa street light nang biglang…
“Pagkain!!!”
Isang lalaki ang sumunggab sa braso ni Iris dahilan para ma-trigger ang self-defense instinct niya. Hinawakan niya nang dalawang kamay ang lalaki saka buong pwersa itong hinagis sa ere pabagsak sa lupa.
“Hiyahhh!”
Bam!
“Aray!!!”
“Hindi ka uubra sa akin, masamang nilalang!” Naka-Chun Li pose pa talaga si Iris. Napanuod niya kasi iyon sa isang Horror series na ang bida ay isang Chinese martial artist. “Tumayo ka halimaw! Hindi kita uurungan! Hiyah!”
“A-Ano kamo?” Tumayo ang lalaki. “Baliw ka ba? Mukha ba akong halimaw?” Lumapit sa street light ang lalaki.
Ibinaba ni Iris ang karate pose niya saka lumapit din sa liwanag ng street light. Dito niya napagmasdan nang buo ang lalaking hinagis niya kanina.
“Oh, ano?” Nag-crossed arm ang lalaki. Nakabukas ang stripe polo-shirt, litaw ang white under shirt na naka-tack in sa maong pants, naka rubber shoes at maraming hikaw sa tainga. Kapansinpansin din ang orange hair niya at pares ng kilay na magkasalubong.
“Mukha kang sanggano. Gangster ka noh?”
“Tsk! Tumingin ka nang mabuti! Sa ating dalawa ikaw itong mukhang ewan!” Duro ng lalaki sa mukha ni Iris.
“Teka, hindi ka ba natatakot sa akin?” Umatras si Iris palayo sa liwanag ng street light. Inayos niya ang pagkakahawak sa tali ni Kulto. Inayos niya ang gusot sa suot niyang palda. Ibinaba pa niya nang husto ang mahaba niyang bangs sa harap ng mukha.
“Ang weird mo,” sambit ng lalaki.
“Alam ko,” mahina at walang buhay niyang sagot.
“Sobrang weird mo!”
Mukhang maangas ang dating na lalaki sa paningin ni Iris. Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Speechless, walang maisip na sasabihin si Iris sa lalaki. Hindi rin naman kasi siya magaling sa pakikipag-usap nang maayos sa ibang tao.
Tumahol si Kulto.
“Huh? Ang cute ng aso mo.” Nilapitan ng aso ang lalaki. “Ano’ng pangalan?”
“Kulto.”
“Pati pangalan ng aso mo ang weird.” Hinimas ng lalaki ang ulo ni Kulto. Halatang gusto siya ng aso dahil sa pagkawag ng buntot nito.
Ilang sandali pa nang kumalam ang tiyang ng lalaki. “Hayan tuloy bumalik ang gutom ko.” Nakatitig siya sa nakikipaglarong aso.
Mabilis na inagaw ni Iris ang alaga niya. “Hindi pagkain si Kulto,” depensa ni Iris.
“Tsk! Hindi ako kumakain ng aso.”
Halatang-halata ni Iris ang panghihina ng lalaki. Nag-isip siyang mabuti at sa huli na namayani pa rin ang mabuting puso niya.
“Sandali lang huwag kang aalis diyan.” Bitbit si Kulto nagpunta si Iris sa tabi ng kalsada kung saan may mga food stall na nakahelera.
Pagbalik niya sa may parke nakaupo sa mahabang upuan ang lalaki nakayuko at nakahawak sa tiyan.
“Uhm… heto kunin mo. Pasensya na marami kasing bumibili ng fish ball at kwek-kwek.” Inabot niya ang mga pagkain na nasa loob ng plastic cup, may kasama pang matamis na sauce.
Tinabihan ni Iris ang lalaki.
“Salamat sa pa-fish ball mo.” Hindi nag-atubili ang lalaki, kaagad niyang kinain ang ibinigay na pagkain ni Iris. Sa isang kurap lang simot kaagad ang pagkaing nilibre ni Iris.
“Wow! Pati sauce ininom mo.”
Burp!
“Busog na ako.” Ngumiti ang lalaki sa tabi ni Iris. “Ano nga palang pangalan mo?”
Nag-alangan si Iris na ibigay ang pangalan niya.
“Okay lang kung ayaw mong magpakilala. Salamat sa pagkain.” Tumayo ang lalaki. “Sa tingin ko hindi ito ang huli nating pagkikita. Sa susunod ako naman ang manlilibre sa ‘yo ng fish ball at kwek-kwek kung gusto mo sasamahan ko na rin ng buko juice, heh-heh-heh.” Tawa ng lalaki.
Tumayo si Iris. “Ayos lang ayaw ko namang makita kang bumulaga sa seminto sa gutom. At isa pa, paghingi ko rin ‘yan ng sorry sa ginawa ko sa ‘yo kanina.”
Tumahol si Kulto habang winawagayway ang buntot, nakasunod ang matalinong aso sa likod ni Iris.
“Magpaalam ka na sa kanya, Kulto.”
Hinimas ng lalaki ang ulo ni Kulto saka ngumiti. “Good boy.”
“Babae si Kulto,” sabat ni Iris.
“Sorry naman.”
Pagkatayo ng lalaki kumaway siya’t nagpaalam kay Iris. “Oh, siya paano mauna na ako?” Nagpamulsa siya saka tumalikod at naglakad palayo sa kinatatayuan ni Iris at Kulto.
Hanggang sa mawala na ang lalaki sa paningin ni Iris. Tumalikod siya’t handa nang umuwi nang tumahol si Kulto na parang pinipigilan siya. Hinatak ni Iris ang tali ni Kulto pero ayaw nitong umalis pa sa kinatatayuan nila. Nang lingunin ni Iris ang aso, nakita niya ang kumikinang na bagay.
“Ano ‘to?” Dinampot niya ito saka pinagmasadang mabuti. “Isang kwintas?”
Pandalas ang pagtahol ni Kulto sa derekyon kung saan nagtungo ang lalaki.
“Sinasabi mo bang sa lalaking ‘yon ang kwintas na ‘to?”
Tumahol si Kulto na tila sumasagot ng ‘oo’.
“Nawaglit siguro kanina no’ng hinimas ka niya.” Napansin ni Iris na hindi nakakabit ang kalawit ng kwintas.
Hindi nagdalawang isip si Iris na subukang habulin ang lalaki para ibalik ang kwintas. Hindi naman siya nabigo dahil nakatambay lang pala ang binata sa palikong kanto. Nakita kaagad ni Iris ang lalaki na nakatayo sa ilalim ng street light.
“Mister ganster!” tawag ni Iris sabay hawak sa braso ng lalaki, litaw ang kalahati ng mukha, labas ang nanlalaki at luwang mata.
“Waahhh!” gulat ng lalaki na napahawak sa dibdib niyang niluoban ng takot. “Ikaw? Sus, muntik nang malaglag ang puso ko, a. Bigla-bigla ka na lang sumusulpot!”
“Sorry. Naiwan mo kasi ito.” Inabot ni Iris ang kwintas na nakalimutan ng binata. Isa iyong silver necklace na may dog tag at nakaukit ang pangalan ng isang babae.
“Sino si Beatrice?” mahinang tanong ni Iris.
Kinuha ng lalaki ang kwintas. “Nanay ko,” matipid niyang sagot sabay suot sa kwintas at itinago ito sa loob ng t-shirt niya. “Nag-abala ka pang habulin ako para rito.”
“Mukhang importante ‘yan sa ‘yo. Dapat lang na isauli ko ‘yan.”
Inilihis ng lalaki ang mukha niya paharap sa kalsada. “Salamat.” Pagkatapos muli niyang nilingon si Iris sa tabi.
“Walang anuman…”
Biglang nag-spark ang buong paligid matapos sumagot ni Iris. Tila napalibutan sila ng mga butil ng liwanag matapos gawin ni Iris ang unexpected, sweet, gorgeous, precious smile na maging siya ay hindi niya alam na ginawa niya. Para siyang bulaklak na biglang namukadkad sa ngiti niyang nakakagaan sa pakiramdam.
Natulala ang binata sa kakaibang ngiti ni Iris. “A-Ang cute…” mahina niyang bulong.
“ Huh? Ano kamo?”
“W-Wala!” Sandaling nataranta ang lalaki. “U-Ulitin mo nga ‘yong ginawa mo,” request pa niya.
“Ang alin?”
Syempre hindi alam ni Iris kasi nga clueless siya.
“Ngu-Ngumiti ka nga ulit!”
Ginawa naman ni Iris. “Ganito?” Humaba ang ngisi niya abot tainga. Litaw ang dalawang pangil na ngipin at kumikislap ang mga mata na parang sa pusa.
“Waahhh! K-Killer!”
“Ganito ako ngumiti.”
“Sira! Hindi ganyan!” Pinisil ng lalaki ang magkabilang pisngi ni Iris. “Ulitin mo. Katulad no’ng sinabi mo, ‘walang anuman’.”
Sinunod ni Iris ang sinabi nito pero…
“Hindi! Mali ‘yan! Ulitin mo!”
“Hindi ko kaya.”
“Hay! Pamatay naman ‘yang ngiti mo. Nakakatakot para kang papatay ng tao. Ulitin mo!”
At nakailang ulit nga sila pero wala pa rin hanggang mapansin ni Iris ang oras. Napasobra na sila ng pagpapalipas-oras ni Kulto sa parke. Nagpaalam si Iris sa hindi niya kilalang lalaki. Hawak-hawak ang tali ni Kulto nilandas nila ang daan pauwi ng flower shop. Walking distance lang naman iyon kaya hindi na nila kailangang sumakay pa.
“Ah! Naalala ko may Zombie Paradise nga pala ngayon. Magmadali na tayong umuwi, Kulto.” Binitbit na ni Iris si Kulto para mas mabilis silang makauwi.
***
SAMANTALA…
Hindi na maaninag ng lalaki sina Iris at kulto. Nakatambay ang binata sa kanto tila may inaabangan. Maya-maya nang may pumarang black Mercedes-Benz sa tapat niya. Bumaba ang car window sa driver’s seat.
“Boss Dandy,” sambit ng driver na nakasuot ng black suit at black shades.
Binuksan ng lalaking nagngangalang Dandy ang pinto sa likod saka sumakay. “Success ang first meeting namin,” sagot niya sabay sara ng pinto. “Umpisa pa lang ito ng misyong ibinigay sa akin.” Hinawakan ng lalaki ang larawang nakapatong sa tabi ng upuan. “Main target, Iris Trinidad.”
“Ano sa tingin n’yo sa babaeng ‘yon, Boss?”
“Sobrang weird niya. Mukhang mahihirapan akong pakisamahan siya pero gagawin ko ang lahat para makuha ang loob niya.”
“Malaki ang tiwala sa inyo ni Master.”
“Alam ko.”
Nakamasid ang paningin ni Dandy sa labas ng bintana. “Wirdo siya pero mabait at sweet siyang babae…” bulong niya sa isip sabay ngiti.
Sa pag-andar ng sasakyan sa kalye nadaanan nila ang flower shop nina Iris. Tila nakita ni Dandy ang nakangiting mukha ng dalagang nagpa-blush sa kanya kanina.