SABADO ng umaga, maagang nagpunta si Dandy sa Camellia Flower Shop upang bisitahin si Irs. Pumarada ang itim na sasakyang minamaneho ng driver niyang si Mister Hanzo kasama ang side kick niyang si Clint. Pagkababa ni Dandy sa sasakyan kaagad niyang napansin ang bukas na flower shop. Nagtaka si Dandy kung bakit masyado yatang napaaga ang pagbubukas nito.
“Boss, tingnan mo,” mahinang bulong ni Clint sa tabi ni Dandy. “Hindi ba’t kaklase n’yo ang lalaking kasama ng lola ni Iris?”
Tinutukoy ni Clint si Rain na nakasuot ng apron at tumutulong sa paglalabas ng mga bulaklak mula sa loob ng flower shop.
“Ano kayang ginagawa ng lokong ‘yan sa bahay nina Iris?” curious na tanong ni Dandy.
“Baka manliligaw ni Iris?” tamang hinala naman ‘tong si Clint.
“Tch! Agaw eksena patalaga, a.” Naglakad si Dandy kabuntot si Clint. Nang makarating sila sa tapat ng glass door ng shop…
“Good Mor—ikaw pala, ganster boy,” bati ni Rain nang may alanganing ngiti.
“Hoy! Sinong gangster? Huh?” Pinandilatan ni Dandy ng mata si Rain. “Ba’t ka pala narito sa flower shop nina Iris?” sabay tanong.
“Ah, kasi—”
“Rain, paki tulungan nga ako rito,” biglang sabat ni Lola Camellia pagkabukas ng glass door.
Nakita ni Dandy ang pagiging matulungin ni Rain, na parang bahagi na ang binatang ito ng pamilya nila’t gano’n na lamang siya kausapin ng matanda.
Inilapag ni Rain ang halamang nasa paso sa isang tabi bago niya pinansin muli si Dandy. “Ikaw, may kailangan ka ba? Bibili ka ba ng bulaklak?” malokong tanong ni Rain.
Hindi nakaimik si Dandy sa mischievous smile ni Rain. Maya-maya nang masilayan ni Dandy ang itim na awra ni Iris sa loob ng shop. Tuloy-tuloy ang pasok niya kabuntot sa likod si Clint.
“Good morning, Iris!” bati niya.
“Ikaw pala, mister gangster.” Inangat ni Iris ang tingin niya kay Dandy. “Wala namang pasok bakit nandito ka?”
Napakamot sa ulo si Dandy. “A-Ano kasi…”
“Pinapaalala ni Boss ‘yong date n’yo sa amusement park,” mahinang sabat ni Clint.
Narinig naman iyon ni Rain. “Date sa amusement park?” Napalakas ang pagbigkas ni Rain kaya narinig ito ni Lola Camellia.
“Ano’ng date?” Tumalim ang tingin niya kay Dandy.
Siniko muna ni Dandy ang madaldal na alalay saka tinakpan ang bibig nito. Nang pumagitna si Rain sa pagitan ni Iris at Dandy.
“Niyaya mo ba kaming mamasyal? Mukhang masaya ‘yan, a. Tamang-tama bagong dating lang ako at gusto ko ring makita ang ibang lugar dito sa Bloomers City.”
“Aba! Magang ideya ‘yan. Tama lang na i-enjoy ninyo ang kabataan ninyo,” nakangiting sang-ayon ni Lola Camellia.
Hindi nakapalag si Dandy sa malokong ngiti ni Rain sa kanya. “Lokong lalaki ‘to, a. Panira ng plano! Tch!” inis na sabi niya sa sarili.
“Ang gusto ko lang naman ay makita ang cast ng paborito kong pelikula. Tapos maraming personnel ang naka-zombie costume.” Nag-bloom ang paligid ni Iris sa kasabikan. “Gusto kong mapalibutan nang maraming zombie…” Tila nasa mismong Zombie Paradise si Iris sa halusinasyon niya.
“Kung gano’n bukas susunduin kita sa ganap na alas-singko ng hapon.” Nagpamulsa si Dandy habang nakanguso ang bibig. “Tch! Ayos na sana may asungot pang umeksena.”
Nagkatitigan si Dandy at Rain, para bang may lumalabas na kidlat sa mga mata nilang dalawa.
Lumapit si Rain kay Iris saka umakbay. “Siya nga pala Iris, pagkatapos ng gawain natin sa shop sabay tayong manuod mamaya ng pelikulang dinowload ko.”
“Horror ba ‘yan?” kaagad tanong ni Iris na walang pakiramdam sa mala-hokageng the moves ni Rain.
“Syempre, ano bang gusto mo ‘yong brutal?”
Habang pinagmamasdan ni Dandy ang dalawa halos maputol na ang ugat niya sa noo sa inis. “Hoy! Hoy! Hoy!” Hinatak niya ang kwelyo ni Rain sa likod saka inilayo kay Iris. “Ninja ka ba? Ang bilis ng kamay mo, a.” Humarang siya sa harap ni Iris. “At ikaw naman, makaramdam ka pwede?”
Namuo lang ang maraming question mark sa utak ni Iris. “Huh?”
“Hay!” Napakamot na lang sa buhok si Dandy.
Maya-maya nang biglang dumagsa ang mga costumer sa labas ng shop. Puro mga babaeng costumer na kinikilig at nagbubulong-bulungan.
“Good morning!” bumati si Rain nang may sweet smile.
“Kyaahhh!!! Ang gwapo!”
“Ang akala ko sikat ang shop na ‘to kasi may multong tindera.”
“Hot and pretty boy pala ang mga tindero rito.”
Nang marinig ni Dandy ang mga sinasabi nila umakto siyang lalabas ng shop nang pigilan siya ni Lola Camellia.
“Isuot mo ‘tong apron at pagbentahan mo ang mga costumer tulad ng ginagawa ni Rain,” utos ng matanda kay Dandy.
“Po?” gulat niya. “Hindi naman po ako trabahador sa shop n’yo, Lola!”
“Isusuot mo o hindi ako papayag sa lakad n’yo?” Tumalim ang tingin ni Lola Camellia.
Sa isip ni Dandy. “Ang galing din n’yang mang-black mail, a.” No choice, kinuha niya ang apron saka lumapit sa mga costumer. Dinawit na rin niya ang alalay na si Clint para tumulong sa shop.
Dinagsa ang Camellia’s Flower shop nang araw ding iyon. Dahil sa mga gwapong lalaking nag-a-assist sa kanila napilatan ang imahe ng shop. Para kay Dandy, na-realize niyang masaya naman pala ang ginawa niyang pagtulong. Nakita rin niyang sinusubukan ni Iris na humarap sa mga tao nang normal.
***
LINGGO ng hapon pagkatapos sunduin ni Dandy si Iris hindi niya akalain na hindi lang pala si Rain ang asungot sa date nila.
“Boss ang cute niya talaga!” kinilig na sabi ni Clint. “Hindi ko akalaing may cute na pinsan pala si Miss Iris.”
“Tch! Dapat kasi dalawa lang kami.” Tinaasan niya ng kilay si Clint. “Ang daming istorbo!”
“Okay lang ba na kasama ako?” tanong ni Daisy kay Iris na kasabay niyang naglalakad sa unahan.
“Oo naman. Mas masaya nga at narito ka may makakausap ako tungkol sa Zombie Paradise,” mahinang sagot ni Iris.
Si Daisy ay mas bata kay Iris ng isang taon pero sa lahat siya ang naging kasa-kasama ni Iris sa panunuod ng mga Horror movies. Hindi siya katulad ni Iris na weird looking girl, isa siyang cute, sweet, friendly at cheerful na babae. May abot balikat na buhok, payat, morena at may masiglang mga mata.
“Mukhang mababait itong mga kasama mo.” Sinulyapan niya si Rain na nasa kaliwa ni Iris, sinunod niyang tingnan sina Dandy at Clint sa likod. “Salamat sa free ticket.” Ngiti niya kay Dandy na sumagot ng entrance fee ng tatlo.
Sumabat si Rain, “Galante talaga ‘tong kaklase namin.” Mapanukso niyang pinansin si Dandy. “Siya nga pala Daisy, hanggang kailan ka rito?”
“Ang totoo niyan pinaluwas talaga ako rito para may makasama sina Lola Camellia at Iris. Dito na rin ako mag-aaral sa pinapasukan n’yo. Bukas makakasama n’yo na ako pagpasok sa school.”
Tuloy-tuloy ang usapan nila mula sa pagluwas ni Daisy galing probinsya hanggang sa nauwi ang usapan sa…
“So, sino ang boyfriend mo sa kanila, Iris?” wala sa hulog na tanong ni Daisy.
At tumigas na parang yelo sina Dandy at Rain.
“Eh? M-May nasabi ba akong hindi tama?”
“Ano bang boyfriend ang sinasabi mo, Daisy?” Humakbang ng lakad si Iris bago lumingon sa mga kasama. “Wala akong alam sa mga ganyang bagay. Ni hindi ko nga iniisip ‘yan…” Umihip ang malakas na hanging nagpatikwas sa mahaba niyang buhok. Nag-spark ang buong paligid nang gumuhit sa labi niya ang isang matamis na ngiti. “Pero masaya akong makasama kayo!” Kuminang ang bilugang mga mata ni Iris. “Sapat na sa akin ‘yon.” Tumalikod siya’t nagptuloy sa paglalakad.
Naiwang tulala ang apat sa kinatatayuan nila.
“A-Ang ganda ni Miss Iris!” gulat na sambit ni Clint. “N-Nakita n’yo ba ‘yon, Boss Dandy?” Sabay tuon ng pansin kay Dandy na sobrang pula ng mukha.
“Ugh! Bakit siya ngumiti!” bulalas na sigaw ni Dandy. “Ako lang ang dapat magpalabas no’n sa kanya!” dugtong pa niya sa isip.
“Heh! Mukhang lalo akong naging interesado kay Iris,” sabi naman ni Rain na naka-smirk face.
“Hoy! Lalaking kulay dugo ang buhok!” tawag ni Dandy kay Rain. “Huwag ka ngang umepal!”
“Excuse me?” Hinarap ni Rain si Dandy.
Nagtagisan na naman silang dalawa ng titigang may kuryenteng nagsasalpukan.
Pumagitna si Daisy. “Teka boys!” awat niya. “Alam n’yo masaya akong makita si Iris na ngumiti nang gano’n. Nagulat nga ako nang malamang pumayag siyang gupitan ang bangs niya.” Hinawakan niya ang strap ng bag niya. “Salamat sa inyo at kahit papaano unti-unti nang lumalabas si Iris sa loob ng kahon.” May lungkot sa mga mata ni Daisy. “Kayo na ang bahala sa kanya!” Ngumiti siya saka kumaway. “Hahabulin ko lang siya!” Tumakbo si Daisy patungo kay Iris.
Naiwan ang tatlong lalaki.
Napakamot sa batok si Dandy. “Ayos din makisama ang pinsan niya.” Nagpamulsa si Dandy saka sinimulang maglakad. “Ang mabuti pa i-enjoy na lang natin itong amusement park.” Gumaan ang pakiramdam ni Dandy sa mga sinabing iyon ni Daisy.
Sumabay si Rain sa paglalakad, binilisan niya hanggang sa maunahan niya si Dandy. “Alam mo ba na matagal ko nang kilala si Iris. Marami siyang picture sa akin simula no’ng bata pa siya. Pinapadala ni Tita Jaica, hindi ko naman alam noon kung bakit. Pero ngayong nakilala ko na siya in personal… nalaman kong… sa larawan pa lang gusto ko na siya…” Kasabay nito ang pagsunod ni Rain kina Iris at Daisy.
Umalingawngaw sa isip ni Dandy ang pagtatapat ni Rain. “Tch! Akala mo ikaw lang ang may alam tungkol sa kanya?” Napatikom-palad si Dandy. May mga alaalang sumulpot bigla sa isip niya. Malungkot, madilim, masakit na alaalang hindi niya makakalimutan.
***
SUMAPIT ang pinakainaabangan ni Iris sa amusement park. Nagbukas ang Horror House kung saan may malaking event na magaganap. Makakasama ng mga tao ang cast ng sikat na Zombie Paradise na isang series sa NetFox. At dahil zombie theme ang series, nagsagawa rin ang pamunuan ng mismong amusement park ng pakulo para sa mga fans. Nakasuot ng zombie costume ang ilang personnel para i-entertain ang mga papasok sa loob ng Horror House. May privilege pa ang mga ticket holder na magpa-picture sa mga zombie at mismong cast ng naturang series.
Rinig ang sigawan ng mga tao sa loob ng Horror House. Sobrang galing ng mga staff na gumaganap ng mga nakakatakot na karakter. Astig din ang sounds and light effect sa loob, mararamdaman mo talaga ang kaba, takot at gulat sa Horror House na ito.
Maliban lang kay Iris…
“Wow! Pennywise!” tuwang sambit ni Iris nang makita ang isa sa sikat na karakter sa pelikulang ‘It’. Excited pa siyang lumapit sa clown at nakipag-high five. “Cool!”
Habang manghang-mangha si Iris, sina Dandy naman…
“Ayaw ko na! Gusto ko nang lumabas!” takot na wika ni Daisy. Nakakapit siya sa damit ni Iris sa likod. “Hindi ko sila kayang tingnan!” Nanunuod nga si Daisy ng Horror pero hindi naman siya katulad ni Iris na fan girl ng mga ito.
“Ako rin, ayaw ko na!” Dumikit naman si Clint kay Dandy. “Boss, uwi na ‘ko!”
“Tch! Ang duwag mo naman!” Feeling matapang pero nakakapit naman sa likod ng kwelyo ni Clint.
Maya-maya nang biglang sumulpot sa tabi nila ang mga babaeng naka-costume ng nurse tulad sa Silent Hill movie.
“Kyaahhh!!!” bulalas na sigaw ni Daisy. “Iris ayaw ko na!!!”
Lalo tuloy lumapit ang mga ito sa kanila para takutin pa sila.
“Ang cool ng prosthetic make-up nila!” manghang saad ni Rain habang nakatutok ang mga mata sa mukha ng mga nurse. “Iris, tingnan mo!” tawag pa niya.
“Oo nga, ang galing.”
Sobrang namangha sina Iris at Rain sa galing ng mga staff sa loob. Habang sina Dandy, Clint at Daisy halos hindi na makakilos sa kinatatayuan nila’t hirap na silang magpatuloy sa paglalakad.
Makalipas ang ilang minuto sa wakas, nakaraos din sila. Tuluyan na nilang narating ang exit ng Horror House, nakahinga na rin sila nang maluwag.
“Hindi na ako uulit!” sambit ni Clint. “Boss, wiwi muna ako,” paalam niya.
“Sandali, sasama ako!” Sumabay si Dandy kay Clint.
“Bilisan n’yo magsisimula na ang picture taking!” sigaw ni Rain sa kanila.
Naghintay sina Iris sa mahabang pila para makapagpa-picture sa cast ng Zombie Paradise. Nasa loob ng booth ang mga artista at masayang nagpapa-picture sa mga fans nila. Ang mga personnel naman ay naka-costumer na rin ng zombies at nagpalakad-lakad sa paligid ng mga nakapilang fans.
***
NATAPOS ang event at nakapagpa-picture sila pero wala si Dandy sa larawan.
“Sayang hindi ka nakaabot, boss.”
“Ayos lang wala rin naman akong hilig sa ganyan,” sagot ni Dandy kay Clint.
Nauna nang bumalik sa sasakyan sina Iris, sumunod sina Dandy sa kanila. Pero bago tuluyang umalis lumapit si Iris kay Dandy.
Hinawi ni Iris ang buhok niya bago inangat ang tingin kay Dandy. “Uhm… pwede mo ba akong samahan?”
“Huh? Saan?”
“A-Ano kasi…” nahihiyang bulong ni Iris. “M-May nakalimutan ako…” saad pa niya.
“Ako na lang ang sasama sa ‘yo!” Sumingit si Rain.
“Huwag ka na!” Sabay harang ni Dandy sa harap ni Rain. “Tara, sasamahan na kita.” Lumingon siya kay Rain. “Hintayin n’yo na lang kami rito.”
Sabay na bumalik sina Iris at Dandy sa loob ng amusement park.
“Ano bang nakalimutan mo?” tanong ng binata.
Mabilis na hinawakan ni Iris ang laylayan ng manggas ng polo ni Dandy saka itinuro ang nasa harap nila. “Nakalimutan kong magpa-picture roon!” Tinuro ni Iris ang malaking billboard na nakapaskil sa harap ng Horror House. Ito ang billboard ng Zombie Paradise na pino-promote ng special event.
“Hindi pa ba sapat na nakapagpa-picture ka na sa mga artista?” Napakamot sa buhok si Dandy.
Umiling lang si Iris bilang sagot.
Dumaan ang isang personnel na naka-zombie costume, tinanggal ng lalaki ang suot sa ulo. Nakita ni Iris ang personnel saka nilapitan ito.
“K-Kuya,”mahina at nahihiyang tawag ni Iris.
Lumapit din si Dandy. “Kuya, pwede n’yo po ba kaming picture-an sa harap ng billboard na ‘yan?”
“Wala pong problema, Sir, Ma’am.”
Kinuha ng personnel ang cellphone ni Dandy saka itinutok sa dalawa. “Okay pose na po kayo.”
Nakatayo lang nang tuwid sina Dandy at Iris sa mismong gitna.
“Sir, akbayan n’yo po kaya si Ma’am?” suhestyon ng personnel na nagpa-blush sa dalawa.
Tumingin muna si Dandy kay Iris…
“W-Wala namang problema sa akin…” mahina at nahihiyang sabi ni Iris.
Lalong umusok ang ulo ni Dandy sa sobrang pamumula ng mukha niya. Narinig ba naman niyang pumayag si Iris na akbayan niya.
Dumikit si Iris, halos dumait ang dibdib niya sa braso ni Dandy.
“A-Ang babaeng ‘to talaga! Sinabi ko nang makaramdam siya!” Itinaas ni Dandy ang kamay niya saka ipinatong sa balikat ni Iris. “Ugh! Ang lakas nang kabog ng dibdib ko! Kainis!”
“Okay, say cheese!”
At naging special ang gabing iyon para kay Dandy, may naka-save na siyang picture nila ni Iris nang silang dalawa lang.
Pagkasakay nila sa kotse halos walang imik si Dandy, nakatanaw lang sa bintana, pulang-pula pa rin ang mukha. Nakangiting pinansin siya ni Mister Hanzo, parang nanunukso. Inisnab lang niya ang driver saka tumingin sa side mirror.