KRINGGG!

Pilit inabot ni Iris ang alarm clock na nakapatong sa ibabaw ng side table. “Hala! 6:30 na pala! Ma-le-late na ako!” Pandalas siyang bumangon, kinuha ang unipormeng nakasabit sa hangeran saka bumaba nang mabilis sa hagdan.

“Lola, hindi n’yo po ako ginising kaagad,” mahina at walang buhay niyang sabi sa lola niya.

Nakaupo sa mesa si Lola Camellia, humihigop ng mainit na kape. “Aba! Kanina pa kita tinatawag ayaw mong bumangon.” Sinundan niya ng tingin si Iris. “Nagpuyat ka na naman kagabi, noh?”

“Tinapos ko lang po ‘yong pinapanuod kong movie.”

“Oh, siya bilisan mo’t mahuhuli ka na sa klase.”

Pumasok si Iris sa loob ng banyo para maligo. Ilang sandali pa nang lumabas si Iris, nakabihis ng uniporme.

Pip-pip!

Narinig nila ang busina sa labas ng shop. Sarado pa ang shop kaya hindi nila alam kung sino ang nasa labas.

“May maaga yata tayong customer.” Tumayo si Lola Camellia at nagtungo sa back door upang tinangan sa labas kung sino ang bumubusina.

Kumuha ng tinapay si Iris saka sumunod sa lola niya. Nang makita niya ang nakaparadang itim na kotse. Pamilyar iyon sa kanya dahil iyon ang sasakyan na naghatid sa kanya no’ng nagpagupit siya sa salon.

“Good morning!” masiglang bati ng binatang kalalabas lang sa kotse.

“Aba! Ang mayaman mong kaklase pala.”

“Lola, narito po ako para sunduin si Iris.”

“Sunduin?” sabay na tugon ni Iris at lola niya.

“Tayo na’t mahuhuli pa tayo sa klase!”

Nang maalala ni Iris ang oras mabilis siyang bumalik sa loob ng bahay nila para kunin ang gamit niya. Nagpaalam sila sa lola niya’t sumakay sa loob ng kotse. No choice na siya dahil ma-le-late na nga naman sila kapag tumanggi pa siya.

Makalipas ang ilang oras nakarating din sila sa school, sakto ang pagdating nila dahil hindi pa nag-uumpisa ang flag ceremony. Matapos nito ay nagsipag-akyatan na ang mga estudyante sa kani-kanilang classroom.

Pagkapasok ni Iris at Dandy kaagad nilang napansin ang bagong mukhang estudyante. Nakadungaw ang lalaki sa bintana, nakatayo sa gilid malapit sa upuan ni Iris.

“Excuse me, nagkamali ka yata ng pinasukan mong classroom?” wika ni Dandy sabay lapit sa lalaki.

Umiling ang lalaki. “Dito talaga ang classroom ko,” sagot niya. Tinitigan ng lalaki si Iris, ngumiti pa ito saka nayuko.

Sobrang lapit ng mukha nila kaya napaatras si Iris saka nagtago sa likod ni Dandy.

“Hoy! Huwag mo siyang tingnan nang ganyan, hindi siya sanay.”

Inangat ng lalaki ang ulo niya. “Gano’n ba? Sorry naman.” Sabay ngisi.

Nang pumasok ang iba pang estudyante kasabay ang class adviser nilang si Miss Rhea, napansin nila ang bagong mukhang lalaki.

Naglakad ang lalaki patungo sa pisara katabi ng adviser nila. “Good morning, Ma’am Rhea.”

“Ah! Ikaw ‘yong transfer student ‘di ba?”

Tumango ang lalaki saka humarap sa mga estudyante. “Ako nga pala si Rain Summer, ang cool ng pangalan ko ‘di ba? Ha-ha-ha!” Kuminang ang buong paligid sa masigla niyang tawa. “Nice to meet you classmates. Sana’y maging kaibigan ko kayong lahat simula ngayon.”

Napa-wow ang mga estudyanteng babae. Napaka-gwapong binata na may gentle, cute and precious smile. Kimpe ang buhok niya’t kulay red velvet ito, matangkad, maamo ang mukha, palaging nakangiti ang pinkish lips at may hazel eyes. Maputi rin ang kutis ng lalaki, may kalakasan ang boses niya tulad sa malakas na buhos ng ulan. Tulad naman sa summer ang masigla niyang vibes na parang sa sikat ng araw.

Pagkatapos magpakilala naghanap ng mauupuan si Rain, napansin niya ang bakanteng upuan sa unahan ni Iris.

Bago maupo pinansin niya muna si Iris. “Pasensya kana kung natakot kita kanina.” Ngumiti siya.

Inangat ni Iris ang ulo niya para tingnan si Rain. “W-Wala ‘yon.”

Pagkaupo ni Rain, siya namang labas ng adviser nila para kunin ang naiwang lesson plan sa faculty room. Habang naghihintay sa pagbalik niya, bumanat naman ng bulong-bulungan ang mga estudyanteng nakaramdam ng inggit kay Iris sa paglapit ni Rain sa kanya.

“Ano ba ‘yan pinansin na naman siya,” bulong ng babae nilang kaklase na nasa unahan lang ni Rain.

“Sayang ang kagwapuhan niya sa mukhang multong ‘yan.”

“Hindi ba sila natatakot sa hitsura niya?”

“Kahit ginupitan pa niya bangs niya wala pa rin namang nagbago.”

Sa gitna nito biglang sumabat si Rain sa mga kaklase niyang hindi maganda ang sinasabi kay Iris.

“Hindi ko akalain marami pa lang mapanghusgang tao rito sa Bloomer’s Academy.” Tinaliman niya ng tingin ang mga kanina pa’y nagbubulong-bulungan na estudyante. “Maka pamintas kayo parang sobrang ganda n’yo, ah?” sarkastiko niyang sabi.

Natahimik ang buong klase, saktong dumating ang adviser nila. Nagsimula ang lesson at ang lahat ay nakatutok sa pisara. Hindi naman maiwasang mapatingin si Iris sa malapad na balikat ni Rain, para siyang knight in shining armor kanina.

***

KINAGABIHAN…

“Magandang gabi, Lola Camellia, Iris,” bati ni Nurse Jaica. Kasasara lang ng clinic nina Nurse Jaica at Doctor Santiago na asawa niya. Dinalaw niya ang maglola para ipakilala ang bagong dating na pamangkin galing Canada.

“Aba! Ang pogi naman niyang kasama mo, Jaica.” Inayos ng matanda ang salamin niya para makita nang husto ang binatang kasama ni Nurse Jaica.

“Magandang gabi po, Lola Camellia,” bati ng binata. “Palagi po kayong naikukwento ni Tita Jaica sa akin no’ng nasa Canada pa po ako.”

“Talaga? Aba’t mukhang mabait ‘tong pamangkin mo, a.”

“Siya nga po pala siya si—”

“Waahhh!!!”

Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Nurse Jaica nang sumigaw nang malakas ang binata. Nakita niya sa likod ni Lola Camellia ang itim na aninong tila nakamasid sa kanya. Kumikislap ang mga mata nitong tulad sa pusa, umaapaw ang itim na awrang pumapalibot sa gilid ng pader kung saan nakatago ang itim na nilalang.

“Ano ka ba!” Hinatak ni Nurse Jaica ang pamangkin para iharap sa nagtatagong anino. “Siya si Iris, Iyong anak ng bestfriend ko. Hindi ba’t nag-send ako ng mga picture niya sa ‘yo.”

“H-Hindi ko alam na multo pala si Iris?” Saka lang sumagi sa isip niya ang pangalang ‘Iris’. “Teka, parang pamilyar…” Kusa siyang lumapit sa likod ng pader para kumpirmahin ang hinala niya. “Ah! Ikaw nga! Kaya pala pamilyar ang pangalan mo.” Hinawakan niya ang kamay ni Iris saka pilit na inilabas kung saan maliwanag. “Kaklase ko siya.”

“Hi?” sambit ni Iris. “S-Sorry, natakot ba kita?”

“Medyo lang, heh-heh!” Tumawa nang kapiraso ang lalaki.

“Mabuti naman at magkaklase kayo ni Rain,” tuwang singit ni Nurse Jaica. “Hinabilin kasi siya sa akin ng kapatid ko. Dito muna siya mag-aaral sa Pilipinas at pagka-graduate niya ng Senior High School saka siya babalik sa Canada,” paliwanag ng nurse.

Lumaki ang ngiti sa labi ni Rain. “Mukhang magugustuhan ko sa lugar na ‘to, Tita.” Sabay tingin kay Iris.

“Uyyy! Makatitig!” tukso ng nurse sa pamangkin niyang malagkit ang tingin kay Iris.

“Interesado nga ako kay Iris ang kaso may boyfriend na siya…”

“Ha?!” gulat nina Nurse Jaica at Lola Camellia.

“Sino’ng boyfriend?” excited na tanong ng nurse.

“Iyong kaklase namin na mukhang gangster, iyong maraming hikaw sa tainga tapos palaging nakadikit kay Iris sa school.”

“Ah! Iyong mayaman niyang kaklase na sumundo sa kanya kaninang umaga,” dugtong pa ni Lola Camellia.

Tila rollercoaster ang utak ni Iris sa mga naririnig niya. Maya-maya nang sumabog na ito kakaisip ng mga bagay na hindi naman niya naiintindihan.

“Hindi ko alam ang sinasabi n’yo! Si Dandy ay…” Nag-isip muna siya. “Ay master ni Kulto!” bigla niyang sigaw na ikinagulat nila.

“Ha? Master ni Kulto? Sino si Kulto?” Napuno tuloy ng question mark ang utak ni Rain.

Sumabat ng bulong si Nurse Jaica, “Si Kulto ‘yong niregalo kong aso kay Iris.”

“Tama ang narinig n’yo! Gusto siya ni Kulto kaya… kaya gano’n.” Wala kasi siyang maisip na ibang idea para huwag sila pag-isipan ni Dandy ng mga bagay na hindi niya alam tulad ng love. Walang alam si Iris sa pakikipagrelasyon, ang tanging alam niya…

“Mas gugustuhin ko pang makasama ang mga zombie at maka-survive sa zombie attack. Kahit tumabi pa ako sa mga bampira o ma-abduct ng mga alien at predators ayos lang! Blah—blah—blah!” out of this world na satsat ni Iris.

Napasapo sa noo si Lola Camellia. “Hay! Pagpasensyahan mo na ang apo ko. Horror fanatic kasi siya at tipong nabubuhay sa imahinasyon ng kadiliman. Ikaw na sana ang—“

“Pffft!” Hindi napigilan ni Rain ang kumikiliti sa tiyan niya’t natawa siya. “Ang cute!” sambit niya pa. “Hindi ko akalaing ganyan pala talaga siya. Akala ko sa school lang siya sinasabihan ng mga kakaibang bagay pero in reality pala… ang cute ng pagiging wirdo niya.” Nilapitan ni Rain si Iris saka pinatong ang kamay sa ibabaw ng ulo ng dalaga. “Sana maging mabuting magkaibigan tayo, Iris.” Kasabay nito ang pag-spark ng buong paligid, gumuhit ang magaan na ngiti sa labi ni Rain.

***

SARADO na ang lahat ng establisyemento sa Floral Street. Tulog na ang mga tao at tahimik na ang buong lugar. Masarap at malalim na ang tulog ni Lola Camellia, pero si Iris…

“Last movie na ‘to para ngayong gabi. Pero hindi pa ako inaantok ano pa kaya ang pwede kong mapanuod.”

Nakatalukbong ng kumot habang nakasalampak sa sahig si Iris, kaharap ang Laptop niya at bote ng soft drinks. Sarado na ang bintana niya nang biglang may bumato sa salamin nito. Nanginig ang katawan ni Iris nang lingunin niya ang binatana. Pinakiramdaman niya ang paligid, tinalasan ang pandinig.

“Awooohhh?”

Sinubukan niyang gumawa ng alulong na tulad kay Kulto. Isa na namang bato ang tumama sa bintana at sa pagkakataong ito…

“Awooohhh!”

May sumagot na tulad sa alulong na ginawa ni Iris.

Gumapang sa sahig si Iris, dahan-dahan siyang tumingala saka tumayo’t hinawi ang kurtina ng binatana.

“Sinong nariyan?” bulong niya sa hangin.

“Pst! Iris!” bulong pabalik ng lalaking nakadungaw sa katapat na bintana ng kuwarto ni Iris.

“R-Rain?”

“Heh-heh, akalain mo nga naman magkatapat tayo ng kuwarto?” Ngiti ni Rain.

“Gising ka pa sa ganitong oras?” taka ni Iris.

Bago pa sumagot si Rain, tumuntong siya sa bintana at aktong tatalon patungo sa kabila. Sobrang magkalapit ang binata nilang dalawa na kayang-kayang talunin.

“Pupunta ako riyan,” bulong niya sabay talon.

“T-Teka!”

Wala nang nagawa si Iris nang makalapag na ang mga paa ni Rain sa sahig ng kuwarto niya. Mabuti na lang at nakapaa lang si Rain kaya hindi gano’n kaingay.

Napaatras na lamang si Iris at nagtalukbong ng kumot sa isang tabi. “H-Hindi ka dapat nagpunta sa kuwarto ng babae!”

“Sorry na! May gusto lang akong ipakita sa ‘yo.” Inilabas ni Rain ang USB. “Marami akong nakakatakot na palabas dito.” Lumapit siya sa harap ni Iris. “Ang totoo niyan mahilig din ako sa Horror, ang kaso ayaw ng mga kaibigan ko kasi nga nakakatakot. No’ng nalaman kong pareho pala tayo ng hilig naisip kong baka pwedeng manuod tayo nang sabay?”

“Ibig sabihin katulad din kita?”

“Ah, eh… hindi naman sobra.”

“Hmph… kahit na hindi ka pa rin dapat nagpupunta sa kuwarto ng babae!”

Napakamot sa batok si Rain. “Sorry na talaga!” Umayos siya ng upo sa tabi ni Iris. “Alam mo, matagal na kitang gustong makilala. May pinadalang picture si Tita sa akin noon, isang cute na batang babae. Ang sabi ni Tita, gusto raw niyang makitang ngumiti ang batang ‘yon. Nakangiti siya sa larawan kaya masasabi kong special ang bata para kay Tita. Naikuwento niya sa akin kung ano ang nangyari sa bata bakit nawala ang magandang ngiti nito…”

Umatras nang kaunti si Iris. “A-Ano’ng sinabi niya sa ‘yo?”

Bahagyang tumawa si Rain. “Nakalimutan ko na, heh-heh.” Pero deep inside ayaw lang niya na maalala ni Iris ang nakaraang nagpabago sa pagkatao niya. Alam ni Rain ang masakit na pangyayari na maging siya ay ayaw niyang ilahad sa babaeng katabi niya.

Biglang sumagi sa isip ni Iris si Dandy. “Kapareho mo siya… tulad kayo ng awra, masigla at nakakasilaw…”

“Huh? Sino?”

“Ang lalaking mukhang gangster na master ni Kulto.”

“Ah! Siya…?”

“Pareho kayo na alagad ng liwanag, hindi n’yo ako kauri. Ang gusto ko lang naman ay isang tahimik na buhay habang kasama si Lola. Tama na sa akin ang makasama ang mga nilalang sa kadiliman. Masaya akong nakatago sa itim na anino…”

“Paano mo nasasabi ang mga ‘yan?”

Biglang napaangat ng tingin si Iris kay Rain.

“Tingin mo ba masaya ang mga tao sa paligid mo tuwing makikita ka nila sa estado mong ‘yan? Ang ibig kong sabihin, walang masama sa kung ano ang hilig mo ngayon… ang hindi lang kasi maganda ikinukulong mo ang sarili mo sa kadiliman kahit maraming tao ang may gustong tumapak ka sa liwanag…”

Namayani bigla ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Kumikinang ang mga mata ni Iris sa pagtama ng liwanag ng laptop na nasa tabi ni Rain. Tila gustong kumawala ng butil ng luha sa mga mata ni Iris. Hindi niya alam kung bakit o kung ano ang nangyayari sa puso niya. Para itong naninikip, pinipiga, tinutusok ng karayom sa sakit. Hindi niya gusto ang gano’ng pakiramdam.

Nang makita iyon ni Rain…

“Iris! I’m sorry!” Bigla niyang kinabig si Iris papunta sa bisig niya. Sa lakas ng pagkakahatak niya sabay silang natuba ni Iris sa sahig. Nakapaibabaw si Iris habang nasa ilalim si Rain.

“I-Iris…”

Nagkatitigan silang dalawa. Para kay Iris balewala lang iyon pero para kay Rain, hindi magandang posisyon iyon.

Dahil sa ingay nagising ang lola ni Iris.

“Iris? Gising ka pa?” Rinig ang yabag ng paa patungo sa kuwarto niya.

Tok! Tok!

“Iris?”

No choice, sinipa ni Iris si Rain papunta sa ilalim ng kama niya para hindi ito makita ni Lola Camellia. Dahil hindi naka-lock ang pinto ni Iris, nabuksan ito ng matanda.

“Ano bang ingay ‘yon?”

“W-Wala po, Lola. Sa pinapanuod ko lang po ‘yon.”

Nakita ni Lola Camellia ang bukas na laptop. “Hay naku! Matulog ka na nga at may pasok ka pa bukas! Ang tigas ng ulo mo sinasabing huwag ka nang magpupuyat!” sermon ng matanda.

Umalis si Lola Camellia at bumalik sa katabing silid.

“Aray…”

“S-Sorry napalakas ba ang pagsipa ko sa ‘yo?”

Nakahawak si Rain sa likod niyang tinatdyakan ni Iris. “Ayos lang kaya ko pa naman.” Lumabas siya sa ilalim ng kama. “Grabe ang lakas mo pala.”

Sa mga sandaling iyon tila nawala ang kanina’y malalim na usapan nila. Naging maluwag ang dibdib ni Iris nang titigan niya si Rain na parang may ginawang mahika sa puso niya.

“Malalim na ang gabi, siguro sa susunod na lang natin panuorin ‘to?” Kinuha ni Rain ang USB saka ipinatong sa palad ni Iris. “Sa ‘yo na muna ‘yan.” Tumayo siya saka nagtungo sa bintana. Bago tuluyang lumundag patungo sa kabilang bintana, lumingon muna siya kay Iris saka ngumiti. “Hindi ito ang huli kong pagpunta sa kuwarto mo! Sa susunod manunuod na tayo nang magkasama!” Kasabay nito ang pagtalon pauwi sa sarili niyang silid.

Hawak-hawak ang USB, sinilip ni Iris si Rain sa bintana.

“Good night, Iris.”

“G-Good night, Mister akyat kuwarto!”

“Mister Akyat kuwarto talaga?”

Sabay sana nilang isasara ang binatana nang magliwanag ang mukha ni Iris. Isang magandang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi, tulad ng ngiti niya kay Dandy. Isang unexpected, sweet, gorgeous, precious smile na tumunaw sa puso ni Rain.

Naiwang tulala si Rain kahit nakasarado na ang bintana ni Iris.

Toki-Doki!

Pintig ng puso niya.

“A-Ano ‘yon? Hindi multo ang nakita ko kundi… isang anghel…”

At dahil dito buong gabing hindi nakatulog si Rain kakaisip sa magandang ngiti ni Iris.

Mai Tsuki Creator