ISANG hapunan ang inihanda para sa pagbabalik ni Henry sa mansyon. Matagal na rin siyang hindi nakakauwi makalipas ang mahigit limang taon. Ngayon pa lang niya nakita at nakilala ng personal ang nag-iisang anak ni Roman na si Iris.
Nagpahanda ng masarap na hapunan ang matandang Alfonso para i-welcome ang pagbabalik ng kanyang ampon na si Henry. Nagkuwento siya tungkol sa pag-stay niya sa London habang ginagawa ang mga trabahong dapat ay si Roman ang gumagawa.
Nakaupo ang lahat sa mahabang mesa na ginayakan ng samot-saring pagkain para sa espesyal na okasyo ng gabing iyon. Panay ang tingin ni Henry sa dereksyon ni Iris kung saan sinimulan nang humigop ng soup ang dalaga.
“Talaga palang kahawig niya si Rosa,” puna ni Henry kay Iris.
Natigil si Iris sa pagkain at napatingin kay Henry. Tinitigan niya nang nakakatakot ang lalaking ngayon pa lang niya nakita sa mansyon. Isang matalim na ngiti naman ang isinukli ni Henry
kay Iris nang hindi niya magustuhan ang mga tingin ng dalaga sa kanya.
“Ahem!” Papansing ubo ni Roman, katabi niya si Iris na nakapansin sa hindi magandang awra ng dalawa. “Hanggang kailan ka mananatili rito sa mansyon, Henry?” mahinahong tanong ni Roman.
“Baka magtagal ako rito.” Kumibit-balikat si Henry. “Ayaw mo bang makasama ang nag-iisa mong kapatid?” Ipinatong niya ang dalawang siko sa ibabaw ng mesa saka ipinagdikit ang dalawang kamay at nagpangalumbaba.
Kaagad naman siyang nakatikim ng sita sa matanda. “Itigil mo ‘yang pangangalumbaba mo!”
“Sorry, nasanay lang.”
Ibang-iba ang kinagisnang kaugalian ni Henry, kahit pa sabihing inampon siya ng mayamang pamilya ay hindi pa rin maalis sa kilos nito ang kinalakihan niyang buhay noong hawak siya ng isang masamang grupong mandurukot sa lansangan. Ang matandang Alberto Alfonso ang huling taong dinukutan niya pero imbes na isumbong niya ito sa pulis ay
tinulungan niya ang batang Henry para magbago. Kinupkop niya ang batang lansangan, ipinahanap ang mga magulang subalit ulila na pala ang batang Henry. Noong panahong iyon si Roman ay sabik na sabik magkaroon ng makakasama sa mansyon, isang batang makakalaro niya at matatawag na kapatid. Naging maayos naman ang pagsasama nilang dalawa, itinuring ang isa’t-isa na tunay na magkapatid hanggang sa unit-unti silang lumaki at magkaroon ng magkaibang pananaw sa buhay. Naging masunuring anak si Henry, lahat ng iutos ng matandang Alfonso sa kanya ay sinunod niya. Sa kanya ibinigay ang mga trabahong dapat si Ramon ang gumagawa. Isa lang ang nais ni Henry, ang maging mabuti sa paningin ng matanda at makuha ang loob nito.
“Siya nga pala tungkol doon sa lupang nasasakupan ng Floral Street, nilagdaan ko na ang papeles para sa pagpapa-demolish ng mga nakatira roon.”
Nang marinig ni Iris ang Floral Street ay agad siyang napatayo. “Sandali!” Tumingin siya sa dereksyon kung nasaan ang kanyang ama. “Akala ko ba’y hindi ninyo gagalawin ang lugar na ‘yon basta’t sumama lang ako sa inyo?” matuwid na pagkompronta niya sa ama.
“Huminahon ka muna, Iris.” Tumingin si Roman kay Henry. “Maging ako ma’y naguguluhan. Paano’ng napunta sa ‘yo ang mga papeles na ‘yon samantalang hindi ko iyon ipinapaubaya sa iba?”
“Ako ang nagbigay sa kanya,” singit ng matandang Alfonso. “Pero hindi ko pinapapirmahan sa ‘yo iyon, Henry. Ang gusto ko lang ay itago mo iyon dahil ikaw ang humahawak ng mga papeles pagdating sa pakikipag-deal sa mga investors.”
“Kinuha n’yo ang papeles nang walang pasabi sa akin?” Tumingin si Roman sa ama. “Sinabi ko nang walang gagalaw sa lupaing ‘yon!”
Tumaas ang tensyon sa pagitan nilang mag-anak dahil sa usapin tungkol sa lupang tinitirikan ng flower shop nina Iris, ang Floral Street. Tuluyan nang inialis ni Iris ang sarili sa harap
ng hapagkainan saka humakbang palayo sa kanila.
“Iris!” tawag ni Dandy na biglang sumunod sa kanya.
“Busog na ako kaya magpapahinga na ako sa kuwarto ko.” Ibinaling niya ang tingin sa kanyang ama. “Akala ko marunong kayong tumupad sa usapan.” Nag-walkout siya’t tuluyan nang umakyat ng hagdan patungo sa kanyang silid. Bakas sa kanyang kilos ang galit at pagkadismaya sa mga narinig niya. Hindi si Iris ang tipo na iiyak na lamang sa isang tabi, hindi siya ang klase ng babae na mahina kahit itinatago niya ang sarili sa kadiliman.
Naiwan sa hapagkainan ang mga lalaki. Itinuloy ni Henry ang pagkain niya na parang walang nangyari. Humiwa pa siya sa nakahaing pork steak saka ininom ang red wine na nasa magarang baso.
“Well, hindi ko naman intensyong sirain ang magandang gabing ito. Sayang ang masarap na pagkaing ipinahanda pa ni Papa para sa akin.”
“Tapusin na natin ang pagkain saka tayo mag-usap, Roman.” Sumenyas ang matandang Alfonso gamit ang mga tingin sa anak.
Naiwan na rin si Dandy sa hapagkainan at tinapos din ang kanyang pagkain kasabay ng tatlong lalaki. Namutawi ang katahimikan sa hapagkainan, kahit si Henry ay hindi na magawang
basagin pa ito.
***
MAKALIPAS ang ilang araw isang masamang balita ang bumungad sa mga nakatira sa Floral Street. Nasa labas ang mga residente ng lugar at nakapalibot ang mga taong may hawak na malalaking mason.
“Ano bang ibig sabihin nito?” untag ni Lola Camellia sa lalaking nakasuot ng construction helmet, at nakasuot ng pang-construction attire.
Bumaba mula sa magarang itim na sasakyan ang isang lalaking kanina pa nakamasid sa mga taong humaharang sa lansangan.
“Matitigas din pala ang ulo ng mga taong sampid sa lugar na ‘to!” Tinanggal niya ang black shades na suot niya’t isinabit ito sa kanyang kwelyo. “Ipinapaalam ko sa inyo na ang lupang
kinatitirikan ng mga bahay at negosyo ninyo ay ide-demolish na dahil may closed deal na kami sa isang investor na gustong makisosyo sa itatayo naming Alfonso Town Center na isang open mall.” Ngumisi si Henry, sabay humalukipkip habang pinagmamasdan ang mga mukha ng mga tao sa paligid. “Simulan n’yo nang linisin ang mga gamit n’yo’t umalis na kayo sa lugar na ‘to para masimulan na ang pagpapagiba sa mga walang kwenta ninyong bahay at negosyo!”
“Hindi kami papayag!” sigaw ng matandang ipinagtatanggol ang kanilang lugar. “Matagal na kaming nakatira sa Floral Street! Walang sinumang makapagpapaalis sa amin dito!”
“Tama si Lola Camellia!” Tinabihan ni Nurse Jaica ang matanda’t matapang na hinarang ang kanyang braso para protektahan si Lola Camellia.
Sumunod na humarang si Daisy kahit may nararamdamang takot sa dibdib. Matapang namang sumunod si Rain sa kanyang Tita Jaica para suportahan ang pagtatanggol sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay at negosyo.
Lalong umingay ang mga tao at lahat sila ay sumisigaw sa harap ng mga tauhan ni Henry. Marami ang umalma at nagmatigas, hinding-hindi sila kaagad aalis sa lugar na kinagisnan at bumubuhay sa kanila.
Sandaling natahimik ang lahat nang humakbang sa harap ni Henry, si Lola Camellia. “Sa pagkakaalam ko ang lupang ito ay binili ni Roman Alfonso sa isang matandang lalaki bago ito
namatay noon. Hindi ko na maalala ang pangalan ng matandang iyon pero alam kong naging malapit na kaibigan niya ang anak kong si Rosa. Nangako si Roman na hinding-hindi gagalawin ang mga tahanan at negosyong nakatayo sa Floral Street!” Tumalim ang mga tingin ni Lola Camellia. “Nasaan na siya ngayon? Kung may isang tao na makapagpapaalis sa amin dito, si Roman ‘yon!” madiing wika ng matanda. “Kinuha na niya ang lahat sa akin! Ang anak ko, ang apo ko ngayon pati itong kinatitirikan ng flower shop kung saan maraming alaala sina Rosa at Iris!” Hindi naiwasang mapaluha ang matanda nang maalala ang anak at apo.
“Lola!” madaling sambit ni Nurse Jaica. “Huminahon po kayo baka mabinat kayo.” Kaagad niyang niyakap ang matanda.
Hindi naman nagpaawat si Lola Camellia. “Pareparehas kayo! Kayong lahat sa pamilya n’yo!” sigaw pa niya.
“Tama na po, Lola!” Lumapit na rin sina Daisy at Rain sa matanda. “Hindi gugustuhin ni Iris kapag may nangyaring masama po sa inyo,” maiyak-iyak na sabi ni Daisy.
“Tama si Daisy, Lola.” Humarang si Rain sa harap ng matanda. Napaikom ang kamao niya sa inis sa lalaking kaharap niya.
Tumaasa lalo ang tensyon sa pagitan ng mga tauhan ni Henry at ng mga tao sa Floral Street. Maya-maya nang may bumusina, isang kulay itim na sasakyan. Huminto ito saka bumukas ang pinto sa harap at likod. Nakita nilang bumaba si Clint, nagmamadaling nagtungo sa kabilang pinto upang alalayan ang sabik na sabik nang bumaba na si Iris.
“Miss Iris, huminahon kayo!” pigil ni Clint sa pagpupumilit na pagbaba ni Iris sa kotse. “Siguradong malalagot ako kay Boss Dandy at Master Roman nito.”
“Tumabi ka kung ayaw mong kulamin kita!” matapang na banta ni Iris.
Walang nagawa si Clint kundi sundan si Iris sa paglalakad patungo sa kumpol ng mga tao. Nang makita niya ang kanyang Lola na inaalalayan ni Nurse Jaica at Daisy sa likod ni Rain ay kaagad siyang tumakbo patungo rito.
“Lola!”
“I-Iris?” gulat nilang lahat.
Kaagad niyakap ni Iris ang miss na miss na niyang Lola Camellia. “Lola, pasensya na po kayo kung iniwan ko kayo…”
“Apo ko…”
Nang makita ni Iris ang nakangising si Henry ay kaagad siyang naglakad patungo sa harapan nito. Nagtama ang kanilang mga mata na parehong matalim at matapang. Tila may lumalabas na awrang itim sa katawan nilang dalawa na siyang nagpatindi sa tensyong nagaganap sa Floral Street.
“Hmp! At ano naman ang ginagawa ng aking pamangkin sa lugar na ‘to?” sarkastikong tanong ni Henry.
At dahil ramdam ni Iris na anytime e, may magaganap na sagupaan inihanda na niya ang paborito niyang porma ang mala-Chunli niyang pormahan.
“Subukan mong ituloy ang binabalak mong pagpapa-demolish sa mga nakatirik na bahay at negosyo rito magkakasukatan tayo ng lakas!”
“Pft!” tawa ni Henry. “Talaga ngang may something sa anak ni Roman.” Nagpatuloy sa pagtawa si Henry na halos maluha ang mga mata niya. “Hay naku! Hindi ka na dapat nag-abalang patawanin ako, baby girl.”
“Baby girl your face!” Kumislap ang mga mata ni Iris, lumabas na naman ang awra niyang pang-Horror. Hinding-hindi niya hahayaang may manakit sa mahal niyang lola at sa mga taong malapit sa kanya. Kahit nabuhay si Iris na nakatago sa dilim hindi man siya palaging makikita sa labas ng flower shop pero para sa mga taong nakapaligid sa kanila ay kilalang-kilala siya. Para sa mga taong matagal nang nakasama nina Iris, naging parte na rin ang mga ito ng kanyang simpleng buhay.
Maya-maya nang…
“Ano’ng kaguluhan ‘to!” matikas na sambit ng lalaking bagong dating mula sa gilid nila. “Henry, itigil mo na ‘to!”
“Roman?” Tumaas ang kilay ni Henry. “Hindi ka na dapat nagpunta pa rito!” Ramdam ni Henry na isang malaking balakid si Roman sa mga ginagawa niya. Gusto niyang purihin siya ng matandang Alfonso at makita nito na karapatdapat siya na maging anak at sa pagmamahal ng matandang umampon sa kanya. Ngunit palagi niyang nakikita si Roman na palaging
humahadlang sa mga ginagawa niyang pagsunod sa matanda.
“Wala ka sa posisyon para gawin ang mga bagay na hindi naman ipinag-uutos sa ‘yo!”
Nasa likod ni Roman si Dandy, sinusundan ang paglalakad nito habang hawak niya sa kanyang kanang kamay ang isang brown envelope. Inabot ni Dandy ang envelope na naglalaman ng mga dokumento ng lupa sa kamay ni Roman.
“Nasa akin na ang mga papeles na pinirmahan mo!” Ipinakita niya ang mga papel kay Henry.
Natawa lang si Henry sa ginawa ni Roman. “Akala mo ba’y maiisahan mo ako, Roman? Kopya lang ang mga iyan at walang selyo ng kompanya. Tingin mo ba basta-basta ko na lang ilalagay ang mga importanteng papeles sa ibabaw ng lamesa ko at hahayaan na lamang ang mga ito?” Lalong tumalim ang mga ngiti ni Henry. “Itinago ko ang orihinal na papeles at
sinisiguro kong hindi mo iyon makikita! Kaya ang mabuti pa umalis ka na at hayaan mo nang ma-demolish ang buong Floral Street!”
Tila napanghinaan ng loob ang mga tao sa paligid at lahat sila ay biglang natahimik. Nang biglang mag-ring ang cellphone ni Henry, kaagad niya rin itong sinagot. Tinalikuran niya ang mga tao saka naglakad nang kaunti patungo sa harap ng kanyang sasakyang itim. May ilang minuto ring lumipas nang ibaba ni Henry ang cellphone niya’t muling lumingon.
Tiningnan niya ang mga tauhan niya. “Tama na ‘yan! Bitbitin n’yo na ang lahat ng gamit n’yo at bumalik na kayo sa barracks” Itinago niya ang cellphone niya sa loob ng bulsa ng pantalon. “Hintayin n’yo na lang ulit ang tawag ko.” Saka sumakay sa loob ng kotse’t umalis sa lugar na iyon.
Nagtaka ang lahat sa nangyari magkaganoon man lumitaw ang ngiti sa kaning mga labi nang mapagtantong walang magaganap na demolisyon ngayong gabi. Nakahinga ang lahat nang maluwag sa ngayon makakatulog muna sila sa kanikanilang mga tahanan.
Stay updated for the next chapter.