PAGKATAPOS ng kanilang exam isang mahalagang event naman ang pinaghahandaan ng buong Bloomer’s Academy. Tuwing sasapit ang October 29, ipinagdiriwang ng school ang kanilang founding anniversary. Tinatawag din nila itong school festival dahil ipinapakita sa tatlong araw ang mga activity na pinaghandaan ng bawat section kada-level.

Isang play ang napagkasunduang gawin ng Class – F, nagbunutan sila kung sino ang gaganap bilang Cinderella at Prince Henry. Isang malaking issue ang naging bunutan dahil ang nakakuha sa role ni Prince Henry ay si Rain at ang role ni Cinderella ay walang iba kundi si…

“Si Iris?” gulat ng buong klase nang isulat sa blackboard ang pangalan ni Iris ng kanilang class president.

“Seryoso? Bakit siya?”

“Ang baduy naman!”

“Sayang gusto ko pa namang maka-partner si Rain.”

Nagkagulo ang buong klase dahil sa marami ang may gustong makuha ang role ni Cinderella lalo na’t si Rain ang magiging Prince Charming.

Nahihiyang lumapit si Iris sa harapan saka inabot ang maliit na papel. “Heto, ibinabalik ko na…” mahina’t walang buhay niyang sabi kay class president.

Natahimik ang lahat nang marinig nilang magsalita si Iris, bumalik siya sa upuan niya’t naupo nang maayos sa silya.

Kaagad lumapit si Dandy kay class president saka binawi ang ibinalik na papel ni Iris. Bumalik siya sa tabi ni Iris saka nilapag ang papel sa ibabaw ng mesa ni Iris.

“Ikaw ang nakabunot ng lead role kaya walang ibang dapat gumanap n’yan kundi ikaw,” seryosong saad ni Dandy habang nakapamulsa ang isang kamay.

Sumingit sa gitna si Rain. “At saka ikaw ang gusto kong makapareha, Iris!” dali-dali niyang litanya.

Napatingin si Iris sa dalawang lalaking nakapalibot sa kanya. Pareho nilang binibigyan ng lakas ng loob si Iris at naramdaman naman niya iyon. Nag-aalinlangan siya kung susubukan ba niyang maging isang prinsesa katulad ni Cinderella o mananatili na lamang siya sa nakasanayan niyang kadiliman.

Wala pa ring tigil ang mga kaklase nila sa bulong-bulongang pagtutol sa pagiging bida ni Iris. Nang lumapit ang class president nilang babae sa mga kaklase nilang nag-iingay.

“May tiwala rin ako kay Iris na kaya niyang gampanan ang papel na Cinderella!”

Natahimik ang buong klase sa mabait na pagsasalita ng class president nilang nagngangalang Mira. May pares ng salamin sa mata, maiksi ang buhok, chubby at morena.

Lumapit si Mira kay Iris. “Practice lang at siguradong magiging maayos din ang lahat.” Ngumiti siya’t nagliwanag ang buong paligid.

Sa pagkakataong iyon naglakas loob si Iris na magsalita ng saloobin niya mula sa kaibuturan ng kanyang puso. “G-Gusto kong subukan…” mahina’t nahihiya niyang sagot.

“Tama ‘yan! Magkaroon ka ng tiwala sa sarili mo at kung wala kang tiwala sa sarili mo hayaan mong magtiwala ka sa amin na nagtitiwala sa ‘yo…” tugon ni Mira. “N-Na gets mo ba?” Sabay ngiti nang alanganin.

“Salamat sa inyo…” Nayuko si Iris, nakaramdam siya ng kakaibang init sa katawan. Noon kasi hindi siya pinapansin sa klase nila. Pero dahil kay Mira, nadagdagan na naman ang self-confident niya sa sarili. Sumaya ang paligid ni Iris habang nakapalibot sa kanya ang mga mukhang nakangiti nang taos-puso.

***

INUMPISAHAN nila ang practice sa basketball gym kung saan may iba rin silang kasamang mga nagpa-practice. Saktong naroon ang section C kaya nagkaroon ng pagkakataong magkasama-sama ang magkakaibigan.

“Wow! Talaga? Ikaw ang gaganap na Cinderella, Iris?” hindi makapaniwalang tanong ni Daisy matapos ibalita ni Iris ang nangyaring bunutan sa klase nila.

“Practice lang naman ang kailangan mo, I’m sure kayang-kaya mo ‘yan!” Ipinatong ni Lolita ang kamay niya sa braso ni Iris. “Sino naman ang ka-partner mo?” usisa niya.

Buong yabang na tumabi si Rain sa kanila. “Ahem!”

Nilingon nila si Rain.

“Ikaw ang masuwerteng lalaki?” biro ni Daisy sabay tumingin nang mapanukso kay Dandy.

“Hoy! Ba’t ganyan ka makatingin, huh?” Tinaasan niya ng kilay ang nanunuksong si Daisy. “Tch! Ang malas ko talaga sa ganyang bunutan…” bulong niya sa isang tabi.

“Eh, ‘di tuwa ka naman, Rain?” Mabilis ibinaling ni Daisy ang tukso kay Rain.

Agad namula si Rain sa malokong ngisi sa kanya ni Daisy. “Ito yata ang tinatawag nilang… destiny?” Nag-spark ang ngiti niyang abot tainga.

“Baliw!”

“Hoy! Sinong baliw? Inggit ka lang, bleh!”

Parang batang nambelat si Rain kay Dandy na tinawanan ni Daisy. Masaya na si Daisy nagawa na naman niyang pag-trip-an ang dalawa.

“Teka ano ba kasing role ang nakuha mo, Dandy?” pasungit na tanong ni Lolita.

“Pfft!” Bahagyang natawa si Rain. “Sabihin mo nga kung ano’ng papel mo.” Maloko siyang ngumisi pagkatapos humalukipkip siya’t tiningnan nang mataas si Dandy.

Namula sa hiya ang pisngi ni Dandy. “…F-Fairy Godmother…” mahina niyang bulong sa sobrang hiya sa harapan ng mga babae.

Bumulalas sa tawa si Rain. “Nya-ha-ha-ha! Bagay na sa ‘yo! Ha-ha-ha!” Luhaan ang mga mata niya sa kakatawa sa ekspresyon ni Dandy.

Hindi tuloy napigilan nina Daisy at Lolita ang matawa habang si Iris, pa simpleng naka-dark smirk.

Maya-maya nang tawagin sina Iris, Dandy at Rain ng kanilang class president para sa kanilang practice. Gano’n din naman sina Daisy at Lolita, bumalik sila sa kanilang mga kaklase. Nag-umpisa ang kanilang pagpa-practice nang sama-sama. Naging mahirap para kay Iris ang pakikisalamuha sa iba niyang kaklase pero dahil sa tulong nina Dandy, Rain at Mira, nagawa niyang makisama sa mga ito. Hindi niya namamalayan na unti-unting lumiliwanag ang kanyang pagkatao. Kung noon nakikita siyang may kakambal na aninong nakasunod sa likod niya, ngayon ay dahan-dahang naglalaho iyon. Napansin iyon ng mga kaklase niya kaya natutunan na rin nilang tanggapin si Iris.

***

SUMAPIT ang unang araw ng foundation day sa Bloomer’s Academy, buong araw bukas ang school para sa mga gustong bumisita. Ito ang araw na naka-schedule ang grade 10 section F para magtanghal ng napili nilang play.

Nakaayos na ang lahat sa cover court basketball gym. Ginayakan ito ng iba’t ibang kulay na bandiritas at mga ilaw na nakatutok sa stage. May mahaba at kulay pulang telon na katabing sa stage, handang-handa na ang lahat sa kani-kanilang pagganap.

May kalahating oras bago magsimula ang kanilang play nang tawagin si Iris ng dalawang estudyante. Mga taga-ibang section sila at mukhang may importanteng pakay sa kanya.

Nakita ni Dandy ang paghawak ng dalawang estudyanteng babae sa magkabilang braso ni Iris. Kaagad niyang nilapitan ang dalawa habang abala ang iba sa pag-aayos ng set at pagkakabisa ng linya nila.

“Iris!” tawag ni Dandy. “Ano’ng mayroon?” tanong niya.

Mabilis sumagot si Iris. “May naghahanap daw kasi sa akin? Importante raw?” walang buhay na sagot ni Iris.

“Huwag kang mag-alala ibabalik din namin siya,” singit na sabi ng babaeng maiksi ang buhok.

“Sasama ako!”

“Hindi huwag na!” pigil ng kasamang babae. “Mabilis lang ‘to, promise!” Ngumiti ang babae kay Dandy saka kumaway. “Sige!”

Bago tuluyang umalis nilingon muna ni Iris nang may pangambang tingin si Dandy. Sa paglalakad nila nakarating sila sa likod ng school building. Dito na nagtaka si Iris, may hinala na siya sa una na may hindi magandang balak ang dalawang ito pero sinubukan pa rin niyang magtiwala.

“Nasaan na ang gustong kumausap sa akin?” nahihiya niyang tanong sa dalawa.

Ngumisi ang babaeng maiksi ang buhok. “Heh! Ang tanga mo rin talaga, noh?” Humalukipkip siya’t tinaliman nang tingin si Iris.

Hinawakan naman nang mahigpit ng babaeng mahaba ang buhok ang pulso ni Iris saka hinatak ito. “Masyado kang papansin! Nakakasuka ka!” Sabay tulak kay Iris sa pader.

Bumunot ng cutter ang babaeng maiksi ang buhok mula sa bulsa niya. “Masyado nang mahaba ‘yang buhok mo! Putulan kaya natin?” Nanlilisik ang mga mata ng estudyante na gusto talaga niyang saktan si Iris.

Nilusob ng babae si Iris, nagawa niyang hiwain ang laylayan ng palda ni Iris. Sa ikalawang pagsalakay ng babae, kumilos na si Iris at inilagan ito. Isang mahabang hiwa ang sumira sa pang-itaas niyang damit. Lumantad ang strap ng brang suot ni Iris, kitang-kita ang maputi niyang balat.

“Teka! Hindi ba’t sobra na ‘yan!” Nagawa pang maawa ng babaeng mahaba ang buhok.

“Tumahimik ka!” bulyaw ng maiksi ang buhok.

“A-Ano bang kasalanan ko sa inyo? B-Bakit n’yo ginagawa sa akin ‘to?” Nakaupo sa lupa si Iris, bagsak ang mahabang buhok sa mukha. Hindi niya magawang tingnan nang tuwid ang dalawang nanakit sa kanya. Kagat-labing tumayo nang tuwid si Iris, nakayuko ang ulo habang laylay ang mahaba niyang buhok.

“Tsk! Gusto mo pa talagang masaktan, ha!” Itinutok ng babae ang cutter kay Iris.

Dahan-dahang humakbang si Iris, unti-unti niyang inangat ang ulo nang may nanlalaking mga mata. Tumalim ang ngiti ni Iris, kumislap ang pangil niya sa ngipin.

Nanginig bigla ang katawan ng babaeng maiksi ang buhok na may hawak na cutter. “Talagang nakakainis ka na!!!” Sinugod niya si Iris nang buong puwersa.

Hindi natinag si Iris sa kinatatayuan niya nang…

“Tama na!”

May humawak sa pulso ng babae dahilan para mapigilan ang balak niya kay Iris.

“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!” malakas na sigaw ng lalaking nakatayo sa gitna nilang dalawa.

Inangat ni Iris ang tingin niya nang makita niya ang malapad na likod ni Dandy. Nakasuot na ito ng costume niyang fairy Godmother pero litaw na litaw pa rin ang kakisigan ng katawan.

“D-Dandy?”

Nakatalikod si Dandy hawak pa rin ang pulso ng babae nang magpumiglas ang babae. Malakas na hinagis ni Dandy ang kamay ng babae paibaba, nahagip ng talim ang gilid ng kamay ni Dandy. Tumilapon sa malayo ang cutter kasabay ng pagkababa ni Dandy ng kamay ay ang pagtulo ng dugo sa lupa.

“Kyaahhh!!!” bulalas na sigaw ng mahabang buhok na estudyante. Kumaripas ito ng takbo palayo sa likod ng school building habang ang kasama niyang maiksi ang buhok ay tulala.

“B-Baliw ka!” Dinuro ng babaeng maiksi ang buhok si Dandy. “Ba’t mo pinoprotektahan ang babaeng halimaw na ‘yan?”

“Wala kang pake!” Tinaasan nang tingin ni Dandy ang babae. “Tch! Hindi ko kayo maintindihan! Ano bang ginawa ni Iris para tratuhin n’yo siya nang ganito, ha?!”

Sa takot ng babaeng maiksi ang buhok kay Dandy binalak din nitong tumakbo pero hindi siya nakatakas. Dumating ang adviser nilang si Miss Rhea kasama ang babaeng mahaba ang buhok. Nakasalubong ng kasamahan ng babaeng maiksi ang buhok ang adviser saka niya pinaalam dito ang nangyari.

Dinala ang dalawa sa guidance office upang patawan ng karampatang kaparusahan. Dahil sa major offence na ginawa nila kay Iris, na-kick out ang dalawa sa Bloomer’s Academy.

***

PAGKABALIK nina Iris at Dandy sa basketball gym, nakapag-umpisa na ang lahat sa play. Naipaalam ni Dandy ang nangyaring pananakit kay Iris kaya minabuti nilang ipagpaliban na lang ni Iris ang pagiging Cinderella niya.

Ang nangyari tuloy…

“Nakiusap kami kay Lolita para tulungan ang section natin,” saad ni Mira. “Magaling kasi siyang magkabisado ng linya at isang basa niya lang saulado na niya kaagad.”

“Ayos lang walang problema sa akin…” mahinang tugon ni Iris. Deep inside nanghihinayang siya dahil pinaglaanan niya iyon ng panahon at lakas ng loob para magampanan ang role niya.

Si Lolita tuloy ang naging replacement ni Iris bilang Cinderella ka-partner ni Rain. Suot ni Iris ang polo ni Dandy matapos magkahiwa-hiwa ng uniform niyang pang-itaas. Lumipas ang oras at dumating na ang eksenang sayawan sa palasyo. Nagtawanan ang mga manunuod nang makita si Dandy na nakasuot ng gown at may hawak na magic wand. Napangiti si Iris sa bawat eksenang tumatakbo sa play. Habang pinapanuod ni Iris sa isang tabi ang mga kaklase niyang nagsisiganap nang buong husay… inisip niyang. “Sinubukan kong maging si Cinderella, inisip kong kaya ko ring kuminang tulad niya. Nagkamali ako… kahit kailan hinding-hindi kikinang ang tulad ko. Tama na ang pantasya at mamuhay na lamang sa kadiliman…”

Sa pagdaan ng mga oras, natapos ang kanilang palabas. Nagtayuan ang mga tao at nagbigay ng masigabong palakpakan sa mga nagsipagganap. Isang mahusay na performance mula sa class - F, isang matagumpay na play ang ginawa nila.

***

NATAPOS ang unang araw ng foundation day, sa susunod na dalawang araw ay libre na ang class - F para e-enjoy ang school festival. Nag-uwian na ang mga estudyante maging ang mga bisita sa school. Naiwan sa basketball gym si Iris dahil kabilang siya sa mga naglinis pagkatapos ng play. Nauna nang umuwi ang mga kaklase niya maliban kina Rain, Daisy at Lolita naghihintay sa gate ng school.

Ipinatong ni Iris ang natitirang upuan sa isang tabi kung saan nakalagay ang mga silya. Aktong lilisanin na niya ang gym nang makarinig siya ng tugtog mula sa stage. Pamilyar ang musikang iyon dahil iyon ang ginamit nila sa play kanina.

Maya-maya nang bumukas ang nakasaradong telon ng entablado, nagulat si Iris nang makita si Dandy sa gitna ng stage. Dahan-dahang naglakad si Dandy pababa sa hagdan, hanggang sa malapitan niya si Iris.

“A-Ano’ng ibig sabihin nito?” nagtatakang tanong ni Iris.

Nakasuot ng prince costume si Dandy, na nakuha niya sa lagayan ng mga costume.

“Pwede ba kitang isayaw magandang binibini?” pormal niyang paanyaya sa dalagang nasa harap niya. lumuhod si Dandy saka inilabas ang isang sapatos na ginamit ni Cinderella kanina sa play.

Namilog sabay kuminang ang mga mata ni Iris nang marinig ang mga katagang iyon sa bibig ni Dandy. Para bang ibang lalaki ang kaharap niya’t hindi mukhang gangster. Maliban sa suot nitong prince costume nakapomada pa ang buhok nito’t naka-brush up. Prinsipeng-prinsipe ang dating ni Dandy nang mga sandaling iyon.

Hindi maintindihan ni Iris ang sarili’t kusang kumilos ang kanyang katawan. Isinuot niya ang isang sapatos sa kanang paa. Inilabas naman ni Dandy ang kaparehang sapatos sa kaliwa’t isinuot din iyon ni Iris. Tumayo si Dandy saka magiliw na ngumiti sa harap ni Iris, inilapat niya ang kamay sa dalaga.

Nahihiyang ipinatong ni Iris ang kamay niya sa palad ni Dandy saka sila sabay na umakyat ng stage. Sa pagpapatuloy ng nakakaakit na musika, ipinatong ni Dandy ang kamay ni Iris sa ibabaw ng balikat niya. Ang isang kamay naman ni Dandy ay inilagay niya sa baywang ni Iris habang magkakapit ang pareho nilang kabilang kamay.

“B-Bakit?” simpleng tanong ni Iris habang isinasayaw siya nang marahan ni Dandy.

Walang imik si Dandy, patuloy lang siya sa pag-indak sa saliw ng matamis at malambing na musika. Magkatitig ang kanilang mga mata sa isa’t isa habang dinadama ang bawat sandali. Para silang nasa play na sila ang bidang prinsesa at prinsipe.

Inikot ni Dandy si Iris saka sinalo’t isinandal sa kanyang dibdib. “Kumusta ang pakiramdam mo?” malambing niyang tanong.

“A-Ayos naman…”

“Mabuti kung gano’n.” Hinatak ni Dandy si Iris payakap sa kanyang bisig. “Nag-alala ako sa ‘yo nang husto kanina. Pinigilan ko lang ang sarili ko pero sa loob-loob ko—gusto ko nang sumabog sa galit.” Mahigpit ang yakap ni Dandy sa katawan ni Iris, tila ayaw na niya itong bitiwan. “Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari masama sa ‘yo,” litanya pa niya.

Lumukso ang puso ni Iris sa kaba.

Toki-Doki.

Tila gustong kumawala ng puso niya sa sobrang bilis nito. May kung anong init sa katawan ni Dandy na nagbibigay kuryente na dumadaloy sa kanyang ugat.

“A-Ano nga ulit ang tawag nila sa ganitong pakiramdam?” tanong niya sa isip. “K-Kilig?”

Tinitigan nang malagkit ni Dandy si Iris saka ngumit nang matamis. “Bagay sa ‘yo ang maging prinsesa…” magiliw niyang bulong sa harap ni Iris.

Umangat ang init sa mukha ni Iris, todo blush siya sa narinig niya mula kay Dandy. Sa gitna ng kanilang romantikong eksena biglang sumingit sina…

“Hoy! Stop it!” Kaagad pinaghiwalay ni Rain ang dalawa. “Sneaky fox!” Tinitigan niya nang may inis si Dandy. “Ano’ng ginagawa mo habang nakatalikod ako, huh?”

“Baliw!” Sabay batok sa ulo ni Rain. “Tinupad ko lang ang pagiging Cinderella niya, masama ba?”

“Oo!” sabay-sabay nilang tatlong sigaw.

“Ikaw talaga!” Hataw sa braso ni Lolita. “Hmph! Buti na lang dumating kami!” Pero deep inside iniisip niyang sana siya rin isinayaw ni Dandy.

Napakamot sa batok si Dandy sa tatlong asungot na dumating. Saktong tumigil na rin ang musika’t naiwan ang ingay nila sa loob ng gym.

“Pfft! Ha-ha-ha!”

Isang tawa ang nagpagulat sa kanila nang makita nila ang matamis na ngiti sa labi ni Iris. Muli nilang nakita ang precious smile na nagpakislap sa kanilang paligid.

Mai Tsuki Creator