NAGKAROON ng group study sina Iris, Rain, Daisy, Lolita at Dandy. Napagkasunduan nila na gawin ito sa bahay nina Dandy dahil alam nilang mayaman siya. Nasa tapat sila ngayon ng mataas, puti at mahabang gate na gawa sa bakal. Kitang-kita sa labas ang pabilog na fountain at sa gilid ang magarang pagoda na napapalibutan ng mga halaman. Malaki ang bakuran nila at may tatlong magagarang sasakyang nakaparada sa garahe. May mataas, mahaba, European style ang mansyong tinitirahan nina Dandy.
“Wow! Ang laki ng bahay n’yo!” namamanghang saad ni Rain, tinatanaw niya ang mahaba at may dalawang palapag na mansyon.
“Hindi ko alam na ganito pala kayo kayaman, Dandy?” Excited naman si Daisy na makita ang kabuohan ng loob nito.
Maging si Lolita ay namamangha rin sa malaki at magarang mansyon na tirahan nila. Habang si Iris, nakatago sa likod ni Daisy na parang ayaw tumapak sa malaking mansyon.
“Ano’ng nangyayari sa ‘yo, Iris?” takang tanong ni Daisy.
Umapaw ang itim na awrang bumabalot sa katawan ni Iris. “M-Masyadong nakakasilaw ang malaking mansyon na ‘yan…” mahina, walang buhay na sabi ni Iris. “Pwede bang umuwi na lang ako?”
“Tch! Ayan ka na naman!” Hinatak ni Dandy sa kamay si Iris. “Ang mabuti pa pumasok na tayo.”
Pagkapasok nila sa loob kaagad sinalubong sila ng mga maid na naka helera sa magkabilang tabi ng pintuan.
“Maligayang pagbabalik sa mansyon, Boss!” sabay-sabay na bati ng mga katulong sabay yuko bilang paggalang.
“Boss talaga?” Nang-aasar na tingin ni Rain kay Dandy.
“Tumigil ka! Tawag lang nila sa akin ‘yon.”
Sumalubong sa harapan nila si Clint.
“Boss! Nakahanda na ang study room kung saan kayo tahimik na makapag-aaral!” Malaki ang ngiti ni Clint habang makadikit at kinukuskos ang dalawang palad. Sumulyap siya sa likod kung nasaan si Daisy. “Hi! Miss Daisy!” masaya niyang bati.
Masaya naman siyang binati pabalik ni Daisy, “Hello!” Na may kasamang pagkaway ng kamay.
“Pa simple ka pa!” Pinitik ni Dandy ang gilid ng tainga ni Clint. “Ang mabuti pa tulungan mo sila sa pagbitbit ng mga bag nila,” utos ni Dandy na siyang sinunod kaagad ng matapat niyang alalay.
Umalis ang mga katulong nang umakyat sila sa second floor ng malaking mansyon. Nagtungo kaagad sila sa magarang pinto sa dulo ng pasilyo kung nasaan ang kuwarto ni Dandy. Pagkapasok nila sa loob muli na namang namangha ang mga mata nila sa kumikinang na silid. Halatang mamahalin ang mga gamit mula sa makintab na study table, mga libro sa bookshelf, mga paintings na nakasabit sa dingding, malambot na sofa at magagarang plorerang may tanim na halaman.
“Sobrang yaman n’yo naman!” manghang sambit ni Daisy.
“Siguro big time ang parents mo, noh?” sabat naman ni Rain.
“Hindi naman ayos lang…” mahinang sagot ni Dandy habang hinahawi ang kurtina sa bintana. “Mabuti pa simulant na natin para maaga tayong matapos sa pag-aaral.”
Kaya nila ginawa ang group study ay para sa nalalapit nilang exam ngayong Linggong darating. Dahil transfer student sina Rain, Daisy at Dandy may mga lesson silang hindi ma-gets. Mabuti na lang at magaling sa klase sina Lolita at Iris kaya silang dalawa ang magtuturo ng mga bagay na hindi nila maintindihan sa mga aralin.
Nakaupo silang lahat sa palibot ng mahabang mesa habang nakabantay sa pinto si Clint. Seryoso sa pagsagot ng Math problem ang tatlo habang nag-re-review naman sa English sina Lolita at Iris. Maya-maya nang may kumatok sa pinto nabulabog ang concentration nilang lahat at nabaling ang pansin sa pinto.
“Boss narito na po ang miryendang ipinahand ninyo!” wika ng maid sa labas ng pinto.
Binuksan ni Clint ang pinto. “Ako na ang bahala rito.” Kinuha niya ang tray na may nakapatong na cake at lemon juice sa pitsel. Inilapag ni Clint ang tray sa center table sa pagitan ng dalawang mahabang sofa.
“Ang mabuti pa mag meryenda muna tayo,” suhestiyon ni Dandy saka ibinaba niya ang hawak na ballpen.
“Hay! Ang hirap naman ng Math!” Nag-unat ng braso si Daisy. “Buti pa kayong dalawa walang problema sa lesson natin,” reklamo pa niya.
“Makatutulong ang pagkain ng matamis habang nag-re-review.” Isa-isang nilapag ni Clint ang platitong may hiwa ng cake sa mesa.
“Wow! Mukhang masarap!” Kumikinang ang mga mata ni Daisy sa pananabik matikman ang chocolate cake.
Habang sarap na sarap sila sa miryenda nila, tumayo si Iris. “Excuse lang nasaan ang C.R?” nahihiya niyang tanong sa tabi ni Dandy.
“Sasama rin ako!” Tumayo rin si Lolita.
“Tara sumunod kayo sa akin.” Tumayo si Dandy para samahan ang dalawang babae. Lumabas sila ng kuwarto saka naglakad sa mahabang pasilyo.
Lumiko sila sa kanan kung saan may nadaanan silang mga pinto. Maraming silid sa mansyon at magkakamukha ang labas ng mga ito. Nang makarating sila sa C.R kaagad pumasok ang dalawang babae at naghintay naman si Dandy sa labas.
Habang nakatayo’t naghihintay si Dandy…
“Boss Dandy,” mahinang tawag ng isa sa mga katulong sa mansyon. “Dumating na po si Master Alfonso,” balita ng katulong na lalaki.
“Sige pupuntahan ko siya sa kanyang silid ngayon din.” Tumingin siya sa pinto ng C.R. “Pwede bang hintayin mo ang dalawang kasama ko tapos ihatid mo sila sa kuwarto ko.”
“Opo, ako na po ang bahala.”
Umalis si Dandy nang walang paalam sa dalawa.
***
“NASAAN na kaya ang malaking aso na ‘yon?” Palingon-lingon sa paligid si Iris nang makarating siya sa labas ng mansyon.
Kanina pagkalabas nila ng C.R ni Lolita, nakaabang sa labas ang inutusan ni Dandy na magdala sa kanila pabalik sa kuwarto. Sa paglalakad nila sa hallway biglang nakakita ng malaki at itim na aso si Iris sa palikong daan patungo sa ibang dereksyon. Sa pagsunod niya sa aso bigla siyang napahiwalay kina Lolita at ngayon imbes hanapin ang daan pabalik sa kuwarto ni Dandy, ang hinanap niya ay ang itim na aso.
“Chu-chu! Doggie?” tawag niya sa aso habang sinisilip ang bawat sulok ng halamanan. “Black dog nasaan ka na?”
Nakarating si Iris sa malawak na hardin kung saan samot-sari ang tanim na mga bulaklak, puno at iba’t ibang uri ng halaman. May malaking pagoda na pahingahan sa bandang dulo, napapalibutan ito ng mga rosas at halamang gumagapang. Nang marinig ni Iris ang pagtahol ng aso ‘di kalayuan.
“Ah! Nariyan ka pala!” Tumakbo siya sa kinaroroonan ng aso nang bigla siyang mapahinto. “Uhm…”
May matandang humihimas sa ulo ng aso, nakaupo ang matanda sa malambot na upuan sa loob ng pagoda. Nanlaki ang mga mata ng matanda nang makita niya si Iris, nakatayo’t matalim ang tingin. May itim na awrang lumalabas sa paligid ni Iris na siyang kinatakot ng matanda.
“Waahhh! S-Sino ka at ano’ng ginagawa mo rito?”
Tumayo ang matanda saka tinitigan nang masungit si Iris. Kumaluskos ang mga dahon sa puno, naglaglagan ang mga ito sa pag-ihim nang malakas na hangin. Tila may kumurot sa puso ni Iris at nakaramdam siya ng kakaibang kirot. May kung ano sa mga mata ng matanda na nagpaluha sa mga mata ni Iris.
“Hoy, ayos ka lang ba, hija?” takang tanong ng matanda pagkatapos nilapitan niya si Iris. “Teka, wala naman akong ginagawa sa ‘yo bakit umiiyak ka?” Tumaas ang tono ng boses ng matanda saka nagsalubong ang dalawang kilay. “Ikaw nga itong nanakot sa akin. Halos malaglag ang pustiso ko sa gulat sa ‘yo bata ka!”
“S-Sorry po!” Yumuko si Iris bilang paghingi ng paumanhin. “S-Sa inyo po ba ang asong itim na ‘yan?” Dahan-dahang lumapit si Iris sa loob ng pagoda.
“Oo. Ang pangalan niya ay Dugal,” pakilala ng matanda sa aso.
Tumahol ang aso’t lumapit kay Iris, dinilaan siya nito sa kamay habang winawagayway ang buntot.
“Aba! Gustong-gusto ka yata ni Dugal, a.” Kinuha ng matanda ang tungkod niya’t nilapitan ang aso. “Masungit si Dugal sa ibang tao lalo na kapag hindi niya kilala ang amoy. Mukhang gusto niyang makipagkaibigan sa ‘yo.” Bahagyang ngumiti ang matanda.
Hinimas din ni Iris ang balahibo ni Dugal sa katawan. “May alaga rin po akong aso ang pangalan niya ay Kulto.”
“Kulto? Kasing wirdo mo ang pangalan ng aso mo.” Bumalik sa pagkakaupo ang matanda sa malambot na upuan. “Maupo ka’t magpakilala. Kaibigan ka ba ni Dandy? Naalala kong nagpaalam nga pala siya na darating ang mga kaibigan niya rito sa mansyon.” Tinapik-tapik ng matanda ang tuhod niyang tila namamanhid.
Tumabi si Iris. “Tulungan ko na po kayong hilutin ang tuhod n’yo, Lolo.”
“Lolo?” takang sambit ng matanda.
“Hindi po ba’t kayo ang lolo ni Dandy?” Inumpisahan ni Iris hilutin ang tuhod ng matanda. “May group study po kami para sa exam po namin,” paliwanag niya habang nanghihilot.
“Hmmm… gano’n ba.”
“Naku! Lolo, mukhang matindi na po ang nararamdaman n’yong rayuma.”
“Loko kang bata ka! Hindi pa ako gano’n ka tanda!”
Nakangiti si Iris, hindi niya maiwasang matuwa sa pakikipag-usap sa matanda. Pakiramdam niya matagal na niyang kilala ang matandang nasa harapan niya.
“Siya nga pala, mahilig ka ba sa mga bulaklak?” biglang tanong ng matanda kay Iris.
“O-Opo! Sa katunayan may flower shop po kami sa Floral Street. Mahilig sina Mama at Lola sa mga bulaklak kaya nagtayo sila ng negosyong may kinalaman sa mga bulaklak. Galing din sa bulaklak ang pangalan ko.” Inangat ni Iris ang tingin sa matanda. “Bakit n’yo po naitanong?”
Humarap sa naggagandahang halaman at bulaklak ang matanda. “Ang hardin na ito kasi… nagpapaalala sa akin ng aking apo…”
Sa isip ni Iris. “Ang sweet naman ng matandang ‘to kay Dandy. Masuwerte siya’t may lolo siyang palaging umaalala sa kanya.”
Napangiti si Iris. “Mahilig din po pala kayo sa mga halaman at bulaklak.”
“Oo naman! Certified plantito kaya ‘to!” pagmamalaking sabi ng matanda. “Nakakagaan kasi sa pakiramdam ang kulay at halimuyak nila.”
“Pffft!” Simpleng tawa ni Iris. “Ang cool n’yo po!”
“Hay! Marami kasing kabataan ang hindi na nakaka-appreciate ng ganda ng mga halaman, bulaklak, puno at kapaligiran. Puro mga cellphone ang hawak, nilamon na ng gadget ang mga utak!”
“Lolo, talaga…”
Sa gitna ng magaan nilang usapan biglang…
“Iris!!!”
“Huh? Dandy, ikaw pala?”
Gulat na nakatitig si Dandy kina Iris at sa matanda. “A-Ano’ng ginagawa mo rito? Kanina ka pa namin hinahanap!”
Itinigil ni Iris ang paghihilot sa tuhod ng matanda pagkatapos ay humarap kay Dandy. “Pasensya na, may nakita kasi akong itim na aso kaya sinundan ko’t napadpad ako rito sa hardin ni Lolo.” Nilingon ni Iris ang matanda.
Nagtama ang tingin ni Dandy at ng matanda.
“Uhm… M-Master Alfonso,” bati ni Dandy saka nag-bow sa harap ng matanda. “Pinuntahan ko po kayo sa silid n’yo pero wala kayo… narito lang po pala kayo sa hardin.”
“Master Alfonso? Bakit master ang tawag mo sa lolo mo?” nagtatakang tanong ni Iris.
“Ah… eh…” Napakamot sa batok si Dandy, wala siyang maisagot kay Iris.
Biglang tumayo ang matanda. “Oh, siya! Makabalik na nga sa silid ko para makapagpahinga.” Kinuha niya ang tungkod saka naglakad sa tabi ni Dandy. “Dandy, sa susunod isama mo ulit itong kaibigan mo.” Nilingon ng matanda si Iris saka ngumiti. “Gusto ko siyang makakuwentuhan ulit sa ibang araw.” Tinapik ng matanda ang balikat ni Dandy saka nagpatuloy sa paglalakad. Sinundan naman siya ng alaga niyang asong si Dugal.
“Teka lang po!” pahabol na litanya ni Iris. “Ako nga po pala si Iris, Iris Trinidad!” pakilala niya.
Ngumiti ang matanda. “Tawagin mo na lang akong, Lolo Alfonso.” Kumaway ang matanda saka nagpatuloy sa paglalakad.
Naiwan sina Iris at Dandy sa hardin.
“Mukhang mabait ang lolo mo, Dandy.”
“Uhm…” Tumango na lamang si Dandy bilang pagsang-ayon kay Iris. “Ang mabuti pa bumalik na tayo sa kuwarto ko.” Nagpamulsa si Dandy saka tumalikod. “Kanina pa sila naghihintay sa ‘yo.”
Nang pabiglang hatakin siya ni Iris sa braso. “Sandali!”
“Ano ba?”
“Pwede bang makahingi ng mga rosas n’yo?” nahihiyang pakiusap ni Iris.
“Hay! Iyon lang ba?” Sumenyas si Dandy gamit ang tingin. “Sige lang pumitas ka d’yan.” May kinuha si Dandy sa labas ng pagoda. “Oh, gamitin mo ‘to.” Isang gunting na panggupit ng halaman.
“Salamat!”
Nag-spark ang buong paligid ni Dandy nang ngumiti si Iris. “Tch! B-Bilisan mo!” Namumulang naglakad sa tabi ng mga rosas si Dandy. “Hihintayin kita rito.”
Sinimulan ni Iris ang pagputol sa tangkay ng mga rosas nang hindi niya namamalayang…
“Aray!” Bigla siyang natinik sa daliri.
“Iris!” Kaagad nilapitan ni Dandy si Iris.
Ipinakita ni Iris ang dumudugong daliri niya. “Tingnan mo, lalabas dito ang paring pugot ang ulo.”
“Sira! Ayan ka na naman sa ka-wirduhan mo!” Hinatak ni Dandy ang kamay ni Iris. “Sorry, nakalimutan kong sabihin sa ‘yo na maraming tinik nga pala ang mga rosas dito.” Dinampi ni Dandy ang sugatang daliri ni Iris sa kanyang labi.
Nakaramdam ng kakaibang init si Iris sa kanyang katawan nang makita kung paano tinanggal ni Dandy ang dugo sa kanyang daliri. Namula ang buong mukha niya’t halos umusok ang magkabilang tainga sa sobrang init. Pakiramdam niya gustong kumawala ng puso niya sa sobrang bilis nang tibok nito.
“A-Ang dugo ko… h-hinigop mo ang dugo ko?” nawiwindang na wika ni Iris habang nanginginig ang labi’t sobrang kabado ng dibdib. “A-Alam mo bang may lason ang dugo ko? Malalason ka’t mamatay!”
“Sira!” Pinitik ni Dandy ang noo ni Iris. “Tigilan mo nga ako sa ka-wirduhan mo!” Binitiwan ni Dandy ang kamay ni Iris. “Bilisan mo na’t babalik na tayo!”
“S-Salamat sa pag-aalala mo…”
Lalong naging cute ang gesture ni Iris nang makita siya ni Dandy na sobrang nahihiya’t namumula ang magkabilang pisngi.
“Hoy!” tawag ni Dandy. “Pwede ba sa akin mo lang ipakita ‘yang…”
“…?” Nakatitig si Iris at naghihintay ng idudugtong ni Dandy sa sasabihin nito.
“Agh! Hayaan mo na nga!” Tumalikod si Dandy, hinayaan niya si Iris sa pagpitas nito ng bulaklak.
***
MATAPOS kumuha ng mga rosas ni Iris ipinalagay niya ang mga ito sa isang basket. Naglakad sila paakyat sa pa-curve na hagdan para bumalik sa kuwarto ni Dandy. Sa kanilang paglalakad sa hallway napasulyap si Iris sa bintana. Tanaw ang harapan ng mansyon kung nasaan ang mahabang gate na bakal. Napako sandali ang pansin ni Iris sa pabilog na fountain nang mapukaw ang atensyon niya sa mga lalaking naka-black suit at black shades.
“Dandy…” Kinalabit niya sa laylayan ng damit si Dandy. “Sino ang mga ‘yon?” tanong ni Iris.
Tumingin sa bintana si Dandy, mabilis niyang hinarang ang katawan sa paningin ni Iris. “W-Wala lang!” Kinaway-kaway pa niya ang mga kamay para hindi makita ni Iris ang likod. “Bilisan na natin para makauwi kayo kaagad. I-Ipapahatid ko na lang kayo kay Mister Hanzo!”
Hinawakan ni Dandy sa balikat si Iris para sapilitang palakarin nang hindi matinag si Iris. Muli siyang sumulyap sa bukas na binatana’t nasilayan niya ang mga lalaking nakasuot ng itim na may ini-escort-an. Isang lalaking matangkad, naka-white business attire at may mahabang pilat sa kaliwang mata. Nakakatakot ang awra ng lalaking ito, tila isang big time boss ng bigating sindikato.
“P-Pamilyar ang lalaking ‘yon…” Inangat ni Iris ang tingin kay Dandy. “… Para siyang si—”
Walang sabi-sabi nang yakapin ni Dandy si Iris. Isinubsob niya ang mukha ni Iris sa kanyang dibdib para hindi ito makapagsalita. Kaagad niyang binuhat ang katawan ni Iris saka tumakbo palayo sa bintana.
“T-Teka!!!”
“Shut up! Huwag ka nang maingay!”
“Pero ang taong ‘yon!”
“Kapag hindi ka pa tumahimik hahalikan na talaga kita!”
Sa sinabing iyon ni Dandy na pa-shut up na nga nang tuluyan si Iris. Hindi lang ang utak ni Iris ang naguguluhan nang makita niya ang lalaking ‘yon maging ang puso niya’y nag-iingay maisip niya lang na bitbit siya ni Dandy na parang sakong kinarga sa balikat. Ang malaking tanong sino nga kaya ang lalaking may pilat sa kaliwang mata na mukhang pamilyar kay Iris?