SUMAPIT ang araw ng Undas, walang pasok ng isang Linggo panahon para dalawin ang mga namayapang mahal sa buhay sa simenteryo. Tuwing sumasapit ang ganitong holiday umuuwi ang pamilya nina Iris sa probinsya para dumalaw sa puntod ng mga namayapang kamag-anak. Kasama na sa kanilang pagbisita ang pagdalaw sa puntod ng kanyang namayapang ina.
Iyon nga lang kakaiba ang holiday na ito dahil…
“Ano bang ginagawa ng mga batang ‘yan dito?” Nakapamewang si Lola Camellia habang nakatingin sa mga kasama ni Iris sa labas ng flower shop.
“Hi! Lola!” bati ni Daisy. “Gusto po kasi nilang sumama sa probinsya ngayong sem break.”
Nakatayo sina Lolita, Dandy at Rain sa labas habang tumatahol si Kulto sa gilid. Nilapitan ni Kulto si Dandy saka iwinagayway ang bunto. Talaga namang gustong-gusto siya ng aso nina Iris.
“Si Rain, pinayagan ni Jaica na sumama sa atin pero itong dalawa…” Tinuro ng matanda gamit ng tingin sina Dandy at Lolita.
Kasabay ng paghangin ang paghimas ni Lolita sa kulot niyang buhok na lumalaylay sa balikat niya. “Uhm… nagpaalam po ako sa parents ko. Ang sabi ko po kasama ko po ang pamilya ni Iris pati ang mga kaibigan ko…”
“Pero hindi naman bakasyon ang pagpunta namin sa simenteryo!” sagot pa ni Lola Camellia.
“Gusto ko lang pong makasama si Iris at maka-bonding silang lahat! Hu-Hu-Hu!”
“Aba’t talaga namang nag-drama pa!” Huminga nang malalim ang matanda. “Oh, siya sumama ka na basta’t pinayagan ka ng mga magulang mo walang problema.”
“Opo! Opo!” Sunod-sunod na pagtango ni Lolita. “Tatawag din po ako sa parents ko kapag nakarating na po tayo sa probinsya n’yo, Lola.” Bakas ang saya sa mga mata ni Lolita.
Habang si Dandy… nakikipaglaro ng play dead kay Kulto.
“Bang! Patay ka na, Kulto!”
Matalinong aso’t humilata na parang patay nga sa lupa.
“Loko ka talagang bata ka!” Nasapok tuloy niya ang ulo ni Dandy. “Ikaw naman, huwag mong sabihing pinayagan ka rin ng parents mo na sumama kay Iris?”
Napakamot sa ulo si Dandy sa parteng tinamaan ni Lola Camellia. “’La, naman…” Tumayo siya’t kinarga si Kulto. “Nagpaalam naman po ako at pinayagan nila akong sumama,” paliwanag niya.
“Mga batang ‘to!” Wala na ring nagawa si Lola Camellia kundi pasamahin ang mga bata sa kanilang pagbisita sa probinsya.
Saktong lumabas si Iris bitbit ang black body bag at…
“Susme! Ano ‘yang hawak mo, Iris?” gulat na bulalas ng matanda.
Balot na balot ang katawan ni Iris sa mahabang bestidang itim, may mahabang ribbon sa bandang leeg at naka-black hat. Pwedeng-pwede nang pang-Halloween ang suot niya. Additional, may hawak pa siyang bungo na may kandila sa ibabaw.
“Tch! Napapaka-wirdo ka na naman!” Biglang inagaw ni Dandy ang bungo sa kamay ni Iris.
Dahil sa ginawa niya lumabas ang dark aura sa katawan ni Iris, tumaas ang buhok niyang parang Super Saiyan. Nanlilisik ang mga mata nang titigan niya si Dandy, litaw ang pangil sa magkabilang ngipin. Nilapa niya nang pabigla si Dandy, sinakmal ang pulso saka kinagat.
“Aray!!!”
Nabitiwan ni Dandy ang bungo’t sinalo iyon ni Iris. “My precious!” Hinimas-himas ni Iris ang pisngi niya sa pisngi ng bungo. “Maria Constancia El Trinidad…” bulong niya sa pangalan ng bungo.
Nanindig ang balahibo nina Lolita at Daisy sa turan ni Iris. Napalunok-laway naman si Dandy, mabuti at hindi niya nabitiwan sa isang kamay si Kulto.
“Ano ba ‘yang amo mo, malala na talaga…” bulong ni Dandy kay Kulto. Tumahol naman ang aso na tila sinusuportahan siya nito.
“Tama na ‘yan! Ang mabuti pa tulungan n’yo na kaming maglagay ng gamit sa sasakyan,” utos ni Lola Camellia na sinunod naman ng mga bata.
***
NAALIMPUNGATAN si Dandy nang yugyugin siya mula sa pagkakagulog sa loob ng sinasakyan nilang van. “Nasaan na ba tayo?” pikit-mulat niyang tanong sabay kuskos ng magkabilang gilid ng mata.
“Nakarating na tayo,” paunang sabi ni Daisy. “Welcome sa probinsya namin—La Trinidad, Benguet!” pasigla niyang pakilala sa kanilang lugar.
“Na-miss ko ang lugar na ito,” mahinang bulong ni Iris, nakadungaw siya sa bintana.
Napatitig si Dandy sa malungkot na mga mata ni Iris. Sa hinala niya’y inaalala ng dalaga ang namayapa niyang ina. Iyon naman ang dahilan kaya sila umuwi ng probinsya, para gunitain at alalaahin ang mga sumakabilang buhay na pamilya nina Iris.
Biglang napaangat ang pwet nila sa loob ng van nang madaanan nila ang lubak-lubak na daan patungo sa looban. Matapos na nilang daanan ang simentadong daan at maraming kabahayan ay dumeretso ang van sa mismong tahanan nina Iris.
Pumarada ang van sa madamong gilid ng mahabang bahay. Hindi iyon kasing laki at ganda ng mansyon nina Dandy. Isang pahabang bahay na may mababang bakod, gate na gawa sa kahoy at napapalibutan ng mga ligaw na damo’t halaman sa labas.
Namangha si Dandy sa ganda at simple ng lugar nina Iris. Nakaramdam siya ng mainit na pakiramdam na tila pinapaalala ng lugar ang buhay niya noon.
“Dandy!”
Bigla siyang tinawag ni Daisy, nakapasok na pala silang lahat sa loob ng gate. Sumunod kaagad siya sukbit sa balikat ang bag niyang may lamang gamit. Tumahol nang tumahol si Kulto sa tabi ni Dandy, tila sinasabing bilis-bilisan niya ang paglalakad.
Sumalubong sa kanila ang matandang lalaking kahawig ni Lola Camellia. Ang nakatatandang kapatid niya na si Lolo Berting na may: kalbong ulo, kulot na balat dala ng katandaan at kubadong likod. Nakalagay ang dalawang kamay niya sa likod naka tawa nang litaw ang gilagid dahil sa ilang bunging ngipin.
“Pasok kayo,” paanyaya niya sa kanila.
Nagmano ang mga bata sa matanda’t ipinakilala naman siya ni Lola Camellia sa mga bisitang kaibigan ni Iris.
Sa loob ng bahay nila ay mababakas ang kalumaan ng mga bagay-bagay. May maiksing hagdan na may tatlong baitang lamang patungo sa pahabang espasyong kinalalagyan ng maraming kuwarto. Amoy na amoy din ang kalumaan ng bahay dahil yari ang ilang parte sa kahoy at tanging pader lamang ang simentado. Marami silang antigong kasangkapan, maging ang mahabang upuan sa salas ay yari sa kawayang pinatungan ng malambot na kutson.
Sa muling pagmamasid ni Dandy, muli na namang sumagi sa isip niya ang nakaraan. Tila dinadala siya ng mga bagay na nasa loob sa lugar kung saan siya ipinanganak at nagkamalay.
“Ayos ka lang ba?” mahinang tanong ni Iris matapos niyang mapansin ang kakaibang lungkot sa mga mata ni Dandy.
“A-Ayos lang.” Napakamot sa batok si Dandy sabay ngumiti nang pilit.
***
MATAPOS ang mahabang kwentuhan sa loob ng bahay nina Iris, napagkasunduan ng mga bata na magkaroon ng test of courage sa simenteryo. Nagpaalam sila na magpapahangin lamang sa likod-bahay nina Iris matapos nilang kumain ng hapunan. Pero may plano na pala ang lima na gawin ang napagkasunduan nilang test of courage para malaman kung sino ang pinakamatapang.
“Baka maihi ka sa pantalon mo, Dandy.” Nag-smirk si Rain sa tapat ni Dandy. “Walang atrasan ‘to!” yabang pa niya habang hawak ang sarili niyang flashlight.
“Tch! Ako pa talaga ang hinamon mo, lalaking pula ang buhok!” angas na turan ni Dandy pabalik kay Rain.
Habang nagtatalo ang dalawa tumahol nang tumahol sa unahan si Kulto. Isinama siya ni Iris para may magbabantay sa kanila habang nasa simenteryo sila. Naglakad si Iris papasok sa loob ng simenteryo, sinundan naman siya kaagad ni Kulto.
“Ang mabuti pa sundan na rin natin si Iris,” suhestiyon ni Daisy. Kinapitan niya sa braso si Lolita bago sila naglakad pasunod kay Iris nang sabay.
Dahil gabi nang mga oras na iyon kanya-kanya sila ng bitbit ng flashlight. Nauuna si Iris katabi ang alagang aso, sinundan siya nina Daisy at Lolita habang nasa pinakalikod sina Dandy at Rain. Pinasok nila ang main gate ng simenteryo’t naglakad sa madamong lupa.
“Teka, malayo pa ba?” tanong ni Daisy habang kapit na kapit sa braso ni Lolita.
Napisil ni Daisy ang braso ni Lolita nang malakas dahil sa dumaang pusa sa harapan nila. “Kyaahhh!!!”
“Daisy, ano ba?”
Napakapit nang tuluyan si Daisy sa katawan ni Lolita. “May pusang itim!” sambit niya. “Hindi ba’t bad luck kapag nakakita ka ng ganyan tapos sa simenteryo pa?”
Itinapat ni Dandy ang flashlight sa tapat ng pusa. Tumakbo naman kaagad ang pusang itim matapos mailawan ng flashlight.
“Sus! Pusa lang ‘yan!” Inalis ni Dandy ang flashlight saka itinutok kay Daisy.
“Ano ba! Alisin mo nga ‘yan nakakasilaw!” Mabilis na ibinaling ni Daisy ulo patalikod kay Dandy. “Teka! Nasaan sina Iris?” bigla niyang taka nang hindi na maaninag sina Iris at Kulto.
“Kanina lang nasa harapan natin sila,” sagot ni Lolita. “Baka hindi tayo napansin at tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad.”
“Kung gano’n tumuloy na rin tayo sa paglalakad,” singit naman ni Rain.
Sisimulan na sana nilang maglakad nang bigla silang makaringi ng malakas na alulong ng hayop.
Awoohhh!
Lalong napalunok-laway si Daisy, napahigpit na naman ang kapit niya kay Lolita. Napaatras nang hakbang ang apat nang itapat nila ang liwanag sa mahalamang parte ng simenteryo. May nakatayong nitso sa tabi ng masukal na halaman habang ang lugar na kinaroroonan nila ay unti-unting pinapalibutan ng malamig na hamog.
“A-Ano’ng nangyayari?” Nagsimula na ring manginig ang tinig ni Rain.
“Tingnan n’yo sa harapan natin!” Tinuro ni Lolita ang kumikislap na pares ng mga mata sa loob ng halamanan.
Nang biglang sumulpot mula sa ilalim ng lupa ang isang kamay.
“Waahhh!!!”
“Kyahhh!!!”
Sabay-sabay na sumigaw ang apat pagkatapos kumaripas nang takbo sa magkakaibang daan. Nagkahiwahiwalay ang apat, kanya-kanya silang daan na tinahak. Napuno ng malamig na hamog ang buong simenteryo at lalo pang naging maingay sa paghuni ng mga gising na hayop at insekto.
***
SA pagtakbo ni Dandy hindi na niya namalayan ang daang tinatakbuhan niya. Dahil sa makapal na hamog hindi niya maaninag nang husto ang nasa harapan niya kahit may flashlight pa siya. Nang bigla siyang matisod at matumba sa lupa, muntik pa niyang mabitiwan ang hawak niya. Pinilit niyang bumangon at magpatuloy nang tumambad sa harapan niya ang malaking puno ng balete. Litaw ang mga ugat nitong malalaki at ugat na nakalaylay sa mga sanga.
“Tch! Ano bang nangyayari rito?” Sumandal siya sa malaking katawan ng puno. Itinutok niya ang liwang sa paligid. Ang nakikita niya ay puro nitso at museleo na nakapalibot sa kanyang kinaroroonan. Wala siyang ideya kung nasaang parte na siya ng simenteryo.
Nang makarinig siya ng kaluskos sa likuran, sinilip niya iyon. “S-Sinong nariyan?” Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa likod para silipin ang gumagawa ng ingay. Itinutok pa niya nang mabuti ang liwanag ng flashlight sa tapat.
“D-Dandy!”
“Waahhh!!!” bulalas na sigaw ni Dandy matapos lumitaw ang mukha ni Iris sa liwanag ng flashlight. Nanlalaki ang mga mata nito at laylay ang mahaba’t itim na buhok. Ang kakaiba lang sa Iris na nasa harapan niya ay…
“A-Ano’ng nangyari sa katawan mo, Iris?” Turo niya nang makita ang tahi-tahing parte ng katawan ng dalaga. Gutay-gutay ang suot ni Iris na black dress tulad sa isang gothic lolita na napapanuod sa mga classical Horror film. May red ribbon sa ulo niya’t may nakapatong na bungo roon. Hindi maaaring magkamali si Dandy ang bungong iyon ay si ‘Maria Constancial El Trinidad’ na ipinakilala ni iris sa kanya.
“I-Iris?” Mabilis na hinawakan ni Dandy ang magkabilang balikat ni Iris nang maramdaman niya ang malamig nitong presensya. “Ano bang nangyayari sa ‘yo? Ano ba ‘yang suot mo?”
“Isa akong zombie,” malambing at mapang-akit na sabi ni Iris. Ibang iba ang Iris na ito kumpara sa Iris na kilala ni Dandy. Maharot ang kilos niya na parang naglalambing na pusa.
“Hoy! Hoy! Hoy! Umayos ka!”
“Ayaw mo na nilalambing ka ng zombie’ng tulad ko?”
“Sira! May zombie bang nagsasalita?” Pilit niyang inilalayo ang katawan ni Iris sa kanya. Delekado, dumidikit kasi ang malambot niyang boobs sa dibdib ni Dandy.
“Tumigil ka na sa kalokohan mo, Iris. Hindi ito ang oras para—”
Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Dandy nang dumating pa ang dalawang tila zombie ang hitsura.
“Dandy!” tinig ni Lolita na naka suot naman ng white dress, black lipstic at tahi-tahi rin ang balat.
“Kakainin ka namin,” pa-sexy na turan naman ni Daisy. Naka suot naman siya ng black fitted bunny girl with bunny hat at tulad nina Iris at Lolita marami rin siyang tahi-tahi sa katawan.
“A-Ano bang nangyayari sa inyong tatlo?” inis na sigaw ni Dandy habang inaakit siya ng tatlo. “Ano ba kayo mga zombie’ng lampong?” Isa-isa niyang nilalayo ang mga mukha ng tatlong babae na pilit siyang niyayapos. “Ang kukulit n’yo, a.” Kahit gano’n ang hitsura ng tatlo hindi naman nakakatakot para kay Dandy, iba ang kinatatakutan n’ya. “Masyado kayong malapit, ano ba?”
Nang lumitaw bigla sa harapan si Rain na naka…
“What the—!” Nahinto siya sa pagpigil sa tatlong babae nang makita niya si Rain na nakasuot ng two piece bikini at tulad ng tatlo marami ring tahi-tahi sa katawan.
Kumindat si Rain sa kanya. “Hi! Dandy!”
“Shit!” Biglang nanlabo ang paningin ni Dandy. “Katapusan na ng buhay ko… ugh!” Nilamon siya ng tatlong sexy na zombie.
***
“DANDY!”
Nakapalibot sina Daisy, Lolita, Rain at Iris kasama si Kulto kay Dandy.
“Gising, Dandy!” tawag pa ni Lolita.
Niyugyog ni Rain ang katawan ni Dandy na nakahiga sa pahabang upuan na yari sa kahoy. “Gumising ka, lalaking gangster!” Napalakas ang paghataw niya sa braso ni Dandy.
“Huh?” Nagmulat ng mga mata si Dandy at ang una niyang nakita ay ang mukha ni Rain na nakapaibabaw sa kanya. “Waahhh!!!” Sabay hatak sa leeg ni Rain, sinakal niya ito. “Nakakasuka kang baklang zombie ka!!!”
Hindi makapagsalita si Rain pabalik nang hawakan niya ang dalawang pulso ni Dandy saka itinulak ito palayo. “Gago ka ba? Sinong bading ang sinasabihan mo, ha?!” Hinataw niya ang ulo baka sakaling mahimasmasan ito.
“Huh? Teka nasaan ako?” Pabaling-baling ang tingin niya sa paligid.
“Ano bang nangyari sa ‘yo? Bigla ka na lang nahimatay sa daan?” takang tanong ni Daisy.
Tumahol si Kulto at dinilaan ang kamay ni Dandy.
“Kulto? Teka si Iris?” Napabangon siya mula sa pagkakahiga sa mahabang upuan. Kaagad niyang hinanap si Iris nang makita niya ito na nakatingin sa kanya.
“Okay ka lang ba?” mahina at walang buhay na tanong ni Iris kay Dandy.
Sa puntong iyon guminhawa ang pakiramdam ni Dandy nang makita ang normal na katauan ni Iris. Sinampal niya ang sariling mukha para alamin kung tunay na nga iyon at hindi isang panaginip.
Tumayo si Iris saka lumapit sa lapidang nakalagay sa gitna. “Nagulat kami nang nawalan ka ng malay kanina. Pagkasulpot ng itim na pusa biglang pumasok ang hamog at doon bigla ka na lang natumba,” paliwanag ni Iris. Sinindihan niya ang kandila na nasa magkabilang gilid ng lapida.
Tinabihan ni Daisy si Iris saka pinulot ang mga tuyong halaman sa harap ng lapida. “Akay-akay kang dinala rito ni Rain sa museleo ng nanay ni Iris.”
Nang marinig iyon ni Dandy, tumayo siya’t tiningnan ang pangalan sa lapida.
In Loving Memory of
Rosa Trinidad
R.I.P
Napawi ang hindi maipaliwanag na pangyayaring naranasan ni Dandy at napalitan ito ng kalungkutan. Nasa harap niya ang puntod ng babaeng nagsilang kay Iris.
Lumabas ng museleo si Dandy para magpahangin dahil mabigat ang awrang pumapalibot sa loob ng museleo.
“Hoy! Ano’ng ginagawa mo rito sa labas?” tawag ni Rain na nakasandal sa pader ng museleo habang nakahalukipkip.
Hindi sumagot si Dandy, bagkus huminga lamang siya nang malalim at pilit kinalimutan ang kalungkutan.
“Rain, matanong ko lang, nagsasalita ba ang mga zombie sa pinapanuod ni Iris na Zombie Paradise?” wala sa hulog niyang tanong.
“Huh? At bakit mo naman na itanong?” May halong tawa ang tugon ni Rain.
“Wala lang, nanaginip kasi ako ng mga zombie. Ang weird nga kasi…” Bigla niyang pinutol ang pagsasalita nang maalala ang hitsura ng mga zombie sa panaginip niya.
Sumagot naman si Rain, “Oo, nagsasalita sila. Kakaiba nga ang series na ‘yon.” Sabay kamot sa batok.
Humangin nang malakas, nakaramdam ng kakaibang lamig si Dandy sa kanyang balat. Maya-maya nang lapitan siya ni Rain at tinabihan.
“Ano bang hitsura nila sa panaginip mo… ganito ba?”
Biglang nagbago ang pangitain ni Dandy sa hitsura ni Rain. Akmang-akma sa panaginip niyang naka two piece bikini at maraming tahi-tahi sa katawan.
“A-Ano’ng nangyari sa ‘yo?!!” bulalas niya sabay kuskos sa mga mata.
Isang kindat naman ang ginawa ni Rain, kasabay nito ang pagkuskos ni Dandy sa mga mata niya. Malamang pinagti-trip-an lang siya ng kanyang imahinasyon.