FIELD TRIP ng Bloomer’s Academy, para sa taong ito magkakaroon sila ng isang nature camping. Isang clean up mission para sa mga estudyante ang main purpose ng field trip na ito. Pumarada ang mga bus sa parking lot ng camping site na pag-i-stay-an nila. Magkasama sa isang bus ang section F at section C na kinabibilangan ni Daisy.

Maraming mahahabang cottage sa malawak na camping site kung saan mayroong nakapaskil na number. Saktong magkasama sa iisang cottage ang section nina Iris at Daisy.

“Iris!” Mabilis na yakap ni Daisy sa pinsan. “Mabuti na lang at magkasama tayo, hu-hu-hu!” Isang Linggo pa lang si Daisy sa Bloomer’s Academy, wala pa siyang gaanong ka-close maliban kina Iris na taga-section F.

“Masaya rin ako at magkasama ang section natin, Daisy.” Hinimas ni Iris ang shoulder length hair ni Daisy.

Nagtipon-tipon ang dalawang section kasama ang kani-kanilang adviser. Ipinaliwanag ng mga ito ang mga rules and guidelines na dapat nilang tandaan.

Ibinigay ni Sir. Teddy, adviser ng section C ang small emergency bag pack na naglalaman ng: whistle, small flashlight, extra battery, gamot at band aid. May laman din itong chocolate bar, mineral water at extra towel.

“Palagi n’yo ‘yang bitbitin saan man kayo magpunta. Dahil walang signal sa aakyatin nating bundok mamaya ay kailangan natin ng pito para magbigay ng signal kung sakaling maliligaw tayo. Kung abutin man tayo ng dilim, may flashlight tayong lahat para makabalik dito sa campsite. Make sure na sama-sama kayo at huwag maghihiwalay,” paliwanag ni Sir. Teddy.

Lumapit si Miss Rhea. “Gumawa kami ng groupings para sa paglilinis mamaya sa bundok. Lahat ng makikita ninyong kalat doon ay dito ninyo ilalagay sa sako. Kapag napuno n’yo na ito pwede na kayong bumaba nang sama-sama. Ang importante sa mission nating ito ay makatulong tayo sa paglilinis ng ating kalikasan. Pagkatapos ninyong bumalik dito magkakaroon tayo ng masayang salo-salo at open forum habang nakaupo tayo palibot sa camp fire.” Bakas ang saya sa mukha niya habang ini-imagine ang gagawin nila mamaya.

Nagsimula ang mga estudyante sa kanilang gawain. Saktong magkakagrupo sina Iris, Daisy, Dandy, Rain at Lolita.

***

NAGSIMULA na ang mga estudyante na mamulot ng basura sa paanan ng bundok. Maayos ang samahan ng bawat grupo sa aktibidad na ito maliban sa grupo nina Iris.

Nakapamewang si Lolita habang pinapanuod ang ginagawa ng iba niyang ka-grupo. Sa lahat siya lang ang nakatayo at walang ginagawa kundi ang maya’t mayang pagtingin sa kuko niyang may nail polish.

Napansin ni Lolita ang paglapit ni Daisy sa kanya.

“Hindi ka ba tutulong?” tanong ni Daisy sa kaklase.

“At bakit naman ako tutulong sa inyo?” Tinaasan niya ng kilay si Daisy bago inirapan. “Ba’t ba kasi kayo pa ang naging ka-grupo ko,” reklamo niya.

“Hoy! Hoy! Hoy! Tingin mo ba gusto ka rin namin maging ka-grupo?” Hindi naman nagpatinag si Dandy sa pakikipag pataasan ng kilay kay Lolita.

Biglang nag-blush si Lolita sa masungit na tingin ni Dandy sa kanya. Matapos kasi no’ng araw na pumagitna si Dandy sa pang-aapi niya kay Iris, hindi na maalis sa isip niya ang binata. Madalas manikip ang dibdib niya’t napapabilis ni Dandy ang pagtibok ng puso ni Lolita. Na-realize ni Lolita kung gaano ka-charming ang pagiging suplado, maangas at mala-gangster look ni Dandy sa mga mata niya.

“Ang mabuti pa lumipat tayo ng ibang puwesto mukhang naubos na natin ang mga kalat dito,” suhestiyon ni Rain matapos damputin ang nakakalat na plastic bottle malapit sa tabi ng puno.

Sumang-ayon naman ang iba’t minabuti nilang umakyat pa nang ilang hakbang paitaas sa bundok. Noong una ayaw sumama ni Lolita, mas gusto niyang magpaiwan sa puwesto nila.

“Kung hindi ka sasama ang mabuti pa magpaalam ka kay Ma’am Rhea para payagan kang bumalik sa campsite,” sabi ni Dandy.

Nakaramdam ng guilt si Lolita at napilitan siyang sumama.

“Hmph! Susunod lang ako sa inyo pero hindi ako magpupulot ng kalat!” mataray niyang sagot.

Nakarating sila malapit sa ilog, may nakita silang kalat sa mabatong tabi nito. Sinimulan nilang damputin ang mga kalat at inilagay sa loob ng sako.

Habang si Lolita…

“Maglalakad-lakad lang ako!” sigaw ni Lolita sa mga kasamahan.

Mabilis naman siyang hinawakan ni Iris sa pulso. “Sandali!” pigil ni Iris. “Bawal tayong maghiwa-hiwalay. Isa pa, delikado ang mag-isa baka maligaw ka.”

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Lolita pagkatapos hinatak niya nang malakas ang kamay niya. “Huwag mo nga akong hawakan!” Pinunasan niya ang pulso ng dala niyang panyo. “Mahawa pa ako sa ka-wirduhan mo! Hmph!” Inisnab niya si Iris saka naglakad. “Hindi ko kailangan ang pag-aalala n’yo, kaya ko ang sarili ko!” Tuluyan nang umalis si Lolita palayo sa mga kasamahan niya.

May kalayuan na ang nararating ni Lolita nang marating niya ang dulo ng ilog. May mataas na water falls sa harapan, napapalibutan ng mga ligaw na halaman. Pinansin niya ang buong paligid na may matatayog na puno at nagliliparang mga ibon.

“A-Ang ganda…” bulong niya habang pinagmamasdan ang kapaligiran. Natuon ang pansin niya sa mala-kristal na tubig sa ilog. Nang makita niya ang sariling repleksyon at isa pang repleksyon sa likod.

“Mabuti at naabutan kita!” hinihingal na sambit ni Iris matapos niyang tabihan si Lolita.

“I-Ikaw? A-Ano’ng ginagawa mo rito?” masungit na tugon ni Lolita. “Sinabi ko naman sa inyong kaya ko ang sarili ko!” Nag-crossed arm siya saka tinaasan ng kilay si Iris.

Maya-maya nang humabol pa si Daisy papunta sa kanila.

“Iris!” tawag ni Daisy. “Mabuti at naabutan ko kayo!” Hinihingal na nilapitan niya ang dalawa.

Binalewala lang ni Lolita ang pagsunod sa kanya ng dalawang babae. Tumalikod siya’t naglakad patungo sa may bandang gilid ng talon. May mga halamang nakatanim sa tabi nito nang hindi namalayan ni Lolita na malambot at madulas ang lupa roon.

“Kyaaahhh!!!” sigaw ni Lolita nang bigla siyang madulas.

“Lolita!” sigaw na tawag ni Iris matapos niyang mabilis na kinapitan ang pulso ni Lolita. “Kumapit ka nang mabuti! Argh!” Nakaramdam ng kirot sa balikat si Iris. Nakahawak ang isang kamay ni Iris sa nakausling sanga sa halamang nakatanim sa pa-slide na lupa.

“Iris! Lolita! Ayos lang ba kayo?” nag-aalalang sigaw ni Daisy. “Teka ano’ng gagawin ko?” Natatarantang tumingin-tingin siya sa paligid para maghanap ng puwede niyang magamit pantulong sa kanila.

Ngunit huli na’t hindi na kinaya ng isang kamay ni Iris ang pagkapit sa sanga ng halaman. Isang malakas na sigaw ang umalingawngaw sa kinaroroonan nila. Bumulusok sina Iris at Lolita paibaba sa maputik at madulas na lupa.

“Iris!!!” huling sigaw ni Daisy.

***

NANAKIT ang katawan ni Lolita nang imulat niya ang kanyang mga mata. Pinilit niyang bumangon nang maramdaman niyang may nakapatong sa bandang tiyan niya.

“I-Iris?” Kaagad hinawakan ni Lolita sa magkabilang braso si Iris para iharap ang mukha nito sa kanya. “Hoy! Gising! Gumising ka, Iris!” Nanginginig ang mga kamay ni Lolita, kagat-labi’t namumuo ang butil ng luha sa magkabilang mata. Lalo pang nadagdagan ang pag-aalala niya nang makita ang dugo sa noo ni Iris.

“Ugh!” Unti-unting binuksan ni Iris ang mga mata niya. “L-Lolita? Ayos ka lang ba?” tanong niya kaagad matapos masilayan ang luhaang mukha ni Lolita.

“Sira! Ano bang problema mo? Ba’t mo ‘ko sinubukang iligtas kanina?” Pinahiran ni Lolita ang luha niya gamit ang kamay. “Tapos, ginawa mong pananggalang ang katawan mo para hindi ako masugatan! Ang tanga-tanga mo!” bulyaw niya na may kasamang paghikbi.

Bumangon si Iris nang bahagya saka ipinatong ang kamay sa ulo ni Lolita. “Masaya ako’t wala kang galos sa katawan.” Isang matamis na ngiti ang nagpa-spark sa paligid. Tila may mga bulaklak na umusbong at bumukadkad na siyang nagpaaliwalas sa kanilang mga mukha. Tumama ang liwanag sa kumikinang na ngiti ni Iris.

Nang mga sandaling iyon, ibang Iris ang nasilayan ni Lolita. “A-Ang cute mo, Iris,” walang malay niyang sabi sa harap ni Iris. Biglang namula ang buong mukha ni Lolita, nahiya siya’t inilihis ang pansin sa ibang dereksyon.

“Pfft!” Pigil na tawa ni Iris matapos makita ang cute na reaksyon ni Lolita. “Mas cute ka, Lolita.”

“Tse!” Tumayo si Lolita. “Ang mabuti pa simulant na nating bumalik sa mga kasamahan natin.” Kinuha ni Lolita ang panyo niya mula sa bulsa. “Oh, gamitin mo sa noo mo.” Inabot niya ang panyo kay Iris.

“Sa noo ko?” Walang kamalay-malay si Iris na tumama ang noo niya sa matulis na sanga kaya nagkaroon ng sugat ang noo niya. Tinanggap ni Iris ang panyo saka pinunas sa noo. “D-Dugo nga?” taka niyang wika.

“Ang weird mo talaga! Ni hindi mo naramdaman ang noo mo?”

Umiling si Iris. “Ang cool.” Tinitigan pa niya ang panyong may dugo. “Tingin mo may lalabas na paring pugot ang ulo sa sugat ko?” wala sa hulog niyang tanong. Naalala kasi niya ang kasabihan noon ng mga matatanda kapag nagkaroon ng sugat ang mga bata.

“Tse! Umiral na naman ‘yang ka-wirduhan mo! Syempre wala, noh!” Humalukipkip si Lolita.

Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

Nang iabot ni Lolita ang kamay niya. “Halika na, bumalik na tayo…” mahina at nahihiya niyang paanyaya kay Iris.

Nakangiting inabot iyon ni Iris. “Salamat—ugh!” Hindi pa man lubos na nahawakan ni Iris ang kamay ni Lolita nang ma-out of balance siya dahil sa panginginig ng tuhod.

“Iris!” Kaagad sinalo ni Lolita si Iris. “May sugat din ang tuhod mo?” Ngayon lang niya nakita ang sugat na kanina pa itinatago ni Iris. “Baliw ka talga! Hindi mo man lang inaalala ang sarili mo!” Inakay ni Lolita si Iris.

“A-Ayos lang ako.”

“Tumigil ka!”

Tumahimik si Iris at hinayaan na niyang akayin siya ni Lolita. “Pasensya ka na…” mahina niyang bulong sa tabi ni Lolita.

Sa loob ni Lolita, may damdaming gustong kumawala. Tumitibok ang puso niya nang mabilis, pakiramdam niya may pumipigil sa maluwag niyang paghinga. Nang hindi na ito makayanan ni Lolita, kusang bumukas ang saradong pinto ng damdamin niya.

“Salamat, Iris,” tipid niyang sabi sabay kagat sa ilalim ng labi. “S-Sorry sa mga nagawa ko sa ‘yo noon… alam kong ang dami kong nasabi sa ‘yo na masasakit—sorry!” Tuluyan nang umiyak ang mga mata ni Lolita. “Ang totoo n’yan… gusto talaga kitang maging kaibigan…” Nilingon niya si Iris pero nakapikit ito dahil sa sama ng pakiramdam sa katawan. “H-Hindi niya narinig ang mga sinabi ko? Ang laki kong tanga para sabihing gusto ko siya maging kaibigan pagkatapos ng mga ginawa kong masama sa kanya noon…” Sa kaloob-looban ni Lolita ang lubos na pagsisi sa mga nagawa niyang pagkakamali.

Hindi pa man lubos na nakakaahon sa pag-akyat si Lolita akay si Iris, nang maubusan ng lakas si Lolita. Bumigay ang katawan niya’t nabitiwan niya si Iris.

“Sorry, Iris… hindi ko na kaya…”

Nang sumilip ang liwanag sa kinaroroonan nila, may mga boses na tumawag sa mga pangalan nila.

“Iris!!!”

“Ayos lang ba kayo?”

“Dalhin na natin sila kaagad sa campsite para matingnan ang kalagayan nila!”

Mga tinig na narinig ni Lolita pero hindi niya maaninag kung sino-sino ang mga ito dahil sa panghihina. Umiikot ang paningin niya’t hindi na makaaninag nang maayos sa paligid. Naramdaman na lang ni Lolita ang malapad na kamay na bumuhat sa kanya.

Kahit nanghihina si Lolita si Iris pa rin ang inaalala niya. “I-Iris…” bulong niya nang hindi namamalayan ang nangyayari sa paligid.

“Huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat,” sagot ng misteryosong lalaking bumuhat kay Lolita.

Sobrang bigat na ng mga mata ni Lolita at gusto na nitong magpahinga. Pero bago niya tuluyang isara ang mga mata nagawa pang hawakan ni Lolita ang pisngi ng lalaki’t kanya itong hinalikan sa pisngi.

“Salamat…” Tuluyan nang nawalan ng malay si Lolita.

***

PAGKAGISING ni Lolita kaagad niyang narinig ang ingay sa labas ng tent. Pinansin niya ang katabing higaan, may gusot na kumot sa tabi niya. Lumabas si Lolita saka tiningnan ang madilim na paligid. Gabi na at may sindi na rin ang kanilang bonfire. Nagkakainan na ang mga estudyante sa cottage kung saan nakalagay ang iba nilang gamit. Lumapit si Lolita sa mga kaklase niya.

“Lolita!” tawag ng mga kaklase niya.

“Kumusta ang pakiramdam mo?” nag-aalala pa nilang tanong.

“Maayos na ako, maraming salamat sa pag-aalala n’yo,” sagot niya.

“Lolita!” tawag ni Daisy sabay yakap. “Salamat at walang nangyaring masama sa inyo ni Iris, sobrang nag-alala kami sa inyong dalawa.”

Naramdaman ni Lolita ang maiinit na yakap ni Daisy. “siya nga pala nasaan sina Iris?” kaagad niyang tanong.

Hinawakan ni Daisy ang kamay ni Lolita. “Tara! Kanina ka pa nila hinihintay!” Hinatak ni Daisy si Lolita papunta sa bonfire kung saan naroon sina Iris, Dandy at Rain.

“Guys! Gising na si Lolita!” masayang balita ni Daisy.

Pinansin siya ni Dandy na naglalagay ng kahoy sa apoy. “Kumain ka na!” Sumenyas siya sa tabi kung saan may nakalagay na mahabang katawan ng puno. Naroon ang mga emergency bag pack nila at iba pang gamit, naroon din ang mga pagkain.

“Maupo ka’t saluhan kami sa pagkain,” paanyaya naman ni Rain, habang sumusubo ng kanin at isda sa hawak-hawak niyang paper plate.

“Halika!” Dinala ni Daisy si Lolita para maupo sa tabi ni Iris.

Tatlo silang babaeng magkakatabi.

“Uhm… gusto mo?” alok ni Iris sa kinakain niyang inihaw na isda.

“M-Mamaya na lang siguro ako kakain…” nahihiyang sagot ni Lolita. Medyo awkward at hindi niya alam kung paano makikitungo ngayon kina Iris.

Pagkatapos kumain ni Iris kinuha ni Daisy ang paper plate niya para i-dispose. Tahimik na magkatabi sina Iris at Lolita nang umihip ang malamig na hangin sa gabi. Naibsan naman ang lamig dahil sa nag-aalab na bonfire sa harapan nila.

Binasag ni Lolita ang katahimikan. “M-Mamaya magkakaroon tayo ng open forum ‘di ba?”

“O-Oo…” tipid na sagot ni Iris.

“Siya nga pala…” Inikot-ikot ni Lolita ang hibla ng kulot niyang buhok. Nag-aalangan siyang magsalita dahil hindi niya alam kung paano i-a-approach si Iris.

Nang bigla siyang yakapin ni Iris. “Wala na sa akin ang mga nagawa mo noon… ang importante ang ngayon. Naniniwala akong mabuti kang tao, Lolita,” mahina at malambing na bulong ni Iris. Hinawakan niya ang mga kamay ni Lolita. “Gusto rin kitang maging kaibigan…” Sabay ngiti.

Nagliwanag ang ngiting iyon ni Iris. Hindi naiwasang mag-blush ni Lolita sa cute gesture na iyon ni iris. Dumating si Daisy at nakita niya ang dalawa, kaagad niyang nilapitan ang mga ito.

“Yehey!” Sabay yakap sa kanilang dalawa.

“S-Salamat sa inyo…” Sobrang saya ni Lolita, gusto na nga niyang umiyak pero pinipigilan niya. “Sorry Iris sa mga nagawa ko noon. Binu-bully kita dahil sa hitsura mo’t sobrang ka-wirduhan…” Inangat niya ang ulo saka sinubsob ang mukha sa dibdib ni Iris. “Sorry! Sorry talaga!”

At ang gabing iyon ay naging especial para sa tatlong babae. Naging magkaibigan sina Lolita at Iris, isang bagong usbong na pagkakaibigan na iingatan nila sa kanilang mga puso.

***

NATAPOS na ang buong activity nila para sa field trip, oras na para matulog. Pero itong si Lolita hindi makatulog kakaisip kung sino ang tumulong sa kanila at bumuhat sa kanya. Magkatabi silang tatlo nina Daisy at Iris sa loob ng isang tent. Ibinaling ni Lolita ang paghiga sa side kung nasaan si Daisy.

“Daisy, gising ka pa ba?” bulong na tanong ni Lolita.

“Huh? Lolita, bakit?” Halata ang antok sa tinig ni Daisy.

“K-Kasama ka ba kanina no’ng nailigtas kami ni Iris?”

“Ah, oo naman. Ako kaya ang tumawag ng tulong para mahanap kayo. Bakit mo naitanong?”

“Curious lang ako kung sino ang bumuhat sa akin?”

“Dalawang lalaki lang ang kasama ko kanina. Syempre una kong tinawag sina Dandy at Rain para tulungan kayo. Tumakbo kaagad sila kasama ko at itinuro kung saan kayo nahulog. Kaagad naman namin kayong nakitang walang malay sa lupa kaya binuhat nila kayo.”

“So…?” Nag-aabang ng kasunod na sagot si Lolita.

“Uhm… tumakbo kasi kaagad ako pabalik para tumawag ng makakatulong nila kaya hindi ko alam kung sino ang bumuhat sa ‘yo. Nang makita ako ni Ma’am Rhea at Sir Teddy pinabalik nila kaagad ako sa campsite. Nagkagulo na ang mga kaklase natin kaya hindi ko kayo kaagad nalapitan. Nakita ko na lang kayo nasa loob na ng tent ginagamot ni Ma’am Rhea,” kuwento ni Daisy sa pangyayari.

“Gano’n ba?” Naiwang palaisipan kay Lolita ang lalaking ‘yon na hinalikan niya sa pisngi. Nag-blush tuloy ang pisngi niya nang maalala ang ginawa niya.

Nang bumaling ng paghiga si Daisy patalikod kay Lolita. “Pero parang narinig ko ang boses ni Dandy…”

“S-Si Dandy?”

Lalong umangat ang init sa katawan ni Lolita nang marinig niya ang pangalan ni Dandy. Sumagi tuloy sa isip niya ang pantasyang bitbit siya ni Dandy na parang prinsesa na may kumikinang na ngiti.

“Paano pa ako makakatulog ni ‘to? Si Dandy nga kaya? Kyaaahhh!” Kinikilig na imagination ni Lolita.

Mai Tsuki Creator