“S-SADAKO!!!”

“Sir, sandali nakalimutan ninyo ang sukli n’yo!!!” habol na tawag ng lola ni Iris sa lalaking kabibili lang ng bulaklak sa flower shop.

Napakamot na lamang ang matanda sa lumayas na customer. “Sinabi ko naman sa ‘yo Iris, huwag kang lalabas ng ganyan ang hitsura mo.” Bumuntong-hininga ang matanda. “Palagi ka nilang napagkakamalang si Sadako. Natatakot sa ‘yo ang mga tao kaya nawawalan tayo ng kita araw-araw.” Napailing na lamang ang matanda.

“Lola, ganito na po talaga ang hitsura ko. Wala na po akong magagawa kundi tanggapin ito,” mahina, mabagal at tila patay niyang sagot sa lola niya.

Mukha nga siyang multo sa hitsura niyang: maputla, payat at namamalat ang labi. Hindi siya palaayos tulad ng ibang dalagang kasing edad niya. Mahaba ang itim niyang buhok, natatakpan ng mahabang bangs ang mga mata, palagi siyang nakayuko at ayaw makipag-eye contact sa mga tao. Kasing lalim ng hukay ang boses niyang mahina, malamig at tila walang buhay kung magsalita.

Tinitigan siya ng matanda. “Paano, ang hilig mong magpuyat. Tinapos mo na naman ‘yang zombie-zombie na pinapanuod mo. Tignan mo tuloy ang balat mo—hindi na nag-go-glow. Itaas mo ‘yang bangs mo at siguradong luwang-luwa ‘yang mga mata mo.”

“Ganito po ba, Lola?” Itinaas nga niya ang bangs niya’t lumitaw ang nanlalaki niyang mga mata at nanlalalim na eye-bags.

“Diyos ko po! Ang mga mata mo kaunti na lang at mababasag na ‘yan na parang baso.” Ipinababa ng matanda ang bangs ni Iris. “Idol mo ba talaga si Sadako at ginagaya mo ang porma niya, noh?”

“Palabiro talaga ‘tong si Lola.”

“Tiningnan mo na ‘yang mukha mo sa salamin?”

Tumango si Iris bilang sagot.

Humirit pa ang lola niya. “E, ‘di nabasag ang salamin natin.”

“Talaga naman si Lola, sobra na po.”

“Hala’t mag-ayos ka nga ng sarili mo—“

Naudlot ang pagsasalita ng matanda nang makita si Iris na biglang bumagsak ang katawan sa sahig. “Diyos ko po, mahabagin! Iris! Iris!”

Kumalam ang tiyan ni Iris.

“Apo, hindi ka pa kumakain?”

Pinilit pang magsalita ni Iris, “Magiging katulad ako ng batang babae… kakainin din ako ng mga zombie. Ang mabuti pa Lola, tumakas ka na… augh.“ Tuluyan nang nawalan ng malay si iris dahil sa gutom.

“Hindi zombie ang kakain sa akin, Apo. Kunsumisyon.” Lumabas ng shop ang matanda para humingi ng tulong sa mabait nilang kapitbahay.

Mabilis namang tumulong ang kapitbahay nila na isang nurse. Kababata ng nanay ni Iris at malapit na kaibigan ng kanilang pamilya.

“Okay na po si Iris, Lola Camellia. Gutom lang po siya at kulang sa tulog,” balita ng magandang nurse matapos tingnan ang lagay ni Iris.

“Hay! Ang batang ‘to talaga.”

“Matagal nang namatay ang nanay niya pero hanggang ngayon…” Sandaling tumigil ang nurse sa pagsasalita nang maalala ang matalik niyang kaibigan. “Kung nandito lang sana si Rosa, hindi magkakaganyan si Iris.”

“Wala na tayong magagawa. Ipinagdarasal ko na lang na sana isang araw… may magpabago sa buhay niya. Isang tao na magpapakita sa kanya ng liwanag upang hindi na siya mabuhay sa kadiliman. Para siyang isang bulaklak na magpahanggang ngayon… hindi pa rin namumukadkad. Gusto ko siyang maging isang magandang bulaklak tulad ng ipinangalan sa kanya ng kanyang ina.”

“Lola Camellia…” Niyakap ng nurse ang matanda.

Nasa loob sila ng kuwarto ni Iris, binabantayan siya habang nakahiga sa kama. Matapos kasing kumain kaagad nakaramdam ng antok si Iris kaya hinayaan muna nila itong makapagpahinga kahit saglit.

“Medyo kakaiba lang talaga ang awra dito sa loob ng kuwarto ni Iris.”

Bawat sulok ng kuwarto ni Iris puro poster ng mga Horror film, movies at merchandise. Siya si Iris Trinidad, ang dalagang ‘Horror Fanatic’. Siya ang dalaga sa nag-iisang tindahan ng mga bulaklak sa Floral Street. Sa mga susunod na araw ang buhay niya ay magbabago. Maging katulad kaya siya sa isang bulaklak? Uusbong at mamumukadkad ang pag-ibig na hindi niya inaasahan.

Mai Tsuki Creator