UNANG araw ng bagong taon, isang desisyon ang nagpalungkot sa loob ng flower shop. Nakahanda na ang maleta ni Iris na naglalaman ng mga gamit
niya. Nakatayo siya sa harap ng pinto kaharap si Lola Camellia. 

“Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Iris?” malungkot na tanong ng matanda. Hindi makatingin si Lola Camellia nang
tuwid sa mga mata ng apo.  

“Lola, gagawin ko po ito para sa inyo at sa lahat ng taong nakatira sa Floral Street. Ayaw ko pong mapaalis tayo sa lugar
na ito, kung kinakailangang harapin ko ang pinuno ng mga zombie ay gagawin ko.” Hinawakan ni Iris ang hawakan ng maleta niya bago lumapit sa matanda at humalik
sa pisngi nito. “Mahal na mahal po kita, Lola.” Isang mahigpit na yakap ang ginawa ni Iris sa kanyang lola. 

Sinuklian naman ng matanda ang yakap na iyon. “Mag-iingat ka…” Hinimas-himas ni Lola Camellia ang mahabang buhok ni Iris. “Kung hindi mo talaga kaya ang tumira roon … bumalik ka rito kaagad.”Inilayo ng matanda ang ulo niya upang makita sa huling pagkakataon ang mukha ng apo.  

Tumango si Iris saka hinatak ang maleta niya patungo sa tapat ng pinto. Bago tuluyang lumabas ng flower shop muli niyang nilingon ang matanda saka ngumiti nang pilit. “Mag-iingat din po kayo, Lola. Nandito naman po si Daisy na makakasama ninyo pati si Nurse Jaica at iba pang kapitbahay. Huwag po kayong mag-alala babalik ako rito kapag naayos
ko na ang lahat…” 

Lumabas ng shop si Iris, bitbit ang maleta niya sinalubong kaagad siya ni Kulto. Tumahol nang tumahol ang alaga niyang aso na winawagayway ang buntot. Nasa labas din sina Daisy, Rain at Nurse Jaica na nag-aabang sa kanya. 

“Iris!” Mabilis na yakap ni Daisy sa pinsan. “Bakit kailangan mo pang umalis?” Garalgal ang boses niya dahil buong
gabi siyang umiyak nang malaman ang desisyon ni Iris.  

“Ikaw na muna ang bahala kay Lola Camellia, Daisy.”  

Lumapit si Nurse Jaica kay Iris. “Alam kong darating din ang oras na magpapakitang muli ang ama mo, Iris.” Ipinatong ng nurse ang kamay niya sa balikat ni Iris. “Kung ano man ang
kahahantungan ng muli ninyong pagsasamang mag-ama... hangad ko na sana maging maayos ang lahat sa pagitan ninyong dalawa.” 

Bumusina ang itim na kotse sakay ni Mister Hanzo ang personal driver ni Dandy kasama si Clint. Ipinasok ni Clint ang maleta ni Iris sa compartment ng sasakyan saka pinagbuksan si Iris ng pinto sa likod. 

“Miss Iris, kailangan na po nating umalis,” saad ni Clint nang may malumanay na boses. Pasulyap niyang tiningnan si Daisy pero halatang galit ang dalaga sa kanya. 

Bago pumasok si Iris sa loob ng kotse, humabol pa si Rain. “Iris!” Hinawakan niya ang pinto ng kotse para pigilan ang pagsara ni Clint dito. “Pupuntahan ka namin sa mansyon! Dadalawin
ka namin doon!”  

Tumingin lang si Iris kay Rain saka tipid na ngumiti. “Kapag dumalaw kayo huwag n’yo kalimutang isama si Kulto, mami-miss ko siya.”  

Tuluyan nang pumasok sa loob ng kotse si Iris, isinara ni Clint ang pinto saka pumasok na rin sa loob katabi ang driver. Umalis ang kotse na sakay si Iris patungo sa mansyon ng mga Alfonso kung saan naroon ang lolo at ama niya. 

 

*** 

 

SUMALUBONG kay Iris sa loob ng mansyon si Dandy na nakasuot
ng black coat na may white colar shirt sa loob, black pants at black shoes. 

Kaagad bumanat si Iris nang magtama ang kanilang mga mata. “Wow! Hindi ko alam kasapi ka na pala ng men in black
ngayon?”  

Parang nagtitimping bulkan ang ugat sa noo ni Dandy, pilit pinapahaba ang pasensya dahil hindi na lang basta ibang
tao si Iris ngayon. Siya na ang pagsisilbihan ni Dandy tulad sa ipinangako niya sa ama nito. Kinuha ni Dandy ang maleta ni Iris saka pinasunod ang dalaga sa
kanya para ihatid sa sarili nitong kuwarto. 

Umakyat sila at naglakad sa mahabang pasilyo nang madaanan nila ang master’s room na silid ng kanyang Lolo Alfonso. 

“Nasaan ang matandang may rayuma?” loko niyang tanong mula sa likod ni Dandy. 

“Ayos ka!” Hindi na mapigilan ni Dandy ang inis niya sa pamimilosopong sagot ni Iris. “Ganyan ka ba talaga
magsalita sa lolo mo?”  

“Lolo? Isa lang ang kinikilala kong Lolo.” Ang tinutukoy ni Iris ay si Lolo Berting na asawa ni Lola Camellia. “Siya nga pala, nasaan ang pinuno ng mga zombie?” 

“Tsk! Kung ang tinutukoy mo ay si Pinunong Roman, wala pa siya.” Huminto si Dandy sa tapat ng pinto. “Mamayang hapunan sabay-sabay kayong kakain para makausap ka rin nila. Si Master Alfonso naman kung gusto mo siyang makita madalas siyang nasa hardin.” Pinihit ni Dandy ang busol ng pinto saka pinapasok si Iris. “Ito ang magiging kuwarto mo, kapag
may kailangan ka patunugin mo lang iyang buzzer sa tabi ng kama mo at darating kaagad ako.” 

“Ibig sabihin ikaw ang magiging personal alalay ko?” 

“Taga-tingin sa ‘yo! Pwede mo rin isipin na ako ang personal body guard mo.”  

Pagkapasok ni Iris sa loob kaagad niyang inusisa ang buong kuwarto. Habang si Dandy, curious sa laman ng maleta ni Iris. 

“Parang kaunti lang ata ang dala mong gamit?” Nagtataka niyang binuksan ang zipper ng melata ni Iris. Laking gulat ni
Dandy nang gumulantang sa mga mata niya ang mga wirdong bagay tulad ng itim na
kandila, witchcraft book, mga bote na may langis at mga poster ng mga zombie sa
Zombie Paradise.  

Napakamot sa batok si Dandy. “Pambihira! Ba’t dinala mo ang mga ‘yan dito?”  

Mabilis na kinuha ni Iris ang mga gamit niya’t ipinatong niya ang mga ito sa ibabaw ng kama. “Hoy! Huwag mong pakialaman ang mga importanteng
bagay sa buhay ko!” Para siyang pusang handang mangalmot ng taong gagalaw sa gamit niya.  

“Tch! Balak mo yata gawing cult room itong kuwarto mo.” Sumandal si Dandy sa dingding nang nakatingin sa bintana.
“Matanong ko lang, ba’t biglang nagbago ang isip mo?” Ibinaling niya ang pansin
kay Iris nang may seryosong tingin. 

Hindi naman nakasagot kaagad si Iris, naupo muna siya sa ibabaw ng kama pagkatapos ay kinuha ang paborito niyang
bungo at hinimas-himas ito. “Ayaw ko lang na mapalayas sa Floral Street ang mga
taong nakatira roon. Mababait ang mga taong nakasama ko simula pagkabata kaya
ayaw ko silang malungkot dahil palalayasin sila ng pinuno ng mga zombie kapag hindi ako sumama sa kanya.” 

“Nagkakamali ka kung inaakala mong magagawa nga ni Pinunong Roman ang bagay na ‘yon. Hindi mo lang alam kung gaano siya kabuting tao.” 

“May mabuti bang nang-iwan sa asawa niyang may sakit at musmos na anak?”  

Hindi nakaimik si Dandy sa turan ni Iris. Maya-maya nang kumatok sa pinto si Clint. 

“Boss, gusto raw makausap ni Master Alfonso si Miss Iris,” wika ni Clint mula sa kabilang panig ng pinto.  

“Sabihin mong dadalhin ko si Iris sa kanya.” 

“Sige boss.” 

 

*** 

 

MAKALIPAS ang ilang sandali sinamahan ni Dandy si Iris sa
hardin kung saan naghihintay ang matandang Alfonso. Katulad pa rin ng dati,
nakaupo ito sa mahaba at malambot na sofa sa loob ng pahingahan. Nakatanaw ang
matanda sa nakagapang na halaman sa pagoda at hinahawakan ang bulaklak na
nakalaylay dito. 

“Master Alfonso, narito na po si Iris,” paalam ni Dandy saka yumuko’t tumalikod para iwan silang maglolo. 

Namayani ang katahimikan sa pagitan ng maglolo, ni isang hakbang ay ayaw lumapit ni Iris. Nang marinig niya ang
pagtahol ni Dugal papalapit sa amo niyang matanda. Hinimas-himas ng matanda ang
alagang aso pagkatapos lumapit naman si Dugal kay Iris. 

“Dugal, kumusta ka na?” Malambing na hinimas-himas ni Iris ang kapit na balahibo ni Dugal.  

“Natutuwa ako’t nandito ka na Iris,” masayang bati ng matanda sa apo na hindi man lang binigyang pansin ni Iris. 

Kinuskos-kuskos ni Iris ang pisngi ng aso. “May naririnig ka ba, Dugal? Para kasing may nagsalita ngayon lang?”
pilosopo niyang kausap sa aso.  

“Hay! Alam kong galit ka pero sana bigyan mo naman ako ng pagkakataong maipadama sa ‘yo ang pagiging lolo ko.” 

Lumingon-lingon si Iris sa paligid. “Hala! May sa engkanto yata ‘tong hardin, Dugal. Kanina pa talaga ako may
naririnig na parang may nagsasalita?” 

Sa pagkakataong ito hindi na napigilan ng matanda ang mainis. Kulang na lang mapigtas ang ugat niya sa noo
sa pilosopong apo. Huminga ng malalim ang matanda’t hindi na nagsalita pa hinayaan niya ang apo sa pakikipaglaro nito sa aso.  

Makailang sandali pa ng dumating sa hardin si Roman, nakita niya si Iris na nakangiting nakikipaglaro sa aso.
Lumapit siya’t kinumsuta ang anak. “Maligayang pagdating sa mansyon, Iris.”  

Napalingon si Iris sa taong kararating lang, tiningnan lang niya sandali pagkatapos ay ibinaling muli ang
pansin sa aso. Tumayo si Iris, dinaanan niya lang si Roman na parang wala siyang nakita at narinig.  

“Patawad! Mapatawad mo sana ako sa pang-iiwan ko sa inyo ni Rosa.” Humabol ng hakbang si Roman para sabayan ang
kanyang anak. “Hindi ko gustong iwan kayong dalawa. Mahal na mahal ko kayo, maniwala ka sana!” Pabiglang hinawakan ni Roman ang anak sa braso. 

Kinabig ni Iris ang braso niya’t naglakad nang mabilis palayo sa ama. 

 

*** 

 

KINAGABIHAN pinuntahan ni Dandy si Iris para sunduin dahil nakahanda na ang hapunan sa dining table. Kumatok muna siya bago pinihit ang busol
ng pinto.  

“A-Anong kalokohan ‘to?!” bulalas na sigaw ni Dandy nang makita ang hitsura ng kuwarto ni Iris. “At bakit mo ginuhitan ang sahig?” Napako ang tingin ni Dandy sa bilog na guhit sa bagong linis na sahig ng silid.  

“Isa itong magic circle,” mahina’t walang buhay na tugon ni Iris. “Hindi mo ba nakikita sinusubukan kong mag-summon ng evil creature ngayong gabi.” 

Napakamot sa batok si Dandy, nilapitan niya si Iris saka hinatak sa braso para tumayo sa gitna ng magic circle. “Tama na ‘yang kalokohan mo!”  

“Ano ba!” Nagpumiglas si Iris. “Ayaw ko nang bumaba!” Muli siyang naupo at humalukipkip. May aklat na nakapatong sa sahig, ito ang black book of magic ‘kuno’ ni Iris. Kinuha niya ang libro saka ipinatong sa magkadikit na hita. “Umalis ka na! Huwag mo ‘kong istorbohin.”  

“Hay! Hindi ko na alam ang gagawin sa ‘yo!”  

Sa pagkakataong ito muling hinatak patayo ni Dandy si Iris nang malakas. Na-out of balance si Iris sa lakas ng pagkakahatak ni Dandy at pareho silang natumba sa sahig. Mabuti na lang at mabilis kumilos si Dandy at nagawa niyang ipangsangga ang katawan para hindi masaktan si Iris. Pumaibabaw si Iris sa dibdib ni Dandy habang yakap-yakap naman siya ng
binata. 

“A-Ayos ka lang ba, Iris?”  

Nagkatitigan ang dalawa’t parehong namula ang mukha nila. Ibinaling ni Iris ang tingin sa ibang dereksyon saka tumango. “A-Ayos lang ako.” Pilit siyang kumakawala sa pagkakayakap ni Dandy subalit ayaw siyang pakawalan ng binata. 

“Makinig ka muna, Iris.”  

Natigil si Iris sa pagpupumiglas at hinayaang magsalita si Dandy. 

“Alam kong galit ka sa papa mo dahil sa ginawa niyang pag-iwan sa inyo ng mama mo. Pero hayaan mo sanang ipakita niya sa ‘yo kung gaano siya nagsisisi dahil hindi niya talaga ginusto iyon. May mga nangyari noon na hindi masabi ng papa mo sa ‘yo alang-alang sa ikabubuti ng pamilya n’yo.” 

“Ba’t mo sinasabi ang mga ito? Ano bang alam mo?” 

“Alam ko dahil nakita ko kung gaano kabuti ang papa mo. Siya ang tumulong sa amin ng mama ko noong mga panahong walang-wala kami at hindi namin alam ang gagawin sa London. Alam kong mapagmahal siyang ama sa pamilya niya at hindi niya ginusto ang iwan kayo. Talagang may pagkakataon lang na hindi niya maiwan si Master Alfonso dahil sa
karamdaman nito.” 

“May karamdaman din naman si Mama.” 

Hindi nakaimik si Dandy, sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Nang himasin ni Dandy ang
buhok ni Iris, hindi naiwasang mapatingin ni Iris sa mga mata ni Dandy.  

“Huwag mo sanang idistansya ang sarili mo sa papa at lolo mo. Maniwala ka may dahilan sila pero hindi nila ginusto ang nangyari sa mama mo. Bigyan mo sana sila ng pagkakataon habang may oras ka pa dahil baka bukas o sa susunod na araw mawala ang isa sa kanila.” 

May kung anong liwanag sa mga mata ni Dandy na siyang nagpabilis ng tibok ng puso ni Iris. Hindi niya mawari kung ano ang bagay na iyon. Parang isang mainit na pakiramdam na yumayakap sa malungkot niyang damdamin. Hindi namalayan ni Iris na kusa siyang nahipnotismo sa mga tingin ni Dandy at ang kanyang mga mata ay tila nanghihina’t napapapikit… 

“Ano’ng ibig sabihin nito!”  

Lumagabog ang pinto nang pabiglang buksan ito ni Roman, tumambad sa mga mata niya ang anak na nayakap-yakap ni Dandy habang nakahiga siya sa sahig at nakapaibabaw sa kanya si Iris. Parang bulkan na sumabog sa galit si Roman. “Dandelion Merloin!” sambit niya nang buo sa pangalan ni Dandy.  

Kaagad naghiwalay at tumayo ang dalawa.  

“P-Pinuno, magpapaliwanag po ako!” 

“Talagang dapat kang magpaliwang!” Sumisiklab ang mga mata niya na parang kakainin ng buhay si Dandy. “Ano’ng balak mo sa anak ko, huh?” 

“W-Wala po akong masamang balak kay Iris, aksidente po ang nangyari!” todong paliwanag ni Dandy.  

Maya-maya nang dumaan sa gitna nilang dalawa si Iris. “Tama na nga ‘yan! Wala naman kayong dapat ipag-alala sa nangyari.” Naglakad siya patungo sa labas ng pinto. “Hindi po ba’t kakain na? Ang mabuti pa kumain na po tayo.” 

Pagkaalis ni Iris sa panginin ng dalawa… 

“Nakita mo ba ‘yon?” takang tanong ni Roman. “M-Mukhang good mood si Iris ngayon, a?” 

“Kinausap ko lang po talaga siya kanina. Aksidente lang ‘yong bigla siyang na-out of balance kaya sinalo ko siya’t napahandusay kami sa sahig.” May kasamang pagkamot sa ulo ang pagpapaliwanag ni Dandy. 

“Sigurado ka?” Kumislap pa ang mga mata niyang may tamang hinala. “Ayos-ayusin mo ang buhay mo!” Sabay akbay sa balikat ni Dandy. 

Magkasabay silang bumaba ng hagdan patungo sa dining kung saan sama-sama silang kakain ng hapunan. 

 

 

 

 

Mai Tsuki Creator

Thank you sa patuloy na suporta, send noods na yarn! ^_^