Nakatingin si Lola Camellia sa orasan inaabangan ang pag-uwi ni Iris mula sa group study nila. Hindi naman siya nag-aalala dahil kasama ni Iris si Daisy at alam niyang mabubuting bata ang mga kaibigan ng kanyang apo.
Bumukas ang glass door, pumasok sa loob si Nurse Jaica. “Lola, nagluto ako ng adobong manok.” Bitbit niya ang ceramic bowl na pinaglagyan ng ulam. “Sabay na po tayong kumain.”
“Teka, paano si Doc?”
“Mauna na raw ako sa kanya kasi may tinatapos pa siya. Lunch break namin ngayon kaya pinayagan niya akong samahan muna kayo ngayong tanghalian.”
“Wala ba kayong pasyente ngayon?”
“May tumawag kanina na magpapa-checkup pero mamaya pang after lunch.” Nilapag ni Nurse Jaica ang bowl sa lamesa. “Kain na po muna tayo,” alok niya.
Naghanda ng dalawang plato si Lola Camellia, naglabas din siya ng dalawang baso at isang petsel ng orange juice.
“Siya nga pala wala pa ba sina Iris?”
“Mamaya pa siguro ang balik nila galing sa bahay ng mayaman nilang kaklase. May group study sila para sa nalalapit nilang exam.”
Sabay na kumain sina Lola Camellia at Nurse Jaica.
Sumubo ng kanin at ulam si Nurse Jaica. “Napansin ko ang unti-unting pagbabago kay Iris habang lumilipas ang mga araw.” Kumikinang ang mga mata ni Nurse Jaica nang tingnan niya si Lola Camellia.
“Napansin mo rin pala. Simula nang makilala niya ang lalaking mukhang gangster na ‘yon nagsimula na rin ang unti-unting pagbabago ni Iris. Dumating ang pamangkin mong si Rain at lumuwas naman ang isa ko pang apo na si Daisy. Tapos nadagdagan sila ng isa pang kaibigan si Lolita na mukhang masungit pero mabait namang bata. Sama-sama sila kaninang umalis sakay ng kotse ni Dandy.” Napabuntong-hininga si Lola Camellia sa mga naalala niya. “Talagang malaki ang epekto ng mga kaibigan niya sa paunti-unti niyang pagbabago.”
“Oo nga po. Napansin ko nga rin na para siyang bulaklak, dahan-dahan, paunti-unting bumubukadkad…”
“Pero natatakot akong isang araw bigla na lang malanta ang bulaklak. Ayaw kong mangyari kay Iris ang nangyari sa anak kong si Rosa. Sana lang wala sa mga kaibigan niya ang magdudulot sa kanya ng sakit…”
Tumayo si Nurse Jaica, nilapitan si Lola Camellia’t hinawakan ang kamay ng matanda. “Lola, huwag po kayong mag-alala… mukha namang mabubuti ang mga kaibigan ni Iris.” Ngumiti ang nurse. “At saka, hindi rin ako papayag na may manakit sa damdamin niya! Kung si Rain ‘yon? Naku! Makakatikim siya sa akin ng injection!”
“Ha-ha-ha! Ikaw talaga!”
Natawa ang dalawa sa kanilang pag-uusap. Naging maluwag ang dibdib ni Lola Camellia at nawala ang pag-aalala niya.
***
SAMANTALA…
“Hay! Sa wakas tapos na rin ang pag-re-review natin!” Nag-unat ng braso si Daisy matapos ang mahabang oras nila sa pag-aaral.
“Good luck sa atin sa exam,” wika ni Lolita habang itinatago niya sa loob ng bag ang mga notebook niya.
“Sana madali lang ang test.” Napakamot naman si Rain sa ulo.
Habang si Iris, iniisip pa rin kung sino ang lalaking nakita niya kanina sa bintana. Nang matapos na silang magligpit hinatid sila ni Dandy sa tapat ng gate.
“Mister Hanzo, kayo na po ang bahalang maghatid sa kanila sa bahay nila,” pakiusap ni Dandy sa personal driver niya.
“Ako na po ang bahala, Boss Dandy.”
Binuksan ng driver ang pinto sa likod para papasukin ang mga kaibigan ni Dandy saka pumasok muli at naupo sa driver’s seat si Mister Hanzo.
“So, paano mauna na kami?” paalam ni Rain.
“Thank you sa masarap na tamghalian at miryenda!” Nakangiti si Daisy bago pumasok sa kotse.
“S-Sige, kita na lang tayo sa school.” Pumasok na rin si Lolita kasunod ni Daisy. “Hmph!”
Naiwang nakatayo si Iris, tiningnan niya ang malaking mansyon. Sinubukan pa ni Iris tanawin ang hardin kung saan niya nakilala ang matandang si Lolo Alfonso. Tiningala ni Iris ang paningin sa bintana upang hanapin ang lalaking may pilat sa kaliwang mata. Nagbabakasakali siyang makita itong muli at mamukhaan nang husto.
“Hoy! Ano pang tinutunga-tunganga mo riyan?” Kinuskos ni Dandy ang buhok ni Iris saka hinatak. “Sumakay ka na sa loob!” Pilit niyang sinakay si Iris sa loob ng kotse.
“T-Teka, hindi ba kami magpapaalam sa parents mo? O kaya sa lolo mo?” tanong ni Iris para mapigilan ang pag-alis pa nila.
“Okay lang kahit huwag na!” Tumaas ang kilay ni Dandy. “Ang sabi ng matanda kanina pwede ka namang bumalik dito para makipagkuwentuhan sa kanya.” Niyuko ni Dandy ang ulo para tingnan si Iris na nakaupo sa likod ng kotse. “Welcome ka naman sa mansyong ito…” namumula niyang sabi.
“Si Iris lang? Daya!” sabat ni Daisy.
“Gusto ko ring bumalik dito!” Lumingon si Lolita kay Dandy. “Hindi mo pa kami pinapasyal sa ibang parte ng mansyon.” Sabay tingin kay Iris tapos ngumisi. “Papasyal kami ulit dito nina Iris.”
“Pssh! Oo na! Sige na! Magsilayas na kayo!”
Winner ang mga girls sa pangungulit nila kay Dandy. Natawa lang sina Lolita at Daisy sa pikon na hitsura ni Dandy.
“Ingat kayo! See you school!” Isinara ni Dandy ang pinto ng kotse saka tinanaw ang pag-andar nito.
Pagkabalik ni Dandy sa loob ng mansyon…
“Boss!” tawag kaagad ni Clint. “Pinapatawag kayo ni Master Alfonso at Pinuno,” ulat niya kay Dandy.
Tiningnan lang ni Dandy si Clint saka sumunod dito sa paglalakad. Nang makarating sa master’s room kumatok kaagad si Dandy, pinihit ang hawakan ng pinto saka pumasok sa loob.
“Pinatawag n’yo raw po ako?”
Nakaupo sa black leather swilve chair ang matandang si Alfonso habang nakatayo sa gilid ng bintana si Roman. Si Roman ang nakita ni Iris na lalaking ini-escort-an ng mga naka-black suit guys. May pilat siya sa kaliwang mata, nakasuot ng puting business attire at black leather shoes. Mukhang leader ng sindikato ang hitsura ni Roman dahil sa lakas ng dating ng pangangatawan niya.
Medyo kinakabahan si Dandy sa dalawang lalaking nasa harapan niya. Nang lumapit si Roman saka kumuha ng sigarilyo sa kahang nakapatong sa mesa ng matanda. “Balita ko may mga bisita ka kanina?”
“T-Tulungan ko na po kayo.” Kaagad kinuha ni Dandy ang magarang lighter saka sinindihan ang sigarilyong nasa bibig ni Roman. “Opo, nagkaroon kami ng group study ng mga…” Napaisip muna siya ng tamang salitang idudugtong. “… Mga kaibigan ko po…”
Sumabat sa usapan ang matandang lalaki. “Nakilala ko kanina ang dalagang si Iris Trinidad.” Tiningala niya ang tingin kay Roman. “Kahawig na kahawig siya ng babaeng ‘yon…”
Binuga ni Roman ang usok sa bintana. “Napansin ko nga rin siya kanina pagkarating ko. Siguradong napansin din niya ako…” Saka siya tumingin kay Dandy. “Ano’ng sabi niya kanina?” tanong ni Roman.
Nanginginig ang lalamunan ni Dandy nang sagutin niya ang tanong. “Uhm… t-tinanong niya kung sino po kayo?”
“… Ano’ng sinagot mo?” Tumalim ang tingin ni Roman kay Dandy.
“W-Wala po, wala po akong sinabi na kahit ano…” Hindi naman nagpatinag si Dandy, buong tapang niyang tiningnan si Roman.
“Ang weird ng dalagang ‘yon pero gusto ko ang kabaitan niya…” Ipinatong ng matanda ang dalawang kamay sa ibabaw ng mesa bago tumayo mula sa pagkakaupo. “Gawin mo ang lahat para maibalik dito sa mansyon si Iris. Siya lang ang gusto ko at wala nang iba pa!”
“Gusto ko rin naman siyang makasama, matagal nang panahon ang nakalipas. Hindi ko alam kung mapapatawad pa niya ako sa pag-iwan ko sa kanila ni Rosa. Pero mahal na mahal ko silang ma—”
“Tama na!” Hinataw ng matanda ang kamay niya sa mesa. “Hayan ka na naman sa pagiging sentimental mo, Roman!” Huminga nang malalim ang matanda. “Walang magbabago ang nakaraan ay nakaraan na! Hindi mo na maibabalik ang buhay ng taong namayapa na!” Tumalim ang tingin ng matanda kay Roman.
Nagkaroon ng matinding tensyon sa pagitan nilang mag-ama. Si Roman Alfonso, 52 years old na negosyanteng may-ari ng kompanyang Alfonso Group Company. Isang kompanyang nagpapatayo ng mga gusali tulad ng mall at high class hotel sa buong NCR. Ang matandang si Alberto Alfonso naman ang kanyang ama na nagpanatili ng negosyo hanggang manahin ito ni Roman. Dalawa ang anak ng matandang mayamang Alfonso, panganay dito si Roman.
Nilagay ni Roman ang natirang sigarilyo sa ash tray saka naglakad patungo sa tapat ng pinto. “Kung tinanggap n’yo lang sana kami nang maluwag ni Rosa…” May lungkot sa tinig ni Roman. “Sana… sana’y nakasama ko siya sa kanyang huling sandali sa mundong ibabaw…” Hinawakan ni Roman ang hawakan ng pinto saka pinihit ito.
Nakikiramdam lang si Dandy sa mainit na pag-uusap ng mag-ama. Nilingon niya si Roman na nakatayo pa’t hindi pa lumalabas ng silid.
Lumingon si Roman kay Dandy. “Dandelion—ang ibig kong sabihin, Dandy…” Naging maamo ang mukha ni Roman na ngayo’y tila nakikiusap nang buong puso. “Siguraduhin mong matutupad ang napagplanuhang plano para maibalik si Iris dito. Gagawin ko ang lahat para makasamang muli ang nag-iisa kong anak…”
Tumango si Dandy bilang tugon sabay yumuko. “Ako na po ang bahala.”
“Sigurado akong hindi papayag ang lola niya na kunin ko si Iris sa kanya. Malaki ang naging pagkukulang ko bilang isang ama. Wala ako no’ng mga panahong kinakailangan ako ni Rosa sa tabi niya. Nang mamatay siya wala rin ako sa tabi ni Iris para gabayan siya sa paglaki. Siguradong hindi ako mapapatawad ng nanay ni Rosa…”
“Wala siyang magagawa! Gusto kong makuha ang apo ko sa lalong madaling panahon!” Muling naupo sa upuan ang matanda saka nagdekwatro nang upo. “Nararamdaman ko na ang nalalapit kong pagpanaw sa mundo. Wala akong pake kung magalit pa ang matandang ‘yon basta ang mahalaga sa akin ay makasama ko ang apo ko!”
“Gagawin ko po ang lahat…” walang pag-aalinlangang sagot ni Dandy.
Tuluyang lumabas ng pinto si Roman at naiwan sina Dandy at ang matanda.
Nagdadalawang isip si Dandy kung magtatanong siya o hahayaan na lamang niya ang mga bagay-bagay sa pagitan nilang mag-ama. Pero dahil sa pakiramdam niyang maiipit sa gitna si Iris minabuti niyang malaman ang saloobin ng matanda.
“Uhm…” Kumuha muna ng buwelo si Dandy, huminga nang malalim bago lumapit sa tapat ng mesa. “K-Kung hindi n' yo mamasamain, Master Alfonso…”
“Huh?” Tiningala ng matanda si Dandy para maabot ang tingin nito. “May gusto ka bang sabihin?”
“Gusto ko lang pong malaman… bakit hindi n’yo gusto ang pamilya ni Iris? Sa maiksing panahon nakasama ko na sila at masasabi kong mabubuting tao ang pamilya niya. Si Lola Camellia, mahal na mahal niya ang apo niyang si Iris. Ang flowe shop nila ang nagsisilbing alaala ng namatay niyang ina…” Pabiglang nilapat ni Dandy ang dalawang kamay sa ibabaw ng mesa. “Bakit? Bakit hindi n’yo matanggap ang pamilya niya?”
“Sino ba ako sa tingin mo?” Kumislap ang matalim na tingin ng matanda kay Dandy. Nagawa nitong paurungin ang binata sa kanyang padabog na pagkilos. “Hindi mo alam kung gaano ako nagsisisi sa mga nagawa ko noon. Alam kong nagmamahalan silang dalawa ni Roman at Rosa pero tumutol ako. Sinuway ni Roman ang utos kong hiwalayan si Rosa habang hindi pa sila kasal…” Sandaling huminto ang matanda, binuksan niya ang drawer saka inilabas ang isang larawan. “Nalaman ko na lang na nagpakasal sila nang palihim at nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Umalis ng mansyon si Roman at nagtungo sila sa probinsya ng Benguet at doon ipinanganak si Iris. Pinadala ni Roman ang larawang ito sa akin no’ng binyagan si Iris.” Ipinakita ng matanda kay Dandy ang larawan.
“K-Kamukha nga niya ang kanyang ina…”
“Oo! Kaya no’ng makita ko siya kanina sa hardin alam ko nang siya ang anak ni Rosa at Roman. Makaraan ang anim na taon bumalik sila ng Maynila at nanirahan sa Floral Street kung saan itinayo nila ang flower shop na ipinangalan sa lola ni Iris. Ang kaso… nalaman nilang may sakit si Rosa at matagal na niya itong iniinda. Isang sakit na wala nang pag-asang gumaling dahil nasa last stage na’t hindi na gagaling pa.”
Ibinaba ni Dandy ang larawan sa tapat ng matanda. Bakas ang lungkot sa mukha ng binata nang marinig niya ang nangyari sa nanay ni Iris. Mabigat ang pakiramdam niya’t masakit sa puso ang mga bagay na ‘yon. Hindi na siya nagtanong pa sa matanda at kusang tumahimik na lamang.
“Dandy, alam mo ba kung bakit inaalagaan kong mabuti ang mga halaman sa hardin?” biglang tanong ng matanda.
Umiling lang si Dandy dahil hindi niya alam ang kasagutan.
Ngumiti ang matanda na may pagkislap sa mga mata. “Para kapag dumating ang araw na magkasamang muli si Roman at Iris… maaalala nila palagi ang pinakamamahal nilang si Rosa na pakiramdam ko inilayo ko sa piling nila.”
Damang-dama ni Dandy ang pagiging sensero ng matanda. “Kung gano’n bakit hindi n’yo na lang po ipagtapat kay Pinuno ang balak n’yo. Bakit mas pinipili n’yong ipakita ang kasamaan at galit sa pamilya ni Iris lalo na sa nanay niya?”
“Dahil… hindi ko alam kung paano ko ipapakita o sasabihin ang mga ‘yon kay Roman. Tumutol ako noon sa pag-iibigan nilang dalawa, kasalanan ko ang nangyari kay Rosa. Alam kong mabigat ang loob sa akin ni Roman at hanggang ngayon may hinanakit pa rin siya sa nangyari. Bumalik man siya rito sa mansyon pero ang puso’t isip niya ay wala rito. Ang tanging hiling ko bago ako mamatay ay sana… magkita kong ngumiti si Iris sa harap ng tatay niya. Sana mapatawad ako ng apo ko sa mga nagawa ko sa nanay niya. Ayaw kong malaman ni Roman ang nararamdaman kong panghihina kaya dapat malakas ako sa paningin niya.”
“M-Master Alfonso…” Tila nakaramdam ng kirot sa puso si Dandy nang mapagmasdan ang butil ng luha sa gilid ng mga mata ng matanda. “Master Alfonso, gagawin ko po ang lahat para magkasama na silang mag-ama.”
Tumango ang matanda. “Salamat.”
“Pero paano si Lola Camellia?”
“Hindi papayag ang matandang ‘yon na lisanin ang flower shop na minahal ng kanyang anak na si Rosa. Hindi rin siya papayag na mawalay ang apo niya.” Tinapunan ng matanda ng nangungusap na tingin si Dandy.
“Ayaw ko rin pong lokohin si Lola Camellia,” matapat na tugon ni Dandy.
“Kung magkakaroon lang sana ng pagkakataong makausap ko ang matandang ‘yon para ipaliwanag sa kanya ang lahat…”
“Bakit hindi n’yo po gawin?”
“Hmph! Matigas din kasi ang ulo ng matandang ‘yon siguradong pagtapak ko pa lang sa labas ng flower shop nila baka habulin ako ng itak no’n!” Humalukipkip ang matanda pagkatapos kinuskos ang nakakalbong buhok sa ulo. “Hay! Basta ang gusto ko’y maging maayos ang lahat, naintindihan mo?”
“Yes! Master!”
Lumabas si Dandy sa loob ng silid ng master’s room, sa kanyang paglalakad sa hallway. “Ayaw pa niyang aminin matigas din ang ulo niya. Ayaw pa niyang sabihin kay Pinuno na pinagsisisihan na niya ang mga nagawa niya noon. Tch! Matatanda talaga, oh!”
***
KINAGABIHAN maayos na nakauwi sina Iris sa kani-kanilang mga tahanan. Sarado na ang flower shop at nagpapahinga na rin ang mga tao sa Floral Street. Tulog na rin si Lola Camellia pero si Iris, nanatili pa ring gising sa kuwarto niya. Patay na ang mga ilaw nang may bumato sa bintana ni Iris.
“Awoohhh!!!”
Signal iyon ni Rain sa kanya.
Lumapit si Iris sa bintana saka binuksan ito. “Ano’ng kailangan mo?” nagmamadali niyang tanong. Naka-pause ang pinapanuod niyang Horror series sa Netfox.
“Pwede ba akong pumunta d’yan?”
“Huh?”
“Itatanong ko lang kasi kung okay ka lang? Para kasing may nangyari sa mansyon nina Dandy kanina?”
Nakatalukbong si Iris ng kumot habang napapaisip. “Hmmm… para kasing may nakita akong pamilyar na dumating kanina sa mansyon nila?”
“Baka naman guniguni mo lang? Nag-aalala kasi ako sa ‘yo.”
“Salamat sa pag-aalala, ayos lang ako.” Bahagyang ngumiti si Iris pero sa loob niya hindi pa rin mawala ang nakita niya.
May nagbabadyang malakas na bagyong yayanig sa tahimik na mundo ni Iris. Isang bagyong susubok sa tatag ng kanyang loob.