TAPOS na summer vacation ng mga estudyante, back to school na sila para sa kasalukuyang school year. Last year na ni Iris bilang Junior high student sa Bloomer’s Academy, grade 10 section F. Pero katulad no’ng mga nakaraang taon isa siyang invisible girl sa paningin ng lahat. Hindi siya pinapansin at palagi siyang iniiwasan dahil sa physical appearance niya. Maliban sa nakakatakot niyang awra, hindi rin palagay ang mga kaklase niya sa presensya ni Iris. Kaya tuloy sa loob ng classroom si Iris, nasa isang sulok katabi ng mga gamit panlinis, malapit sa bintana sa pinakadulong upuan.

Tumunog ang bell hudyat na magsisimula na ang klase nila nang pumasok ang late na estudyanteng lalaki.

“Ma’am, sorry I’m late!”

Nagulantang ang buong estudyante sa biglaang pagpasok ng bago nilang kaklase.

“Unang araw mo rito sa Bloomer’s Academy, late ka pa.”

“Teh-he, pasensya na po.”

Lumapit ang lalaki sa harap katabi ng adviser nilang babae na si Miss Rhea.

“Okay class, ipinapakilala ko sa inyo si Dandy Merloin, isa siyang transfer student mula sa isang exclusive school.” Tinapik ni Miss Rhea ang balikat ni Dandy. “Batiin mo ang mga kaklase mo.”

“Good morning classmate! Nice to meet you!” sabay nag-bow siya.

Malakas ang dating niya’t mukhang masigla ang awra. Hindi tuloy maiwasang mamangha ang mga babaeng estudyante sa kanya. Tingin naman sa kanya ng mga lalaki ay cool at astig dahil sa tindig niya. Naghanap ng mauupuan ang lalaki at saktong may bakante sa tabi ni Iris. Ngumisi si Dandy saka naupo sa tabi ni Iris.

“Yoh! Nagkita tayong muli?” Malaki ang ngiti niya nang batiin niya si Iris. “Akalain mo nga naman magiging magkaklase pala tayo?” Ipinatong ni Dandy ang siko niya sa ibabaw ng mesa saka nagpangalumbaba.

“Dandy pala ang pangalan mo?” Inangat ni Iris ang nakayuko niyang ulo para tingnan ang tumabi sa kanyang kaklase.

“Ano ba ‘yan, hindi ka man lang nagpagupit ng buhok mo.” Biglang hinawakan ni Dandy ang buhok ni Iris. “Sayang naman ang ganda mo kung itatago mo lang sa likod ng mahaba mong bangs.”

Narinig ng ibang mga estudyante ang sinabi ni Dandy. Gumawa ito ng bulong-bulungan na hindi nagustuhan ng lalaki.

“Nakikipag-usap siya sa multo?” bulong ng kaklase nilang babae na nasa tapat lang ni Dandy.

“Oo nga, ang weird kaya niya. Hindi siya natatakot?”

“Ayaw kong lumapit sa babaeng ‘yan…”

“Bakit kasi naging kaklase pa natin ‘yan…”

Nagpantig ang dalawang tainga ni Dandy sa mga hindi magandang narinig niya. “Hoy! Ano’ng problema n’yo, huh?” Sabay hataw nang malakas sa ibabaw ng desk.

Maging ang adviser nila nagulat sa ginawa ni Dandy. “Mr. Merloin? Ano’ng kaguluhan ‘yan?”

“Wala po, Ma’am. Itong mga kaklase ko kasi ang iingay kaya sinaway ko lang,” palusot niya.

“Tama na ‘yan at mag-focus na kayo sa lesson natin ngayon.”

Ang lahat ay tumahimik at muling bumalik sa pagtuturo ang adviser nila. Nakayuko ang mga estudyanteng nasigawan ni Dandy kanina. Nakataas ang kilay niya’t nakapangalumbaba habang nakikinig sa lecture ng guro.

“Okay class, get your textbook sa Science tapos i-open n’yo sa page 10,” utos ng adviser nila.

Itinaas ni Dandy ang kamay niya. “Teka po, wala pa akong textbook hindi pa ako nabibigyan.”

Bigla siyang nakarinig ng pag-usog ng silya at mesa. Napalingon siya sa tabi, nagulat siya nang makitang idinikit ni Iris ang desk nito sa desk niya.

“Share na lang muna tayo habang wala ka pang textbook.” Naupo si Iris, inusog ang aklat sa gitna para makita ni Dandy. “Sabihin mo lang kapag may hindi ka naintindihan tutulungan kita,” mahina at nahihiyang sabi ni Iris.

Tila nawala ang mga tao sa paligid nila sa paningin ni Dandy. Hindi niya inaasahan ang gagawing iyon ni Iris. Nagdulot iyon ng kakaibang kaba at mabilis na pagtibok ng puso niya. Mabilis na nag-blush ang magkabilang pisngi niya.

Toki-doki-

Naubos ang oras nila na walang naintindihan si Dandy. Hindi naman kasi textbook ang napapansin niya kundi si Iris na ninanakawan niya ng tingin.

***

LUNCH BREAK, patungo si Iris sa likod ng school building kung saan may malaking puno ng mangga at may nakatayong mesa at upuan sailalim nito. Dito siya madalas magpunta tuwing break time. Maliban sa presko kumain sa ilalim ng puno, solo pa niya at walang ibang taong nakakakita sa kanya.

Inilabas ni Iris ang pack lunch niya inihanda pa ni Lola Camellia. May baon siyang kanin, scrambled egg, mix vegetables at dalawang fried skinless longganisa.

“Aba! Tingnan mo nga naman kung sinong narito?” Dumating ang babaeng may mahaba, kulot at naka-pony tail ang buhok sa likod. Mukha siyang masungit sa ahit niyang kilay na nakairap sa harapan ni Iris.

Walang imik si Iris, hindi niya pinansin ang tatlong babaeng dumating lalo na ang babaeng may kulot na buhok.

“Lolita, ang mabuti pa huwag na nating pansinin ‘yang—”

Hindi pa man natatapos ng babaeng may maiksing buhok sa pagsasalita nang kabigin ni Lolita ang baon ni Iris para malaglag sa lupa. Natulala na lamang si Iris nang pagmasdan niya ang natapong pagkain. Mabilis niyang dinampot ang mga ito para ibalik sa baunan.

“Hmph! ‘Yan ang bagay sa ‘yo!” Hinawi ni Lolita ang kulot niyang buhok. “Mukha ka namang patay na galing sa lupa kaya kumain ka ng pagkaing pinulot sa lupa!” Sabay irap at talikod kay Iris.

Paalis na sana ang tatlong babae nang tumayo si Iris. Inilapag niya ang dinampot na pagkaing nasa baunan sa ibabaw ng mesa.

“Sandali!” pigil ni Iris. “Humingi ka ng tawad para sa tinapon mong pagkain!” saad pa niya.

Lumingon si Lolita nang nakataas ang kilay. “Asa ka!” Lumapit siya nang ilang hakbang kay Iris. “Bakit papalag ka na?” Hinablot niya ang buhok ni Iris saka hanatak papalapit sa kanya. “Hindi ka nababagay sa lugar na ‘to! Dapat kasi nag-drop out ka na lang at nagkulong sa kwarto mong hideout ng mga kulto!” Itinulak niya nang malakas si Iris palayo. Tumama ang likod ni Iris sa gilid ng mesa, na out of balance siya’t natumba sa lupa.

“Akin na ‘yang tubig mo!” utos ni Lolita sa kasama niyang babae na may hawak na bottled water. Binuksan niya ito’t nakahanda nang ibuhos ang tubig sa ulo ni Iris nang…

“Itigil mo ‘yan!”

Natigil ang balak ni Lolita nang hawakan ang kamay niya ng lalaking may orange na buhok. Kinuha ng lalaking ito ang bote ng tubig saka ibinalik sa kasama ni Lolita.

“Ano sa tingin n’yo ang ginagawa n’yo, ha?” inis na kompronta ng lalaking walang iba kundi si Dandy.

“Hoy! Lalaking mukhang gangster, wala kang pake sa gusto naming gawin!” Inirapan ni Lolita si Dandy sabay talikod. “Epal!”

Kumunot sa inis ang noo ni Dandy, hinawakan niya ang balikat ni Lolita. “Hoy! Mag-sorry ka sa kanya!”

Tinapik ni Lolita ang kamay ni Dandy. “Ayoko nga! Tama lang naman sa kanya ‘yan! Halimaw!”

“Ano’ng sabi mo!”

“T-Tama na please!” mahinang pinigilan ni Iris ang braso ni Dandy. “Hayaan mo na…”

“Hmph!” Halatang napahiya si Lolita sa nangyari. Umalis siya kasama ng tatlong babae.

Naiwan sina Iris at Dandy.

“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Dandy.

Tumango lang si Iris.

“Hindi talaga nawawala ang mga salbaheng tao sa mundo.” Napakamot sa batok si Dandy bago niya tinapik sa balikat si Iris. “Tara, ililibre na lang kita ng lunch.” Nakita niya ang maruming pagkain na nasa baunan ni Iris.

“Sayang naman…”

“Salamat na lang…”

“Sira!” Napitik ni Dandy ang noo ni Iris. “Bayad ko na ‘yon sa ginawa mong tulong sa akin noon sa parke.”

Sa sinabing iyon ni Dandy hindi na nakatanggi pa si Iris.

Nasa canteen sila at magkasalo sa iisang mesa hindi komportable si Iris dahil sa maraming tao sa paligid.

“Palagi ka bang binu-bully ng mga ‘yon?” tanong ni Dandy matapos kumagat sa hamburger na binili niya.

“Sanay na ako,” walang buhay at tipid na sagot ni Iris.

“Tch! Hinahayaan mo lang na ganunin ka nila?”

“Wala akong magagawa, hindi ako tulad ng iba. Hindi ako kabilang sa mga taong nakatira sa liwanag…”

“Hay naku!” Inubos kaagad ni Dandy ang hamburger saka sinunod ang orange juice. “Itigil mo na nga ‘yang ka-wirduhan mo! Kaya ka hinuhusgahan at binu-bully dahil d’yan sa pananaw mo sa buhay. Pwede kang magbago!” Tinanggal ni Dandy ang straw saka itinuro kay Iris.

“Walang dahilan para magbago ako…”

Niliko ni Dandy ang straw sa inis. “Ano ka ba! Magbago ka para sa ikabubuti ng sarili mo hindi para sa ibang tao!” Tumayo siya. “Ba’t hindi mo simulan d’yan sa mahaba mong bangs…” nakangusong mungkahi ni Dandy.

Napatitig si Iris, para bang nag-spark ang buong paligid sa mga sinabi ng lalaki sa kanya. Pero panandalian lamang iyon dahil bumalik din kaagad ang kadiliman sa puso niya.

“Kung tapos ka nang kumain bumalik na tayo sa classroom,” saad ng binata.

“Uubusin ko na lang ‘tong kalamansi juice.”

Ilang saglit pa nang tumunog ang bell hudyat na tapos na rin ang break time nila.

***

PAGKATAPOS ng isang mahabang araw sa loob ng school, magkasabay na naglakad sina Iris at Dandy pauwi.

“Taga-saan ka ba?” simpleng tanong ni Iris.

“Taga-Gumamela Subdivision,” tipid na sagot ni Dandy.

“Mga mayayaman ang nakatira sa subdivision na ‘yon, a.”

Tinabihan ni Dandy si Iris. “Hindi naman lahat.” Nilagay niya ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon.

Pagkaliko nila sa kanto biglang may sumulpot na batang lalaki. Humarang ang bata sa daan kasunod nito ang isa pang batang lalaki na may hawak sa kamay.

“Hoy! Mga bata huwag kayong maghabulan sa daanan!” saway ni Dandy sa dalawa.

Parang walang narinig ang dalawang bata at tumakbo ito sa gitna nila. Bago pa tuluyang makalampas ibinato ng bata ang hawak niya sa kamay.

“Itong sa ‘yo babaeng mukhang multo!” malokong sambit ng bata.

“Hoy! Mga lokong bata ‘to, a!” Pumagitna si Dandy para protektahan si Iris pero huli na nang mapansin niya ang nakadikit sa bangs ni Iris.

Nagtawanan ang dalawang bata bago sila tumakbo palayo sa dalawa.

“Hayaan mo na mga bata lang sila.” Hinawakan ni Iris ang buhok niya. “A-Ang lagkit.”

“Nilagyan ng salbaheng batang ‘yon ng bubblegum ang buhok mo.”

“Paano ko ‘to tatanggalin?”

Pormang detective si Dandy sa pag-iisip para matulungan si Iris. “Hmmm… sandali.” Kinuha niya ang cellphone sa bulsa saka nag-dial ng number.

Nag-ring ang kabilang linya nang may sumagot na lalaki. “Hello? Boss Dandy?”

“Clint, sunduin n’yo ako ni Mister Hanzo ngayon din.” Sumandal sa pader si Dandy. “Nandito pa kami sa gilid ng school sa palikong kanto.” Pinatay niya kaagad ang cellphone matapos sabihin ang lokasyon nila.

“Sino’ng tinawagan mo?” takang tanong ni Iris.

“Alalay ko.”

Wala pang kinse minuto nang pumara sa harap nila ang black Mercedes-Benz. Lumabas ang binatang may ash gray na buhok at mukhang mas bata kaysa kay Dandy.

“Boss, narito na kami.”

“Mabuti.” Hinawakan ni Dandy ang kamay ni Iris. “Sumama ka ipapaayos natin ‘yang bangs mo.”

Dahil bago lang nakilala ni Iris si Dandy, hindi siya kaagad sumama sa lalaki.

“Ang sabi ni Lola, huwag daw akong sasama sa taong hindi ko lubos na kilala,” pahayag ni Iris na may kaunting paghihinala.

Napakamot sa buhok si Dandy. “Hindi ako masamang tao.”

“Hindi ako sigurado.”

“Hay! Paano ko ba mapapatunayan sa ‘yo na hindi ako masamang tao. Wala akong gagawing masama sa ‘yo.”

“May itim kang kotse. Napapanuod ko ‘to sa mga pelikula.” Umatras si Iris ng hakbang. “Nambibiktima kayo ng mga babae tapos dadalhin n’yo sa warehouse tapos… tapos…”

“Sira! Hindi kami psycho phatic killer, noh!” depensa ni Dandy. “Ah! Basta—sumama ka na lang!” Biglang binitbit ni Dandy si Iris na parang prinsesa. Isinakay sa loob ng kotse saka nagtungo sa isang salon.

Kilala ang salon na ito sa Summer Street, katabing ng Winter Street kung nasaan ang gate ng Gumamela Subdivision. Ibig sabihin malapit lang ito sa lugar nina Dandy.

“Ayokong pumasok d’yan!” Kakaripas sana ng takbo si Iris ang kaso kaagad siyang pinigilan ni Dandy.

“Hahayaan mo bang ganyan ang buhok mo?”

“Okay lang sa akin basta hindi mapuputol itong bangs ko. Mamatay ako kapag naputol ‘to.” Nakatakip ang palad ni Iris sa bangs niyang nadikitan ng bubblegum. “Nandito ang kapangyarihang dilim ko. Hindi na ako makikilala ni Kulto kapag naputol ‘tong bangs ko.”

“Sira!” Hawak-hawak ni Dandy ang braso ni Iris sabay pitik sa noo niya. “Kapag kumalat pa ‘yang bubblegum sa ibang parte ng buhok mo sige ka—kakalbuhin ka talaga!” Sinubukang takutin ni Dandy si Iris pero wala pa rin.

Hanggang sa…

“Master Dandy, may dalawang ticket nga pala ako rito para sa amusement park. Nabalitaan ko may special attraction daw sa Horror House dahil bibisita ang cast ng Zombie Paradise dito sa Pinas.” Inilabas ni Clint mula sa bulsa ang dalawang ticket.

Pagkakita kaagad ni Iris sa zombie na nakalagay sa ticket nanlaki kaagad ang mga mata niya. Halatang gusto niya ang ticket na hawak ni Clint.

Nag-spark bigla ang dalawang mata ni Dandy, nahuli niya ang gustong ipahiwatig ni Clint.

“Sayang wala akong ka-date na mahilig sa mga zombie.” Kinuha ni Dandy ang dalawang ticket saka tumingin nang mapanukso kay Iris.

“D-Date?”

“Syempre gusto ko babae ang kasama, noh!” Ngumisi siya kay Iris. “Gusto mo?”

Walang pag-aalangang tumango kaagad si Iris.

“Kung gano’n, pumasok ka na sa loob at ipaayos ‘yang bangs mo!” Hinawakan ni Dandy sa kamay si Iris saka pumasok sila sa loob.

Wala nang nagawa si Iris kundi maupo sa silya at humarap sa salamin.

“Hala! Nag-crack ang mirror,” biro ng baklang parlorista. “Uy, joke lang baka ma-hurt ka, gurl.”

Halatang kabado si Iris.

“Grabe siya ang lakas ng panginginig baka himatayin ka, sister.” Sinuklay ng bakla ang buhok ni Iris. “Aw! Putol ang ngipin ng suklay. Ano ba ‘tong buhok mo alambre?”

“Hoy! Umayos-ayos ka!” gigil na sita ni Dandy sa bakla.

“Sorry naman, Papa Dandy!”

“M-Magkakilala kayo?” usisa ni Iris nang marinig na tinawag siya ng bakla.

“Sino bang hindi nakakakilala sa anak ng mayamang may-ari ng Gumamela Subdivision?” Muling sinuklay ng bakla ang buhok ni Iris.

Walang sagot si Dandy nakatayo lang siya sa tabi ni Iris.

“Bangs lang ang gugupitan o gusto mo ipaayos na rin ang dulo ng buhok mo? Tikwas-tikwas na kasi.”

“Uhm… b-bahala na ho kayo,” mahina, walang buhay na sagot ni Iris.

Tinapik ni Dandy ang balikat ng parlorista. “Ayusin mo ang dapat ayusin sa buhok niya. Akong bahala sa bayad.” Naupo si Dandy sa couch tapos kumuha ng magazine. “May date kami sa Linggo.”

Nang marinig iyon ni Iris bigla siyang nag-blush sa hindi malamang dahilan. Tila maraming paruparong nagliliparan sa loob ng tiyan niya. Ngayon lang niya narinig ang mga katagang nagpabilis ng tibok ng puso niya.

Pagkatapos magpagupit ni Iris, inihatid siya ni Dandy sakay ng itim na kotse. Pagpababa ni Iris ng sasakyan nakita siya kaagad ni Nurse Jaica.

“I-Iris?” Nalaglag ang turon na hawak ng nurse sa gulat. “I-Ikaw ba ‘yan?”

Tumango lang si Iris saka pumasok sa loob ng shop.

“Lola, nakauwi na po ako.”

Tila lumiwanag ang buong paligid ni Lola Camellia nang pansinin ang bagong pasok na si Iris.

“S-Sino ka?” Halos malaglag ang panga ng matanda sa gulat.

“Lola naman. Ako po ito si Iris.”

“My gulay! Ikaw ba talaga ang apo ko?”

Kulang na lang himatayin ang matanda sa sobrang paninibago sa apo. Litaw na kasi ang bilugang mga mata ni Iris. Halata ang maitim na linya sa ilalim nito dahil sa pagpupuyat. Magkagano’n man tila nabuhayan ang mukha ni Iris dahil sa nabawasang bangs.

Buong araw na nagpaliwanag si Iris kasama si Dandy sa matanda kung bakit nagkagano’n ang buhok niya. Kasabay na rin nito ang pagpapakilala ni Iris sa kasama niyang kaklase na si Dandy.

Mai Tsuki Creator