RAMDAM na ramdam ang simoy ng Kapaskuhan sa buong Floral Street. Ang bawat bahay, tindahan at lugar nakagayak nang magarang palamuti. May nakatayong malaking Christmas tree sa boundary ng Floral Street at Gumamela Subdivision, ito ang naghihiwalay sa dalawang lugar. May nakakabit na ring mga Christmas décor, lights at samot-saring ornament sa mga puno.
Naging maganda rin ang negosyo ng Camella’s Flower Shop dahil sa tulong ng mga kaibigan ni Iris. Madalas kasing nasa flower shop ang mga kaibigan niya’t tumutulong sa pagtitinda kapag walang pasok. Nakalimutan na ng mga tao ang tungkol sa multong umaaligid sa loob ng shop.
Mabilis lumipas ang mga araw sumapit na rin ang kanilang Christmas vacation. Habang abala ang maraming tao sa last minute Christmas shoping para sa Pasko si Iris naman…
“Ano ba ‘yan, season end na ng pinapanuod kong Zombie Paradise.” Huminga nang malalim si Iris pagkatapos pinower off ang laptop.
“Iris!” tawag ni Lola Camellia mula sa labas ng pinto ni Iris. “Lumabas ka na nga’t tumulong dito!”
Pagkarinig ni Iris sa tawag ng lola niya’y agad siyang lumabas ng kuwarto’t sumunod bumaba sa hagdan.
“Himala wala yata ang mga kaibigan mo ngayon?”
“Si Daisy po?”
“Hindi ba nagsabi sa ‘yo? Maaga siyang umalis kanina para puntahan ang kaibigna n’yong si Lolita. Mukhang may lakad silang dalawa.” Tiningan ng matanda si Iris. “Hindi ka ba nila niyakag?”
Umiling si Iris. “Wala namang nabanggit sa akin si Daisy kahapon.” Isinuot niya ang apron sa katawan, kinuha ang ilang bulaklak saka inayos sa plorera. “Christmas eve nga pala mamaya, Lola. Ano po bang ihahanda natin?”
“Hmmm… mabuti at naitanong mo ‘yan. Paki tawagan mo nga si Daisy para sabihan na bumili siya ng ham, keso de bola at red wine para mamaya.”
“Sige po, Lola.”
“Kamo, umuwi siya nang maaga para makatulong sa paghahanda. Kaunti lang naman itong ihahanda natin tamang spaghetti, macaroni salad at graham cake.”
Kinuha kaagad ni Iris ang cellphone niya saka tinawagan si Daisy. Makalipas ang ilang minuto natapos ang pag-uusap nila. Bumalik sa pag-aayos ng mga bulaklak si Iris nang marinig niyang tumahol ang alaga niyang aso na si Kulto.
Lumabas si Iris para tingnan sa dog house si Kulto. Nang makita niya si Dandy na nakikipaglaro’t magiliw na hinihimas ang balahibo ng aso.
“Dandy?”
Napalingon si Dandy. “Iris, nandiyan ka pala.”
“Ikaw ‘tong dapat tinatanong ko. Ano’ng ginagawa mo rito?”
Itinigil ni Dandy ang paghimas kay Kulto bago siya tumayo’t humarap kay Iris.
“Gusto sana kitang yayain na mag-mall? May pinapabili kasi sa akin si Master Alfonso para mamaya sa notchebuena.”
Napaisip muna si Iris. “Hmmm… ewan ko lang kung papayagan ako ni Lola, pero… gusto ko sanang bumili ng pangregalo sa kanya.”
Naalala ni iris na wala pa nga pala siyang regalo para sa lola niya. Maging kina Nurse Jaica ay wala pa rin at sa mga kaibigan niya. Masyado kasi sila naging abala sa flower shop nitong nakaraang araw. Maraming costumer ang bumili ng mga bulaklak kaya wala na silang time para makalabas ng shop.
Pumasok sila sa loob para magpaalam kay Lola Camellia, nang himalang pinayagan naman siya ng matanda. Sakto kasing dumating si Daisy kasama si Lolita kaya nagkaroon ng kasama ang matanda sa shop.
“Binili ko na ‘yong pinapabili ni Lola.” Ipinakita ni Daisy ang shopping bag pagkatapos isa-isa niyang inilabas ang mga pinamili.
Inilabas naman ni Lolita ang nakabalot na regalo saka inabot sa matanda. “Merry Christmas po, Lola Camellia.”
“Aba! Maraming salamat, Lolita.”
Bakas sa mukha ng matanda ang saya nang tanggapin niya ang regalo ni Lolita. Ibinigay din ni Lolita ang regalo niya kay Iris, Daisy, Rain maging ang kay Dandy.
“Magbabakasyon kasi kami sa probinsya until new year kaya wala ako sa bahay. Merry Christmas na lang sa inyong lahat!” masaya niyang bati.
“Salamat, Lolita!” Kaagad niyakap ni Daisy si Lolita.
Sumunod naman sa pagyakap si Iris. “Salamat sa regalo, Lolita.” Medyo malungkot si Iris kasi hindi pa siya nakakabili ng regalo.
“Lolita, sumabay kana sa amin ni iris. Ihahatid kana namin sa inyo,” paanyaya ni Dandy na tinanggap naman ni Lolita.
***
PAGKAHATID nila kay Lolita sa bahay niya ay kaagad namang umalis sina Dandy at Iris para magtungo sa mall. Nakalista na ang mga bibilhin ni Iris para pangregalo paro hindi niya alam kung ano ang ibibigay sa lalaking nasa tabi niya ngayon.
“Uhmmm… tingin mo ano kayang magandang regalo para sa lolo mo?” biglang tanong ni Iris.
“Naku! Huwag ka nang mag-abala pa.” Umiling-iling si Dandy. “Dalawin mo na lang sa mansyon siguradong matutuwa ‘yon.” Sabay inilihis niya ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan.
Lumipas ang oras at nakarating din sila sa mall. Kaagad nagtungo sina Dandy sa department store para hanapin ang pinabibili sa kanya. Nang makarating sa men’s section tumingin-tingin si Dandy ng scarf dito.
“Ayos ba ‘tong red scarf para sa matanda?” Kinuha ni Dandy saka tinanong si Iris.
“Iyan ba ang pinabibili niya sa ‘yo?”
“Tuwing Pasko palagi niya akong pinapabili ng scarf. Ewan ko ba, mahilig ang matandang ‘yon sa mga ganitong fashion.”
Habang pinagmamasdan ni Iris si Dandy, in-imagine niya ang red scarf na suot ng lalaki sa leeg. Malambot ang tela, sakto lang ang haba at bagay na bagay sa matangkad na porma ni Dandy. Nakaisip na nga ng pwedeng iregalo si Iris. Ang tanong na lang niya sa sarili ay paano niya iyon mabibili nang hindi nalalaman ng kasama niya?
Matapos nilang bayaran ang binili ni Dandy, sunod naman silang nagtungo sa women’s section kung saan may humarang bigla kay Iris.
“Miss, make-up po para sa kutis n’yong—” Biglang tumigil ang sales lady nang lumingon si Iris sa kanya. Tila naging nightmare before Christmas ang peg ni Iris. Napaatras tuloy ang sales lady sabay nagtago sa likod ng stall na puro make-up ang nakalagay.
“Tingin mo may black lipstick kaya sila?” Lumapit si Iris saka tiningnan ang mga lipstick sa make-up section.
“Ano ka ba! Tapos na ang Holloween!” Napakamot sa ulo si Dandy. “Oh!” Kinuha ni Dandy ang kulay rosas na lipstick saka inabot kay Iris. “Mas bagay sa ‘yo ‘to!”
“H-Hindi naman ako—”
“B-Bagay po ‘yan sa inyo miss,” singit ng natatakot na sales lady.
“H-Hindi na!” Biglang hinila ni Iris si Dandy sa damit. “Tayo na!”
Ibinalik ni Dandy ang lipstick bago sumunod kay Iris. Regalo na sana iyon ni Dandy pero halatang hindi para sa gano’ng bagay si Iris. Matapos nilang mamili ng mga kailangan nila bumalik na sila sa sasakyan pero bago tuluyang umuwi dumaan muna sila sa mansyon nina Dandy.
“Siguradong matutuwa si Master Alfonso kapag nakita ka, Iris.” Inalalayan ni Dandy si Iris sa pagbaba sa kotse.
“Bakit pakiramdam ko may koneksyon sa akin ‘tong mansyon n’yo?”
“Naku! Guniguni mo lang ‘yon.”
Kaagad sumalubong sa kanila si Clint. “Boss! Uy, kasama n’yo pala si Miss Iris.” Kinuha ni Clint ang mga dala ni Dandy. “Kanina pa kayo hinihintay ni Master Alfonso at Pinuno sa hardin.”
“Nasa hardin sila?” takang tanong ni Iris.
“Ang mabuti pa puntahan mo muna sila.” Tiningnan ni Dandy si Iris. “Ipapaayos ko lang ‘tong mga pinamili sa mga katulong tapos susunod na rin ako.”
“Pero!” May hiyang naramdaman si Iris dahil hindi naman siya nakatira sa mansyon na iyon. Bumisita lamang siya para iabot na rin ang nabili niyang regalo para sa matanda at sa lalaking may pilat sa mukha.
Wala ring nagawa si Iris kaya hinatid siya ni Clint sa hardin pagkatapos ay nagpaalam din. Nahihiyang nakatayo si Iris, pinagmamasdan ang dalawa na nakatingin sa kanya.
“Tatayo ka lang ba riyan o sasamahan mo kami?” malakas na sabi ng matanda habang nakaupo sa mahabang sofa sa loob ng pagoda.
“Huwag ka nang mahiya, hija.” Naglagay ng wine si Roman sa babasaging baso. “Nagpapahangin lang kami ni Papa. Mamaya sa notchebuena ay wala ako dahil may appointment akong dadaluhan. Business party kaya hindi ko matanggihan.” Ininom ni Roman ang wine.
Lumapit si Iris sa kanila’t sinaman niya ang dalawa. “Uhm… heto po pala. Merry Christmas po!” bati niya sabay abot ng dalawang regalo. “Pasensya na po at iyan lang ang nakayanan. Wala po kasi akong budget kaya… alam n’yo na po…”
“N-Nag-abala ka pa…” Namula ang pisngi ni Roman nang tanggapin niya ang square shape na regalo. Habang round shape naman ang balot ng regalo sa matanda.
“Ba’t parang ang lambot?” Dali-daling binuksan ni Lolo Alfonso ang regalo ni Iris. “Ano ‘to medyas?”
“Opo para hindi po pasukin ng lamig ang paa n’yo. Kasi po si Lola ko, kapag ganitong panahon nilalamig ang paa at naninigas.”
Bahagyang natawa si Roman sa nakatutuwang paliwanag ni Iris. “Ikaw talang bata ka, ang dami mong alam.” Nilingon niya ang katabi niyang matanda. “Bagay na bagay ang kulay sa ‘yo, Papa.”
“Tsk! Tumigil ka nga.” Tinanggal ng matanda ang suot niyang sandals saka isinuot ang medyas. “Ayos din naman pala.”
Sunod na binuksan ni Roman ang regalo niya. “Aba! Isang necktie!” tuwa niyang turan saka isinukat ito sa leeg. “Sakto lang ang haba. Susuotin ko ito mamaya sa dadaluhan kong pagtitipon.”
Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Iris. Hindi niya maipaliwanag kung bakit tila may lukso ng dugo sa dalawang kaharap niyang estranghero. Hindi niya kaano-ano ang dalawa pero nararamdaman niyang may malalim silang ugnayan. Nang biglang kumirot ang puso niya nang makaramdam ng kakaibang lamig sa paligid. Nagbalik sa kanyang alaala ang mauling araw ng libing ng kanyang ina.
“Ayos ka lang ba?” Tumayo si Roman para lapitan si Iris nang iatras ni Iris ang sarili niya para layuan si Roman.
“A-Ayos lang po ako. Ang mabuti pa uuwi na po ako.” Nayuko siya’t pabiglang tumakbo palayo sa hardin.
***
IHAHATID na ni Dandy si Iris nang pumarada ang sasakyan sa isang parke. Bumaba sila’t naglakad-lakad sa maliwanag na paligid. Maraming Christmas lights at decoration sa parke na sinasabayan ng Pampaskong kanta sa nakakalat na speaker.
“Bakit tayo dumaan dito?” taka ni Iris.
Hinatak ni Dandy si Iris patungo sa lugar na walang tao. Nasa tabi sila ng maliit na wishing well na napapaligiran ng mga halaman at mataas na puno ng Narra. Maliwanag ang sikat ng buwan at nagniningning ang malaking bituin sa langit. Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa balat ni Iris. Nang mapansin ni Dandy ang pagkuskos ni Iris sa braso niyang litaw dahil naka-sleeveless over all dress siya’y ibinigay ng binata ang suot niyang polo.
“Suotin mo muna.”
“S-Salamat…”
Binalot sila ng sandaling katahimikan bago naglakas loob si Dandy na ilabas ang isang maliit na kahon. Nakabalot ito ng silver wrapper na may blue ribbon sa gitna.
“Merry Christmas!” nahihiya niyang sambit. May pamumula sa magkabilang pisngi ni Dandy habang hindi niya matingnan nang tuwid si Iris. Nakatingin lang siya sa wishing well habang nakalatag sa palad niya ang munting regalo.
Nahihiyang tinanggap ni Iris ang munting kahon. “S-Salamat.”
“Buksan mo, gusto kong ako mismo ang magsuot sa ‘yo n’yan.”
Lumakas ang ihip nang hanging nagpakilos sa mahaba’t nakalaylay na buhok ni Iris. Tila kumislap ang paligid nang titigan niya si Dandy.
Toki
Doki
Tila bumibilis ang pintig ng puso ni Iris sa kakaibang kilos at pananalita ni Dandy. Nang buksan niya ang kahon, tumambad sa harapa niya ang kumikinang na regalo.
“I-Isang kwintas?” Namilog ang kumikinang niyang mga mata nang makita ang hitsura ng kwintas na ito. Hitsura kasi ng paborito niyang zombie ang mismong pendant nito at ang necklace ay kulay itim na rubber lace.
“Limited edition ng Zombie Paradise necklace?” sabay pa nilang sambit.
“Teka! Sigurado ka?” dugtong ni Iris.
“Oo naman!” Inagaw ni Dandy ang kwintas. “Hawiin mo ang buhok mo, ikakabit ko.”
Sa paghawi ni Iris ng buhok niya lumitaw ang hubog ng kanyang balikat. Nagbigay ng kilig habang ikinakabit ni Dandy ang hook ng kwintas. Nang matapos niyang ikabit bigla na lang niyang niyakap mula sa likod si Iris.
“D-Dandy?”
“Shhh… hayaan mo muna akong ganito…”
Hindi maintindihan ni Iris kung bakit gano’n na lamang ang ikinilos ni Dandy. Hindi siya pumalag at hinayaan na lamang niya ang binata na yakapin siya mula sa likod. Damang-dama ni Iris ang init sa malamig na gabi. Pulang-pula ang pisngi niya’t balot ng kilig ang katawan. Gustuhin man niyang kumawala ay pinipigilan siya dahil deep inside sinasabi ng katawan niya na gusto niya ang yakap ng binata.
“A-Ano bang nangyari?” malungkot na tanong ni Iris. “Pwede mo namang sabihin sa akin…” dugtong pa niya.
Bakas ang lungkot na ipinaparamdam ni Dandy sa kanya. Hindi man magsalita ang binata, nararamdaman ni Iris na mayroon itong inililihim sa kanya.
Nang tanggalin ni Dandy ang mga braso niya’t hinawakan si Iris sa balikat para iharap sa kanyang sarili. “Iris, patawad…” mahinang bulong ni Dandy. “Mapatawad mo sana ako…”
Kumunot ang noo ni Iris sa sinabi ni Dandy. “Patawad? Para saan?” Naguguluhan ang isip niya sa ikinikilos na kakaiba ni Dandy.
“Basta! Kapag dumating ang araw na…”
“Na?”
Huminga nang malalim si Dandy dahil hindi niya magawang ipagtapat kay Iris ang inililihim niyang pagkatao.
“Ha-ha-ha! W-Wala! Hayaan mo na lang!” Bigla niyang inilihis ang tingin saka kinamot ang batok. “Ang mabuti pa ihatid na kita. Malalagot ako nito kay Lola Camellia kapag hindi pa kita ibinalik bago mag notchebuena.”
Tumalikod si Dandy at aktong maglalakad palayo nang bigla siyang hawakan sa kamay ni Iris. “Sandali!” pigil niya. Inilabas ni Iris mula sa loob ng body bag ang binili niyang regalo para kay Dandy. “Merry Christmas. Nakita ko kanina na… mukhang bagay sa ‘yo ‘to…” Inikot niya ang red scarf sa leeg ni Dandy.
Habang inaayos ni Iris ang red scarf, hindi maiwasang mapatitig ni Dandy sa magandang mukha ni Iris. Tila nag-spark ang paligid at may naamoy siyang mabango sa bandang leeg ng dalaga. Nagulat na lamang si Iris nang muli siyang yakapan ni Dandy.
“Salamat!”
“T-Teka…” Tila nakikiliti si Iris sa hininga ni Dandy, kakaibang kiliti ang dulot nito sa kanyang katawan. “A-Ano ba talagang nangyayari sa ‘yo?” naguguluhang tanong ni Iris na hindi malaman ang gagawin.
Nang ituon ni Dandy ang mga mata niya kay Iris. May lungkot sa mga mata ng binata habang umiihip ang malamig na hangin. Heto na naman sila katulad kanina pero wala pa ring masabi si Dandy sa kanya.
Nang biglang…
“Iris! Dandy!”
Isang tawag ang nagpalayo sa malapit nilang katawan.
“D-Daisy?”
Hinihingal na nilapitan ni Daisy si Iris. “Umuwi ka na! May nangyayari sa flower shop!” hinihingal na balita ni Daisy habang hinahabol ang hininga. “Si Lola! Tapos may mga taong nakaitim!”
Nang marinig iyon ni Dandy…
“P-Pinuno!” bulong niya na narinig ng dalawa.
Kaagad tumakbo sina Iris, Dandy at Daisy pabalik sa sasakyan.
“Teka! Tinakbo mo lang ba hanggang dito, Daisy?” takang tanong ni Iris.
“Sumabay lang ako sa truck nina Kuya Embo, nag-text ako sa ‘yo kanina ‘di ba?”
“Uhmmm… Oo.” Tiningnan ni Iris ang text message log niya sa cellphone. “Tinanong mo ako kung nasaan ako.”
“Mabuti at nag-reply ka kanina kaya nalaman ko kung saan kita hahanapin.”
Nagsimulang umandar ang kotse.
“Paki bilisan, Mister Hanzo.” Inayos ni Dandy ang seatbelt niya sa passenger seat.
“Sabihin mo kung ano’ng nangyari sa flower shop?”
“Iris.” Kinagat ni Daisy ang ilalim ng labi niya. “Mukhang nanganganib hindi lang ang flower shop kundi pati ang buong Floral Street.” Umayos nang upo si Daisy. “Narinig ko kanina, may gustong bumili ng lupa at balak nilang palayasin ang mga tao roon.”
“Ha?” Namilog ang mga mata ni Iris. “Pero bakit?”
Sumingit si Dandy sa usapan. “Ang alam ko mayroong nagmamay-ari talaga ng lupang ‘yan. Mukhang ipinagbili niya ang buong Floral Street sa mayamang negosyante.”
Tumindi ang pangamba ni Iris, hindi niya akalaing sa tinagal-tagal nila sa Floral Street ay mapapalayas sila rito. Dahil wala naman talaga silang titulo ng lupa at hindi rin naman nila ito nabili kung kanino. Dating bakante ang buong Floral Street, nagtayo sila ng flower shop dito nang payagan sila ng matandang nagmamay-ari ng lupa. Pinangakuan naman silang hindi sila palalayasin sa lupang iyon dahil kilala nilang mabait ang matandang. Subalit nang mamatay ang matanda, nailipat ang pagmamay-ari ng lupa sa anak at ito ang nagbenta sa lupa.
***
NATULALA si Iris nang makita ang kaganapan sa labas ng flower shop. May mga lalaking naka-black suit at nakaparadang itim na kotse mismo sa tapat nila. Tumakbo kaagad si Iris sa lola niya para alamin ang nangyayari.
“Lola!”
“Iris…”
Paglingon ni Lola Camellia siya namang paglitaw ng isang lalaki mula sa likod ni Iris. Nanlaki ang mga mata ng matanda nang makita ang pamilyar na mukha ng lalaki.
“I-Ikaw?!” galit na sigaw ng matanda.
Natigil si Iris nang makaramdam nang kakaibang kaba sa puso niya. Ngayon niya lang nakita ang lola niya na nakakunot sa galit ang noo. Dahan-dahang lumingon si Iris para tingnan kung sino ang tinatanaw ng galit na mga mata ng matanda.
“Magandang gabi at maligayang Pasko.” Humakbang ang lalaki papalapit kay Iris.
“A-Ano pong ginagawa n’yo rito, Mister Roman?”
“Iris!!!” sigaw ni Lola Camellia sabay hawak sa kanyang nanikip na dibdib.
“L-Lola!” Kaagad nilapitan ni Iris ang lola niya’t inalalayan ito.
Rinig na rinig ang lakas ng tahol ni Kulto mula sa kanyang kulungan. Napalibutan sila ng mga taong nakikiisyuso sa nangyayari. Kaagad lumapit si Nurse Jaika kasama si Rain kina Iris.
“Ano’ng gingawa mo rito—damuho ka!” galit na sigaw ni Lola Camellia. “Gusto mo na talaga akong mamatay para makuha si Iris, ano?”
“Nagkakamali ka… Ma—”
“Huwag mo ‘kong tawaging ‘Mama’!” Nanlilisik ang mga mata ng matanda nang bitinin niya ang pagsasalita ni Roman.
Lalong naguluhan ang isip ni Iris sa mga nangyayari. Ang lalaking nasa harapan niya ay kilala niya bilang si Roman na nagpakilalang kumukupkop kay Dandy. Ang bespiras ng Pasko ay nagdulot ng magulong pangyayaring magsisiwalat ng buong katotohanan niya.