MATAPOS dumalaw sa libingan ng mga mahal sa buhay nina Iris kasama ng mga kaibigan niya ipinasyal naman sila ni Lola Camellia sa taniman nila ng mga bulaklak. Dito sila kumukuha ng supply na ipinapadala sa flower shop nila sa Maynila. Inaalagaan ito ng pamilya ni Daisy at iba pang trabahador sa taniman. Maliban sa mga bulaklak ay marami pa silang tanim na prutas at gulay na ibenebenta naman sa palengke.
Malamig sa Benguet kaya nakasuot ng makapal na damit ang grupo nila nang bumisita sa Trinidad Farm. Hindi lang sila basta bumisita tumulong na rin sila sa pagpitas ng mga bulaklak. Maraming itinuro sa kanila na tamang pag-ha-harvest ng mga ito.
Habang masayang nagtitipon ang ilan, si Dandy naman ay nagpaalam sa kanila.
“Teka! Sigurado ka bang okay ka lang mag-isa?” takang tanong ni Lolita habang isinusuot ang gloves sa kamay niya.
“Oo naman, huwag kayong mag-alala babalik din ako kaagad.”
“Gusto mo bang samahan kita, Dandy?” Hawak ni Iris ang kumpol ng mga rosas na nakabalot sa makapal na telang pinaglalagyan ng mga napitas nang bulaklak.
Nahiya si Dandy sa pagiging-concern ni Iris. “H-Hindi na.” Sumenyas pa siya gamit ang mga kamay. “Sinabi ko nang ayos lang ako. Madali lang naman hanapin itong taniman n’yo kaya hindi ako maliligaw.”
Biglang sumingit si Rain, dala naman ang gunting na panggupit sa sanga ng mga pipitasing bulaklak. “Saan ka ba kasi pupunta?”
“Sinabi ko nang sa bayan nga!” Tinaasan niya ng kilay si Rain.
“Sigurado ka, huh?”
“Tch! Oo nga! Kulit.” Napakamot si Dandy saka tumalikod sa kanila. “Sige na! Mamaya na lang.” Naglakad siya palayo sa kanila.
Humabol pa si Iris. “Mag-iingat ka!”
Naramdaman ni Dandy ang pag-aalala kay Iris. Hindi naman niya balak gumawa ng bagay na ikababahala niya. May isang lugar lamang siyang nais puntahan nang mag-isa.
***
Bumalik si Dandy sa sementeryo para personal na dalawin ang nanay ni Iris na si Rosa. Nasa harapan siya ng museleo at tinatanaw ang loob nito. Hindi siya makapasok dahil naka-padlock ang itim na gate. Tapos na kasi ang pagbisita kaya nilalagyan nila ng kandado upang walang makapasok na ibang tao rito. Humawak si Dandy sa bakal bago bumuntong-hininga.
May plant box sa gilid ng museleo, naupo si Dandy dito matapos manalangin nang taimtim sa harap ng gate. Tumingala siya sa bughaw na langit, kumpol ang puting ulap at presko ang malamig na hangin. Napapikit siya’t inalala ang unang araw niya sa mansyon. Iyon ang araw na dinala siya para kupkupin ng mayamang negosyanteng si Roman Alfonso, na asawa ni Rosa at ama ni Iris.
Tandang-tanda niya ang malakas na buhos ng ulan habang nakasakay siya sa kotse.
FLASH BACK…
“Nandito na tayo.” Bumaba ang matangkad na lalaki mula sa loob ng kotse. “Ihanda mo na ang sarili mo dahil simula ngayon hindi mo na gagamitin ang tunay mong pangalan.”
Kasunod na bumaba ang batang lalaki na may anim na taong gulang. May orange na buhok, may masungit na pares ng mata, maputi ang balat at payat. Ang pangalan niya ay hango sa bulaklak na kakulay ng buhok niya kapag nasisinagan ng araw, sumisimbol ito sa lakas, katatagan at tibay ng loob sa anumang hirap ng buhay. Tulad ng bulaklak na ito, matatag na bata rin si Dandelion na binigyan ng bagong pangalan bilang Dandy.
“Ipapakilala kita sa ‘Master’ nitong mansyon. Siya ang ama ko na humadlang sa pagsasama namin ng asawa ko. Kahit bumalik na ako sa tahanang ito, hindi ko pa rin maramdaman ang ugnayan namin bilang ama at anak.”
Isang tingin pa lang ng bata sa matangkad na lalaking may pilat sa kaliwang mata ramdam na niya ang matinding galit sa puso nito.
Pumasok sila sa loob ng malaking mansyon at nagtungo kaagad sa master’s bed room. Ipinakilala ng lalaki ang kasama niyang bata sa matandang nakaupo sa swivel chair.
“Siya si Dandy Merloin, siya ‘yong batang sinasabi kong aampunin ko.”
Tiningnan ng matanda ang batang Dandy. “Aampunin mo?”
“Opo,” tipid na sagot ng lalaki. “Naalala n’yo no’ng nagpunta ako sa London? Nakilala ko ang nanay niya na isang Pilipina roon. Isang ina na nagkaroon ng hindi magandang karanasan sa amo nitong Briton. Nakilala ko ang nanay niya sa lansangan, nag-iisa at mukhang pulubi ang hitsura. Tinulungan ko ang nanay niya’t napag-alaman na may anak pala ang babae. Siya ang batang iyon kaya kung mapapansin n’yo iba ang kulay ng buhok niya’t mga mata.”
“At bakit mo naman ginawa iyon sa taong hindi mo naman lubos na kilala?” Tumalim ang tingin ng matanda sa lalaking may pilat sa mukha.
“Hindi ko maiwasang alalahanin si Rosa sa nanay ng batang ito. Nangako ako sa kanila ng nanay niya iuuwi ko sila rito sa Pilipinas at iyon nga ang ginawa ko. Bilang kapalit kukupkupin ko ang batang ito at gagawing body guard ng anak ko.”
Nagsalubong ang dalawang kilay ng matanda. “Ang akala ko kaya ka bumalik sa mansyong ito ay dahil nag-aalala ka sa kalusugan ka. Mukhang kahit ikamatay ko pa ay hindi ko pa rin maibabalik ang anak kong tinalikuran ako para sa isang babae!”
Hindi nakaimik ang lalaki. Napayukom-palad ito bago inilihis ang tingin sa ibang dereksyon.
“M-May sakit si Rosa, wala man lang ako sa tabi niya habang naghihirap siya. Ang anak namin, bibihira ko lang din makita. Hindi ko alam kung makakasama ko pa silang muli…”
“Baka mauna pa akong mamatay sa asawa mo!” Hinampas ng matanda ang dalawang kamay niya sa ibabaw ng mesa. “Bahala ka na sa batang ‘yan, Roman.”
Tinapik ni Roman ang bata sa balikat saka sila lumabas ng silid. Bakas sa mukha ng lalaki ang paghihirap ng loob nito. Magkahalong galit ang sumisiklab sa mga mata niya’t awa naman ang lungkot ng presensya ni Roman.
“Mister, ayos lang po ba kayo?” alalang wika ng batang Dandy.
“Oo! Huwag mo nang intindihin ang matandang ‘yon. Basta’t tandaan mo… simula sa araw na ito wala kang ibang susundin kundi ako. Hawak ko ang buhay ninyong mag-ina, inilayo ko kayo sa hirap sa London kaya nararapat lamang na suklian n’yo ng serbisyo ang tulong ko.”
“Makakaasa po kayo, Mister. Lahat gagawin ko para hindi na maghirap ang nanay ko. Ipag-utos n’yo ang kahit ano at susundin ko ito nang walang pag-aalinlangan.”
Kinuskos ni Roman ang buhok ni Dandy. “Mabuti kung gano’n.”
At iyon na nga ang ginawa ni Roman, kinupkop niya ang batang Dandy. Isinama niya ang bata sa mga malalaki nang tagasunod para turuan ng mga bagay na dapat niyang matutunan. Mula sa pag-aaral magsulat at magbasa itinuro rin sa kanya ang pagprotekta sa sarili gamit ang martial arts. Sa batang edad natutunan niya ito sa loob lamang ng limang buwan.
Dumating ang araw na kinuha na ng langit si Rosa dahil sa sakit niyang walang lunas. Noong araw ding iyon gumuho ang mundo ni Roman. Hindi man lang siya nakadalaw sa burol ng asawa’t hindi rin nagawang yakapin ang anak sa mga sandaling alam niyang kinakailangan siya nito.
Araw ng Linggo, malakas ang ulan nang isagawa ang huling pamamaalam kay Rosa. Sa paghatid sa huling hantungan ay isinama ni Roman ang batang Dandy sa Benguet upang kahit sa malayo ay matanaw niya ang kanyang asawa.
Hindi niya magawang lumapit dahil alam niya ang sama ng loob na idinulot ng pag-alis niya sa pamilya ni Rosa. Iniwan niya ang kanyang asawa at anak para balikan ang ama na may malubhang karamdaman at matanda na.
Sa malayo ay tinatanaw ng batang Dandy ang isang batang babae. Mahaba ang buhok niya’t nakalaylay ang mahabang bangs sa harap. Habang pinapayungan siya ni Roman, sa malakas na ulan ang batang Dandy nama’y tulala. Nakakubli sila sa matabang puno’t napapaligiran ng mga halaman. Palibhasa’y malawak ang sementeryo sa probinsya.
Ang lahat ay umiiyak pero ang batang babaeng ‘yon ay hindi. Nakatayo lamang siya habang pinagmamasdan ang pagtabon ng lupa sa ataul na nasa ilalim ng lupa.
“Mister, sino po ang batang ‘yon?” tanong ni Dandy. Hindi na siya nakatiis kung kaya’t tinanong na niya si Roman.
“Siya ang anak kong si Iris. Siya ang gusto kong protektahan mo balang araw. Ibabalik mo siya sa akin sa takdang panahon.”
Seryoso ang mukha ng lalaking may pilat ang mukha. Magkagano’n man, bakas sa mga mata niya ang kalungkutan. Kitang-kita ni Dandy ang butil ng luhang gustong kumawala sa gilid ng mga mata ni Roman.
“Bakit hindi n’yo puntahan mismo ang asawa’t anak n’yo, Mister?” Hindi nakapag-isip si Dandy at bigla na lang niya itong naitanong.
Pumikit si Roman bago tumalikod. Ibinigay niya ang dalang payong sa batang Dandy. Tumingila si Roman sa itim na kalangitan, kahit malakas ang ulan ay balewala sa kanya.
“Hindi ako mapapatawad ni Nanay Camellia sa pag-iwan ko sa mag-ina ko. Wala akong mukhang ihaharap sa buong pamilya ni Rosa…”
Basang-basa na ang katawan ni Roman dahil sa malakas na ulan. Ayos lang sa kanya para kahit papaano hindi makita ng batang kasama niya ang mga luhang ibinuhos na niya. Kung maaari lamang pati ang sakit sa nadarama niya ay kaya ring tangayin ng ulan.
Muling ibinaling ni Dandy ang pansin sa batang Iris. Nagtataka siya kung bakit hindi pa rin umiiyak ang batang babae. Kung iisipin niya ang kanyang ina sa gano’ng katayuan ay siguradong humagulgol na siya nang iyak.
Tanging ang ingay lamang ng ulan ang naririnig ni Dandy. Gusto niyang marinig ang boses ng batang iyon…
“Pinapangako ko pong ibibigay ko ang buhay ko sa batang ‘yon, Mister.” Tumingala si Dandy para maabot nang tingin si Roman.
Tinapik ni Roman ang ulo ng batang Dandy. “Sa araw na magkita kayo at makita mo siyang ngumiti… pakiusap, huwag mo nang hayaang malungkot pa siya.”
Nang mga sandaling iyon alam na ng batang Dandy ang dapat niyang gawin sa hinaharap.
***
IMINULAT ni Dandy ang mga mata niyang nakaidlip kakaisip sa nakaraan. Tumayo siya’t inunat ang dalawang braso saka humikab. Maya-maya’y tumunog ang cellphone niya.
“Hello?”
“Dandy, nakarating na ako.”
“Pinuno?”
Lumingon si Dandy sa likod, nakit aniya ang papalapit na si Roman. Ibinaba ni Dandy ang hawak na cellphone saka inabangan ang pagdating ni Roman.
“Mabuti at nakarating po kayo, Pinunong Roman.”
“Sinunod ko lang ang sinabi mo sa text na nasa taniman sina Iris ngayon. Ito ang oras na pwede kong puntahan ang puntod ng asawa ko. Ayaw kong makita ako ni Iris, hindi pa panahon…”
Ibinaling ni Roman ang pansin sa loob ng museleo. Dahil sarado ito tanging pagtanaw na lamang sa labas ang magagawa niya. May dala siyang bugkus ng rosas na dapat ay iaalay niya sa kanyang asawa. Inilapag na lamang ni Roman ang mga bulaklak sa sahig. Humawak siya sa bakal saka pumikit at nanalangin nang taimtim.
Sa isip ni Roman. “Mahal kong Rosa, hanggang ngayon walang tigil pa rin akong nanalangin at humihingi ng kapatawaran sa pag-iwan ko sa inyo ni Iris. Wala na akong mukhang ihaharap sa pamilya mo lalong-lalo na sa anak natin. Hindi ko alam kung mapapatawad pa niya ako dahil iniwan ko kayo sa panahon na kailangan na kailangan ninyo ng amang tulad ko. Pasensya kana, wala akong kwentang asawa at ama sa anak natin. Magkagano’n man… mahal na mahal kita, Rosa.”
Sa gitna nang taimtim na panalangin ni Roman, hindi nila inaasahan ni Dandy ang pagdating ni Iris.
“May bisita pala si Mama?”
Gulat na napalingon si Dandy matapos marinig ang tinig ni Iris sa gilid. Ni hindi niya napansin ang pagdating ng dalaga dahil maging siya ay nakapikit at nag-alay din ng panalangin. Mabilis na tinapunan ng tingin ni Dandy si Roman na nakahawak pa rin sa bakal at hindi magawang lingunin ang kararating lang na si Iris.
Ibang-iba ang awra ni Iris nang sandaling iyon. Hindi siya ang Iris na may nakakatakot na presensya. Nilulugay ng malamig na hangin ang mahaba niyang buhok, kumikinang ang mga matang nakatingin sa puntod ng kanyang ina. Napaka aliwalas ng mukha ni Iris, litaw na litaw ang natural niyang ganda. Tulad sa isang bulaklak na nasinagan ng masiglang sikat ng araw.
“Kakilala po kayo ni Mama?” Tinuon ni Iris ang pansin sa lalaking nakatayo.
Nang lumingon si Roman sa kanyang anak…
“Ah! Siya ‘yong nakita ko sa mansyon n’yo!” kumpirma ni Iris sabay turo sa lalaking may pilat sa kaliwang mata.
“A-Ano… siya nga…” nawiwindang na tugon ni Dandy. “H-Hindi mo ba siya nakikilala?”
Lumukso ang puso ni Iris nang tanungin siya ni Dandy. “Sino po ba kayo?” Kasabay ng tanong niya ang paghangin nang malakas.
Kumaluskos ang sanga ng puno sa tabi ng museleo, nagbagsakan ang mga dahon sa lakas ng hangin. Isang eksenang nagpatulala kay Roman.
“H-Hindi mo ba ako namumukhaan, hija?”
Umiling si Iris. “Hindi po, e. Pero parang pamilyar po kayo sa akin? Parang nakita o nakasama ko na po kayo?” Waring nag-iisip si Iris, nakatutup ang hintuturo niya sa sintido. “No’ng nakita ko kayo sa mansyon nina Dandy, naisip kong… may koneksyon po kaya kayo sa akin?” alanganing tanong ng dalaga.
Nagbigay ito ng negatibong pakiramdam kay Roman. Nabigla siya kaya’t hindi kaagad nakasagot sa dalaga. Hindi siya nakikilala ng sarili niyang anak. Para kay Roman, maaaring normal lang iyon dahil iniwan niya si Iris noong maglilimang taong gulang pa lamang siya. Nakakatagpo pa niya noon si Rosa at Iris noong mag-aanim na ang bata pero napakabilis lamang ng oras nila. Maaaring naiwaksi na ni Iris ang hitsura ni Roman lalo pa noong namatay si Rosa. Sino bang bata ang gugustuhin pang makita ang taong nang-iwan sa kanila. Para kay Roman, batid niyang kusang isinara ng sarili niyang anak ang puso at isipan nito sa kanya. Burado maging ang alaala ng kanyang hitsura at pagkatao sa bata.
“Heh!” Bahagyang napangisi si Roman. “Ano… kaibigan ako ni Rosa,” natatawa niyang sabi.
“Talaga po? Kaya siguro pamilyar po kayo sa akin. Ramdam ko po ang kakaibang init dito sa puso ko.” Inilapat ni Iris ang palad niya sa parteng dibdib kung nasaan ang puso niya. “Bakit hindi po muna kayo magpahinga sa bahay namin? Nakauwi na po kami galing taniman at nagpapahinga kasama ng mga kaibigan namin ni Dandy.” Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa labi ni Iris.
Gustuhin mang sumama ni Roman…
“H-Hindi na. Ang totoo niyan napadaan lang talaga ako para i-check ‘tong si Dandy. Hindi ko siya anak pero parang anak na rin ang turing ko sa kanya.” Tinapik ni Roman sa balikat si Dandy, tila isang senyas iyon sa kanya.
“Uhm… ang mabuti pa bumalik na tayo, Iris.” Kaagad lumapit si Dandy sa tabi ni Iris. “Pinu—ibig kong sabihin, Mister Roman.” Napakamot muna siya sa ulo. “Mauna na po kami. Huwag po kayong mag-alala pag-uwi ko po papasalubungan ko si Master Alfonso ng paborito niyang strawberries.” Tipid na ngumiti si Dandy saka tinapik si Iris.
Nagkatitigan muna ang mag-ama bago tuluyang tangayin ni Dandy si Iris palayo sa kinatatayuan niya.
“P-Paalam po,” tipid na wika ni Iris.
“S-Sige, paalam.”
Nang kusang humakbang ang mga paa ni Roman para habulin si Iris. “Sandali!”
Napalingon sina Iris at Dandy.
“Sana makabisita ka sa manayon,” pahabol ni Roman.
“Sige po. Iyan din po ang sinabi sa akin ni Lolo Alfonso no’ng makausap ko siya sa hardin n’yo.”
“T-Talaga? Nakausap mo si Papa?”
“Papa n’yo po?” Gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Iris. “Hindi po ba’t lolo siya ni Dandy?” Napatingin si Iris sa katabi niya.
Kaagad umisip ng palusot si Dandy. “L-Lolo ang turing ko sa kanya. Pero hindi talaga niya ako apo.”
“Ah!”
Hindi na nagtanong pa si Iris dahil baka may malalim na kuwento si Dandy sa pamilya. Walang kaalam-alam si Iris na ang lalaking kasama niya ay ang kanyang tunay na ama. Ama na winaksi niya sa kanyang puso’t isip. Binalot ng kadiliman ang kabataan niya napuno ng pighati, galit at pagkamuhi sa taong nang-iwan sa kanila ng kanyang ina. Hindi niya nakilala ang tunay niyang ama dahil sa puso niya ay walang ama na nag-e-exist sa kanyang buhay.