MABILIS lumipas ang mga araw natapos ang school year nina Iris, nalaman ng buong campus ang tungkol sa mayaman
niyang pamilya. Hatid-sundo ba naman siya ng mamahaling sasakyan at may body
guard pang umaalalay sa kanya. Pagkatapos nga ng ilang buwang pasukan, sa wakas
sumapit na rin ang bakasyon nila.  

 Unang araw ng summer break nang isama ni Dandy ang buong tropa sa Baguio kung saan
may ipinatayong rest house ang tatay ni Iris. Kasalukuyang dito rin tumutuloy
ang nanay ni Dandy para hindi naman nag-iisa ang ginang. Kabilang ang nanay ni
Dandy sa tumutulong sa mga katulong na alagaan ang rest house ng pamilyang
tumulong at kumupkop sa kanilang mag-ina.  

 “Tita! Narito na po kami!” bati kaagad ni Clint pagkapasok niya sa loob kasunod sina
Dandy at iba pa.  

 Hindi katulad sa mansyon walang nakahilerang mga katulong sa rest house nila.
Sinalubong lamang sila ng nanay ni Dandy na nakangiti sa kanilang pagdating.   

 “Clint, napakasigla mo pa ring bata.”  

 Anak na rin ang turing ni Lily kay Clint simula no’ng iuwi siya ni Dandy sa kanilang
dating tinutuluyan. Kaagad nagmano si Clint sa nanay ni Dandy, gano’n din si
Dandy sabay halik sa pisngi ni Lily. 

 “Mama, kamusta na ang pakiramdam n’yo? Ayos lang ba kayo rito?” nag-aalalang tanong ni
Dandy habang nakayakap sa kanyang ina.  

 “Mas okay ako rito kaysa sa luma nating tinitirahan na mag-isa lang ako. Dito kasama
ko sina Aleng Tetra na kusinera, si Rose na katuwang ko sa paglilinis at si
Jack na nangangalaga sa hardin at sa pagbabantay sa gate.” 

 Panatag na ngumiti si Dandy dahil alam niyang mas maayos ang lagay ng nanay niya.
Hinawakan ni Dandy ang kamay ni Lily saka hinarap sa mga kasama niya. “Sila nga
po pala ang mga kaibigan ko, kaklase ko sila.” 

 Isa-isa silang nagmano hanggang makaharap ni Lily si Iris, kaagad niya itong nakilala
dahil na rin sa mga kuwento ni Dandy tungkol sa kanya. “Miss Iris,
napakagandang bata n’yo talaga.” Walang alinlangang hinawakan ni Lily ang
pisngi ni Iris, hinawi ang bangs ng dalaga para makita niya ang bilugang mga
mata nito. 

 Napansin kaagad ni Dandy ang hindi pag-imik ni Iris, hinayaan lang ng dalaga ang
ginagawang paghimas ng ginang sa kanya. Napangiti na lamang siya nang hindi
namamalayan dahil sa nahihiyang reaksyon ni Iris.  

 Maya-maya nang dumating ang ibang katulong at nagpakilala sa mga kasama ni Dandy.
Nagpakilala rin sila sa anak ng may-ari ng rest house bilang paggalang. Hinatid
nila ang mga bisita sa gagamitin nilang silid. Magkasama sa iisang kuwarto ang
mga babae at sa kabilang kuwarto naman ang mga lalaki.  

 Inabutan na sila ng gabi sa pag-aayos ng gamit, sakto namang ipinaghanda sila ng masarap
na pagkain ni Aleng Tetra, ang kusinera.  

 “Maraming salamat po sa hapunan!” masiglang pasasalamat ni Daisy katabi si Iris. “Mukhang
masarap po itong inihanda n’yo para sa amin.”  

 Nakangiti naman si Aleng Tetra sa mga bisita. “Sariwa ang mga gulay na lahok n’yan,
maging ang karne ay bagong katay at talagang pinaghandaan namin dahil alam
naming paparito kayo.”  

 Hindi naman sila nag-atubili at kaagad na kumain ng masarap na hapunan. Nasa
kalagitnaan sila ng pagkain ng tumigil si Dandy. “Siya nga pala bukas na bukas
din ay dadalaw tayo sa kamag-anak mo pati na rin sa…” Bigla siyang natigil sa
hiya’t napabulong na lamang. “Sa puntod ng mama mo, Iris.” 

 Tumango lang si Iris bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Dandy. Tuloy ulit sila sa pagkain
hanggang sa makatapos silang lahat.  

  

*** 

  

KINABUKASAN maagang nagising si Iris, kaagad siyang bumangon at nagtungo sa hardin para lumanghap ng sariwang
hangin. Napansin niya kaagad si Lily na nag-aayos ng mga bagong pitas na
bulaklak sa pabilog na mesa sa pahingahan.  

 Kaagad naman siyang napansin ni Lily. “Miss Iris, magandang umaga!” bati ng ginang.
“Samahan n’yo ako rito sa pag-aayos ng bulaklak na ilalagay ko sa plorera mamaya,”
alok pa niya.  

 Hindi naman nakatanggi si Iris, mabait ang nanay ni Dandy palaging may ngiti sa labi
nito tuwing sinisilayan niya ng tingin. Lumapit siya’t naupo sa tabi ni Lily,
kinuha ang ilang tangkay ng rosas saka iniayos ayon sa laki.  

 “Walang tinik ang mga rosas na ‘to,” mihina’t halatang nahihiyang bulong ni Iris. Hindi
kasi niya maiwasang tingnan ang magandang mukha ni Lily, makinis na kutis at
magandang hubog ng katawan kahit may edad na ang ginang.  

 “Alagang-alaga kasi ang mga halaman at bulaklak sa hardin na ‘to, gano’n naman sa mansyon
hindi ba?” Nakangiting tumingin si Lily kay Iris na tila nanghihingi ng
pagsang-ayon. 

 Tumango lamang si Iris at nagpatuloy sa pag-aayos ng mga rosas. Kabisado na niya ang
gagawin dahil ito rin naman ang gawain niya sa flower shop. Hindi tuloy
maiwasang maalala niya ang kanyang lola na iniwan niya pansamantala. 

 Ibinaba ni Lily ang hawak niyang bulaklak saka humarap kay Iris, ipinatong niya ang
kamay sa ibabaw ng balikat ng dalaga. “Alam mo, sa bulaklak ko rin kinuha ang
pangalan ni Dandy.” Tila bumalik sa gunita ng ginang ang mga pinagdaanan nilang
mag-ina sa London. “Tagsibol noon ng ipanganak ko si Dandy sa isang lumang
bahay na tinutuluyan namin. Iniwan ako noon ng naka-live in kong Briton na ama ni
Dandy, hindi na siya nagpakita simula ng isilang ko ang anak namin. Isang
bulaklak ang madalas kong masilayan sa labas ng bintana, kakulay ng buhok ni
Dandy ang talulot nito. Isang Dandelion na kasing tingkad ng ginto ang kulay.
Kasama ng bulaklak na ‘yon ang iba pang variety ng Dandelion na mas kilala
natin bilang wishing flower.”  

 “Dandelion po ang real name niya?” 

 Bahagyang natawa si Lily sa hindi makapaniwalang tanong ni Iris. “Oo! Wala na rin kasi
akong maisip na ipangalan sa kanya noon.” Nayuko si Lily, bumakas ang lungkot
sa mukha niya. “Malaki ang pasasalamat naming mag-ina sa ama mo. Siya ang
nagligtas sa amin ni Dandy sa bingid ng kamatayan sa masikip na eskinita sa
London kung saan ibenebenta ko ang sarili ko para makaraos kaming mag-ina. Si Sir
Roman, iba siya sa lahat ng nakilala ko. Mahal na mahal niya ang asawa niya’t
nag-iisang anak kaya kahit anong tukso ang gawin ko ay hindi siya bumibigay
bagkus tinulungan niya kaming makauwi ng Pinas.”  

 Namutawi ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa nang hawakan ni Lily ang kamay ni
Iris. “Miss Iris, isa rin akong ina at kahit hindi pa kami nagkikita ng iyong
ina ay masasabi kong… mabuti siya sa inyo ni Sir Roman. Alam kong hindi siya
nagtanim ng galit sa iyong ama, alam niya ang totoo, alam niyang mahal na mahal
siya ng kanyang asawa.” 

 Marahang tumayo si Iris, inilagay sa isang tabi ang mga inayos niyang rosas. “Mabuti po
kayong ina pero ibang kaso po ang sa aming dalawa ng… ng pinuno ng mga zombie.” 

 “Ha?” Nawala sandali si Lily sa narinig niya. “Pinuno ng mga zombie?” 

 “Tama po kayo, siya ang pinuno ng mga zombie na ibinaon ko na sa hukay pero ayaw
niyang mamatay-matay!” 

 “Pffft!”
Tipid na tawa ni Lily. “Talaga nga palang kakaiba kang babae tulad sa kuwento
ni Dandy sa akin.” Sinabayan niya ito ng mahinhing tawa. “Hay! Akala ko
madadala kita sa drama, hindi pala.” 

 “Hmmm… nagda-drama lang po pala kayo,” naka-pout na bulong ni Iris.  

 “Sige na nga mauna ka na sa loob at aalis pa kayo ngayon ‘di ba?”  

 “Ah! Oo nga po pala dadalaw kami sa puntod ni Mama tapos bibisita sa mga kamag-anak
ko at…” 

 “At magbe-beach kayo,” paalala ni Lily. 

 “Tama! Kagabi lang kasi sinabi ng gangster na ‘yon na pupunta pala kami sa beach.”
Napakamot tuloy si Iris sa ulo niya.  

 “Ang weird mo nga pero ang cute mo rin.” Binitbit ni Lilya ang mga bulaklak. “Ikaw
na sana ang bahala sa anak ko, Miss Iris.” Sabay ngiti ni Lily.  

 Naunang naglakad si Lily papunta sa front door kasunod si Iris. Waring nag-iisip nang
malalim sa huling sinabi ni Lily sa kanya. 

  

*** 

  

MABILIS lumipas ang oras
pagkatapos nilang dumalaw sa kamag-anak ni Iris at magtungo sa puntod ng
kanyang ina ay kaagad silang bumiyahe papunta sa isang resort. 

 “Wow! Ang ganda naman dito sa Moon Island Resort & Spa. Sigurado ba kayong dito
tayo naka-check in?” namamanghang tanong ni Daisy, kumikislap ang mga mata niya
sa sobrang pananabik. 

 “Huwag ka nang magtaka Miss Daisy, alam mo naman sa yaman nila Pinuno sisiw lang ang
ganitong resort sa kanila.” Ang laki ng ngiti ni Clint sa tabi ni Daisy.  

 “So, saan ba ang kuwarto natin para mailagay na natin ‘tong mga gamit natin.
Gustong-gusto ko na rin kasing lumangoy,” nakapamewang na sabi ni Lolita na
kanina pa naiinitan kaya ginagamit na pamaypay ang palad niya. 

 Isang lalaking personnel ang naghatid sa kanila sa tutuluyan nilang kuwarto.
Magkasama sa iisang kuwarto ang tatlong babae at sa katabing kuwarto naman ang
mga lalaki. Pagkatapos magbihis ay kaagad silang lumabas ng isang malaking
bahay saka nagtungo sa white sand beach na ‘di kalayuan sa tinutuluyan nila.  

 “Wow! Ang ang sarap ng tubig saktong-sakto ngayong summer!” Tumakbo kaagad si Daisy
hatak-tahak si Iris.  

 “Bakit pakiramdam ko malulusaw ang balat ko sa tindi ng sikat ng araw,” walang buhay
at nanlalatang sabi ni Iris. Hindi naman kasi talaga siya mahilig sa mga
ganitong galaan. 

 “Basain mo kasi ‘yang katawan mo, Iris!” Hinagisan ni Lolita ng tubig ang katawan ni
Iris, nauwi ang tatlo sa paglalaro sa tabing dagat.  

 Pinagmamasdan naman sila ng tatlong lalaki sa isang tabi. Nakasukob sa loob ng cottage habang
isa-isa nilang inaayos ang dalang pagkain sa mahabang mesa. 

 “Boss, ang cute nilang tingnan noh?” Ang laki ng ngiti ni Clint habang nakatingin sa
masayahing si Daisy. “Hay! Miss Daisy…”  

 “Tumigil ka nga!”  

 “Aw! Boss naman!” Nakaltukan tuloy siya ni Dandy sa ulo. “Hiya ka pa, halata namang
nagbu-blush ka kay Miss Iris.” Naka-smirk si Clint habang sinisiko-siko sa
balikat si Dandy.  

 First time niyang makita si Iris na nakasuot ng two piece swimsuit, litaw na litaw
tuloy ang hubog ng katawan niya sa stripe light blue top na may manipis na lace
na nakatali sa batok habang ang bottom bikini namay niya’y light blue din na
may raffles sa magkabilang side. Kahit hindi gusto ni Iris ang gano’ng suot ay
wala na siyang nagawa nang bilhan siya ni Daisy para sa mismong araw ng summer
outing nila. 

 Si Daisy nama ay nakasuot ng one piece yellow swimsuit na tenernohan niyan niyang
floral bandana na nakatali sa baywang niya. Si Lolita naman ang may mas-sexy na
suot, litaw na litaw ang hinaharap at balakang niyang biniyayaan ng langit. Naka
two piece swimsuit siya na color red, masyadong daring para sa teenage girl na
tulad niya.   

 Samantalang naka swimming trunks naman ang mga lalaki, halata ang kinis at kaputian ni Rain
dahil alagang-alaga niya ang katawan. May umbok na rin ng muscle sa kanyang
braso habang flat naman ang kanyang tiyan kaya makikita kaagad kung gaano siya
ka-slim lalo’t matangkad siyang binata. Tenernohan naman ni Clint ng Hawaiian
polo ang swimming trunks niya na may coconut print, nakabukas lang ang botones
nito kaya kitang-kita rin ang payat niyang katawan. Habang si Dandy naman ay
makikitaan ng muscle hindi lang sa braso maging sa kanyang dibdib at tiyan.
Dahil ito sa training na ginagawa niya bilang isang tagaprotekta in short body guard
ni Iris.  

 Sinamahan na rin ng tatlong lalaki ang tatlong babaeng nagtatampisaw sa tabing dagat.
Pansamantalang nawala ang dinadamdam ni Iris dahil sa mga nangyari nitong mga
nakalipas na araw. Makalipas ang ilang sandali sa pagbabad sa tubig umahon sila
para ihanda naman ang kakainin nila. Magkasama sina Iris at Dandy para bumili
ng ilang pagkain sa malapit na convenient store sa labas ng resort. Katapat
lang mismo ng berdeng gate ng resort ang convenient store kaya nagsuot muna si
Iris ng mahabang white polo na ipinahiram ni Dandy. Normal lang naman na may
pumapasok at bumibiling costumer galing sa resort kaya sanay na rin ang ilang
personel sa loob. 

 Habang naglalakad sila pabalik sa resort bitbit ang mga pinamili nila, hinawakan ni
Dandy ang plastik na hawak ni Iris. 

 “Ako na ang magdadala niyan.”  

 Pero imbis na ibigay ni Iris. “Okay lang hindi naman mabigat.” 

 Kaso nagpumilit si Dandy. “Ako na nga!”  

 Nagkatitigan ang dalawa na parehong ayaw magpatalo nang biglang hatakin nang malakas ni
Dandy ang plastik at napasunod ang katawan ni Iris dahil sa higpit din ng
pagkakahawak niya. Napasubsob si Iris sa katawan ni Dandy nang hindi
namamalayang napahawak siya sa matikas na braso ng binata.  

 “I-Iris?” Hindi alam ni Dandy ang gagawin nang maramdaman niya ang malambot na dibdib ni
Iris sa bandang ibaba ng dibdib niya dahil may katangkaran si Dandy at hanggang
balikat niya lang si Iris.  

 Parehong nanigas ang katawan nila na parang yelo sa sobrang awkward ng sitwasyon. Lalong
lumapit ang tingin nilang dalawa’t ramdam ng bawat isa ang mabilis at walang
humpay na pagtibok ng puso nila. Parehong umangat sa mukha nila ang pamumula
dahil sa sobrang hiya nang makakuha ng tyempo si Dandy saka niya hinawakan sa
magkabilang braso si Iris saka inilayo sa katawan niya. 

 “S-Sorry! Hindi ko dapat hinatak itong dala mo,” nauutal na paumanhin ni Dandy, halos
hindi siya makatingin nang tuwid kay Iris. 

 Naging tamihik lang si Iris, hinayaan na niyang si Dandy ang magdala ng kanina’y hawak
niya. Sabay silang naglakad muli pabalik nang parehong pinapakiramdaman ang
isa’t isa. Unconscious na napahawak si Iris sa braso niya saka ito
hinimas-himas na tila pinapakalma ang sarili.  

 Makagawa nga ng ritwal sa kuwarto namin mamaya para mawaksi itong kakaibang nararamdaman ko. Pagkatapos manunuod ako ng
maraming nakakatakot na palabas para bumalik ang dati kong sarili. 

 Tumatango-tango si Iris habang naglalakad dahil sa pagkausap sa sarili na hindi naman ikinagulat ni Dandy.  

  

*** 

  

Malalim na ang gabi nang makita ni Daisy si Clint na nag-iisa sa tabing dagat, kanya itong pinuntahan kaagad. 

 “Ano’ng ginagawa mo rito mag-isa?” tanong niya sabay upo sa mahabang katawan ng kahoy
katabi ni Clint. 

 “Nagpapalipas lang ng oras, Miss Daisy.” Tipid siyang ngumiti. “Ikaw ba’t nandito ka sa
labas?” 

 “Magpapahangin sana ako kasi itong si Iris gumagawa na naman ng magic circle sa sahig ng
kuwarto.” Napakamot siya sa ulo saka ngumiti nang alanganin. “Ang weird talaga
pero hindi namin siya mapigilan ni Lolita.”  

 “Ha-ha-ha! Si Miss Iris talaga!”  

 “Natatakot nga kami baka makita ng tagalinis ng kuwarto siguradong lagot kami.” 

 “Huwag kang mag-alala ganyan din si Miss Iris sa mansyon pero nililinis naman niya
pagkatapos.” Kumindat si Clint na siyang nagpa-blush kay Daisy.  

 Matagal na rin silang magkakilala’t nagkasama sa ilang pagkakataon pero ito pa lang ang
sandaling mas matagal nilang nakasama ang isa’t isa. Pareho silang masayahin at
parehong makulay ang kanilang mga ngiti. Ngunit habang panakaw na sinusulyapan
ni Daisy si Clint, ngayon niya lang napansin ang lungkot sa maningning na mga
mata ng binata. 

 “Uhm… okay lang ba kung tanungin kita tungkol sa mga magulang mo?” alanganing tanong
ni Dasiy, hindi niya alam kung tama bang i-bring up ang usapang pampamilya ng
gabing iyon.  

 Malamig ang hangin habang banayad naman ang maninipis na alon sa tubi na bumabasa sa
paa nila. Samantalang maningning naman ang kalangitan sa nagkalat na bituin sa
kalangitan. May sindi ang mga sulo na siyang nagbibigay liwanag sa paligid
habang nasisilayan naman ang bukas na ilaw sa tinutuluyan nilang rest house.  

 Binasag ni Clint ang sandaling katahimikan. “Nagkamalay na ako sa lansangan, hindi ko
kilala ang mga magulang ko tanging matandang hindi ko kaano-ano ang nagpalaki
sa akin. Ikinabubuhay namin ang pandurukot sa mga tao pero simula ng kupkupin
ako ni Boss Dandy nang araw na nikawan ko siya nangako akong hindi na babalik
sa eskinitang iyon.” 

 “Ang matandang nagpalaki sa ‘yo?” 

 “Sinubukan ko siyang puntahan isang araw para ipakita ang pagbabago ko pero wala na akong
nadatnan dahil wala na siya sa tinutuluyan namin noon na abandonadong gusali.
Ipinagtanong ko siya pero walang nakakaalam kung nasaan siya. Inisip kong sana
isinama ko na lang siya para kahit papaano makatanaw man lang ako ng utang na
loob pero… inisip ko rin na hindi niya iyon tatanggapin.” 

 Nanatiling tahimik si Daisy habang nagpatuloy naman si Clint. “Nagulat na lang ako isang
araw lumabas sa balita na… natagpuan ang bangkay niya, maraming saksak sa
katawan. Sobrang na-guilty ako noon pero sa bandang huli may natagpuang
kapirasong papel sa loob ng damit niya na nagsasabing… magpatuloy ka.” 

 “Hindi kaya para sa ‘yo ang mga katagang iyon?” 

 Ngumiti si Clint pero bakas ang lungkot sa ngiti niyang iyon. “Naramdaman ko rin ‘yon.
Kaya heto nagpapatuloy akong mabuhay para na rin kay Boss Dandy at Tita Lily.
Sila ang itinuturing kong pamilya kaya gagawin ko ang lahat para maging masaya
sila bilang kabayaran sa ginawa nilang kabutihan sa akin.” 

 Ngayon lang nalaman ni Daisy na may masakit na nakaraan si Clint, hindi naging maganda
ang buhay niya at puro paghihirap.  

 “Sa kabila ng lahat, nagagawa mo pa ring ngumiti? Napakatatag mo… Clint.” Hindi
namalayan ni Daisy ang pagbagsak ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Itinuon
niya ang noo niya sa braso ni Clint, dito niya naramdaman ang matatag na braso
ng binata.  

 “Ano ka ba, hindi ka dapat umiyak nang ganyan.” Hinawakan ni Clint ang magkabilang
braso ni Daisy. “Huwag mong sayangin ang mga luha mo sa tulad ko, Miss Daisy.” 

 “Hindi!” bulalas ni Daisy saka biglang yakap sa katawan ni Clint. “Nagkakamali ka, hindi
ako naaawa sa sinapit mo… nasasaktan lang ako kasi hindi mo deserve ang gano’ng
pangyayari sa buhay mo. Mabuti kang tao alam ko ‘yon nararamdaman ko ‘yon.
Sigurado maging ang nag-alaga sa ‘yo ramdam din ang mabuting puso mo. Masaya
ako’t nalaman ko ang nakaraan mo pakiramdam ko lalo akong naging malapit sa
‘yo, Clint.” 

 “M-Miss Daisy, t-teka sandali!”  

 “Ayoko! Dito lang ako! Yakap lang ako!” Parang batang paslit na ayaw bumitiw sa
pagkakayakap itong si Daisy. Wala nang nagawa si Clint kundi hayaan siya. 

 “Hay! Kahit umiiyak ang cute mo pa rin, Miss Daisy.” Idinaan na lamang ni Clint ang
lahat sa biro. 

 Samantala, ‘di kalayuan ay walang kamalay-malay ang dalawa na may nanunuod pala sa kanila.
Nasa likod silang dalawa ng coconut tree habang pinapanuod ang eksina nila. 

 “Bagay naman sila ‘di ba?” Humalukipkip si Rain. 

 Tumalikod si Lolita. “Mabuti pa sila may moment.” Tila may pagkadismaya sa tono ng
pananalita ni Lolita. 

 “Nag-aabang ka ng moment n’yo ni Dandy, noh?” asar naman ni Rain.  

 “Hay naku! Bakit may eksena na ba kayo ni Iris? If I know, humahanap ka rin ng
tyempo! Hmp!” 

 “Tsk! Kaya walang nagkakagusto sa ‘yo kasi ang suplada mo. Ba’t ganyan ka magsalita?” 

 Ovbious naman na gusto ni Rain si Iris pero si Lolita, tanging si Rain lang ang
nakakapansin na may gusto ito kay Dandy. Kaya minsan tuwing nakikita nilang
magkasama sina Iris at Dandy pareho silang nakakaramdam ng selos. Pero hindi
nila magawang sumingit dahil alam naman nila na inatasan si Dandy na bantayan
si Iris. Kaya madalas silang dalawa ang naiiwang magkasama kahit palagi silang
nagbabangayan na parang aso at pusa. Ang hindi nila alam nagagawa nang punan ng
isa ang kakulangan sa espasyo sa puso ng isa. 

  

   

Mai Tsuki Creator

Enjoy reading! ^_^