NAGPAPALIPAS ng oras sa isang malawak na pastulan ng hayop si Roman, tanghaling tapat at kasagsagan ng init dahil summer ng mga panahong iyon. Nasa ilalim siya ng matabang puno habang nilalasap ang katahimikan ng paligid. Nakapikit si Roman habang nakasandal ang ulo sa matatag na katawan ng puno.

Nang…

“Uhm, excuse me?”

Napamulat si Roman nang marinig ang malambing na tinig sa kanyang harapan. Napabangon siya bigla’t hinarap ang magandang babaeng gumising sa kanya.

“Ayos ka lang ba? Mukhang dayo ka lang sa lugar na ito, a?” Pagtataka ng babaeng nakatingin nang mataas kay Roman. Mas matangkad si Roman sa babae kaya nakatiad ang babae na nakasuot ng tsinelas lamang.

“N-Napadaan lang talaga ako… tapos nakita ko ‘tong malaking puno kaya naisipan kong magpahinga sandali…” Napakamot siya sa batok. “Hindi ko akalaing makakaidlip ako, ha-ha-ha!”

Nang mga sandaling iyon tila nakisama ang panahon sa pag-ihip nang malakas na hangin. Sumayaw ang sanga ng malaking puno’t sumabay sa hangin ang mga dahong nalaglag mula rito. Nadama kaagad ng dalawa ang kakaibang spark na ngayon lang nila nakita sa buong buhay nila. Habang hinahangin ang mahabang buhok ng babae ay siya namang pagtuktok ng sapatos ni Roman sa lupa. Halatang hindi mapakali sa katititig sa magandang babaeng kaharap niya.

“A-Ako nga pala si Roman, ikaw?”

“Rosa,” pakilala ng magandang babae.

At iyon na nga ang simula ng kanilang mabuting pagkakaibigan na nauwi sa pag-iibigan.

***

MAKALIPAS ang ilang buwang pagiging magkasintahan ni Roman at Rosa, nag-propose si Roman at kaagad naman itong tinanggap ni Rosa. Naging bukas ang pinto ng tahanan nina Rosa kay Roman, tinanggap siya ng mabait na ina ni Rosa na si Camellia Trinidad. Subalit, kung ano ang ikinaluwag nang pagtanggap ng pamilya ni Rosa kay Roman ay gano’n naman ang pagtutol ng ama ni Roman kay Rosa.

Linggo ng umaga nang pormal na ipinakilala ni Roman si Rosa sa kanyang ama na si Alberto Alfonso. Kapapasok pa lang nila ng silid ng matanda ay hindi na maganda ang pakikipag-usap nito lalo na sa babaeng pakakasalan ng anak na si Roman.

“Hindi ako makakapayag!” kaagad sumbat ng matandang Alfonso. “Isang kahihiyan ang dadalhin mo sa pamilya natin?” Nakatuon ang tiningin ng matanda kay Rosa. “Maraming mayayamang babae d’yan pero hindi ang isang ‘to!” Sa huli ay dinuro pa niya ang nahihiyang babae.

“Papa!” Kaagad namang humarang sa gitna si Roman. “Mahal ko si Rosa, siya ang gusto kong makasama habang buhay!” paliwanag niya na hindi man lang binigyan pansin ng ama.

Hinataw ng matanda ang ibabaw ng mesa niya’t biglang napahawak sa kanyang dibdib. “Bibigyan mo talaga ako ng sakit, Roman!”

“Papa!” Kaagad namang nagtungo si Roman sa kanyang ama.

Sumunod si Rosa, ngunit…

“Huwag mo ‘kong hawakan!” Malakas na kinabig ng matanda ang kamay ni Rosa na sana’y aalalay sa kanya. “Ayaw kong makita ang pagmumukha mo! Lumayas ka sa mansyon ko!” malakas na sigaw ng matanda na siyang nagpaluha sa mga mata ni Rosa.

“R-Rosa!!!” Tatakbo sana si Roman para habulin si Rosa nang bigla siyang hawakan sa braso ng matanda. “Papa?”

“Dito ka lang, hayaan mo na ang babaeng ‘yon…”

Pero mas nanaig ang pagmamahal ni Roman kay Rosa…

“Patawad, Papa.” Tinanggal ni Roman ang kamay ng matanda na nakahawak sa braso niya. “Hindi ko kayang malayo kay Rosa,” buong tapang niyang sabi sa ama sabay takbo para habulin si Rosa.

Naiwan ang matanda na may hinanakit sa kanyang anak. Naupo ang matanda sa kanyang upuan saka napaisip ng plano para maibalik sa mansyon ang umalis na si Roman. Wala siyang ibang naisip kundi ang kanyang kalusugan. Siguradong hindi makakatanggi si Roman kapag buhay na niya ang nakataya. Gagawin niya ang lahat mailayo lamang ang anak sa babaeng hindi niya tanggap.

***

MAKALIPAS ang isang buwan matapos umalis ni Roman sa mansyon, natuloy din ang kanilang kasal ni Rosa. Kaagad nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang malusog at magandang sanggol na pinangalanan nilang, Iris.

Nagawa ring makapagpatayo ng flower shop na matagal nang plano ni Rosa at ng kanyang inang si Camellia. Mula sa probinsya ng Banquet kung saan isinilang si Iris ay lumuwas sila ng Maynila upang humanap ng puwesto at sa Floral Street nga sila nakahanap ng lugar. Isang mabait na matanda ang may-ari ng lupa at pinayagan silang magtayo ng negosyo rito. Nangako ang matanda na habang siya ay nabubuhay ay walang makapagpapaalis sa kanila sa lupang iyon. Naging maayos naman ang kanilang palipat sa bagong bahay na pinuno nila ng mga bulaklak at kalaunan ay pinangalanan nilang ‘Camellia’s Flower Shop’.

Ngunit, hindi rin nagtagal ang masaya nilang pagsasama nang ibalita kay Roman ang sakit ng kanyang ama. Nasa ospital ito at hinihintay ang pagbabalik ng kanyang anak na nang iwan sa kanya. Nang malaman ito ni Rosa ay kaagad niyang pinabalik si Roman sa tabi ng kanyang ama. Ang hindi alam ni Roman, si Rosa ay may matagal nang inililihim na karamdaman. Isang karamdamang wala nang lunas at tanging panahon na lamang ang hinihintay.

Sa pagbalik ni Roman sa mansyon, inalagaan niya ang kanyang ama sa abot ng kanyang makakaya. Paminsan-minsan na lamang siya makabisita sa kanyang mag-ina hanggang sa pakiusapan ng matanda ang anak na magtungo sa London. Naroon ang inampon ng matanda na itinuring na kapatid ni Roman, mas bata sa kanya ng isang taon.

“Kuya, mabuti at narito ka.” Isang pagsalubong ang ginawa ni Henry sa itinuturing na nakatatandang kapatid. “Welcome!” bati niya.

“Henry, pinapunta ako rito ni Papa para kumustahin ang pinapaayos niya sa ‘yong negosyo?”

“Si Papa, talaga.” Nagpamulsa si Henry matapos magsalita ni Roman. “Wala pa rin siyang tiwala sa akin kahit ako na ang nagtuloy nang lahat ng negosyo rito sa London na dapat ay ikaw ang gumawa.” Napailing ang ulo niya sa pagkadismaya.

“Wala akong balak magtagal dito.” Tumalikod si Roman. “Kailangan kong bumalik ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.”

“Bakit? Para sa pamilya mo?” Tinaliman nang tingin ni Henry si Roman.

Noon pa man ay nakikipagkumpetensya na si Henry kay Roman dahil gusto niyang makuha ang loob ng matanda. Magandang lalaki si Henry, may kahabaan ang buhok na nakatali sa likod, matangkad tulad ni Roman at may pagka mestizo. Nakasuot ng salamin si Henry, may nunal sa ilalim ng kanang mata.

“Ibigay mo na lang ang report na hinihingi ko para matapos na ang usapang ito.” Humakbang ng lakad si Roman patungo sa tapat ng pinto. “Kukunin ko bukas nang umaga ang mga dokumentong kailangan ko.”

Bago tuluyang lumabas si Roman humabol pa si Henry ng tanong. “Kumusta pala si Papa?”

Itinungo ni Roman ang ulo niya’t pinihit ang hawakan ng pinto. “Hindi maayos ang kalagayan niya, sabi ng doktor mahina na raw si Papa.”

“Ah, kaya pala bumalik ka sa mansyon…”

Hindi na sinagot ni Roman ang kapatid at tuluyan na siyang lumabas ng silid. Naiwang nakatitig si Henry sa pinto, sa loob niya ay hindi niya talaga gusto ang pagdating ni Roman.

***

PAGKAUWI ni Roman sa Pilipinas ay kasama na niya ang mag-inang tinulungan niya sa London. Ang batang Dandy at ang kanyang ina na si Beatrice Merloin ay pinatuloy ni Roman sa probinsya ng Benquet kung saan may ipinatayo siyang munting bahay para sa kanila.

Sa pagtira ni Dandy sa lugar na iyon ay nakilala niya ang batang lansangan na mas bata sa kanya. Walang mga magulang at tanging lansangan ang nagsisilbing tahanan.

Tumatakbo ang bata na hinahabol ni Dandy sa isang eskinita sa bayan.

“Hoy! Sandali!” Nang ma-corner ni Dandy ang bata sa isang palikong dead end. “Ibalik mo sa akin ‘yang kinuha mo.”

Hawak ng bata ang wallet na ninakaw niya kay Dandy. Ayaw ibalik ng bata at nagpumilit siyang makatakas pero…

“Hindi ka uubra sa akin!” Hinawakan ni Dandy ang braso ng bata saka hinihagis ito nang malakas sa pader. Tumama ang likod ng bata saka napaupo sa simento. “Walang mangyayari sa ‘yo kung magpapatuloy kang ganyan, bata.”

Nang mga sandaling iyon pinaliwanagan ni Dandy ang bata, naikuwento niya ang buhay niya noon sa London. Hindi naging madali ang pinagdaanan niya at ng kanyang ina roon. Sa kanyang pagpapaliwanag nakita niya ang bata na nakikinig sa kanya. Dito niya inalam ang pangalan ng bata.

“A-Ako si Clint, isang ulila.”

Inilapat ni Dandy ang palad niya sa harap ng batang si Clint. “Ako si Dandy, halika sumama ka sa akin.”

Sa mga oras na iyon biglang nagliwanag ang buong paligid ng bata. May kung ano siyang nakita sa mga mata ni Dandy, kaya simula noon nangako siyang susunod sa taong tumulong sa kanya.

Isinama ni Dandy si Clint sa kanilang bahay at ipinakilala sa kanyang ina. Kinupkop nila ang bata at itinuro din ni Dandy ang lahat ng mga itinuturo sa kanya sa mansyon ng mayamang pamilya. Sa kanilang paglaki, ipinakilala ni Dandy si Clint na naging kasakasama niya sa lahat ng gawain sa mansyon.

***

MAKALIPAS ang ilang taon, sumapit ang hindi inaasahan ni Roman. Namatay si Rosa nang wala siya sa tabi ng asawa at anak. Malaking pagkakamali ang iwan niya ang mag-ina na hindi man lang nalalaman na matagal na palang may iniindang karamdaman si Rosa. Sa raw ng libing ni Rosa, hindi maipakita ni Roman ang kanyang mukha lalo na sa matandang ina ng asawa. Mula sa malayo ay tinatanaw niya ang unti-unting bagbaba ng ataul sa ilalim ng lupa.

“Patawad, Rosa…” bulong niya habang nakaikom ang magkabilang palad.

Katabi ni Roman ang kinupkop niyang si Dandy na nakatingin sa mga taong naroon. Nakapako ang tingin ni Dandy sa batang babaeng tila walang emosyon habang tinatabunan ng lupa ang inilibing na ina. Iyon ang araw na ipinangako ni Dandy sa sarili niya na gagawin niya ang lahat para sa batang babaeng iyon na gusto niyang makitang ngumiti.

“Mister, nangangako po ako sa harap ninyo ngayon na paglaki ko…” Matapos tumingala kay Roman ay ibinaling muli ni Dandy ang tingin sa batang babae. “Gagawin ko ang lahat para anak n’yong iyon… kahit buhay ko iaalay ko para sa kanya.”

Ipinatong ni Roman ang kamay niya sa ibabaw ng ulo ni Dandy. “Inaasahan kita, Dandy.”

Matapos ang araw ding iyon, bumalik sa mansyon ang dalawa at sinimulan ni Dandy ang kanyang pag-aaral. Baon sa puso’t isip ang pangako sa taong kumupkop sa kanya, batid niya sa sariling may nagmamay-ari na ng buhay niya.

Sa paglipas ng panahon, napag-alaman ni Alfonso ang nangyari sa asawa ni Roman na si Rosa. Hindi niya akalaing mangyayari ang gano’n sa babaeng kinamuhian niya. Inusig ang matanda ng konsesnya na sana hindi gano’n ang nangyari kung hindi siya humadlang sa dalawa. Sa pangyayaring iyon nabuo ang plano ng matanda… ang planong ituwid ang pagkakamali niya sa pamamagitan ng pagsasamang muli ni Roman at ng kanyang apo na walang iba kundi si Iris.

Sumang-ayon si Roman sa gusto ng ama na ibalik sa mansyon si Iris kaya inatasan nila si Dandy sa isang misyon. Kunin ang loob ni Iris, maging kaibigan niya na masasandalan sa lahat ng oras, baguhin ang kinalakihan ng dalaga na palaging nasa kadiliman. Dahil walang ibang magmamana ng kayamanan ng matanda kundi ang nag-iisa niyang apong babae.

Sa pagkakataong iyon tunay na ngang nalalapit na ang kamatayan ng matanda at gusto niyang makasama ang apo. Hindi nagpatumpik-tumpik pa si Dandy at kaagad umaksyon para tuparin ang kanyang sinumpaang pangako sa pamilya Alfonso.

Nang gabing nasa parke si Iris kasama ang alaga niyang si Kulto, nagsimula ang planong pagpapabalik sa kanya sa mansyon.

Mai Tsuki Creator