Sa mga sandaling iyon habang nagsasalita si Alexis ay biglang may sumabat na babae at pinagtawanan ang mga nasabi nito saakin.
"Hahaha nakakatuwa, kung ganun Alexis ang sinasabi mo bang handa kang tumulong sa kanya kahit sa gitna ng pagtutol ni Xiuan sa pananatili niya?"
"Napakakomplikado ng gusto mong mangyari Alexis," sambit nito.
Ang short red haired girl na iyon ay si Cana Diane Redleaf na nagmula sa bansang Canada. Napakamistisa nito at eleganteng tignan na parang isang artista sa ibang bansa.
Muli nyang binanggit na hindi makakabuti kay Alexis na kampihan ang isang katulad ko kung gusto nyang makakuha ng suporta mula sa mga miyembro ng Elite lalo na sa maimpluwensyangchino na si Xiuan.
"Ginagawa ko ito para maging maayos ang lahat sa Elite at hindi para mamulitika," sagot nito.
Hindi ko maintindihan ang pinaguusapan nila tungkol sa pagkuha ng suporta ng kapwa Elite pero nakikita ko na nagkakaroon ng tensyon sa pagitan ni Alexis at ng babaeng si Cana.
Kapwa na walang paki-alam sila sa pananatili ko sa Elite pero hindi maitatangi na isang kamalian ang pagpapasok saakin na malinaw na nagkaroon ng sabwatan at pagmamalabis sa kapangyarihan.
"Kung papanig ka sa kanya ay malinaw na sumasang-ayon ka sa pagkakamaling ito pero kung sa bagay ikaw ang anak ng supreme commander kaya natural lang na sumang-ayon ka sa bagay na iyon," pagtataray nito.
Lahat ng Elite ay kandidato na maging supreme commander pero malaking bagay ang mga alyansa ng bawat isa saamin sa magiging boto ng mga opisyal ng Guardian at ng Council.
Dahil sa pagiging anak ng supreme commander ay malakas ang bulong-bulunganĀ ang pagpalit ni Alexis sa posisyon ng kanyang ama pero mangyayari lang iyon kung mananatili na papanig ang mas nakararami sa kanilang pamilya.
Dahil sa mga sinabi ni Cana kay Alexis ay biglang nag-iba ang atmospera ng lugar na sinabayan pa nang pananahimik ng mga kasama ko na tila ba pakiramdam ko ay magkakaroon ng isa pang gulo.
Pero gayunpaman ay hindi nagbigay ng hindi magandang sagot si Alexis sa tila pangiinsulto sa kanya bilang anak ng supreme commander.
"Hindi ko iniisip ang bagay na yan Cana at masyado pang maaga upang sabihin na hinihingi ko ang suporta nyong lahat gayung hindi pa natin alam ang kakayahan ng bawat isa sa pagiging pinuno," sambit nito.
Sa gitna ng paglilinaw ni Alexis ay muling sumabat si Cana at lantaran na sinabi na hindi gusto ng lahat ang kasalukuyang pamamalakad ng supreme commander at hinimok na kung gusto ng binata na makuha ang loob ng Elite ay mas mabuting gawin ang mga tamang desisyon na naaayon sa batas at maging makatwiran.
"Lilinawin ko lang sayo Cana na maging saakin ay inilihim ang dahilan kung bakit siya narito pero gayunpaman naniniwala akong may dahilan ang mga bagay na iyon."
Sa pagkakataon na iyon ay biglang sumabat ang magandang babaeng katabi ni Cana. Mahinahon nyang pinatitigil ang walang kabuluhang usapan nila gamit ang malumanay na boses.
"Hindi nakatutulong sa lahat ang inyong sinasabi lalo na para sainyong dalawa na nagmula sa iisang alyansa," sambit nito.
Ang may brown curly hair na babaeng iyon ay si Brigette Dominford, 15 yrs old at nagmula sa Britania. Isa syang dugong bughaw at pamangkin ng isa sa mga Wings na si Kiza.
Si Brigette ay isang bulag na tao kaya palagi itong may suot na itim na salamin pero kahit na may kapansanan ay naging mahusay at katangi-tangi ito na dahilan upang mapabilang sa Elite. Mapapansin naman agad dito ang pagiging elegante niya sa kilos at pananalita bilang maharlika kaya hindi mahirap sa kanya na mapahinahon ang pagtatalo-talo ng mga kasama namin. Agad na nagpaliwanag si Cana na wala syang intensyon na sirain ang relasyon niya sa alyansa at pinagmalaki na lahat ng sinabi niya ay pawang katotohanan na dapat malaman ni Alexis.
"Wag kang mag-alala kailan man hindi ko gagamitin ang ano mang bagay na meron ako para diktahan ang sino man sainyo."
"Gayunpaman hindi nagbabago ang posisyon ko sa pagtulong kay Philia hindi dahil sa gusto ng ama ko kundi dahil para saakin ito ang tamang gawin," dagdag ni Alexis.
Pagkasambit nito ay muling bumalik si Alexis sa pwesto niya at hinawakan ang krystal para ipagpatuloy ang activity.
Hindi ko maunawaan kung bakit nila pinagtatalunan ang tungkol sa pulitika gayung mga bata pa sila para maki elam sa ganung usapin.
Dahil sa nasabi ko ay nanahimik ang buong klase at ilang sandali pa ay sumabat ang lalaki sa gilid ko at natatawang sinabi na hindi ko kayang intindihin iyon dahil iba ang kinalakihan kong buhay.
"Ang sabi nila hindi ka nagmula sa pamilya ng mga sundalo ng Guardian, tama? Kung ganun imposible mong maramdaman ang pressure na nararamdaman ng bawat isa saamin."
Ang lalaking iyon na may puting buhok at asul ang mga mata ay si Soumin Park na mula sa Korea.
Ipinaliwanag niya na bawat isa sa kanila ay hinubog upang maging pinakamahusay kaya malaki ang expectation ng pamilya nila sa mararating nila at ang pinakamalaking bagay na pwede nilang maibigay sa mga magulang nila ay ang pagiging supreme commander upang mas lumaki ang impluwensya nila.
"Masyadong komplikado pero iyon ang totoo at sa tingin ko dapat mong malaman na ayaw sayo ng ibang pamilya na nasa iba't ibang alyansa na bumubuo sa guardian," sambit nito.
Patuloy nyang ibinunyag saakin na naroon ako dahil sa utos ng supreme commander kaya nasabi nilang nagmamalabis sa kapangyarihan ito lalo pa at inililihim sa lahat ang pagkakakilanlanĀ ko at ano ang maitutulong ko sa organisasyon.
"Ano nga bang espesyal na meron ka? Interesado kaming malaman," sambit ni Singre.
Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang tanong nito dahil sa tingin ko isa lang akong normal na babae na napapaligiran ng mga espesyal na taong kagaya nila. Masyadong naiiba ako sa siyam na taong nasa harap ko at ano naman ang ipagyayabang ko?
Sa pagkakataon na iyon bigla akong napatigil at napatingin na lang sa ginagawa ng isang maliit na batang kasama namin habang nagpapailaw ng krystal.
Dahil nga sa pinaguusapan namin ang tungkol sa pagkakaiba ko sa kanila ay hindi ko maiwasan na mapuna at kunin itong pagkakataon na matanong kung paanong nagkaroon ng isang bata sa Elite.
Siya rin yung parehong bata na kasama ni Akihiko sa Canteen sa mesa kahapon. Labis akong nahihiwagaan na kung mitikulosa ang eskwelahan sa pagpili ng magiging miyembro ng Elite ay bakit sila magpapasok ng isang bata rito.
"Iba ang kaso niya at kahit bata si Talifa ay kaya nyang ipasa ang mga exam niya dito," sambit ni Cana.
Nanliit ako sa sinabi ni Cana at napakamot na lang ng ulo dahil hanggang ngayon ay marami pa akong hindi naipapasa. Ang batang babaeng si Talifa Kinano ay nagmula sa bansang Taiwan na sa murang edad na sampu ay pumasa sa mga pagsusulit at nagpakita ng kakaibang kakayahan kaya nabigyan ng pagkakataon na mapunta sa Elite.
"Hindi naman kasi requirement ang edad kung kukuha ka ng pagsusulit para makapasok at nagkataon lang na naipasa ko lahat ito nung kumuha ako," sambit nito.
Dito ipinaliwanag ni Talifa na madaling makapasa sa eskwelahan na ito kung may kakaibang abilidad ka at dahil isang puppeter si Talifa ay hindi niya kinailangan gumamit ng pisikal na lakas para malagpasan ang lahat ng iyon.
Nauuna siya sa obstacle, naiiwasan ang panganib at tinatalo ang mga kalaban gamit ang puppet niya na isang spirit item.
"Yun nga lang, kapag pagpinagbabawalan ako na gamitin ang mga puppet ko ay nahihirapan ako makipag sabayan. " sambit nito.
Nainggit bigla ako sa kanya dahil kahit napakabata niya ay may tapang siya at abilidad na makipagsabayan sa iba. Nabanggit din nito na may limitasyon ang kapangyarihan niya kaya naman tinutulungan siya ni Akihiko sa mga pagsusulit at doon ko na rin nalaman kung bakit sila magkasama.
Sa kalagitnaan ng pag-uusap namin ay muling sumabat si Cana at hinamak ang kakayahan ko na magpatuloy. Kasabay nito ay hinamon niya akong ipakita ang dahilan kung bakit kailangan kong manatili sa Elite kasama nila.
"Cana, pati ba naman ikaw makikisabay sa kapraningan ni Xiuan?" sabat ni Alexis.
"Wala akong masamang pakay sa kanya pero hindi ba pagkakataon na rin ito upang malaman natin ang dahilan kung bakit nandito siya?" sambit ni Cana.
"Kung sa bagay may point si Cana," sambit ni Inoseo.
Hindi nagpaawat si Cana upang pumayag ang lahat na bigyan ako ng isang pagsubok na magpapatunay sa sinasabing pagiging espesyal ko.
Pumagitna naman si Alexis para tutulan ang mga sinasabi nila pero hindi ito nakatulong para pigilan si Cana. Para sa kanya ay kailangan niya at ng lahat na makita may kaya akong gawing magandang bagay upang mas maging maayos ang pakikitungo nila saakin lalo na ang chinong si Xiuan.
"Ang saakin lang ay wala sa regulasyon ng eskwelahan ang binabalak niyo kaya nakikiusap ako na wag nyong pag-initan si Philia," sambit ni Alexis.
"Hahaha kung magsalita ka ay parang napakasama namin pero anong masama kung subukan natin siya? Isa syang sundalo at normal lang na makipaglaban siya. Tama ba ako miss Philia?" sambit ni Cana.
Alam ko naman na may punto siya sa sinasabi niya pero mahirap sumang-ayon na lang sa gusto niya lalo na at wala akong sapat na kakayahan upang pagtagumpayan ito.
Ewan ko kung anong idadahilan ko sa kanila para tigilan nila ito. Dahil kung ang simpleng exercises nga ay hindi ko kaya pagkatapos ay binabalak pa nila akong pahirapan?
Hindi ko pinaburan ang mga sinasabi nila at idinahilan na hindi pa ako handa para doon pero kagaya ng inaasahan ko ay hindi sila pabor sa ideyang kailangan nilang maghintay ng matagal na panahon upang makita ang potensyal ko kaya naman nagpatuloy lang sila sa diskusyon nila kung anong ibibigay saakin.
"Balita ko ay nakapagpataob ka raw ng higit limampung tao sa nakaraang badge battle mo. Totoo ba yun?"
"Huh? Ah.. Eh...a-alam nyo hindi ko itatangi na nakapasa ako dun pero komplikado masyado ang nangyari sa practical exam ko," sambit ko.
Mautal-utal kong sinagot iyon dahil kahit nagawa ko yung sinasabi nila ay hindi ko naman totoong kapangyarihan iyon kundi kay Pearl na nagpapahiram ng enerhiya niya saakin.
Naging mausisa si Cana sa kapangyarihan na taglay ko at pinuri sa pambihirang nagawa ko sa practical exam lalo pa nagawa ito ng isang estudyante na nasa lower section.
"Mas masaya ang mga bagay-bagay kung gagawin din nating komplikado ito kagaya ng sinasabi mo. Paano kaya kung maglaban tayo?" sambit ni Cana habang nakangiti ito saakin.
"Ano sa tingin mo?"
Napapayuko na lang ako sa harap niya at nagsimulang kabahan sa kanya dahil sa tono ng pagsasalita niya ay tila seryoso syang hamunin ako sa laban.
Hindi ko alam kung paano lulusutan ito dahil kapag natuloy ito ay dalawa lang ang natitiyak na pwedeng mangyari sa magiging laban na iyon.
Ang magpagulpi ako o hayaan ko nanaman na lumabas ang tinatawag nilang basagulerang diwata. Ayoko talaga nang nasa ganitong sitwasyon. Anong pwede kong gawin?