Nagpatuloy ang klase sa silid-aralan ng Elite sa gitna ng naging mainit na tagpo sa unang araw ng pagpasok ni Philia bilang miyembro nito.
Naging komplikado ito ng biglang umeksena si Xiuan upang kwestyunin ang kakahayan ni Philia na mapabilang sa kanila pero habang nagaganap ang pang-bubully ng binata kay Philia ay pumagitna ang isang mistisong lalaki sa kabilang silya na si Alexis Whitestone. Isang Amerikano na pinadala ng United Nations para makapag-aral sa eskwelahan bilang paghahanda sa pagiging miyembro ng Guardian sa hinaharap.
Anak sya ng Supreme Commander ng Guardian na syang namumuno sa boung organisasyon.
Hindi katulad ni Xiuan ay hindi ito nagpakita ng marahas na pagtutol sa pananatili ni Philia sa klase bagkus tinulungan nito na matapos ang pagpapakilala ng dalaga gamit ang kanyang abilidad.
Naging tahimik ang klase at nakatutok ang lahat sa pagtuturo ng guro na si Miss Devora pero gayunpaman kahit payapa na ang kwarto sa mga sandali na iyon ay hindi maalis sa isipan ni Philia ang mga nangyari.
Isang malaking palaisipan para sa lahat ng miyembro ng Elite ang pagiging bahagi ni Philia ng klase na napupuno ng mga henyo at magagaling lalo pa hindi ito pasok sa pamantayan ng eskwelahan.
Hindi binigyan ng paliwanag at pilit na inililihim sa bawat isa sa kanila ang tunay na dahilan ng pagpasok ni Philia sa klase, dahilan upang lalo silang magduda at magalit sa pamunuan.
Ang dalawampu't apat na miyembro ng Council na nagmula sa iba't ibang nasyon ay syang may hawak at nagdedesisyon sa buong organisasyon at eskwelahan. Sila rin ang nagbibigay ng kautusan sa bawat misyon at aktibidad sa lahat.
Alam ng lahat kasama na si Xiuan na hindi pwedeng kwesyunin ang utos ng nakakataas pero higit na naiinsulto ang binata sa mabilis na proseso nang paglilipat sa dalaga at nangangamba ito na maaaring masira ang inaalagaang respeto at mataas na katayuan nila bilang pinakamahuhusay sa lahat kung magkakaroon sila ng kasamahan na mula sa lower section.
Philia's POV.
Hindi ako makapaniwala na sa mismong unang araw ko sa klase ay sasalubungin na agad ako ng kamalasan. Wala naman akong balat sa pwet pero hindi ako tinatantanan ng kamalasan.
Alam kong nakakapagtaka ang pagpasok ko dito pero hindi ko naisip na napaka laking bagay nito para magalit ng ganun ang chinitong lalaking yon.
Kagaya nila ay inilihim din saakin ang rason kung bakit ako narito sa kwarto ng mga henyong ito. Basta ang sabi lang nila ay kailangan kong matuto pa at maging mahusay na sundalo kasama nila.
Naalala ko na sinabi ng lalaking foreigner na nagpasok saakin sa eskwelahan na ito na napaka-espesyal namin ni Pearl kaya kailangan kong gamitin ang pagiging espesyal namin para tulungan ang maraming tao.
Alam ko naman na espesyal talaga si Pearl noon pa man pero hindi ang katulad ko na normal na tao at isang probinsyana. Ano naman ang maitutulong ko sa mga tao eh maging ang sarili ko hindi ko matulongan lalo na sa mga exam dito.
Lumipas ang mga oras sa silid at ang nakakapagtaka dito ay sa hinaba-haba ng mga oras namin sa loob ng kwarto ay walang kahit isa ang nakikipag-usap o kahit magtinginan sa ibang kasamahan sa kwarto.
Napakatahimik nila at seryoso hawak ang mga libro nila. Advance ang itinuturo ni Miss Devora at may mga subject din na naidagdag na hindi naman itinuturo sa ibang klase.
Kasama sa itinuturo sa eskwelahan ang pag-aaral ng iba't ibang lengwahe ng mga bansa kagaya sa China, Thailand, Japan at iba pa kaya naman nagagawang makipag-usap ng mga estudyante sa iba kahit hindi sila sanay magsalita ng english. Ngunit dito sa Elite class ay kasamang itinuturo saamin ang mga kasaysayan, mga landmark at mga tradisyon ng mga bansa sa buong mundo.
Lumipas pa ang ilang oras ay natapos ang klase ni Miss Devora at sa sandaling iyon ay lumilipat ng kwarto ang buong klase papunta sa training ground upang ituloy ang pagsasanay.
Mayroong isang oras na breaktime ang mga miyembro ng Elite pagnatatapos ang isang klase kaya malaya silang gumalaw at magtungo kahit saan nila gustuhin. Naglabasan na ang mga kasama ko sa silid at kagaya kanina ay tahimik lang sila at hindi nagpapansinan na tila ba hindi magkakakilala.
Nakakapagtaka ito saakin dahil higit isang buwan na mula nung nagsimula ang klase at nagkaroon na ng mga group activity kung saan kailangan mo ng makakasama sa isang pagsusulit.
Inaasahan ko na kagaya ng normal na klase ay may lalapit man lang saakin upang batiin ako o kamustahin bilang bagong kamag-aral pero tila walang interesado na gawin ito.
Kahit yung gwapong hapon na nakabanga ko kanina ay walang pakialam sa pagdating ko dito kaya naisip ko kung pati kaya siya ay nagagalit sa pagpasok ko rito.
Tumayo na ako sa upuan ko para sundan ang mga kasama ko at sa pagkakataon na iyon ay biglang nagsalita si Miss Devora at pinalapit ako sa kanya upang kausapin. Agad naman akong lumapit at yumuko dito.
"Hindi mo kailangan yumuko kapag kakausapin ako," sambit nito.
"P-Pa-pasensya na maam," natatarantang sambit ko.
Kagaya noon ay natataranta akong makipag-usap sa kanya dahil pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat na kaharap ng isang napakagandang babae na nirerespeto ng maraming tao.
"Miss Philia, aaminin ko na hindi ako pabor na nandito ka sa aking klase lalo na nung makita ko ang mababang grado mo."
"Hindi maganda ang mga nakukuha mong grado sa physical exam, spiritual at lalo na sa mga academics. Hindi ka pwedeng palaging ganito kailangan mong ipasa ang kahit na isang exam."
Nagulat ako sa narinig ko at bahagyang nalungkot dahil mismong sa homeroom teacher ko pa ito maririnig. Tila ba may kumirot sa dibdib ko nung mga sandali na iyon at wala akong nagawa kundi ang yumuko sa panliliit ko sa sarili.
"Pa-pa-pasensya na po, matagal po kasi akong huminto sa pag-aaral kaya nahihirapan akong sumabay sa iba," pagdadahilan ko.
Hindi ito tinanggap ni Miss Devora at ipinaintindi na hindi ako pwedeng manatiling walang alam at mahina kung gusto kong tumagal sa eskwelahan na ito.
Nalungkot ako sa narinig ko sakanya pero ano ba ang magagawa ko sa bagay na iyon? Hindi ako matalinong tao at mahina ang pangangatawan kaya kahit gawin ko ang best ko ay bumabagsak ako.
Napapahawak sa noo si Miss Devora dahil sa pagkadismaya habang hawak ang mga papel ng mga resulta ng mga exam at activity. Ramdam ko sa malalim na buntong hininga nito na hindi ito natutuwa na nasa klase niya ako.
Humakbang si Miss Devora palapit sa salamin na dingding ng silid upang tumingin sa magandang tanawin sa kabundukan habang may sinasabi saakin tungkol sa pagiging miyembro ng Elite.
"Ang klase na ito ay puno ng mahuhusay at talentadong mga bata na may masidhing pagnanais na maging matagumpay na sundalo."
"Nagmula pa sila sa ibat-ibang panig ng mundo at sumalang sa dalawang taon na training at exam upang mapasama sa Elite."
Sa tagpong iyon ay ikinuwento niya saakin ang mga nakalipas na mga batang pumasok sa klase at lubos na ipinagmamalaki. Wala akong narinig sa kanya kundi ang purihin ang mga nakalipas na estudyante na hinawakan niya.
Hindi ko alam kung para saan ang mga sinasabi niya saakin, hindi ko matukoy kung gusto niya akong ikumpara sa mga husay nila upang ipaalam kung gaano kalaki ang deperensya ko sa mga estudyante niya o kung nais niya lang itong ibahagi.
Ngunit pagkatapos ng kanyang pagsasalaysay sa kahusayan ng mga miyembro ng Elite na kanyang ikinagagalak ay bigla syang tumingin sa kalangitan at pumikit na tila nananalangin.
"Sa gitna ng husay at talino ng mga naging estudyante ko marami sa kanila ay nasawi habang nag-aaral sa klase ko."
Sa mga oras na iyon ay bigla akong natulala at napatingin kay Miss Devora. Hindi ko maintindihan kung nagkamali lang ba ako nang pagkakarinig sa mga nasabi niya o talagang nabanggit niya ang pagkamatay ng mga estudyante niya habang nasa klase.
"Huh? Namatay?"
Klinaro niya ito at muling binanggit na namatay ang mga ito habang nasa pangangalaga niya at tinuturuan ang mga ito.
"Ang Elite class ay ginawa para sanayin ang mga espesyal na tao na maging perpektong sundalo ng Guardian at magligtas ng buhay ng mga tao sa mundo."
"Marahas, mahirap at lubhang mapanganib ang dadanasin mong mga misyon sa oras na maging miyembro ka ng Elite at dahil nga sa paraan namin ng pagsasanay ay marami ang bumigay ang katawan at ang iba sa kanila ay bigla na lang nawalan ng hininga."
Humarap saakin si Miss Devora at seryosong nakatingin sa mga mata ko habang tinatanong kung handa ba ako sa mga posibilidad na manganganib ang buhay ko habang nag-aaral sa klase niya.
Derekta nyang tinanong saakin kung handa ba akong mamatay para maging sundalo ng Guardian?
"Hindi biro ang pinapasok mong bagay Miss Philia kaya gusto kong malaman kung nagiging totoo ka ba sa sarili mo noong piliin mo maging sundalo.