Sa mga oras na iyon ay muli akong naniwala sa mga sinasabi saakin ni Pearl, hinanda ko ang isip ko sa mga bagay na mangyayari sa oras na tumayo ako dito.

Pero sandali lang, totoo nga kayang na may magagawa ako? Hindi ko nga alam kung paanong pagpapahinto ang gagawin ko sa dalawa.

"Pwede ba Philia, kailangan mong maging agresibo para maipasa ko sayo ang kapangyarihan ko."

"Mabibigay ko lang ang kapangyarihan ko kung may masidhi kang pagnanais na makuha ito para sa iyong layunin."

Dito ay pinaliwanag niya muli ang kondisyon ng kapangyarihan niya tuwing gagamitin ko ito.

Katulad ng ibang Spirit Item ay magkaugnay ang kaluluwa ng artisan at ang sandata upang ito ay gumalaw bilang iisa. Kaya oras na ginagamit ng mga Artisan ang mga ito ay nararamdaman nila ang isa't isa.

Ang problema sa paggamit ko kay Pearl ay dapat pareho kami ng nararamdaman at gustong gawin sa isang bagay upang magkaroon kami ng koneksyon.

Kinakailangan magkapareho kami ng nais at tapang pero ang problema ay hindi ako komportableng gawin minsan ang gusto ni Pearl.

Habang nag-uusap kami ay narinig ko ang hiyaw ni Akihiko at dito ay kagat kagat siya ng higanteng ahas na inilabas ni Xiuan.

"Nanganganib na siya."

"Kung ganun kumilos ka na. Gamitin mo ang kapangyarihan ko para tapusin ang isang yan."

"T-ta-tapusin? Teka anong ibig mong sabihin?"

Nagulat ako sa nasabi ni Pearl at sa gusto nyang mangyari kaya muli akong tumanggi na sumunod sa balak nyang mangyari upang tuluyan akong makaligtas sa pang-bubully ng ibang tao.

Habang tumatakbo ang oras ay palala ng palala ang sitwasyon ni akihiko sa laban niya kay Xiuan kaya naman alam kong kailangan ko ng tumayo sa kinauupuan ko.

"Dalian mo na kundi mamamatay ang isang yun."

Naging makulit si Pearl sa pagkumbinsi saakin na ibigay ang kapangyarihan niya upang matulungan si Akihiko pero muli akong tumanggi dito dahil sa pagdadalawang-isip na baka hindi ko magustuhan ang magiging resulta.

Gusto kong tulungan ito pero natatakot akong muling gamitin ang kapangyarihan ni Pearl dahil baka maulit ang nangyari noon sa practical exam ng class Z.

"Sinabi mo rin noon na magiging maayos lang ang lahat pero imbis na mapabuti ay napasama pa ang kinalagyan ko." Sabat ko kay Pearl.

Muling nagbabalik tanaw saaking isipan noong maging marahas ako at tila ba lahat ng tao sa paligid ko ay nais kong saktan. Ang pakiramdam na nag-iinit ang dugo mo at hindi mo kayang pigilan ang katawan mo sa pakikipaglaban.

Ayokong makapanakit ng iba at kung mauulit yun ay baka makapatay pa ako ng tao. Kung mangyari iyon baka hindi yun kakayanin ng konsensya ko. Napayakap na lang ako sa sarili ko habang naiisip ang nakatatakot na karanasan na iyon.

"Wag kang OA Philia, mga Spirit Artisan sila kaya protektado sila ng mga enerhiya nila. Wala namang namatay hindi ba?"

Kaya upang pumayag ako ay ipinaliwanag saakin ni Pearl na ang nangyaring pagwawala ko noon ay dahil gusto kong pumasa sa battle exam at kailangan kong kalabanin ang mga kasama ko.

"Maliit na bagay lang ang ginawa mo dahil isa yong pagsusulit, lahat kayo ay handang manakit at manalo kaso nagkataon lang na malakas ka kaya sila napuruhan."

"Pero kung totoo nga na ang exam lang ang kailangan kong ipasa noon ay bakit ako nanakit ng mga tauhan ng eskwelahan?"

Sa pagkakataon na iyon ay hindi umimik si Pearl kaya lalo akong nagduda sa mga sinasabi niya.

"Sinasabi ko na maging ikaw ay hindi sigurado sa mga sinasabi mo, ayoko ng gamitin ang kapangyarihan mo," sambit ko rito.

"Kung hindi mo gagamitin ang kapangyarihan ko ay paano mo matutulungan ang lalaking yun."

Napalingon muli ako sa dereksyon nila Akihiko na ngayon ay nakahandusay sa lapag at mukhang may iniinda sa kanyang braso.

Napupuno ako ngayon ng pag-aalala kasabay ang pag-aalinlangan dahil alam ko na kung mailigtas ko man siya laban sa mayabang na chinitong yun gamit ang kapangyarihan ni Pearl ay hindi ko naman sigurado kung matatapos ito ng maayos lalo pa nasa canteen kami.

Kung ang training ground nga ay sinira ko ay tiyak pati ang lugar na ito ay madadamay. Baka mas lumala pa ang lahat imbis na makatulong ako.

Sa pagkakataon na iyon ay unti unti akong tumayo sa kinauupuan ko at kinuha si Pearl sa ulohan ko. Kahit na anong mangyari ay kailangan kong tulungan si Akihiko dahil unang una ay hindi niya dapat dinadanas ang masaktan ngayon at mapahiya sa harap ng maraming tao.

Alam nyang pwede syang mapahamak pero gayunman ay naging matapang siya para lang iligtas ako. Tama, May utang ako sa kanya kaya kailangan kong ibalik ang pabor na iyon.

Dapat na maging matapang ako katulad nang ginawa niya upang may mailigtas din akong tao. Hindi ako dapat tumakas sa responsibilidad ko. Ako ang gagawa ng solusyon sa sarili kong problema.

Habang tumatayo ako ay naririnig ko ang mayabang na lalaking iyon na may sinasabi kay Akihiko .

"Hindi mo ba naisip na mas matimbang ang buhay ng katulad mong sundalo na may mataas na ranggo kesa sa walang kwentang taong yan?"

Patuloy syang nagsasalita tungkol sa pagiging perpektong sundalo at hinahamak ang katalinuhan ni Akihiko dahil sa pagsaalang-alang niya sa buhay.

Para sa kanya nararapat na kumilos ang isang katulad nilang may malaking potensyal na makatulong sa Guardian sa kung ano ang makabubuti sa nakararami. Pinalalabas niya na kinakailangan na kumilos sila para sa kinabukasan kahit pa ang desisyon na ito ay kinakailangan ng pagsasakripisyo ng iilang buhay.

"Kung tutuusin mapapatay mo ang kalaban mo sa pagkakataon na iyon na pwedeng kumitil ng isang daan pang-inosenteng buhay sa hinaharap. Kaya sabihin mo Akihiko kung naging matalino ka bang sundalo?" sambit nito.

Humakbang ako pasulong at unti unting tumakbo habang nagsasalita si Xiuan laban parin kay Akihiko.

"Ako ang walang kapantay na si Xiuan Lin, ang tunay na Serpent Dragon..."

Abala ito sa pagsasalita kaya sinamantala ko ang pagkakataon na umatake sa kanya habang nakatalikod.

Sumigaw ako habang tumatakbo at buong pwersa kong ipinukpok sa ulo niya si Pearl.

Nagawa ko itong matamaan at alam kong napuruhan siya dahil ngayon ay halos mapahawak siya sa lapag. Nanginginig ang mga kamay ko dahil sa unang pagkakataon ay nagawa kong manakit ng tao.

Napakalakas nang pagkabog ng dibdib ko at halos hindi ko magawang igalaw pa ang mga binti ko sa sobrang kaba.

Inakala ko na tapos na ang problema ko dahil sa ginawa ko pero bigla itong tumayo muli ng tuwid at galit na nagsalita.

"Ikaw!!"

Nagpanik ako nung marinig ko ang galit nyang tono at alam kong malalagot ako sa oras na wala akong gawin. Kaya naman hindi ko na hinintay na may gawin pa siya saakin at muli kong nilakasan ang loob ko.

Inihagis ko si Pearl sa kanya ng buong lakas at sumakto yun sa pagharap nito kaya naman tinamaan ang mukha ng mayabang na lalaking ito.

Bumagsak siya sa lapag at sa pagkakataon na yun ay hindi na ito kumilos upang bumangon. Hingal na hingal ako dahil sa kaba at pagod na rin dulot ng pagtakbo.

Hindi ko gusto ang manakit ng tao pero iba ang pakiramdam ko nung magawa kong ibuhos ang galit ko sa ginawa kong pagbato sa mukha ng mayabang na lalaking ito.

"Hindi ko alam kong anong paniniwala ang meron ka pero wala kang karapatan na tapakan ang dignidad ng ibang tao."

"Magligtas sa kung ano ang mas matimbang? Kalokohan! Ang buhay ay buhay mapa-isa man ito o marami ay nararapat itong iligtas kaya sa tingin ko hindi katangahan ang piliin na maging patas at makatwiran," galit na sigaw ko rito.

Alabngapoy Creator