Isang bagong umaga sa Eskwelahan ng International Spirit Art Academy. Kalahating oras bago magsimula ang klase sa bawat silid ay patuloy na dumadagsa ang mga estudyante na lumalabas sa mga nagtataasang gusali na nagsisilbing dorm ng mga estudyante ng eskwelahan.
Ang eswelahan na ito ay nasa loob ng isang military facility at binubuo lang ng mga gusali na may kinalaman sa army at pakikipaglaban.
Maagang napupuno ang loob ng eskwelahan dahil sa mahigpit na alituntunin nito sa pagiging disiplinado at responsable lalo na sa oras na kailangang sinusunod ng mga estudyante.
Kasabay din nila ang pagpasok ng dalagang si Philia suot ang magarang black line, blue green coat at skirt. Presko at mabango ito na naglalakad habang hindi mapakaling pinaglalaruan ng mga daliri ang mahabang bangs nito na tumatakip sa mga mata ng dalaga.
Bakas sa nanginginig na tuhod nito ang pag aalinlangan at kaba na umakyat sa puting hagdan patungo sa Blue Sky hanggang sa mapahinto na lang ito sa gitna ng daan.
"Hindi ko ito kaya, ayoko nang pumasok," bulong nito.
Ang Blue Sky ay tawag sa kinaroroonan ng classroom ng Elite na matatagpuan sa pinakamataas na palapag ng gusali. Isa itong malaking pasilidad na inihanda para lang sa mga miyembro ng Elite.
Pero bago makapunta sa Blue sky ay kailangan nyang dumaan sa puting hagdan na nasa gitna ng daan upang makapanhik sa isang espesyal na elevator na tinatawag na Heaven's gate na sinasakyan ng mga Elite upang makapanhik ng mabilis at walang istorbo.
PHILIA POV.
Nakakabaliw na ito, hindi ko alam kung tutuloy ba akong umakyat sa hagdan na 'yon.
Sino ba ang nakaisip na maglagay ng hadgan sa gitna ng entrada ng eskwelahan? Ang ibig kong sabihin iilan lang ang mga miyembro ng elite at kung iisipin ay ginawa nila ito para lang sa labing dalawang tao.
Kapag humakbang ako tiyak na makikita ako ng mga tao at magiging sentro ng atensyon nila. Kahit gaano ko pa patapangin ang sarili ko ay hindi ko magawang maikilos ang mga paa ko mula sa kinatatayuan ko papunta sa hagdan at dahil sa pagaalinlangan ko ay unti-unti na akong humahakbang paatras.
Nanliliit ako dahil sa katayuan ko bilang isang munting probinsyana na mapapasama sa mga mayayaman at ginagalang na mga tao.
Hindi ako matalinong tao, hindi rin ako maganda, maitim ang balat at higit sa lahat ay taga-tinda lang ako ng isda kaya paano ako makakaharap sa mga perpektong taong 'yon.
Sa mga sandaling iyon ay tuluyan akong kinakain ng takot hanggang sa bigla na lang lumabas sa backpack na gamit ko si Pearl at tumalbog sa sahig.
Dito ay bumanda siya sa sahig at tumama sa likod ko na dahilan upang mapalakad ako pasulong.
"Ano bang ginagawa mo Pearl?" tanong ko rito.
Kinakausap ako nito at inuutusan ako nito na magpatuloy sa paglalakad papunta sa hagdan. Nais nitong pumasok ako sa classroom ng Elite kahit na alam nito na hindi ko ito gusto. Kagaya ng dati ay nakikipagtalo ako dito dahil sa pagdidikta nito sa gagawin ko kahit na ako ang dapat na sinusunod nito bilang nagmamay-ari sa kanya.
Hindi ito nagpatalo saakin at upang maipilit ang gusto nito ay muli siyang tumalbog sa sahig at tumama saakin upang itulak pa ako papunta sa hagdan.
"Sandali, Sandali! Pearl!! Tumigil ka!!" sigaw ko rito.
Patuloy akong itinulak nito sa kabila nang paghiyaw ko at pag-uutos dito na tumigil. Dumederetso ang paglalakad ko papunta sa gitna ng hagdan at humahakbang pasulong at dahil sa mabilis at malakas na pwersa nang pagtulak ni Pearl ay natalisod ang mga paa ko.
Nawalan ako ng balanse at nanganganib ngayon na bumagsak sa lupa sa harapan ng napakaraming tao.
Hindi na ako makakagawa ng paraan para iwasan pa ang pagkahulog ko at ang tanging nagawa ko na lang sa mga sandali na iyon ay pumikit at ihanda ang sakit na sasapitin ko.
Alam ko na panibagong problema nanaman ito na kukuha ng maraming atensyon pero sa mga sandaling nahuhulog ako at babagsak na sa lupa ay may misteryosong lalaki ang biglaang humarang sa harap ko.
Walang pagaalinlangan itong nagmadaling puntahan ako saluhin gamit ang kaliwang braso nito upang pigilan ang pagbagsak ko.
Bumagsak ako sa bisig nito at pinihit ako upang iharap sa kanya. Hindi ako makapagsalita dahil sa labis na pagkagulat sa mga naganap lalo na nung makita ko nang malapitan ang gwapong lalaking nagligtas saakin.
Matangkad at mistiso ang lalaking ito na may abong kulay ng buhok. Hindi ko maalis ang titig ko sa nagniningning na asul nitong mga mata na tila sapphire.
Napakakinis ng mukha nito sa malapitan na bagay na bagay sa maamo nitong mukha. Sa mga sandaling iyon namumula ang pisngi ko dahil sa kaba at kumakabog ang tibok ng puso ko na tila sasabog ito.
Kahit alam kong pinagtitinginan kami ng napakaraming tao sa paligid ay hindi ko nagawang bumangon mag-isa upang kumawala sa bisig niya na tila ineenjoy ang pagkakataon na iyon.
Sa mga sandaling iyon ay hinawakan niya ako sa braso upang makatayo ng deretso at agad na tinanong ang kalagayan ko.
Nakakasilaw ang mga titig niya na para ba akong tinutunaw nito at kumikinang ang paligid niya sa paningin ko lalo na tuwing magsasalita siya upang kamustahin ako.
"Ayos ka lang miss?" tanong nito.