Kasalukuyang nagkakatensyon sa loob ng Evergarden sa pagitan nila Philia at ang lalaking si Xiuan na may malaking pagtutol sa pagiging bahagi ng Elite ng dalaga.
Mabilis namang nakuha ng malakas na sigaw ni Xiuan ang atensyon ng lahat ng nasa loob ng canteen kasama na ang ilang miyembro ng Elite na nasa Evergarden.
Ngunit kagaya nung unang pagtatalo sa loob ng klase ay tila wala silang intensyon na pakielaman si Xiuan sa ginagawa n'yang pagpapalayas sa dalaga.
Napatango na lang si Maya sa kanya na tila ba inuutusan na lang si Philia na sundin ang binata sa gusto nito na umalis ng hardin. Nagpatay malisya ang mga ito sa nagaganap sa kasamang si Philia.
Philia POV.
Hindi ko talaga lubos maisip na magiging agresibo siya ng ganito at kahit humingi ako ng tawad sa kanya ay hindi niya ako tinatantanan at pilit akong tinataboy.
Siguro nararapat lang na sundin ko siya para matigil na ang gulong ito dahil kung hindi ay baka saktan ako ng isang ito.
Sinubukan kong hingin sa kanya si Pearl upang makaalis na pero bigla itong tumanggi at inutusan akong kunin ito mag-isa mula sa kanyang paa.
"Kung gusto mong makuha ito ay kunin mo mag-isa."
"Lumuhod ka at kunin ito sa paa ko," dagdag nito.
Napatigil ako saglit sa nasabi n'yang iyon na tila wala talaga syang intensyon na damputin at iabot ng kusa si Pearl saakin. Seryoso siya na paluhodin ako sa harap niya upang kunin si Pearl mag-isa sa harap ng maraming tao.
Napakayabang ng taong ito na para bang sa kanya ang eskwelahan na ito. Ano bang karapatan niya para gawin ito saakin na halos lurakan ang aking pagkatao.
Gayunpaman ay mas nangingibabaw ang takot ko kesa sa kagustuhan kong ipagtanggol ang sarili ko. Ayokong maging katatawanan sa harap ng ibang tao pero natatakot ako sa pwedeng gawin niya saakin.
Hindi ko alam kung tama ba ang gagawin ko pero walang paraan para makuha ko sa paa niya si Pearl kundi ang lumuhod at damputin ito.
Alam ko sa sarili ko na hindi ako nararapat sa Elite pero ang lumuhod sa harap ng mayabang na taong ito ay kalabisan na. Sigurado na ikakasira ko sa lahat ng makakakita nito ang gagawin ko pero wala akong nakikitang ibang paraan upang matapos ito.
Gusto ko na rin itong matapos at mahinto na. Kukunin ko si Pearl at tatakbo palabas ng lugar na ito.Tama, ganun na lang ang gagawin ko.
Pakiramdam ko ay napakababa kong tao habang unti-unting lumuluhod sa harap nito at dahil yun sa napakahina kong tao at walang akong kayang gawin na ano mang bagay.
Wala akong makitang awa sa kanyang mga mata at pag-aalinlangan na ipahiya ang katulad ko sa harap ng maraming tao. Alam ko mula noong magdesisyon akong pumasok dito ay marami akong pagtitiisang bagay upang tumagal sa lugar na ito pero hindi ko inasahan na magiging ganito kakomplikado ang sitwasyon na dapat kong pagdaanan.
Kahit masakit sa loob ko ay nagawa kong lumuhod sa harap ng mayabang na lalaking ito upang mag-isang kunin si Pearl. Pakiramdam ko nakangiti at nakangisi ang lahat ng taong nakatingin saamin sa mga oras na iyon habang kinukutya ako sa nakakahiyang ginagawa ko.
Gusto ko na lang maglaho dahil sa kahihiyan na naranasan ko. Nagmadali na akong abutin si Pearl habang tapak niya ito upang makaalis na pero nung hinihila ko na ito ay hinigpitan niya ang pagtapak dito na tila ba walang balak na ibigay ito saakin.
"Paki-usap, akin na si Pearl," mangiyak-ngiyak na sambit ko.
"Nakakahiya ka. Hindi mo ba nakikita ang sarili mo ngayon habang nakaluhod?"
"Sabihin mo nga, saang pamilya ka nagmula at tila napakalakas ng kapit mo sa mga miyembro ng Council?" sambit nito.
Wala akong masabi ditong paliwanag dahil kahit ako ay nagtataka sa mga nangyari noon at kahit itanggi ko ang mga sinasabi nito tungkol sa koneksyon ko sa council ay hindi nito papakinggan.
Wala syang balak na pakinggan ako kaya kahit magpaliwanag ako ay hindi niya paniniwalaan.
"Sinungaling! Imposible mapasama ka sa Elite gayung mas mababa ka pa sa sinumang average student sa loob ng eskwelahan na ito."
Sa pagkakataon na iyon ay itinuro niya ang mga estudyante sa loob ng canteen na ngayon ay pinanunuod kaming nagtatalo. Kinuha niya ang atensyon ng mga ito habang kinikutya ako sa kaawa-awa kong itsura habang nakaluhod sa harap niya.
"Maraming mas higit sayo ang gustong mapabilang saamin pero dahil hindi sapat ang kanilang kakayahan ay mananatili na lang iyong panaginip."
"Perpekto ang Elite hanggang sa sirain ng isang ligaw na pusang kagaya mo ang lahat."
Harap-harapan niya na akong kinukutya at iknukumpara sa iba para ipamukha saakin na napakalayo ng agwat ko sa kanya upang mapabilang sa kanila.
"Sinabi ko na sayo, hindi ko alam kung bakit nila ako nilagay sa Elite kaya paki-usap ibigay mo na si Pearl," pagmamakaawa ko rito.
Hindi ito nakinig sa muli kong paki-usap at ipinagpatuloy ang pagsasalita laban saakin. Naguguluhan ako dahil alam kong nasabi ko na ang pwede kong sabihin sa kanya pero hindi pa rin nito ako hinahayaan na umalis.
Sa una pa lang ay intensyon niya nang ipahiya ako sa maraming tao pero para saan? Ano ba ang mapapala niya kung gawin niya ito.
"Nais mong sumikat hindi ba? Sige pagbibigyan kita na maranasan na makilala ng lahat bilang kaawa-awang tao pero kung tinatangka mong maging maimpluwensya sa loob ng Guardian kaya ka nagsusumiksik sa Elite ay hindi kita hahayaan na magtagumpay."
Hindi ko nauunawaan ang mga sinasabi nito at itinatanggi ang bintang na naghahagilap ako ng impluwensya sa mga naroon.
"Wag na tayong maglokohan. Hindi lingit sa kaalaman ng lahat na ang bawat Elite ay mayroong pribilehiyong bumuo ng sariling squad at humawak ng isa sa pakpak ng Guardian."
"Kayamanan, impluwensya at kapangyarihan. Sa akala mo ba talaga na madali yun makukuha ng isang ligaw na pusang katulad mo?"
Nalaman ko mula sa kanya ang ilang bagay tungkol sa Elite at mukhang pinagbibitangan niya ako na kasama sa sabwatan sa council at may masamang motibo sa pagpasok sa Elite kaya naman hindi siya tumitigil sa panggugulo saakin.
Hindi ito nakuntento sa pagbibigay ng maling akusasyon laban saakin. Pinagbantaan din ako nitong hindi titigil hanggang sa ilabas ko ang totoong pakay ko.
"Kung gusto mong humanay sa mga katulad namin ay dapat handa kang dumanas ng hirap dahil sisiguruhin ko sayo na magiging impyerno ang buhay mo dito sa lugar na ito."
Sa takot ko sa banta niya ay napa-upo ako sa pagkakaluhod ko habang nanginginig dahil sa kaduwagan. Muli akong naki-usap dito na hayaan akong umalis at pilit ipaliwanag na wala akong alam sa sinasabi nito pero tanging sigaw at pambibintang ang naririnig ko sa kanya.
Wala akong nagawa kundi yumuko at nagsimulang maluha sa harap nito habang patuloy na nakikiusap dito. Wala akong nakikitang pwedeng gawin sa sitwasyon ko lalo pa pakiramdam ko ay nag-iisa ako sa lugar na ito at wala kahit isa ang tumatayo para ipagtanggol ako.
Lahat ng narito ay gusto akong mawala sa Elite. Alam ko na kaya walang kahit isa ang lumalapit upang tulungan ako ay dahil maging sila ay nais akong mawala sa eskwelahan na ito. Kahit na sila Maya at Thalia, maging ang homeroom teacher namin.
"Humihingi ako ng tawad kung ano man ang nagawa ko sayo kaya paki-usap tigilan mo na ako," sambit ko rito.
Dahil sa takot ko ay nagawa kong humingi ng tawad at ibagsak ang ulo ko sa sahig kahit na alam kong maraming taong pwedeng makakita sa gagawin ko.
Nakakadismaya ang ganito pero ayoko na nang ganito. Gusto ko nang sumuko. Pagkatapos nito ay magqu-quit na ako sa eskwelahan na ito at bahala na kung anong mangyari saakin pagkatapos.
Nakapikit ako habang nakayuko sa lapag na hiyang-hiya sa mga tao, nakakadismaya ang maging ganito. Bakit ko pa ba naisipan na ituloy ito?
Kahit pa para sa sarili kong kapakanan ay hindi ko magawang kumilos at manindigan. Kung sana ay ipinanganak lang akong matapang ay tiyak na hindi ko dadanasin ang ganito.
Sa mga sandaling iyon ay natahimik ang lugar at maging ang mayabang na lalaking iyon ay hindi kumibo sa pagyuko ko sa lapag.
Muli akong tumingin sa kanya upang muling humingi ng tawad habang umiiyak
"Hindi ko maintindihan kung bakit ganito na lamang ang galit mo saakin pero kung ang pagiging miyembro ko ng Elite ang dahilan ay humuhingi ako ng tawad," sambit ko rito