Nagsimula ulit ang panibagong araw ng mga estudyante sa International Art Spirit Academy. Tumunog na ang school bell hudyat na nagsimula na ang klase sa buong eskwelahan at kasabay ng lahat ay ang pagsisimula rin ng klase sa Blue sky.

Tahimik at walang katao-tao sa mga koridor at habang sa Blue Sky naman kung saan unang araw sa klase ni Philia bilang isang miyembro ng Elite ay tahimik na nakatayo sa koridor ang dalaga. Habang kinakausap ng guro na humahawak sa Elite class ang mga nasa loob ng silid ay naghihintay naman sa labas ng pinto si Philia sa pagtawag sa kanyang pangalan.

Naging nakakapagod man ang halos sampung minutong paggamit niya sa hagdan ng gusali paakyat sa Blue sky ay hindi ito nagpapakita ng pagkahapo kundi mas nangingibabaw sa dalaga ang labis na kaba at kawalan ng tiwala sa sarili na humarap sa mga nasa loob.

Hawak ang mahabang bangs na tumatakip sa mga mata nya ay taimtim siyang nagdarasal sa langit na tulungan siya sa araw na iyon at bigyan ng sapat na lakas ng loob na makapagsalita ng maayos sa gagawing pagpapakilala.

Nakasanayan na ng dalaga na hawakan ang kanyang bangs sa tuwing nahihiya ito o natataranta na hindi na naalis sa kanya mula pagkabata.

Ilang sandali pa ay tinawag na ang dalaga ng kanilang guro at inutusan na pumasok sa loob upang magpakilala ang sarili sa buong klase.

Bigla itong nagulat mula sa kinatatayuan na halos tumindig ang balahibo niya na para bang may kuryenteng dumaloy sa katawan nito nang marinig niya ang biglaang pagtawag sa pangalan niya. .

"Ayos lang Philia, huminahon ka lang. Basta gawin mo lang ang ginagawa mo sa class Z," bulong nito sa isip.

Pilit pinapakalma nito ang sarili habang dahan-dahan niyang binubuksan ang pinto at nagsimulang humakbang papasok sa silid-aralan.

PHILIA POV.

Bagong araw, bagong panimula at dahil inilipat ako ng ibang klase ay kailangan ko na namang magsimulang mag-adjust sa klase.

Ang pinakamahirap saakin ay ang tumayo sa harap habang nagpapakilala sa maraming tao. Pakiramdam ko marami silang sinasabi at binubulong habang nakatingin saakin.

Kukutyain kaya nila ako? Lalaitin kaya nila ang kulay ng balat ko? Sasabihin din kaya nilang weird ako kagaya ng mga tao sa probinsya? Ano bang gagawin ko kung pagtawanan nila ako kapag nabulol ako sa pagsasalita?

Siguro masyado lang akong praning kaya nag-iisip ako ng ganito pero hindi ko talaga gusto na nagiging sentro ako ng atensyon.

Dahil sa hiya ko ay nakayuko akong naglalakad papunta sa desk ng homeroom teacher namin. Agad naman napansin nito na mahiyain ako kaya inutusan niya akong ayusin ang sarili ko bago magpakilala.

"Miss Maharlikha, natural sa tao ang nahihiya sa iba pero iwasan mo ang pagyuko dahil nagpapakita 'yon ng kahinaan saating mga sundalo."

Nagulat ako sa pagpuna ng teacher namin kaya napasaludo na lang ako rito habang natatarantang sumagot.

"O-op-opo Maam!" natatarantang sambit ko.

"Masyado kang kinakabahan, wag kang matakot dahil hindi naman nangangain ang mga makakasama mo rito."

"Sige na magpakilala ka na sa kanila," sambit nito.

Napabuntong hininga ako ng marinig ko ang kalmadong tono at may lambing na pananalita ng magandang babae sa harapan ko habang pinagsasabihan ako kaya napanatag ang loob ko bahagya dahil mukhang mabait naman itong teacher.

Karamihan sa mga nakakasalamuha kong instructor sa Class Z ay masungit at magagalitin tuwing may kapalpakan kang ginawa at hindi naman ito kakaiba dahil nasa military school ako kaya napaka-istrikto nila sa pagdidisiplina pero naiiba ang homeroom teacher ng Elite class.

Ang nakasalamin na babaeng ito na may blondie at curly na buhok ay ang class adviser ng Elite na si Miss Devora Deuberg, isang dating Elite member at isa sa naging champion sa pandaigdigan torneo pagdating sa pakikipagpaglaban gamit ang mga Spirit Item.

Isa rin siyang miyembro ng Guardian, isang International special force na binubuo ng mga top soldier mula sa ibat ibang panig ng mundo na tinipon para pigilan ang ibat-ibang mga grupo at terorista na nagdadala ng panganib sa mga tao sa boung mundo.

Lahat ng guro sa eskwelahan na ito ay may pinanghahawakang titulo ng kanilang kahusayan kaya naman lalong naging sikat ang school na ito sa boung mundo. Pero sa amo ng mukha ni Miss Devora ay para siyang maamong babae na hindi makabasag pinggan kagaya ng isang malambing na prinsesa sa napapanuod ko sa T.V. Anong klaseng tao kaya siya? Paano siya naging isa sa pinakamahusay?

Sa pagtapik ni Miss Devora sa balikat ko ay humarap na ako sa mga kaklase ko upang magpakilala sa kanila.

Tuloy lang sa pagkabog sa dibdib ko nung mga sandaling iyon pero sa ilang saglit pa ay bigla itong napalitan ng pagkabigla nang itaas ko ang ulo ko sa harap ng klase.

Sa isang iglap naglaho ang kaba ko nang makita ko ang kabuan ng silid-aralan ng Elite mula sa harapan nito na kinatatayuan ko sa mga sandaling iyon.

Kamangha-mangha ang magarang itsura ng lugar dahil salamin lang ang naging dingding at bubong ng silid na iyon kaya masisilayan mo ang napakagandang asul na kalangitan sa itaas at matatanaw mo naman ang mga bundok at gusali mula sa gilid nito

Kamangha-mangha ang magarang itsura ng lugar dahil salamin lang ang naging dingding at bubong ng silid na iyon kaya masisilayan mo ang napakagandang asul na kalangitan sa itaas at matatanaw mo naman ang mga bundok at gusali mula sa gilid nito.

Kakaiba rin ang pagkakaayos sa mga upuan ng mga estudyante dahil may kanya-kanya silang pwesto at may 10 pulgada na pagitan sa bawat isa.

Napaka laki ng kwarto kahit na iilang upuan lang ang naroon para sa miyembro ng Elite. Malamig ang aircon at mabango ang lugar dahil sa mga bulaklak sa gilid ng mga salamin na nagsisilbing dingding talagang ibang-iba sa silid-aralan na pinasukan ko sa Class Z.

May pagka-hightech din ang lugar dahil may halos 100 inch LED screen sa harap imbis na ordinaryong black board at napansin ko rin na sa bawat upuan ay may mga speaker na naka dikit at mga maliliit na mic silang suot sa klase. Siguro ginagamit nila ito upang marinig parin nila ang itnuturo ng teacher tuwing magsasalita ito.

Hindi ko alam kung ano ang maaari kong sabihin sa mga oras na iyon dahil napakapambihira ng lugar para saakin. Dahil nga siguro sa probinsyana ako ay hindi ako madalas makakita ng mga ganito kagarang bagay kaya talagang namamangha ako.

Halos nakalimutan ko na ang kaba na nararamdaman ko kanina dahil sa pagkamangha at pati na yata ang dahilan kung bakit ako nasa harapan ng kwartong iyon ay hindi ko na naiisip pa.

Ngayon unti-unti ko nang nalalaman sa sarili ko na ibang-iba talaga ang Elite class sa iba pang mga klase dito sa boung eskwelahan.

Ilang sandali pa ay napansin ko ang katahimikan at dito na ako napatingin sa mga tao na nasa mga upuan na ngayon ay nakatingin lang saakin at walang anumang reaksyon ang mga mukha.

Sa gitna ng pananahimik ko sa harapan ay may biglang nagdabog sa isa sa mga nasa harapan ko ng kanyang kamay sa desk.

Umangal bigla ang isang lalaking estudyante sa hindi ko pagsasalita at tila mangmang na pinagmamasdan lang ang paligid.

"Ano ba? Sasayangin mo ba ang oras namin? Hindi ka naman espesyal na tao para tumayo d'yan sa harap at pagmasdan naming lahat?" maangas na sambit nito.

Nagulat ako sa nasabi nito at biglang kinabahan dahil galit na galit at iritable siya sa tono ng pagsasalita niya. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko dahil unang beses ko pa lang siyang nakikita. Wala akong nagawa kundi masindak at sa takot ko ay muli akong yumuko at humingi ng tawad sa harap nila.

"Huh? Ano yang ginagawa mo?" sambit nito.

Lalo akong nasindak sa muli niyang pagdabog habang nanlikisik ang mga pula nitong mga mata na nakatitig saakin na tila ba kakainin ako ng buhay.

"Itigil mo yan!!" galit na sambit nito.

Hindi ko alam kung ano ang nagawa kong mali para pagsalitaan niya ako ng ganun ng lalaking iyon pero patuloy niya lang akong sinisigawan at ininsulto habang ako naman ay napapaatras sa takot sa kanyang marahas na reaksyon.

"Para kang duwag na aso d'yan, alam mo hindi ako interesado na makilala ang isang katulad mo kaya kung pwede ay umalis ka nalang dahil hindi namin kailangan ng mahina dito," sigaw nito.

Wala akong nagawa kundi ang tumayo habang nanginginig sa sindak. Hindi ko maunawaan kung bakit siya tila galit na galit saakin at kung bakit niya ako pinapaalis sa silid.

Sino ba siya? Mayroon ba akong ginawang mali laban sa kanya? Bakit ganun na lang ang pakikitungo niya saakin?

Alabngapoy Creator