Nagkaroon ng makakasama si Philia sa unang araw nya bilang miyembro ng Elite at kasalukuyan na kumakain ang tatlo sa isang mesa sa loob ng hardin.
Nakatanggap man ng pangmamaliit sa dalawa habang kasama niya ang mga ito ay malaking tuwa parin ang nangingibabaw sa kalooban ng dalaga dahil may nakakasama siya pagkain.
Si Thalia at Maya ay pawang nagkasama sa iisang grupo sa nakaraang aktibidad kaya sila nagkaroon ng kaugnayan sa isa't isa at ipinaliwanag na din nila kay Philia na kailangan nyang makakuha ng kasama o ka-partner para sa susunod na aktibidad sa klase.
"Huh? Pero mahirap yata ang bagay na yan dahil mukhang ayaw nila saakin."
Alam ng dalaga na hindi niya kayang makakuha ng partner sa loob ng Elite dahil sa isa syang transferee lalo na at alam ng lahat ang mababang mga grado niya sa mga pagsusulit.
Alam niya na maaaring mahatak at bumagsak ang magiging kasama niya sa aktibidad dahil sa kakulangan niya sa maraming bagay.
Pinag-aalala rin nito ang bilang ng miyembro ng Elite na labing dalawa na sakto lang sa anim na grupo para sa mga aktibidad.
Sa higit isang libong mga nominado na nagmula sa ibat-ibang bansa ay labing dalawang tao lang talaga ang kinikuha para dito kaya hindi napaghandaan ng lahat ang pagkakaroon ng ika-labing tatlong miyembro.
"Buti pa kayo magkaibigan na kaya wala na kayong problema sa mga aktibidad dito," sambit ni Philia.
Sa pagkakataon na yun ay biglang nagdabog si Thalia sa mesa nila at tinama ang sinabi ni Philia tungkol sa pagiging magkasama nila ni Maya.
"Magkagrupo lang kami at hindi kami magkaibigan ng tomboy na ito, maliwanag?" sambit nito habang nakaduro ang tinidor kay Philia.
Bilang mga sundalo ay hindi nila binibigyan ng ano mang halaga ang pakikisama sa iba lalo na sa ibang lahi.
Nasanay sila na makasama sa training ang ibat-ibang tao at hindi magtatagal ay magkakahiwalay din. Iyon ang dahilan kaya hindi nila itinuturing na matalik na kaibigan ang mga nakakasalamuhang tao.
"Maraming bagay ang mas mahalagang bigyan ng pagpapahalaga kesa ang pakikipagkaibigan sa mga kasama. Iyon ang sabi ng aking ama," sambit ni Maya.
Nagtaka bigla ang dalaga sa mga narinig sa kasama at hindi niya naiwasang tumutol sa sinabi ng mga ito tungkol sa pagkakaroon ng kaibigan sa isang grupo kagaya ng kamag-aral.
Naging mahigpit at disiplinado ang lahat ng mga bata na nagmula sa pamilya ng mga sundalo ng Guardian kabilang na rito ang pamilya na pinang-galingan nila Thalia at Maya.
"Pero hindi naman siguro malaking bagay ang pagkakaroon ng mga kaibigan," sambit nito.
"Hm... Ewan? Pero ano ba ang mapapala natin sa pakikipagkaibigan sa iba?" sagot ni Thalia.
Para sa dalawa ay walang pakinabang sa kanila ang pakikipagkaibigan sa iba kaya binabalewala nila ang ano mang emosyon na pwedeng maramdaman sa iba bilang pagsunod na rin sa turo ng kanilang pamilya.
Kagaya ng ibang tao ay maaari kang makipag-usap, makipagtulungan at makibagay kahit na hindi mo ito ituring na mga kaibigan. Pare-pareho silang mga sundalo na kailangan lang sumunod sa mga utos upang makatulong.
"Siguro nga pero iba pa rin yung may mga tao na ituturing mong espesyal sa buhay mo," pagsalungat ng dalaga.
Napabuntong hininga si Thalia dulot ng di pag sang ayon sa nasabi ng dalaga . "Alam ko ang punto mo, mayroon din akong kaibigan sa bansa namin pero ang pinagkaiba lang ay hindi sila mga sundalo na sumasabak sa laban kagaya ko," Sambit ni Thalia.
Ipinaliwanag nito sa dalaga na dapat unahin ang tungkulin at misyon na makapaglingkod sa iba at kung paiiralin mo ang emosyon habang ginagampanan ang tungkulin mo ay maaaring mabigo ka magtagumpay.
Walang kasiguruhan ang buhay nila bilang mga sundalo at handa ang bawat isa na magbuwis ng buhay para siguruhin ang payapang kinabukasan ng lahat.
Dahil sa mga paliwanag ni Thalia ay lalong naguluhan si Philia at muling tinanong kong magiging sagabal ba sa mga kasama niya ang pagkakaroon ng kaibigan.
Wala namang pag-aalinlangan na tinugunan ito ng dalawa.
"Hindi ko alam, basta ang alam ko hindi ito makakatulong saakin kung sakali," Sagot ni Thalia.
"Ikaw ba Philia, mayroon ka bang kaibigan?" tanong ni Maya.
Ginawang halimbawa ni Maya ang masamang sitwasyon na nasa bingit ng kamatayan ang mga kaibigan ni Philia at tinanong ito kung kaya niya bang iwan ang mga ito kapalit ng pagliligtas ng ibang buhay.
"Kung iutos sayo na hayaan ang mga itinuturing mong kaibigan at sa halip ay magligtas ng maraming buhay ay mananahimik ka na lang bang susunod sa utos?" Tanong ni Maya.
Sa murang edad ay hinasa na sa pagiging sundalo ang dalawa at kasamang tinuturo sa kanila ay ang kahandaan na labanan ang ano mang emosyon na maaaring maramdaman sa isang labanan kagaya ng awa, takot, simpatya at pagiging malambot ng kalooban.
"Pero sobra naman iyon," sambit ni Philia.
"Sobra? Pero sa tingin ko tama lang iyon kesa naman masaktan ka tuwing mamamatayan na mga kasama," biglang sambit ni Thalia.
"Tama siya, ano mang oras ay maaaring mamatay ang bawat isa saatin kaya mas mabuting wala tayong malalim na ugnayan sa isa't isa," sabat ni Maya.
Sa pagkakataon na iyon ay biglang napabitaw sa hawak na kutsara si Philia dahil sa pagkabigla.
"Mamamatayan ng kasama?" sambit nito.
Saglit na nanahimik ang lugar sa naging reaksyon ni Philia na halos di mahawakan ng maayos ang kutsara dahil sa panginginig ng mga kamay. Dito napansin ni Thalia na natatakot ito kapag binabanggit ang tungkol sa kamatayan.
"Teka ikaw ba Philia, takot ka bang mamatay?" tanong nito.
Hindi nag alinlangan ang dalaga na tugunin at aminin na natatakot syang mamatay.
Para sa dalaga ay normal lang sa tao ang matakot sa kamatayan at para sa kanya ay napakabata niya pa para mawala sa mundo.
Alam ng dalaga na hindi siya ganon katapang para mamatay at wala sa isip niya na maaaring mawala ang buhay ng mga kasama niya balang araw kagaya ng nabanggit ng mga kasama niya.
Dahil doon ay lalong nagdududa ang dalawa sa mga ikinikilos nito at sa magkaiba nilang mga paniniwala.
"Normal naman ang mga sinasabi ko, kayo ba? Hindi ba takot din kayo mamatay?" tanong nito.
"Hm.. Ayaw ko mamatay pero hindi ako takot sa kamatayan lalo pa maikli lang ang buhay ng kagaya natin," sambit ni Maya.
"Bata pa lang ako nakakakita na ako ng mga patay na katawan ng tao at ako mismo ang sumusunog sa mga bangkay nila kaya siguro hindi ko na naiisip pa na matakot kung mamatay man ako," sagot ni Thalia.
"Si-si-sinusunog?? "
Nabanggit ni Thalia na naging tradisyon ng angkan nila ang pag susunog ng mga namamatay sa lugar nila at bilang kasapi ng pamilya ay sa kanya inatang ang ritual bilang isa syang Fire Spirit Artisan.
"Sino saatin ngayon ang may Weirdong mga magulang." Sambit ni Maya.
Hindi makapaniwala si Philia na nagagawa nila Thalia na pag usapan ang tungkol sa mga patay na parang wala lang.
" Pero Hindi ba kayo nag aalala na masayang ang buhay nyo kung sakaling maging sundalo kayo at mapunta sa mapanganib na misyon ? "
Inamin nila na kung sila ay nasa masamang sitwasyon na kailangan nilang magsakripisyo ng buhay para mailigtas ang iba ay buong puso silang magpaparaya at tutupad sa sinumpaang tungkulin bilang kasapi ng Guardian.
"Ganun lang ba iyon? Tatanggapin niyo na lang na mamamatay kayo?"
Hindi makapaniwala ang dalaga na kalmadong nasasabi ng dalawa ang tungkol sa pagtanggap sa kamatayan nila at dahil nga sa magkaibang tradisyon at kinalakihang paniniwala niya sa dalawa ay hindi niya kayang makita ang halaga ng pagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa pagiging sundalo.
Dahil sa magulong isip ng dalaga ay naisipan nyang tanungin ang dalawa tungkol sa ilang bagay na hinahangad nila maliban sa pagbubuwis ng buhay para sa iba.
"Hindi niyo ba naisip man lang na marami pa kayong magagawa sa buhay maliban sa pagiging sundalo? Maaari niyo pang matupad mga pangarap niyo at mamuhay ng normal kagaya ng iba," sambit nito.
Iniisip ng dalaga na kapareho niya ay naghahangad din ang mga ito ng kaginhawaan kagaya ng magkakaroon ng maraming pera, magandang katayuan sa buhay at asawa na pinapangarap ng mga normal na taong katulad niya.
Sa pagkakataon na iyon ay parehong napangiwi ang dalawa at tila natawa sa naitanong ng dalaga sa kanila.
"Ano bang sinasabi mo? Ang pagiging sundalo ng Guardian ang pangarap ko noon pa man at sa tingin ko lahat naman ng nasa eskwelahan na ito ay ganun din ang gusto," Sagot ni Maya.
"Alam ko ang gusto mong sabihin Philia pero wala akong interes sa ibang bagay, siguro dahil mula pagkabata ay nagsasanay na ako para dito at kailangan kong makuha ito para hindi masayang ang pagod ko.," sagot ni Thalia.
Hindi mapalagay si Philia ng matanto na napakalayo ng paniniwala at pagtingin ng dalawa sa mga bagay-bagay dahil hindi kagaya sa mga ito ay hindi buo ang loob niya sa pagtaya ng buhay niya para lang sa pagiging sundalo ng Guardian.
Labis naman na ipinagtaka ng dalawa ang pagpa-panic ni Philia habang nagsasalita at ipinaliliwanag ang saloobin kaya agad nila itong natanong sa tunay na dahilan ng dalaga sa pag-aaral sa eskwelahan nila.
"Magsabi ka nga ng totoo Philia, gusto mo ba talagang maging sundalo?" tanong ni Thalia.
Hindi makasagot ang dalaga nang maayos sa biglaang tanong sa kanya tungkol sa pagpasok niya bilang miyembro ng Elite.
"Maliban sa mga grado mo at personal na impormasyon ay wala na kaming nalalaman tungkol sayo pero malakas ang kutob ko na hindi ka nagmula sa pamilya ng mga sundalo ng Guardian. Tama ba?" sambit ni Thalia
"Tama si Thalia. Masyado ka ring mahiyain at nakita kong natakot ka noong sigawan ka ni Xiuan kaya nagdududa akong kung dumaan ka ba sa mga military training kagaya namin," sabat naman ni Maya.
Hindi makapagsalita ang dalaga para sagutin ang dalawa dahil hindi siya sigurado kung maaari nyang sabihin ito sa iba pero gayumpaman ay alam nyang hindi niya maililihim nang matagal ang katotohanan na isa lang syang probinsyanang babae na walang alam sa pagiging sundalo.
"Ahh .. eh... Saatin lang ito ah. Ang totoo nyan eh hindi parin ako sigurado tungkol sa bagay na yan at unang beses ko mag-training bilang sundalo kaya nga bumagsak ako sa mga pagsusulit," pag-amin nito.
Ilang segundong nanahimik ang paligid nila at nagtinginan lang sa mga mata ng isat isa na naghihintay ng ano mang reaksyon ng bawat isa. Hindi makapaniwala ang dalawa na pinayagan ng eskwelahan na pumasok sa isang International Military School ang isang normal na taong hindi man lang dumaan sa kahit anong pagsasanay. Gayunpaman dahil sa kawalan ng kakayahan ni Philia na ipasa ang mga pagsusulit ay hindi mahirap sa dalawa na maniwala sa nasabi nito tungkol sa kanya.
"Seryoso ka?" sabay na sambit ng dalawa.