Kahit na tinatamad ako ay kailangan kong maghanda para pumasok sa eskwelahan dahil masyado na akong nahuhuli sa pinag-aaralan dahil sa pagsuspindido saakin.
Hindi ko alam kung may mukha pa akong maihaharap pagkatapos ng insidente sa practical exam namin pero ang nakakagulat ay ipinasa parin nila ako.
Dahil sa nangyari ay maraming humusga sa akin bilang basagulerang babae kahit na hindi nila alam na malayong malayo ito sa pag-uugali ko.
Pero sa totoo lang kahit ako nagugulat sa bilis na mga pangyayari, inaamin ko na ako ang nanakit sa mga kasama ko at malinaw sa isip ko iyon pero hindi ko maramdaman na ako ang may kagustuhan sa bagay na iyon. Noong mga sandaling 'yon ay tila ba kumikilos ang katawan ko na ibang-iba sa totoong ako.
Tumitig ako kay Pearl habang ginagambala nang pagtataka at pagdududa. Sabi nito ay wala raw akong dapat ipag-alala sa nangyari pero para saakin ay may mali saakin tuwing gagamitin ko ang kapangyarihan ni Pearl.
Pinagkakatiwalaan ko naman si Pearl pero minsan kinakabahan na rin ako sa mga ginagawa nito saakin lalo pa ngayon na sariwa pa sa utak ko ang insidente.
"
Ahh!! Nakakahiya talaga," biglang sigaw ko habang nagsisipilyo.
Ang insidenteng tinutukoy ko ay ang pagwawala ko sa loob ng training ground na sa hindi kapanipaniwalang pangyayari ay napabagsak ko ang lahat ng mga kaklase ko.
Nakakabilib kung iisipin at dapat kong ipagmalaki ang nagawa ko bilang isang sundalo pero sa kabaliktaran ay sobra akong nahihiya sa ginawa ko.
Ano na lang ang iisipin nila na ang isang probinsyanang babaeng kagaya ko ay parang sanggano kung kumilos, tiyak lalayuan ako ng mga tao at baka mapahamak pa ako.
Totoo naman na kusa kong tinanggap ang scholarship para makapag-aral sa eskwelahan na ito na para lang sa sundalo pero ang totoo nito ay mahina talaga ang loob ko at sobrang mahiyain.
Ayoko ng gulo at mga sakitan, madalas nga akong tuksuhin saamin na lampa at duwag pero para saakin ay totoo naman ito at alam ko sa sarili ko na takot ako sa maraming bagay.
Mas gusto ko talaga ang mapayapang buhay kasama ang pamilya ko pero dahil mahirap lang kami sa probinsya namin sa Palawan ay wala na akong nagawa kundi tanggapin ang alok nila upang kahit papaano ay magkapera kami at para makatungtong na rin ako sa eskwelahan dahil matagal ko ng gustong makapag-aral.
Hindi ko kailanman na-imagine kahit sa panaginip na ang isang katulad ko na hindi man lang makabasag pinggan ay papasok sa Army bilang sundalo pero naisip ko rin na kung hindi ko gagawin ito ay baka habang-buhay na lang akong taga-benta ng isda sa palengke.
Maswerte na lang ako at napakinabangan ko ang pagkakaroon ko ng spirit weapon na pinamana ng lolo ko saakin bago siya mamatay.
Tama, ang tinutukoy ko ay ang pasaway na si Pearl.
Natagpuan nila ang mahiwagang perlas na si Pearl sa dagat noong minsang iniligtas daw sila nito sa paglubog ng kanilang bangkang pangisda.
Matagal na itinago ni Lolo ang perlas at umaasa sa hiwaga nito hanggang sa pinaglipasan na lang ito ng panahon at kinamatayan niya na lang ang hinihintay na biyaya nito sa pamilya.
Sabi ng lolo ko ay isa raw itong diwata ng karagatan na nangangalaga sa mga mangingisda pero para sa mga taga-siyudad ay isa itong Spirit Item.
Mga kagamitan na nagtataglay ng mahika at ginagamit ng mga espesyal na taong pinagkalooban ng kapangyarihan o mga Spirit Artisan.
Ang totoo hindi ako katulad ng sinasabi nilang mga espesyal na tao dahil wala akong tinataglay na pambihirang kakayahan at kapangyarihan na kumuntrol ng enerhiya ng ispirito ko.
Isa lang akong normal na probinsyanang babae na walang kayang gawin kundi maglako ng isda na hinuhuli ng tatay ko.
Nagkataon lang na pagmamay-ari ko si Pearl at dahil nga sa buhay ito at may isip ay inaakala ng lahat na isa akong Spirit Artisan. Gayumpaman, sa kabila ng kakulangan ko ng espesyal na abilidad ay nakakapagtakang tinanggap parin ako dito na makapag-aral.
Higit 100k ang tuition sa bawat sem sa eskwelahan na ito pero libre itong tinustusan ng gobyerno.
Mahirap lang ang pamilya ko at kung iisipin yung 100k na binabayad nila para saakin ay kaya na kaming buhayin ng higit sampung taon.
Nag-umpisa ang lahat ng ito noong minsang gipit na gipit na ang pamilya namin at tinangka kong isanla si Pearl sa isang sanglaan sa siyudad pero imbis na siya ang ibenta ko ay ako yata ang binenta nito sa isang dayuhan.
May misteryosong tao na lumapit saamin at ang nakakagulat ay nagagawa niya ring makausap si Pearl katulad ko.
Hindi ko alam ang ibang impormasyon tungkol sa napag-usapan nila pero nung nalaman ng taong iyon na pagmamay-ari ko si Pearl ay inalok agad nila ako ng malaking pera kapalit ng pagpasok ko sa eskwelahan na ito.
Biyaya raw sa pamilya ang pagdating saamin ni Pearl pero hindi para saakin dahil gulo at problema ang palagi nitong dinadala saakin. Mula noon pa ay palagi siyang nakadikit saakin dahil nga ako lang ang nakakarinig sa kanya at pwedeng makausap.
Naaalala ko pa noon ay madalas akong mapahamak dahil may bitbit akong dambuhalang perlas na inaakala ng ilan na pwedeng ibenta sa milyon milyong halaga pero dahil nga sa buhay ito at may sariling isip ay nabibigo lahat ng masasamang loob na nakawin ito saakin.
Kumikilos ito at gumagalaw ayon sa gusto niya at hindi 'yon normal ayon sa turo ng eskwelahan tungkol sa mga Spirit Item.
Pinatunayan lalo ni Pearl ang kaya nitong gawin nung exam ko sa eskwelahan na ito. Nagawa kong makapasa kahit na wala akong ginawa kundi tumayo lang sa harap at magkunwari na may ginagawa.
Pero kahit napahanga ang ilan sa nagawa ni Pearl sa battle exam ay bumagsak naman ako sa written at spiritual exam at dahil doon napunta ako sa lower section sa Class Z.
Kahit nasa lower section ako ay maayos naman ang ilang buwan kong pagpasok doon at medyo nakakasabay sa mga classmate ko hanggang sa dumating ang unang practical exam namin na nagaganap buwan-buwan at doon talagang nagbago ang buhay ko.
Pambihira si Pearl, hindi lang dahil may sarili itong pag iisip kundi dahil sa kakayahan na tinataglay nito na kayang mag-ibang anyo sa ibat-ibang bagay na gusto niya.
Lalo na tuwing sumasanib ito saakin dahil nagagawa nitong gawin akong malakas at matapang na tao pero hindi naman iyon permanente kaya bumabalik parin ako sa isang mahina at mahiyaing tao.
Maganda lang sa pandinig pero hindi ko 'yon gusto dahil marami ang siga sa eskwelahan na ito na gusto ang pakikipaglaban at lalo na ngayon na kumalat na ang balita tungkol sa insidente kaya tiyak na hindi nila ako titigilan.
Pero maliban sa mga negatibong pagkakakilala ng mga tao saakin bilang basagulera, may maganda namang bagay na nangyari saakin at iyon ang paglipat ko sa Elite Class kung saan pumapasok ang mga henyo at nangungunang mga estudyante sa boung paaralan.
Magandang bagay iyon dahil nabigyan ako ng mala-hotel na kwarto kagaya nito at mas lumaki ang allowance na ibinibigay nila saakin ng triple.
Sa mga naririnig ko sa ibang estudyante ay mga maimpluwensya at makapangyarihang tao ang mga miyembro ng Elite at balita ko mga magaganda at gwapo sila.
Hm... Sa mga paglalarawan ng mga tao ay parang napakaperpekto nila pero ano kayang klaseng mga tao ang mga miyembro ng Elite?
"Arghh!! Lalo akong nahihiya dahil kahit saang tignan ay hindi ako nababagay sa classroom na iyon," sigaw ko habang nag hahanda at isinusuot ang uniform.
Maraming bumabagabag sa isipan ko at nilalamon ako ng kaduwagan pero ano pa ba ang magagawa ko kundi pumasok doon kasama nila.
Kasalanan ito lahat ni Pearl na palaging nagdadala saakin sa kapahamakan. Hiling ko lang sana ay maging maayos parin ang takbo ng lahat.
"Nanlalambot ako kapag naiisip ko ang tungkol sa kanila," biglang sambit ko habang napapabuntong hininga.
Siguro naman hindi mahirap ang maging parte ng Elite. Basta uulitin ko lang ang pakikibagay at gawin ang best ko kagaya ng ginagawa ko sa class Z.
"Tama, kaya ko ito," Matapang na sambit ko habang binubuksan ang pinto palabas ng unit ko upang pumasok.