PROLOGUE

"Ang damot Mo!" sigaw ni Sasha habang luhaang nakatingala
sa madilim na kalangitan at nagbabadya ang papalapit na ulan.
Pero hindi natinag ang dalaga.

"Oo, hiniling ko ito. Pamilya na bubuo sa akin.
Pero bakit 'di Mo pa nilubos? Sinamahan Mo sana ng pagmamahal.
Hindi ganito na unti-unti nila akong pinapatay!"

Iiling-iling na tila 'di makapaniwala sa kanyang sinapit.
Pinapasadahan ng tingin ang mga brasong puno ng pasa
at sugat na hindi naghihilom.
Walang araw na hindi siya binubugbog na tila kasiyahan
ng gawin ng pamilyang kumopkop sa kanya.

Sa tuwing tatakas siya, namumulatan niya ang sariling
nakakadenang muli sa harapan ng mga ito.

"Huli na! Huling beses ko nang makikitang nakaposas ang aking mga kamay,"
sambit ni Sasha sabay talon sa tulay kasabay nang malakas na pagkulog
at pagkidlat na animo'y isang babala at tanglaw niya sa dilim na tatahakin.

Napapikit siya at unti-unting naramdaman ang paglutang.
Sumilay ang ngiti sa kanyang labi.
Ngiting magpapawakas sa kanyang paghihirap.

"Sasha!" sigaw na nagpamulat ng kanyang mga mata.
Nanlalaki ang paningin nang mamataan ang paligid.

"Pa-Paanong?" takang tanong niya nang magisnan muli
ang sarili sa lugar na kanyang isinumpa bago tumalon sa tulay.

"Oo, tama ang nakikita mo! Ano sa akala mo? Na makakatakas ka?
Dito ka lang habambuhay!" tinig na tila tanikalang gumapos muli sa kanyang puso.

Hindi na niya mabilang kung ilang sampal ang dumapo sa kanyang pisngi.
Manhid na ang kanyang katawan sa ganitong senaryo.
Kaya kahit ang mga luhang nagnanais makawala ay marunong magpigil.

Matapos pagsawaang parusahan, iniwan siyang duguan at puno ng latay.
Ramdam niya ang lamig na nanunuot sa kanyang kaibuturan
mula sa kinalulugmukang sulok. Nanatili siyang tulala at
hinayaang makawala nang tuluyan ang mga luhang kumakatok sa talukap ng kanyang mga mata.

"Nakahanda na ako, pero bakit 'di Mo pa ako hinayaan," sumbat niya sa Itaas.
"Gustong-gusto kong paniwalaan na totoo Ka gaya ng sabi ni Mama.
Na nariyan Ka lang kahit 'di kita nakikita.
Pero nasaan Ka ngayong kailangan kita? Kahit ilang beses akong kumatok sa Iyo,
ni minsan ay hindi Ka nagparamdam! Kasinungalingan! Hindi Ka totoo!
chen Creator