Episode 8
Hatinggabi na nang matapos ang okasyon.
Nahihimbing na ang lahat pero hindi si Sasha na nananatiling nakatitig sa kisame.
Ang daming naglalaro sa kanyang isipan.
Tila isang jigsaw puzzle na kailangan niyang mabuo para masagot ang kanyang mga katanungan.
Hindi niya inalintana ang rebelasyong narinig sa naganap na tensyon sa loob ng party.
Maging ang koneksyon nito bilang sagot sa mga tanong tungkol sa kanyang panaginip.
At lalong wala siyang ideya na may kamalayan ang mga magulang niya sa grupong laman ng kanyang bangungot.
Bata pa lamang siya nang magsimulang dalawin ng kakaibang panaginip.
Nagpatuloy ito hanggang sa kasalukuyan na tila bumuo na ng isang nobela.
'Mafia', katagang paulit-ulit na umalingawngaw at nasasambit sa tuwing magigising siya.
Napahawak siya sa bandang itaas ng kanyang labi nang maramdaman ang likidong dumadaloy mula roon.
"Not again," sambit niya sa sarili.
Nagmadaling tumungo siya sa banyo. Naiiling na pinahid ang dugong umagos mula sa kanyang ilong.
"Ano ang nangyayari sa akin? Bakit kinakailangan ko itong danasin?" mangiyak-ngiyak niyang tanong sa sarili.
Bakas ang pamumutla at ang panghihina mula sa mukha ni Sasha nang makalabas ng banyo.
Napahawak siya sa kanyang tiyan nang maramdaman ang pagkalam ng sikmura.
"Hindi nga pala ako nakakain nang maayos kanina," aniya.
Inayos muna niya ang sarili at saka marahan na lumabas sa kanyang silid.
Buong ingat siyang naglakad sa may salas upang hindi makalikha ng ingay.
Malapit na siya sa may kusina nang makarinig siya na tila may umiiyak mula sa isa sa mga silid.
Sa halip na dumiretso sa kusina ay takang sinundan na lamang ang pinagmumulan ng hikbi.
Nang malapit na niyang matunton ang pinagmumulan ng iyak ay bigla namang naglaho ang ingay.
Nagpalinga-linga siya hanggang mapansin ang kumikislap na liwanag mula sa 'di kalayuang silid.
Tinunton niya ito at marahang itinulak ang nakaawang na pinto.
Madilim kaya maingat niyang kinapa ang swtich ng ilaw.
Nang magliwanag, bahagya siyang napaatras.
Awang ang mga labi at 'di makapaniwala sa nakikita.
"Katana . . ." bulong niya.
Mariin siyang pumikit sa pag-aakalang panaginip lamang ito.
Tinapik-tapik pa ang nanlalamig niyang pisngi upang makasiguro.
"Totoo ba ito?" tanong niya nang muling imulat ang mga mata.
Manghang nilapitan niya ang kumikislap na katana.
Nangangatal na dinama iyon hanggang mapangiti.
"Ang ganda mo! Mas maganda ka pa kaysa sa mga napapanaginipan ko," buong paghanga niyang sambit.
Hindi napigilan ni Sasha na kunin ang katana na nasa lamesang
pinasadya na sakto sa lapad at ganda ng disenyo.
Napangiwi pa siya sa 'di inaasahang bigat nito.
'Di kalaunan ay nakontrol na niya ang tamang paghawak.
Napatitig si Sasha nang husto sa hawak na katana nang masilayan ang sariling repleksyon mula rito.
"Maawa ka," daing na nagpalingon kay Sasha mula sa may pintuan.
Kaagad niyang hinanap ang pinagmumulan ng tinig.
Laking gimbal niya nang maaninag ang mga anino sa dulong bahagi ng pasilyo.
Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa mga ito.
Mula sa sahig, umangat ang kanyang paningin.
Nanlaki ang mga mata sa tagpong kaniyang nasisilayan.
Malayo man ay aninag niya ang pamilyar na nagmamay-ari
ng isa sa mga anino.
"A-Aling Tasya!" gulat niyang bigkas.
Sakal-sakal ito sa leeg ng bultong balot na balot ng itim na kasuotan.
Hindi niya masiguro kung lalaki ito o babae.
Ngunit nanindig ang kanyang mga balahibo sa takot
dahil unang beses niyang maharap sa ganitong sitwasyon.
Umurong ang kanyang dila at 'di malaman kung ano ang dapat gawin.
Luhaang nakasandal sa pader ang matanda dahilan
kung bakit hindi nito magawang makahingi ng tulong.
Lalong ikinagulat ni Sasha nang mabasa ang nakatato sa kaliwang
pulsuhan ng pangahas, 'LAM', gaya ng nasa kanyang panaginip.
"A-Aling Tasya!" sigaw ni Sasha nang tuluyang makalapit sa mga ito.