Title: Sasha Queen
Episode 1
LIBANGAN na ni Cassandra ang magbasa ng libro bago matulog.
Isa sa paborito niyang basahin nang paulit-ulit ang akda
ng kanyang yumaong lolo, 'Aral Ng Buhay'.
Matapos maisandal ang likod sa headrest ng kama,
sinimulan na niya ang pagbabasa nito.
"Hindi man kayang baguhin ang kapalaran,
magagawa pa ring sabayan ang agos nito.
Paghandaan at gawing matatag ang sarili upang buo
ang loob na harapin ang anumang pagsubok.
Dahil bawat isa'y may itinatagong kahinaan.
Hindi lang sa isip, sa puso maging sa materyal na bagay.
Mapanukso at madaling matukso. Manakit at masaktan.
Kabiguang magpapalubog sa kadiliman.
Ang pagkasira ng tiwala ay simbolo ng kaduwagang lumaban ng patas.
Walang tiyaga at mapaghangad. Pagiging ganid na maging kaluluwa'y kayang isanla.
Kung saan sa ngalan ng salapi, ang mali ay nagiging tama.
Ang huwad ay napapamukhang orihinal.
At sa panahong halos walang natira sa 'yo,
doon malalaman ang mga taong tapat at totoo."
Napahawak sa kanyang dibdib ang dalaga
matapos mabasa ang ilang bahagi.
Kakaiba ang biglaang pagbilis ng tibok ng kanyang puso.
Tila may nagbabadyang panganib na kailangan niyang paghandaan.
Ilang sandali pa'y nakatulog siyang puno ng alalahanin ang isip.
NAPABALIKWAS ng bangon si Cassandra mula sa ingay na nagmumula sa labas.
Hinayaan niyang nakabukas ang bintana ng kanyang kwarto ng gabing iyon
kaya rinig na rinig niya ang kabilaang ingay mula
sa mga sasakyang tila nagkakarerahan.
Tuluyang nagising ang kanyang diwa nang masaksihan
ang mala-pelikulang pakikipagbarilan ng mga pulis
sa mga hinahabol nilang kalalakihan na nakasakay sa motorsiklo.
Bahagyang siyang napaatras nang sunod-sunod na pagsabog ang naganap.
Pinagliwanag nito ang may kadilimang paligid.
"Oh my God!" nanlalaki ang mga matang sambit ng dalaga.
Kahit normal na ito sa kanilang lugar,
'di pa rin maalis sa isip niya ang matakot at kabahan.
Kaagad niyang pinuntahan ang silid ng mga magulang.
Hindi na niya nagawang kumatok pa sa sobrang kaba.
Naabutan niya ang mga ito na nakatunghay rin sa gawing bintana.
Iiling-iling na nakamatyag sa mga naging ganap sa labas.
Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ng kanyang ama bago nagsalita.
"Tsk! Tsk! Nakorner ng pulis ang ilan habang nakatakas naman ang iba.
Hindi basta-basta ang mga armas.
Matataas at de kalibre na tanging sa black market lamang makikita.
Ibig sabihin ay hindi ordinaryong gang ang tinutugis ng mga pulis.
Posibleng miyembro ng Mafia ang mga ito."
"Mafia?" takang tanong ni Cassandra.
"Huwag mo na itong alamin, anak.
Malalagay lamang sa peligro ang iyong buhay kapag nalaman mo.
Mag-iingat ka sa mga taong iyong makakasalamuha.
Mahusay silang manamantala ng kahinaan ng iba,"
makahulugang saad ng kanyang ama.
Aninag ang lungkot sa mukha nito na lalong nagpaisip sa dalaga.