Episode 4

"Lolo!" sigaw ni Sasha.

Patakbong niyakap ang dalawang matanda.
Bakas ang tuwa at galak sa kanilang kilos.

"Happy birthday, 'Pa," bati ni Cassandra sa ama na
tila nahihirapang huminga dahil sa mahigpit na pagkakayakap ni Sasha.

"Apo, parang gusto ko ng magtampo," biro ni Donya Antonia.

Natatawang kumalas ng yakap sa kanyang lolo si Sasha
at binalingan ang lola upang yakapin din nang mahigpit.

"I miss you, 'La," bulong nito sa matanda.
Banayad na hinaplos-haplos ng Donya ang malambot nitong buhok.

"Kailan lang ay kinakarga pa kita. Ngayon, kaya mo na akong buhatin.
Thanks God dahil hinayaan pa Niya kaming masaksihan ang iyong paglaki.
At sana'y maabutan pa rin namin ang aming apo sa tuhod sa 'yo."

Bahagyang naubo si Sasha sa narinig. Tila iisa ang isip ng mga tao
sa kanyang paligid, ang kanyang pag-aasawa.

"Ayaw n'yo na ba sa akin at ipinamimigay n'yo na ako?"
nakangusong tanong ni Sasha habang nakayakap pa rin sa kanyang lola.

"Hindi naman, apo. Maiksi lang ang buhay at hindi natin hawak ang ating oras.
Hayaan mong kilalanin mo pang lalo ang iyong sarili. Mahal na mahal ka namin.
Kaya kahit ano ang mangyari, magkamali ka man sa buhay na iyong tatahakin,
nandito pa rin kami. Hindi ka namin tatalikuran," singit ni Don Theodore.

Naiiyak sa tuwa si Sasha nang mag-angat ng paningin. Muling niyakap ang kanyang lolo.

"Happy birthday, 'Lo," bati niyang muli. "And thank you."

"Maligayang kaarawan, kumpadre!" tinig na nagpagising sa kamalayan ni Sasha.

Bahagyang dumistansya sa kanya ang Don habang nakakuyom ang kamao.
Hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Sasha na ikinanuot ng kanyang noo.
Kapansin-pansin din ang paglapit ng ilang security sa kanila na kaagad
namang sinenyasan ng Don na huminto.

"Long time, no see!"

Nakaramdam ng takot si Sasha nang tuluyang mapagmasdan ang
hitsura ng pinagmulan ng tinig. Malapad ang katawan na halos 'di makayuko.
May tungkod na animo'y espada sa haba at nipis.
Nanlaki lalo ang kanyang mga mata nang mabasa ang katagang 'L.A. Mafia'
sa bandang leeg nito. Maliit ang mga letra pero maliwanag niya itong nabasa.

"L.A. Mafia . . ." ulit ni Sasha sa isip.
chen Creator