Episode 3
Magiliw at malapit sa lahat ang mag-asawang Cassandra at Lucas
sa kabila ng taglay nilang yaman at karangyaan.
Natural ang kanilang kabaitan na kinagigiliwan ng lahat.
Kaya 'di nakapagtatakang nabubuhay ang inggit at selos sa puso ng ilan.
Harap-harapan man silang sungitan, sinusuklian pa rin nila ang mga ito ng kabaitan.
Hindi alintana ang mga pasaring na naririnig bagkus bukas palad nilang niyayakap ang mga ito.
Taliwas sa opinyon ng matandang Don ang lahat.
Ikinakabahala nito na maaring abusuhin ng mga sakim ang kaluwagang ipinapakita ng mag-asawang Antonov.
NAGLAHO ang agam-agam ng dalawang matanda sa pagdating ni Sasha Qynth.
Ang anak ng mag-asawa Antonov at kaisa-isang apo na tagapagmana ng lahat na ari-arian ng kanilang angkan.
Natural ang pagiging magiliw nito sa lahat ng mga taong nakapaligid sa kanya
gaya ng kanyang ina na si Cassandra.
Sa edad na labing walo, hindi kakikitaan ng pagbabago ng ugali at
gawi sa kabila ng angkin nitong ganda at yaman.
Bagay na ipinagmamalaki ng mag-asawang Cassandra at Lucas.
Nahubog sa magandang asal ang kanilang prinsesa.
Larawan ng perpektong mundo ang pamilyang nilang napapalibutan ng pagmamahal.
Walang away, walang gulo. Pawang ngiti ang masisilayan sa apat na sulok ng kabahayan.
MALAYO pa lang ay rinig na ni Cassandra ang matinis na halakhak ni Sasha.
Kasiyahang nagdadagdag kulay sa kanilang tahanan.
"Are you ready?" tanong ni Cassandra kay Sasha nang tuluyang makalapit dito.
Mabilis na napalingon sa kanyang gawi ang anak at sinalubong siya ng ngiting abot hanggang tainga.
"Sobra po akong excited, 'Ma," tugon nito habang nakayap sa ina.
"Ready na ba ang aking mag-ina?" singit naman ni Lucas na 'di nila namalayang nasa tabi na nila.
"'Pa!" sigaw ni Sasha. Kumalas ito ng pagkakayakap mula sa ina upang maglambing sa ama.
Tinakpan ni Lucas ang kanyang magkabila tainga saka pabirong nagwika,
"Sumabog yata ang eardrum ko sa sigaw mo, anak."
"Papa naman," nakangusong saad ni Sasha habang bahagyang napapadyak sa sahig na animo'y bata.
"Anak, dalaga ka na. Soon bubuo ka na rin ng sarili mong pamilya.
Kaya maiintindihan namin ng iyong Mama kung 'di ka na masyadong kikilos na parang bata."
Lumipat ng yakap sa ina si Sasha matapos marinig ang pahayag ng ama.
Pasimple namang hinampas ni Cassandra si Lucas sa braso nito habang naiiling.
Maliit na bagay pero ikinakatampo agad ito ni Sasha.
Pakiramdam niya'y ayaw na ng ama sa kanya dahil sa palagiang pagpapaalaala nito ang pag-aasawa.
"Huwag ka ng magtampo, anak. Nagsasabi lang ng totoo ang iyong ama," paliwanag ni Cassandra.
"Pagpasensyahan mo na ako, anak. Mabuti pa'y umalis na tayo habang may liwanag pa.
Siguradong maraming bisita ang iyong lolo," yaya ni Lucas sa kanyang mag-ina.
Makailang sandali pa'y nasa bulwagan na sila ng kinamulatang tahanan ni Cassandra.
Ang ISLA RETOVIA, 'Balandin Chateau'.
Mala-kastilyong tahanan na nakatayo sa pinasadyang isla.
Napapaligiran ng lawa na tila brilyanteng kumikinang sa linis ng tubig.
Sa lawak ng nasasakupan, kinakailangan mong pagmasdan ito
mula sa himpapawid upang makita ang kabuuan nito.
Kumikislap ang mansyon sa liwanag dahil sa pagdiriwang ng
ika-75 kaarawan ni Don Theodore Balandin.
Mula sa aerial view matatanaw ang sunod-sunod na pagdating ng mga sasakyan
na animo'y mga langgam sa haba ng pila.
Gaano man karami, hindi ito hadlang upang makapasok ang lahat sa isla.
May basement park na sadyang ipinagawa para sa ganitong okasyon.
Sa loob ng bulwagan, mamataan ang matandang Don na matikas na nakaantabay
sa mga paparating na bisita.
Ngunit bago pa man makalapit ang lahat sa Don,
may mga opisyal itong sumasala sa mga panauhin for safety measure and possible threat sa pamilya.