EPISODE 9
Napalingon sa kanya ang bultong
sumasakal kay Aling Tasya.
Hindi ito natinag sa kanya.
Sa halip ipinilig lamang nito ang ulo
habang nanatiling hawak ang leeg ni Aling Tasya.
Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa.
Natuon ang paningin sa katanang hawak-hawak niya.
Napaatras si Sasha habang lumilikha ng ingay sa sahig ang bitbit niyang katana.
Sa pagmamadali ay nawala sa isip niyang ibalik ito sa kinalalagyan kanina.
“Aahh!” daing muli ni Aling Tasya nang bigla siyang bitiwan ng taong sumasakal sa kanya.
“Hah! Hah . . .” habol hiningang anas ni Aling Tasya.
Hawak-hawak ang sariling leeg, nagpupumilit si Aling Tasya na gumapang palapit kay Sasha.
“Sa-Sasha . . . tak-takbo . . .”
Ngunit mabilis na pinigilan si Aling Tasya ng estranghero.
“Aaahh!” sigaw muli ni Aling Tasya
nang tapakan ng estrangehero ang bandang leeg nito.
Tuluyang hindi na nagawang makalapit pa kay Sasha ng matanda
nang unti-unting lumaylay ang kamay nito sa sahig.
Awang ang mga labi at luhaang napatulala na lamang si Sasha
sa walang buhay na si Aling Tasya.
Gusto man niyang sumigaw pero walang
boses na lumalabas sa kanyang bibig.
Sa muling pagtatama ng mata nila ng estranghero,
tila nahipnotismo si Sasha dahil ’di na siya nakakilos pa.
Malaya itong nakalapit sa kanya at naging
sunod-sunuran ang katawan sa ipinapagawa ng kaharap.
Nagawa rin nitong papikitin ang dalaga na animo’y naglalakad ng tulog.
“SASHA!” sigaw ni Cassandra na nagpagising sa diwa ng dalaga.
Manghang napalingon si Sasha kay Cassandra na
takip-takip ang nakaawang na bibig.
Iiling-iling at urong-sulong ang paglapit sa kanya.
“A-Anak! What have you done?” mangiyak-ngiyak na saad ni Cassandra
habang nakatitig sa kinaroroonan ni Aling Tasya.
Kunot-noong nilingon ni Sasha ang tinititigan ng ina.
Bakas ang gulat at takot sa mukha nito na labis ding ipinagtaka ng dalaga.
“A-Ano'ng—” katal na saad ni Sasha.
Gayon na lamang ang kanyang pagkagulat nang makitang
duguan ang matanda sa kanyang harapan.
Sa muling paglingon ni Sasha sa ina, nanlalaki
ang mata nitong nakatitig sa kanyang kanang kamay.
“Ba-Bakit m-may du-dugo?” buong pagtatakang tanong ni Sasha sa sarili
nang iangat niya ang kanyang kanang kamay.
Nanginginig ang kanyang labi at nangangatal ang daliri
na ikinabitaw niya sa duguang katana.
Tila nabuhusan ng malamig na tubig si Sasha nang mapagtanto ang lahat.
“N-NO! A-Ano ang nangyari?
M-mama? Hin-Hindi ako! Hindi ko siya pinatay! Hindi ako! Hindi ako!” sigaw ni Sasha
habang nakatitig sa kamay niyang may bahid ng dugo.
Walang patid ang kanyang pag-iling kasabay ng luhang walang patid na naglandas sa namumutlang pisngi.