Episode 10
Unti-unting napaatras si Sasha pasandal sa pader.
Nangingnig na iniangat muli ang duguang mga kamay.
Panay ang iling na nakipagtitigan kay Cassandra.
“Hin-Hindi, Mama. Hindi a-ako ang pu-pumatay kay A-Aling Ta-Tasya . . . Hindi ko iyan magagawa!”
“SASHA!” sigaw ni Lucas kasabay ng pagliwanag ng paligid.
Patakbong nilapitan nito si Sasha.
Niyakap ang namumutlang anak habang napapatitig sa katanang namumula sa dugo.
Laylay naman ang mga brasong napasubsob sa leeg ng ama si Sasha.
“Pa-Papa . . .” hagulhol nito habang pinapakalma siya ni Lucas.
Marahang inakay ni Lucas ang anak sa isang sulok.
Inalalayang maupo ang dalaga saka bumaling sa namumutlang asawa.
“Hon, stay with her,” utos ni Lucas kay Cassandra.
Doon lamang tila natauhan din ang huli at nagmamadaling nilapitan ang nanginginig na anak. “Keep her awake.”
Pinuntahan at pinagkatitigan ni Lucas ang walang buhay na si Aling Tasya.
Kunot-noong sinilip nito ang bandang leeg ng matanda.
Palipat-lipat ang paningin sa sapin ni Sasha sa paa at muli sa leeg ng kaharap.
“F**k!” mariing sambit ni Lucas. Kuyom ang mga kamaong tumayo habang pinapasadahan ng tingin ang paligid.
“Huwag na kayong mag-alala. Hindi si Sasha ang gumawa nito!” mariing pahayag ni Lucas.
Mahigpit na nagyakapan ang mag-ina sa narinig.
“Mama . . .” bulong ni Sasha sa pagitan ng hikbi.
“Sshh . . . anak. Malilinawan din ang lahat.
Narinig mo ang sinabi ng iyong Papa.
Hindi ikaw ang may gawa nito at naniniwala rin akong ’di mo ito magagawa.”
Haplos-haplos ni Cassandra ang likod ni Sasha habang nakatingin kay Lucas na nanggigigil sa pagtipa sa telepono.
“MIKHAIL!” tawag ni Lucas sa head security ng mansiyon. “MIKHAIL!” ulit nito habang paikot-ikot sa paligid.
“S**T!” mura ni Lucas nang makita ang cctv na nakabaling sa ibang direksiyon.
Kaagad nitong binalikan ang namumutlang si Sasha.
“A-Anak, may nakita ka ’di ba?” tanong ni Lucas na sinagot ng tango ng dalaga.
“Huwag mo siyang hahayaang makatulog.
May pinapunta na akong awtoridad. Kailangang maayos at malinis ang pangalan niya,” sambit nito kay Cassandra
habang hinahaplos ang buhok ng anak. Luhaan man ay nakangiting tumango-tango ang huli sa sinabi ng asawa.
“Si-Sir?” hinihingal na saad ni Mikhail na nagpatayo kay Lucas.
Kasunod ni Mikhail ang mga kasambahay na marahil ay nagising mula sa sigaw ni Lucas.
Nahinto sa paglapit ang mga ito nang makita ang nakahandusay na mayordoma.
Napatakip sila sa kanilang bibig habang nanlalaki ang mga matang nagpalipat-lipat ng tingin sa paligid.
“IKAW! Paano kayo magbantay? May nakapasok dito ng ’di n’yo nalalaman! Nasaan ang mga guwardiya?” sermon nito kay Mikhail.
“CASSANDRA!” sigaw mula sa ‘di kalayuan na nagpalingon kina Lucas— ang matandang Theodore kasunod ang asawa na si Antonia.
Nagsitabi sa gilid ang mga kasambahay. Ganoon din ang mga guwardiyang kararating lang.
Mabilis namang nakalapit si Lucas sa dalawang matanda.
Pinatigil muna nito sa paglapit ang dalawa sa pag-aalalang baka atakihin sa puso ang mga ito sa matutunghayan.
“Papa . . .” panimula ni Lucas habang nagngangalit ang mga bagang.
“May nakapasok.” “A-Ano ang ibig mong sabihin?”
Kunot-noong nakipagtitigan si Theodore kay Lucas.
Unti-unting umalis ang huli mula sa pagkakaharang sa mga ito.
Tumango siya bilang pag-anyayang sumunod ang mga bagong dating sa kinaroroonan ng mayordoma.
“Ta-Tasya!” halos panabay na sambit ng dalawang matanda nang tuluyang makita ang sinapit ng mayordoma.
Nananatiling awang ang mga labi ng mga ito habang palipat-lipat ng tingin sa mga nasa paligid.
“Lu-Lucas! Si-sino ang may gawa nito?” sigaw ni Don Theodore.
“Ba-Bakit nandito ang katana ni Akihiro?”
“A-Anak? A-Apo?” gulat na gulat na saad naman ni Donya Antonia ng mapatingin sa mag-ina.
“Huwag kayong mag-alala, Papa. Nasisiguro kong walang kinalaman si Sasha rito,”
pagpapakalma ni Lucas na ikinahinga nang maluwag ni Donya Antonia.
Nakipagtitigan si Lucas kay Don Theodore na tila nag-uusap sila sa isip.
“Isang ninja assassin ang may gawa nito,” diretsong saad ni Lucas.