Episode 5
Napapikit nang mariin si Sasha matapos makasigurong tama ang
pagbasa niya sa nakatato sa leeg ng bisita.
Ilang beses siyang napalunok sa isiping nasa harapan niya
ngayon ang isang miyembro ng grupong kinatatakutan ng lahat.
"L.A. Mafia . . ." ulit ni Sasha sa kanyang isip.
Batid niya ang lahat-lahat tungkol sa mga grupong ito.
Ito ang isa sa pinag-aaralan niya ngayon na lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang.
Lalong nagpakunot sa noo ni Sasha nang mapansin na tila may hidwaan ang magkabilang panig.
"They know each other?" tanong ni Sasha sa sarili.
Napahawak siya sa kanyang dibdib na tinatambol ng kaba.
Hindi pa man ay tila nagbabadya na ng gulo ang presensya ng mga taong nasa harapan nila ngayon.
"Behave yourself, Dimitri!" maawtoridad na saad ni Don Theodore.
"Relax, kumpadre . . . este ex-kumpadre. Pagpasensyahan mo na
at 'di ko pa rin maalis sa akin na tawagin kang kumpadre.
Akalain ko bang sa pipitsugin kong pamangkin mo ipapakasal ang iyong anak kaysa sa aking anak."
Umiling-iling ito habang gumagawa ng ingay sa sahig gamit ang mala-espadang tungkod.
"Hanggang ngayon pa rin ba'y 'di ka marunong tumanggap ng katotohanan, Tito.
Kung natanggap ni Aleexev ang lahat, dapat ganoon ka rin," singit ni Lucas
habang pilit na inihaharang ang katawan sa kanyang mag-ina.
Iniangat ni Dimitri ang tungkod papunta sa dibdib ni Lucas na nagpakaba lalo sa mga nakapaligid.
"Papa!" nanlalaki ang matang sambit ni Sasha.
Palapit siya sa ama pero mahigpit siyang pinigilan ni Donya Antonia.
Mangiyak-ngiyak siyang napatitig sa kanyang lola.
"Don't worry, hija," bulong ni Donya Antonia kay Sasha.
Pasimple niyang inilalayo sa mga kasama ang apo upang
'di na marinig pa nito ang ilang 'di kaaya-ayang komosyon.
"Si-Sino sila, Lola? Bakit may nakatato sa bisita n'yo na L.A. Mafia? Mafia sila, Lola?"
sunod-sunod na tanong ni Sasha.
"Huwag kang mag-alala, hija. Nag-uusap lamang sila at mamaya ay ayos na ulit sila,"
pampakalma ni Donya Antonia sa apo.
Hindi nakaligtas sa paningin ni Dimitri ang pagdistansiya ng mag-lola.
Nginitian muna niya ang mga ito bago ibinalik ang atensyon kay Lucas.
"Tingnan lang natin kung hanggang saan ang tapang mo, pamangkin, sa oras na iharap ka kay Primo," banta nito.
"Hindi mangyayari ang gusto mo," matigas na tugon ni Lucas.
Kuyom ang mga kamaong nakipatitigan sa kaharap.
"Hindi mo matatakasan ang katotohanang kadugo ka namin,"
makahulugang saad ni Dimitri na sinundan pa ng nakakalokong ngiti. "Iisa ang budhi natin . . ."