(oneshot part 1)
“Anak, saan ka na naman nanggaling?”
bungad sa akin ni Ina nang makapasok ako sa aming tahanan.
“Sa hangganan ho, Ina.”
Nakayuko ako at pilit na ikinukubli ang aking mukha.
“Alam mong ‘di mo ako kayang paglihiman, anak.
Kaya ngayon pa lamang ay magsalita ka na,”
mariing saad nito na ikinatunghay ko.
“Ina . . .” maluha-luhang sambit ko.
“A-Anak! Umiibig ang aking anak sa isang mortal!”
bulalas ni Ina sa akin.
Hindi ko na ikinagulat pa ang sinabi ni Ina.
Isa ito sa kapangyarihang taglay naming mga engkanto,
ang alamin ang katotohanan mula sa aming mga mata.
“Pa-Patawad, Ina.
Hindi ko po sinasadya na mahulog nang husto
ang aking kalooban sa isang mortal.
Iniibig ko na siya, Ina. Iniibig ko,” pag-amin ko.
“Anak, alam mo ang kapalarang naghihintay sa ‘yo
at sa amin dahil sa iyong kapusukan,”
malungkot na pahayag ni Ina.
Napahawak ito sa kanyang dibdib
kasabay ng paglandas ng luha sa pisngi nito.
“Alam ko po, Inay.
Sinubukan ko siyang iwasan at kalimutan
ang nararamdaman ko pero
hindi na siya maalis sa aking puso’t isipan.”
“Kung ganoon, humayo ka at ipabatid ito
kay Haring Gideon.
Ang kusa mong pag-amin ay makapagpapagaan
ng parusang nakaatang sa ‘yo.”