Episode 7

Pagod na pagod at uhaw na uhaw nang makarating kami sa tahanan ni Rosa.
Nakakapanibago dahil kailanman ay 'di kami nakakararamdam ng ganito sa aming lugar.

Ilang sandali pa ay inabutan kami ni Rosa ng pagkain.
Napatitig ako sa hawak niya.
Hindi ko alam kung dapat ba naming kainin ang dala niya.

Napansin ni Rosa ang aking pag-aalinlangan kaya kumain siya sa aming harapan.
Titig na titig din sa kanya ang aking mga gabay.
Hanggang nakita ko na lamang ang aming sarili na kumakain katulad ni Rosa.

Hindi maalis-alis ang aking pagkamangha kay Rosa.
Wala siyang kapaguran na tinuturuan kami na maging tulad niya.

Patayo na ako nang bigla akong nakaramdam ng kakaibang init sa dibdib.
Nagmumula ang hapdi mula sa suot kong kwintas na palihim na iniabot sa akin ni Haring Gideon.
Hindi ko na naitanong pa kung para saan iyon.
Pero sa pagkakataong ito batid kong may kinalaman ito sa aming parusa.

Hindi ko nakayanan ang init kaya inalis ko ito sa aking katawan.
Kusa itong lumutang habang nagniningning. Unti-unti ring nagbago ang hugis nito.

"Ang tanikalang ginto ng Hari!" sigaw ni Amang gabay.

Namangha ako sa aking narinig.

"Ba-Bakit ibinigay iyan sa akin ng Hari?"

Bago pa man sumagot si Ama, tila may kamay na humila sa amin upang magdikit-dikit.
Si Ina, si Ama, si Diwatang Eigram at ako.

Napatakip na lamang ng bibig si Rosa sa nasasaksihan.
Tuluyang siyang naluha nang inikutan kami ng tanikalang ginto.
Hindi kami makagalaw.
Hanggang maramdaman kong unti-unting bumabalik kami sa anyong engkanto.

At bilang engkanto, hindi kami pumapasok sa bahay ng mortal.
Hinahanap ng aming katawan ang kalikasan.
Kaya ganoon na lamang ang pagwawala naming lahat na makaalis mula sa pagkakagapos.

"Huminahon kayo! Huwag n'yo ng pilitin pang makatakas.
Magiging delikado ang buhay n'yo kung makikita kayo ng aking kabaryo," pakiusap ni Rosa.

Nagbigay liwanag sa akin ang pahayag ni Rosa.
Marahil alam ng Hari na mangyayari ito kaya ipinagkaloob niya sa akin ang kanyang tanikalang ginto.

"Napakabuti ni Haring Gideon," sambit ni Diwatang Eigram. "Hindi ka pa rin niya pinabayaan."
chen Creator