Episode 9
Nagawa naming mamuhay ng normal.
Masaya dahil bago sa amin ang lahat.
Lalo na ang pagmamahalang pinagsasaluhan namin ni Rosa.
Panatag ang loob kong magpapatuloy kaming payapa at tahimik.
Ngunit hindi pala. May hangganan din ang lahat.
Habang mataman akong nakatitig sa labas ng bintana,
dahan-dahang akong nilapitan ni Rosa.
“Cha-ad, mahal ko,” sambit ni Rosa habang nakayakap sa akin.
“Ano ang nasa isipan mo, mahal ko.”
Hindi ko maitago ang saya nang marinig ang malamyos niyang tinig.
Tila musika na nagpapakalma sa akin.
“Salamat sa lahat ng ito. Humihingi rin ako ng kapatawaran sa gulong dulot ko.
Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung sakaling mapahamak ka.”
Napayuko ako matapos ipabatid sa kanya ang gumugulo sa aking isipan.
“Huwag kang mag-alala, mahal ko. Ligtas kayo rito.
Walang ibang naninirahan dito maliban sa akin. Halika, ipapasyal kita.”
Nawili kami ni Rosa sa pamamasyal sa bayan.
Nagbabadya ang ulan kaya hindi ko namalayan at nakita ang pagkakaiba
ng kulimlim sa takipsilim.
“Ahh!” daing ko habang pauwi kami ni Rosa.
“Cha-ad!” sigaw niya habang sinusuri ang katawan ko.
Lakad takbo ang aming ginawa.
Ikinukubli ko ang aking mukha na unti-unting nagkukulay berde.
Hindi namin alintana ang mga mortal na aming nakakasalubong at nababangga.
Ang tanging nasa isip namin ay makalayo sa lugar na iyon at makauwi ng buhay.
Batid kong hindi lamang ako, ang aking mga gabay at higit si Rosa
ang mapapahamak sakaling masaksihan ng mortal ang aking tunay na anyo.
“Konti na lamang, mahal ko,” mangiyak-ngiyak na saad ni Rosa.
Nakahinga ako nang maluwag nang matanaw ang bahay ni Rosa.
Sarado ang buong kabahayan na animo’y walang tao.
Ngunit ang katotohanan ay nakatago roon ang aking mga gabay.
“Madali, mahal ko. Pakiramdam ko’y may nakasunod sa atin,” pahayag ni Rosa na ikinakaba ko.
“Hindi! Hindi maaari! Hindi pa ngayon!” sigaw ko habang namimilipit sa sakit.
Napahandusay na ako sa sahig sa sobrang panghihina.
“Patawad, mahal ko. Wala na tayong oras,” sambit ni Rosa.
Puwersahan niya akong hinila papasok sa silid kung saan gaya ko
ay nagsisimula na ring magbago ng anyo ang aking mga gabay.
Napapikit na lamang ako at hinayaan si Rosa na gawin ang nararapat
upang hindi kami makalayo at masaksihan ng mga mortal.
Luhaan si Rosa habang itinatali kami.
Halos hindi siya makatingin sa amin matapos masiguradong nasa maayos na kaming kalagayan.
Nanlalambot siyang napaluhod sa sahig.
Napapailing habang patuloy na umiiyak.
Hindi ko napigilan ang sariling maluha.
Berdeng luha ang sa aking mga mata ang naglalandas sa maugat kong pisngi.
“Rosa! Rosa!” sigaw mula sa labas na nagpa-angat ng paningin ni Rosa.
Palipat-lipat ang tingin sa pintuan at sa amin.