"Diwatang Eigram!" bulalas ko.
Nilingon ko sina Ama at Ina.
Haplos-haplos ni Ina ang likod ng aking ama.
Malamlam ang mata kong hinarap muli ang diwata.
"Patawad, Cha-ad.
Hindi ko nagampanan ang aking tungkuling paalalahanan ka.
Malaki ang aking pagkukulang na nararapat lamang sa
anumang parusang inyong igagawad."
Nakaluhod ito na paharap sa aking mga gabay.
Inilapat ni Ama ang kanyang kanang palad
sa kaliwang balikat ng diwata.
Maluha-luhang unti-unting tumayo si Eigram.
"Patawad Amang Gabay . . . patawad,"
malungkot nitong sambit sa amin.
"Humayo ka na at huwag nang babalik pa rito.
Hindi malayong mapagbalingan ka rin ng galit ng hari,"
pakiusap ni Ama kay Eigram.
"Huli na Amang Gabay.
Ipinabatid na ni Reyna Saith sa hari ang aking parte sa nangyari.
Ang presensya ko ngayon dito ay ang parusahang inilaan sa akin ng hari."
Napailing si Ama sa sinapit ni Diwatang Eigram.
Tulad ko'y daranasin din niya ang maparusahan ng hari.
"Aking Eigram . . ." himig na nagpalingon sa aking muli.
Palapit sa amin ang Inang Reyna ni Diwatang Eigram.
"Reyna Saith . . . " nakayukong saad ni Eigram.
Ilang segundong tinitigan nito ang aking kaibigan.
Napapikit ang reyna nang mariin kasabay ng luhang
tila kristal sa ningning.
Luhaan din si Eigram habang nakayuko.
Rinig ko ang hikbi nitong pilit na ikinukubli.
"Tanggapin mo ito, aking Eigram,"
saad ni Reyna Saith habang isinusuot ang kuwintas dito.
"Ito ang hiyas ng buhay.
Ang iyong ikalawang pagkakataon na makabalik dito
sa takdang panahon."
"Makakabalik akong muli aking Inang Reyna? Kami?"
manghang saad ni Eigram."
Malungkot na aura ang isinagot ng kaharap,
tumango-tango pero bahagyang umiiling.
"Ikaw lamang ang may kakayahang makabalik dito.
Ang iyong kaibigan at ang pamilya nito'y mananatiling
nasa ilalim ng kaparusahan ng kanilang lipi."
"A-Ano po ang inyong ibig ipahiwatig.
Ako'y tunay na naguguluhan.
Kung ito'y hiyas ng buhay, nararapat
lamang na makakasama ko sila pabalik dito."
Nanlalaki ang mga matang nakipagtitigan si Eigram
sa kanyang ina. Mga tinging naghahanap ng kasagutan.
"Ang hiyas ng buhay ay maaari isalba ang buhay gaya natin.
Ngunit kung ang pagkatao ay nilukob na ang puso ng
isang mortal wala itong halaga,"
pahayag ni Reyna Saith na ikinalungkot ni Eigram.
"Maibabalik sila rito at magiging ganap ang
epekto ng hiyas ng buhay kung ang sakripsiyo ng
isang mortal ay kusa.
Iaalay ang sarili nang buong puso at
walang pag-aalinlangan sa talon ng buhay,"
dugtong pa ni Reyna Saith na nagpatulala sa akin.
Ibig sabihin, bigo pa rin akong maitama ang lahat.
At malinaw na sa akin ang pasya ng hari . . .
lilisanin namin ang lugar na ito.