Episode 11
Sa tulong ni Diwatang Eigram nakalabas kami sa bahay at nakarating sa
kagubatan na hindi namamalayan ng mga mortal. Mabilis ang aming paggalaw na
tila hanging hindi nakikita. Huminto kami sa paglalakbay matapos masigurong malayo
na kami sa kinaroroonan ng mga tao.
Nanlalambot akong napaluhod at buong pagsusumamong nakipagtitigan sa
aking mga gabay.
“Alam ko ang nasa isip mo, Cha-ad. At alam ko rin na batid mong
ikapapahamak ni Rosa ang iyong pagbabalik,” paliwanag ni Inang gabay.
“Ngunit hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko nalalaman ang kanyang
kalagayan. Kailangan ko siyang makita. Kailangan kong makasigurong ligtas ang
aking si Rosa. Kahit sa huling sandali, hayaan n’yo akong makita at magpaalam
sa kanya.”
Handa na akong mabaon sa limot. Tanggap ko na, namin, ang pagbawi sa
aming buhay sa oras na makabalik kami sa lagusan. Kaya kahit hindi sila
sang-ayon alam kong pagbibigyan nila ang aking huling kahilingan.
Tumayo ako at tumalikod pabalik kay Rosa. Hindi ko hinintay pa ang
kanilang pagpayag.
“Cha-ad! Sandali! Huwag ka ng tumuloy. May nararamdaman akong enerhiya
mula sa mortal,” pakiusap ni Diwatang Eigram.
“Makinig ka, Cha-ad. Sa pagkakataong ito’y pipigilan kita. Hindi
maaaring matunton ng mga mortal ang lagusan pabalik sa atin. Sisirain nila ang
pananggalang at tiyak na magwawala si Haring Gideon. Masasaktan ang mga mortal
ng walang kalaban-laban!” mariing pahayag ng aking Amang gabay.
Natigilan ako sa aking narinig. Ito ang bunga ng aking kapangahasan.
Naghangad ako nang higit pa. May nasaktan at may masasaktan. Nakatungo ako
habang dumadaloy ang berdeng luha sa aking ugatang kamay. Napakapalad ko dahil
minahal ako ng isang mortal gaya ni Rosa.
“Cha-ad, magmadali! Hindi nila tayo maaaring masundan. Magugulo ang
takbo ng buhay ng magkabilang mundo,” pakiusap ni Diwatang Eigram.
Sa huling pagkakataon ay muli kong nilingon ang aming nilisang lugar.
“Paalam, Rosa. Paalam, mahal ko.”
Matapos ay mabilis naming tinahak ang daan pabalik sa lagusan. Ang
hangganan na magtatakda ng aming buhay.
Ilang sandali pa’y nasa harapan na kami ng pakay na lugar. Sa pagitan ng
mundo ng mortal at immortal mapagmamasdan ang talon ng buhay. At ang
makababalik lamang sa aming mundo ay ang nilalang na nagtataglay ng binhi ng
buhay.
Nakayuko si Diwatang Eigram habang humihikbi. Hawak-hawak ang binhi ng
buhay na natural na taglay ng kagaya niyang diwata. Kaagad siyang nilapitan ng
aking mga gabay.
Mahigpit na niyakap ni Diwatang Eigram ang aking mga gabay.
“Huwag kang mag-alala sa amin. Masaya kaming nakasama ang isang diwatang
kagaya mo. Kung paanong tinanggap namin ang aming kapalaran, nawa’y ganoon din
ang iyong pagtanggap mo nito sa iyong kalooban,” madamdaming pahayag ni Inang
gabay.
Lalong naluha ang aking kaibigan. Mula noon hanggang ngayon ay hindi
siya nawala sa aking tabi.
“Ipaalam mo sa lahat na masaya kami sa lugar na aming pinuntahan,”
dagdag ni Amang gabay.
Mabigat ang aking hakbang papalapit kay Diwatang Eigram. Ayaw ko man
siyang lumayo sa aking tabi pero hindi maaari. Hindi ito ang kapalarang
nakalaan sa diwata.
“Hindi ka maaring manatili rito, kaibigang Eigram. Baunin mo ang
magagandang alaala natin dito sa piling ng mga mortal pabalik sa ating mundo.
Huwag mo hayaang mamahay ang lungkot sa iyong puso at isipan. Nararamdaman kong
hindi ito ang huli nating pagkikita, aking kaibigan.”
Matapos ay biglang nagliwanag ang butil ng buhay na nasa palad ni
Eigram. Dumistansya ako sa kanya at paatras na lumapit sa kinaroroonan ng aking
mga gabay.
Tuluyang binalot ng liwanag si Eigram. Unti-unti naming nasilayan ang
pagbabago ng kanyang anyo. Nagniningning at ginintuan ang pakpak ni Eigram
habang nakasisilaw sa kaputian ang nakabalot sa buo nitong katawan. Hindi hamak
na mas maganda ang panibagong Eigram ngayon.
Manghang napatitig ako sa kanya habang nagpaikot-ikot ang diwata sa
himpapawid patungo sa pinto ng lagusan. Kaagad iyong nagbukas kasabay ng
pagtapak ni Eigram sa kabilang mundo.
“Prinsipe Iskay!” sigaw ni Eigram.
Sinalubong si Eigram ng yakap ni Prinsipe Iskay. Panatag ang aking
kalooban sa nasasaksihan. Napatingala ako at mariing napapikit. Kung nagkataon,
maging ang buhay pag-ibig ng aking kaibigan ay mauuwi sa wala.
“Cha-ad! Patawad kung hindi kita maibalik kasama ng iyong mga gabay!”
Nanlaki ang aking mata sa narinig buhat sa prinsipe.
“Mahal na prinsipe, maaari ko bang marinig muli ang iyong iwinika?”
“Kasama kong magbabalik ang iyong mga gabay. Dalawang butil ng buhay ang
aking alay,” tugon ng prinsipe.
Kaagad kaming napaluhod sa sinabi ni Prinsipe Iskay. Ibig sabihin ay
ipinagpalit ni Iskay ang pagiging prinsipe alang-alang sa aking mga gabay.
“Hindi kami karapat-dapat sa sakripisyo mo mahal naming prinsipe,” saad
ni Amang gabay habang nananatiling nakaluhod.
Kagaya ni Diwatang Eigram, binalot ng liwanag mula sa butil ng buhay ang
aking mga gabay. Magaan ang pakiramdam kong natatanaw silang matagumpay na
nakabalik sa aming mundo.
“Patawad aking anak. Mahal na mahal ka namin ng iyong ama,” basa ko mula
sa mata ni Inang gabay.
“Huwag kayong malulungkot sa aking pagkawala. Masaya akong lilisan kung
makikita kong tanggap n’yo ang aking kapalaran. Mananatili kayo sa aking puso.”
Ramdam na ramdam ko ang kalungkutan nila nang maiparating ang nais kong
ipahiwatig.
Tumayo ako sa gilid ng talon na tila walang hangganan sa lalim. Ang
bangin na naghihiwalay sa dalawang magkaibang mundo.
Magsasara ang lagusan bago maghatinggabi. At dito sa gilid ng bangin ay
mananatili ako hanggang sumapit ang bukang liwayway. Sa sinag ng araw,
magtatapos ang aking buhay. Magiging kaisa ako ng mga punong nasa paligid.
Nanatili pa ring nakatayo ang aking mga kasama at matamang pinapanood
ako.
Hindi ko matagalan ang nakikitang kalungkutan sa kanila. Yumuko ako
upang itago ang berdeng likido mula sa aking mga mata. Ang luha ng kabiguan at
pamamaalam.
“Cha-ad!” Napatunghay akong muli at hinanap ang pinanggalingan ng tinig.
Kaagad akong lumuhod nang maaninag si Haring Gideon at Reyna Saith na
kapwa nakatitig sa akin.
Hindi ko maintindihan ang nais ipahiwatig ng paligid sa pagdating ng
Hari. Kanina lamang ay nababalot ako ng saya dahil nakabalik ang aking gabay sa
aming mundo. Dapat na malungkot din ako dahil sa kapalarang naghihintay sa
akin. Hindi na ako kailanman makababalik sa piling ni Rosa. Dito na ako
mawawalan ng buhay at tuluyang magiging kaisa ng lupa.
“Hanggang sa muli, Cha-ad . . .” bulong ni Haring Gideon.
Kapanatagan ang hatid ng paalam niya sa akin kaya lalo akong naguluhan
sa aking mga napapansin. Wala ring bakas ng lungkot sa kanilang aura kahit
unti-unting nagsasara ang lagusan.
May patutunguhan ba ang pagmamahalang hindi tanggap ng lahat?