Tila mahika ang tinig ng aking mahal.
Kaagad nitong napawi ang lungkot na bumabalot
sa aking puso.
Bahagya akong napapikit upang dinggin muli
ang malamyos niyang tinig.
"Cha-ad!" muli nitong sigaw.
Sa pagkakataong ito, masaya ang kanyang tinig.
Nilingon ko sina Ama na pawang may ngiti sa labi
na aking ikinaluha.
Patunay ng kanilang kapatawaran at suporta
sa aking landas na tinahak.
"Tayo na, Cha-ad. Magsasara na ang lagusan,"
yaya sa akin ni Diwatang Eigram.
Sinundan ko ang munti kong kaibigan at
muling napapikit nang maramdaman ko ang hapdi
sa aking balat. Iba na ang hanging aming nasasagap.
Masakit, mahapdi. Nangangahulugang nakatawid na kami
sa mundo ng mga tao.
"Ahhh!" daing ni Ina habang yakap-yakap ni Ama.
Unti-unti silang napapaupo.
Palapit sana ako pero gaya nila ay ’di ako makagalaw.
Hanggang maramdaman kong unti-unti akong nanghihina.
Napaluhod ako habang mariing napahawak sa kwintas
na bigay ni Haring Gideon.
Kasunod ng pagbabago ng aming anyo kagaya ni Rosa.
Maging ang Diwatang si Eigram ay nagpalit ng
kaanyuan bilang isang alitaptap.
"Cha-ad, mahal ko. Kaya mo pa ba?"
Tinig na nagpaangat ng aking paningin.
Hindi ko mapigilan ang sariling maluha habang
nasasaksihan ang pag-aalala ng aking mahal na si Rosa.
Sising-sisi ako sa aking ginawa.
Hindi ito ang buhay na nararapat para sa kanya.
Sa halip na tuwa at saya ang alay ko, pighati
at kalungkutan ang sa kanya'y ipinadama ko.
"Hmmm . . ." himig ko habang tumatango.
Haplos-haplos niya ang pawisan kong mukha
habang naglalandas ang luha sa kanyang pisngi.
"Patawad, mahal ko."