EPISODE 8

Mataas na ang sikat ng araw nang ako’y magising.
Ibig sabihin ay magdamag akong nakatulog.

Masakit ang aking buong katawan kaya dahan-dahan ang ginawa kong pagbangon.
Nanlalambot man ay pinilit kong makatayo.
Napahawak ako sa aking leeg nang maalala ang mahiwagang kuwintas ng Hari.
Nakahinga ako nang maluwag nang masiguro kong bumalik ito sa dating anyo,
mula sa pagiging tanikalang ginto. Maging ako ay naging anyong mortal.

Pumikit akong muli at pinakalma ang sarili
upang masigurong totoo ang lahat ng ito.

“Mahal, gising ka na pala. Halika ka na at sabayan mo kaming kumain,”
nakangiting yaya ni Rosa.

Tila musika ang kaniyang tinig sa aking pandinig.
Pinagaan nito ang aking pakiramdam.

Walang imik akong sumunod sa kaniya palabas ng silid.
Ganoon na lamang ang aking pagkagulat nang matunghayan ko ang aking mga gabay na masayang kumakain.
Nakapagtatakang nagugustuhan na nila ang pagkain ng mga mortal.

“Cha-ad!” bati ni Eigram sa akin.

Nahinto sa pagkain ang aking mga gabay saka inilahad ang
kanilang kanang kamay at unti-unting inilapit sa aking noo.
Nagpalipat-lipat ang aking tingin sa kanila at kina Rosa.

“Mano, Cha-ad. Pagmamano ang tawag diyan bilang respeto
sa iyong mga gabay at nakakatatanda,” paliwanag ni Rosa.

Mangha akong napatitig sa kaniya nang abutin niya ang kamay ni Inang gabay.
Inilapit sa kanyang noo ang ibabaw ng palad nito at
pikit matang dinama iyon sabay sabing, “Mano po.”

Napakamot na lamang ako sa aking batok habang nangingiti.
Nakararamdam ako ng pagkasabik sa mga susunod pang dapat naming matutunan bilang mortal.

Aliw na aliw ang aking mga gabay habang ginagaya si Rosa.
Hindi rin nagtagal ay naging normal na sa amin ang lahat.
Bago mag takipsilim nagkukulong na kami sa isang silid
upang ihanda ang sarili sa pagiging engkanto.
At sa pagsikat ng araw ay nagiging kawangis muli kami ni Rosa.

Hindi rin naging mahirap sa amin na yakapin ang lugar ni Rosa.
Nasa gitna ito ng kagubatan kaya tila
walang ipinagkaiba sa aking nilisang lugar.
chen Creator