Laglag ang balikat ko habang
papalapit sa kinaroroonan ng Hari,
kasunod sina Ina at Ama.
Sa bungad pa lamang,
ramdam ko na ang
kakaibang init na
sumasakal sa akin.
"Ahhh . . ." daing ko
habang hawak-hawak
ang aking leeg.
"A-Anak . . ." luhaang sambit ni Ina.
"Batid na ng Hari ang lahat.
At isa ito sa parusang agad na
nararanasan ng sinumang sumuway sa
kanya.
Kinakailangan mong magpatuloy
at tiisin ang lahat ito."
Tumango-tango na lamang ako
kasabay ng aking pagluha.
Nasasaktan ako sa parusang ito.
Pero mas masakit ang pagluha ni Ina
habang si Ama ay blankong
nakamatyag sa akin.
Tagusan ang titig nito at
bakas ang pagkadismaya
sa aking nagawa.
Nilapitan ako ni Ama
at inakay palapit sa Hari.
Nahinto ako nang maramdaman ko
ang mariin niyang paghawak sa akin.
Nagngangalit ang panga ni Ama.
At kagaya ko,
napahawak din siya sa kanyang leeg.
Litaw ang mga litid
tanda ng paghihirap nitong
kontrolin ang sakit.
"Hmmm . . . hmmm . . ." himig ko
habang umiiling.
Bahagya kong itinutulak si Ama
upang lumayo sa akin.
Hindi siya dapat nadadamay
sa aking pagkakamali.
Pero matigas si Ama
at pinilit na makarating kaming
dalawa sa harapan ng Hari.
Ganoon na lamang ang aking
pagsisisi nang masilayan ko si Ama
na lumuluha ng itim na likido.
"A-Anak . . . tanda ito ng
suporta sa niya sa iyo.
Ano man ang mangyari hindi
ka namin iiwan ng iyong Ama,"
paliwanag ni Ina.
"Lapastangan!" sigaw ng Hari
na ikinatumba namin.
Ramdam na ramdam ko
ang kapangyarihang taglay nito.