"Oras na!" sigaw mula sa 'di kalayuan.
Nanlulumong sinalubong ko ng tingin ang
nagwika, si Ojor.
Ang aking kaibigan na kasa-kasama ko sa tuwina.
Hiyang-hiya ako sa aking naging asal.
Dahil 'di rin siya nagkulang ng gabay
at paalaala sa akin.
Hindi ko magawang titigan ang mga mata nitong
puno ng kalungkutan.
Huminto si Ojor at sumenyas sa aming bantay.
Ilang sandali pa'y nilalakbay na namin ang
lagusan palabas sa aming mundo.
Ramdam ko ang init ng mga matang nakatunghay sa amin.
Lahat ay umiiling sa aking kapangahasan.
Mahigpit na yakap ang pabaon ni Reyna Saith
kay Diwatang Eigram.
Halos ayaw naman mapalingon sa akin ang aming hari.
Batid kong labag sa kanyang kalooban ang aming kaparusahan.
Pero bilang aming pinuno,
lahat ay pantay-pantay sa kanyang paningin.
Nakalabas na ang aking mga gabay sa lagusan
nang maramdaman ko ang palad na nakalapat sa
aking kaliwang balikat.
"A-Aking Hari . . ." luhaan kong saad habang matamang
nakatitig sa kamay nito.
Tanda ng kapatawaran ang kanyang iginawad sa akin.
"Cha-ad . . ." himig ng hari.
"Nawa'y maging aral sa 'yo ang lahat ng ito.
Matutong makuntento at palaging isaisip ang kapakanan ng lahat.
Hindi ito at hindi ako ang nakatakdang magparusa
sa iyong pagkakamali."
Naiiling ang hari habang humahakbang paatras palayo sa akin.
Kunot-noo naman akong napatitig sa kanya at
pilit na inuulit sa isip ang sinabi nito.
"Hindi ako ang magbibigay ng parusa sa 'yo.
Kung hindi ang mundo na iyong pinilit pasukin.
Ang mga tao na kailanman ay hindi naniniwalang
may nilalang na gaya natin na tahimik na namumuhay
sa kanilang paligid. Magpakatatag ka . . ."
pahayag nito saka tuluyang naglaho sa aking paningin.
"Cha-ad!" Tinig na aking narinig na mabilis kong ikinalingon.
Umiiyak ito. "Rosa . . . "