Episode 10
Namumutlang nilingon ni Rosa ang pinanggagalingan ng tawag.
Mabilis siyang nag-ayos ng sarili at malungkot na tumitig sa akin.
Batid kong kapahamakan ang naghihintay sa amin sa oras na tuluyang
makita kami ng mga mortal.
Kahit mas malakas kami, hindi namin makakayang manakit ng mga taong walang kalaban-laban.
Lalo na at kami ang pangahas na naghatid ng gulo rito sa lugar ni Rosa.
Nilingon ko ang aking mga gabay. Tinanguan din nila ako tanda na handa na sila sa anumang mangyayari.
Sa muling pagtatama ng mga mata namin ni Rosa, lubos ang kanyang pagtutol.
Paulit-ulit siyang umiiling.
“Hindi! Hindi ko hahayaang mapahamak kayo!” Walang patid ang pag-iyak ni Rosa.
“Rosa! Lumabas ka kung ayaw mong kami ang pumasok sa loob!”
Sigaw mula sa labas. Hindi lang isa ang nararamdaman kong presensya ng mortal.
Marami. At malakas ang kutob kong pinalilibutan nila ang bahay ni Rosa.
Nang makalabas si Rosa, hinayaan namin ang aming kapangyarihang manaig.
Kinakailangan naming makalayo bago pa kami maabutan ng mga mortal.
Mapapahamak si Rosa kapag nagkataon.
Tinanguan ko si Diwatang Eigram bilang tanda na handa na kaming talikuran
ang mundo ng mortal at bumalik sa lagusan.
Doon namin haharapin ang kaparusahang nakalaan sa amin.
Nakahanda na kaming ibalik ang aming buhay kapalit ng kaligtasan ni Rosa.
Tanging kamatayan lamang namin ang maglalayo kay Rosa sa kapahamakan.
Walang ingay na binasbasan kami ni Diwatang Eigram.
Pigil na pigil ang aming pagkilos maging ang paghinga upang hindi kami marinig mula sa labas.
Pagod na pagod kaming lahat habang nilalabanan ang gintong tanikala ng hari.
Hindi naman kami nabigo at nagawa naming alisin ito sa aming katawan.
Kaagad kong sinilip si Rosa. Pero pinigilan ako ni Diwatang Eigram.
“Hindi maaari, Cha-ad! Siguradong hindi mo makokontrol ang iyong pagiging engkanto
kapag masaksihan mo ang paghihirap ng kalooban ni Rosa. Mas lalo tayong matutuklasan ng mga mortal.”
Patalikod na ako nang biglang sumigaw ang isang mortal.
“ENGKANTO! May engkanto sa pamamahay mo, Rosa!”
“Hindi! Hindi totoo iyan!” rinig kong pagtatanggol ni Rosa.
“Naaamoy ko, Rosa! Kailanman ay hindi nagkakamali ang albularyong gaya ko!
Nararamdaman ko ang init ng enerhiya nila mula sa iyong tahanan!”
“Rosa! Makinig ka! Huwag kang sasama sa engkanto! Hindi ka na makababalik ng buhay!”
Nagliyab ang aking mga mata sa narinig.
Umangat ang mga balahibo ko na tila ugat ng puno.
Nagkulay berde ang aking balat.
At mga daliri ko’y tuluyang naging sanga.
Mas higit ang kapangyarihang inilabas ko, kagaya ng kay Haring Gideon.
Ibig sabihin ay puno ng galit ang aking puso.
Hindi ito maaari. Mapapahamak si Rosa.