Nanlaki ang mga mata ko sa biglaang
pagbabago ng anyo ni Haring Gideon.
Ang dating luntian at kumikinang nitong balat
ay napalitan ng kulay abo na animo'y ugat ng puno.
Maging ang mala-dagat na kulay ng mga mata ay
nagmistulang putik.
Humaba pang lalo ang tainga at ulo nito.
At ang mga kamay ay tila ligaw na halamang
unti-unting pumapalibot sa akin.
"Aaahh!" daing ko nang bigla akong sakalin ni Haring Gideon.
Hindi lingid sa akin ang taglay nitong kapangyarihan.
Pero mas nakakapangilabot ang maranasan ito.
"Safina! Ikaw ang Inang gabay nito.
Ipinagkatiwala ko sa inyo ang pagbabantay sa lagusan.
Pero kayo rin pala ang unang susuway sa aking kautusan!"
bulyaw nito sa aking ina na nakaluhod sa isang tabi.
"Pa-Patawad . . . Ka-Kamahalan," nauutal na singit ng aking ama.
"Huh? Memnoch? Huwag mo sabihing batid mo rin ang kapangahasan
ng iyong anak?" Nanlilisik ang mga nitong binalingan si Ama.
Yumuko si Ama. Halos halikan na nito ang kinalululugmukan.
"Ahhh!" sigaw ni Haring Gideon. Lalong napahigpit ang
pagkakasakal niya sa akin.
"Huminahon ka, aking Hari," tinig ni Reyna Alegna.
Habol hiningang nilingon ng aming Hari ang Inang Reyna.
Nakipagtitigan na tila nag-uusap.
At makailang sandali pa'y unti-unting niluwagan ng Hari
ang pagkakasakal niya sa akin.
Napahiga ako malapit kina ama habang haplos-haplos ang aking leeg.
"May kaparusahang nakalaan sa iyo, Cha-ad!"
mariing sambit ng hari sa akin.
"Ikulong ang mga suwail!" utos nito na agad
tinalima ng kanyang alagad.
Inalalayan ko sina Ina at Ama na makatayo.
Hindi ko alintana ang sariling sakit na natanggap mula sa hari.
Wala itong halaga kumpara sa naranasan ng aking mga gabay.
Nakakulong kami ngayon at naghihintay ng kaparusahan.
Gusto kong saktan ang sarili ko, pero para saan pa.
Ang desisyon ni Amang suportahan ako ay panatang
'di kailanman nababali.
Kaya tanging pagyuko na lamang ang aking nagawa sa harapan nila.
"Cha-ad . . ." bulong sa akin ng isang nilalang.
Napangiti ako nang masilayan ko siya.
Ang kaibigan kong diwata na si Eigram.