Kahit na ako ay mabilis na naglalakad sa isang madilim na eskinita, patuloy pa rin akong hinahabol at patuloy na inaabot ng lalaking nakaitim ang baso ng espesyal na itim na alak.
"Hoy kaibigan! Tagay! Ito ang pinakamasarap na alak na maiinom mo sa buong buhay mo!", buong pagyayabang ng lalakeng nakaitim habang tumatakbo na bitbit ang alak.
Bakit napakabilis niya? At bakit ayaw niya pa rin akong tantanan? Yan ang tanong sa aking isipan. Hinihingal na ako pero patuloy pa rin akong tumatakbo palayo. Nakakatakot siya.
"Malilimutan mo ang lahat sa sobrang sarap. At magiging masaya ka pa pagkatapos hehe.", dagdag pa ng lalakeng nakaitim habang tumatakbo para habulin ako.
Tumanggi ako sapagkat alam ko na ang posibleng kalalabasan. Sinubukan kong hindi siya pansinin ngunit pinipilit pa rin niya ako na inumin ang itim na alak na hawak niya.
"Ayoko! Layuan mo ako!", pasigaw na sagot ko habang tumatakbo palayo.
"Huminto ka sa kakatakbo at pinapainit mo ang ulo ko!", sigaw ng lalaking nakaitim.
"Ayoko! Di ko kayo kilala! At baka mo ako hinahabol? Hayaan mo na ako! Layuan mo na ako pwede ba?!", sagot ko.
Tumutulo ang luha sa aking mata. Wala akong ibang nararamdaman kundi takot.
"Wag mo ako pilitin gumamit ng dahas sa iyo! Huminto ka na!", babala ng lalaking nakaitim.
Binilisan ko ang takbo. Tumingin ako sa aking likuran. Patuloy pa rin pala niya ako hinahabol. Mabilis ang kabog ng aking dibdib.
Kumaripas na rin ng takbo ang lalakeng nakaitim para mahabol niya ako. Sa sobrang bilis, agad niyang nasunggaban ang kwelyo ng aking damit. Ano ba siyang klaseng nilalang?
Tapos niya ako sunggaban, agad niya akong hinawakan sa leeg gamit ang kanyang kaliwang kamay.
Sinubukan kong tumiwalag. Parehas akong nahihingal at di makahinga. Napakahigpit ng kanyang kapit sa aking leeg. Nasasakal ako.
"Biti..wan.. mo... A...ko.", sagot ko habang nasasakal.
Alam kong may mga dahilan kung bakit ayaw ko inumin ang espesyal na alak na ito.
Para ba ito sa mga taong nakaputi? Para ba sa mga liwanag na lumalamon sa aking dilim? Dahil ba sa fear of the unknown?
O dahil sa takot na iwanan ang mga tao na posibleng pinahahalagahan pa ako at nagmamahal pa sa akin, kung meron man?
Sana nga meron pa pero di ko alam. Di ko alam kung may magliligtas pa sa akin. Teka, sino nga ba ako ulit? At ano ba ako? At nasaan ba ako?
Ngunit napakalakas talaga ng lalaking nakaitim.
"Huwag mo na akong pahirapan pa aking kaibigan. At wag mo na rin pahirapan ang sarili mo. Inumin mo na ito.", anyaya ng lalaking nakaitim.
Pilit na inuukit ng lalaking nakaitim sa isip ko na magiging masaya ako kapag ininom ko yung itim na alak.
Mawawala ang bakas ng kalungkutan sa maikling panahon. Matatapos din ang lahat ng ito nang mabilisan.
"O...o...i..numi...n ko... na.", sambit ng aking labi habang nanginginig dahil sa pagkasakal.
"Anong sabi mo?", tanong ng lalaking nakaitim.
"Please.", maikling sabi ko sapagkat di na ako makahinga.
Siya ay ngumiti. Nakakatakot na ngiti ang aking nakita.
Niluwagan niya ang paghawak sa aking leeg. Ako ay nakahinga ng malalim.
"Oh sige, akin na! Para tigilan mo na rin ako.", sagot ko habang kinuha ko ang baso sa kamay ng lalaking nakaitim.
Hinawakan ko ang baso ng espesyal na alak. Nadama ko ang konsensya.
Lubos akong nag-isip. Kung iinumin ko na ang alak, di na ako ulit kukulitin ng lalaking nakaitim.
Kung tatanggi naman akong muli, siguradong kukulitin na naman ako ng lalaking ito sapagkat alam niya na dadaan akong muli sa eskinita na ito.
Maaring sa kinabukasan o hindi. Maaring sa susunod na araw o pwede rin hindi. Di ko alam. Di ako sigurado. Pero sigurado sa hinaharap, alam niya at alam ko na dadaan na naman akong muli at mangyayari ulit ito.
Tinitigan ko ang baso. Patuloy na umiikot ang alak sa baso.
"Ano ba ito? At ano ba kayo?", tanong ko.
"Isang mabilisang gamot sa iyong mga pasakit. Di na makakaramdam ng hirap ang iyong puso. Di na mababasag ang iyong isipan. Hindi na masasaktan ang iyong damdamin. Di ka na muling luluha pa. At makakalimutan mo ang lahat. Ang takot, kalungkutan, lahat. Isa itong mabilisang pag-alis sa mundong hindi naging mabuti sa iyo.", sagot ng lalaking nakaitim.
Tinitigan ko muli ang baso.
"Ano pang hinihintay mo? Inumin mo na at para makauwi ka na. Maraming naghihintay sayo.", sagot ng lalakeng nakaitim.
"Parang meron naman talaga.", sagot ko.
Meron nga ba talaga? Paano kung meron nga? Iiwanan ko sila ng wala man lang pasintabi? At saka, nasan ba sila?
"Inom... Inom... Lagukin mo lahat...", bulong ng lalaking nakaitim.
Upang matapos na ang pangungulit ng lalaking nakaitim, nilagok ko na ang alak. Sa isang iglap, nakadama ako ng hilo.
Pero ano ito?
Anong pakiramdam ito?
Anong klaseng saya ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko na nadarama ang lungkot at takot.
Parang dahan-dahan siyang nawawala tulad ng pagkawala ng aking sarili.
Bigla akong bumagsak sa sahig. Nakatingin na lang ako sa langit. Lumilipad ang mga ibon. Napakalamig ng hangin na dumadampi sa aking katawan. Nanlalamig na rin ang aking puso at pati aking katawan.
"Paalam na. Sana maging ligtas ka sa iyong paglalakbay.", bulong ng lalaking nakaitim.
Dahan-dahan siyang naglakad tungo sa kadiliman. Bigla na lang siya naglaho tulad ng paglaho ng aking mga pangarap.
"At isa pa, sa susunod ikaw na ang bida."
Anong ibig sabihin nun? At ano ba ang ginagawa ko dito?
Tumutulo ang aking luha. Dahan-dahan itong dumadaloy sa aking mukha tulad ng isang ilog. Napakalamig. Napakadilim. Nakakapanghina. Nakakatakot.
Napakaraming tanong ang nasa isip ko na dahan- dahan nawawala. Pero kahit ganun, may isang bagay na lang ang tumatakbo sa aking isip.
Sana mapatawad ako ng nagmamahal sa akin, kung mayroon man.
Ganito lang pala magtatapos ang aking napakaikling istorya? Sana magising pa ako kinabukasan.
At dahan-dahan kong ipinikit ang aking mata.
.
.
Dinilat ko ang aking mga mata at nandito ako sa di pamilyar na lugar. Nasaan na ba ako? Tila nasa isa akong abandonadong parke na may maraming nakaputing tao. Parang may papalapit sa akin.